Chapter 2 : Strawberry Ice cream
Napatingala si Trinity sa langit nang biglang takpan ng malaking ulap ang araw. Mukhang nagbabadyang umulan. Kakatapos lang nito mag-enroll sa Nevaeh Academy, kasama ng ina niya. Pauwi na sila ngayon habang nakasakay sa tricycle.
"Hindi ba't close mo ang Tiffany na nakasalubong natin kanina sa Nevaeh Academy? Dati ko na siyang nakikita sa bahay. Ngunit, bakit hindi ka manlang ata niya nginitian o pinansin?" untag sa kanya ng ina niya habang nanalamin sa loob ng tricycle. Inaayos nito ang kilay na may lumagpas na eyeliner.
"Hindi ko nga rin po alam eh. Nagtataka nga rin po ako kung bakit hindi siya biglang namansin kanina. Baka, wala lang sa mood," walang ganang sagot ni Trinity. Magang-maga ang mata nito dahil sa sobrang pag-iiyak kanina. Ngayon lang siya natigil nang magpunta sila sa Nevaeh Academy.
Biglang dumagundong ang malakas na kulog. Sinundan ito ng malakas na pag-buhos ng ulan. Mabuti na lang at nakasakay na sila sa tricycle. Wala pa man din silang dalang payong dahil napakaganda ng panahon nang umalis sila kanina sa bahay nila.
"Anubayan! Hindi pa tayo pinauwi muna, bago tuluyang umulan," inis na sabi ng ina niya. Basang-basa na agad sila sa loob ng tricycle. Sinasabayan pa kasi ng malakas na hangin ang ulan na animoy tila galit na galit.
"Pasensya na po kayo, wala po akong dalang tarapal. Ang ganda-ganda ng panahon kanina. Hindi ko po alam na uulan pala ngayon," paumanhing sabi ng tricycle driver sa kanila.
"Ayos lang ho, Manong driver. 'Yan din naman ang akala ko, kaya wala rin kaming dalang payong," sagot ni Tessa.
Tulala si Trinity at tila walang pakelam kahit basang-basa na siya ng ulan. Nakatingin ito sa labas habang pinapanuod ang malakas na pagbuhos ng ulan. Biglang pumasok sa isip niya ang alaala nila ni Cedrick noong pareho silang naligo sa ulan. Elementary pa lang sila noon, pauwi na sila galing sa school at napag-pasiyahan nilang maglakad na lang dahil ilalaan nila sa pagkain ng ice cream ang dapat na pamasahe nila sa tricycle. Masayang silang naglakad no'n at gawain na nila 'to tuwing sasapit ang biyernes. Dumadaan sila sa isang sikat na bilihan ng ice cream. Parehong strawberry flavor ang binibili nila. Favorite nila ‘yon. Kabibili lang nila no'n ng ice cream nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Kapwa silang tumawa dahil biglang napabilis ang kain nila ng ice cream. Kahit alam nilang kapwa silang mapapalo ng kani-kanilang magulang ay tinuloy na nila ang pag-ligo sa ulan. Naghahabulan pa sila sa kalsada na akala mo'y nasa dagat ito parehas.
Napangiti siya saglit sa alaalang 'yon, pero pagkatapos nun ay naluha na naman siya ulit. Basang-basa sa ulan ang mukha niya kaya hindi pansin ni Tessa na umiiyak na naman ang anak niya. Huminto na ang tricycle. Nasa tapat na sila ng bahay nila.
"Oh, tara na," aya ng ina niya na tila pinapauna siyang bumaba dahil si Trinity ang nasa bungad.
Nagpunas siya ng luha kasama ng mga tubig sa mukha niya. "Mauna na po kayo, Ma. Pupunta po ako ngayon kila Cedrick,"paalam niya. Saglit siyang tinitigan ng ina niya. Mayamaya ay bigla niya itong niyakap. "Makakayanan mo din ang lahat, anak. Laban lang," sabi pa nito at pagkatapos siyang yakapin ay bumaba na ito sa tricycle.
"Saan po tayo?" tanong sa kanya ng tricycle driver.
"Sa malapit po na convenience store," tugon niya. Pag-andar ng tricycle ay biglang nag-ring ang cellphone niya. Pag kita niya sa phone ay nabasa niya ang pangalan ni Doti. Sinagot niya ito.
"H-hello?" bungad niyang sabi sa kabilang linya.
"Garalgal ang boses mo. Kanina ka pa siguro umiiyak. Tahan na. Tama na. Hindi magugustuhan ni Cedrick ng ganyan ka. Laban lang, Trinity. Makakaya mo din ang lahat." Naluha na naman tuloy siya. 'Yun pa naman ang ayaw niya. Ang kino-comport siya. Mas lalo lang siyang naiiyak.
Lalong lumakas ang ulan. Tila pati ang panahon ay dinadamayan siya sa kalungkutan na nadarama niya.
"Magiging okay din ako. Pero, 'di pa sa ngayon. Teka, bakit ka ba napatawag?" Nagpunas siya ng luha dahil natanaw niyang malapit na sila sa convenience store. "
"Pupunta kasi ako kina Cedrick. Gusto mo bang sumabay sa akin?" alok niya. Huminto na ang tricycle sa tapat ng convenience store. Inabot na niya ang bayad sa tricycle driver at saka siya bumaba roon.
"On the way na nga ako. May dadaanan lang ako saglit," sagot niya.
"Gano'n ba? Sige, magkita na lang tayo doon," sagot nito at saka pinatay ang linya.
Pumasok siya sa loob ng convenience store. Ice cream agad ang hinanap niya. Bumili siya ng isang malaking ice cream na naka-tupperware. Strawberry flavor ang pinili niya dahil ito ang paborito nilang dalawa. Pagkabayad niya sa counter ay agad na rin siyang lumabas doon. Sinalubong siya ng malakas ng hangin. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan. Galit na galit ito na akala mo'y may malakas ng bagyo. Dahil do'n ay wala na tuloy dumadaan ng tricycle, kaya problema niya ngayon ang masasakyan patungo sa bahay nila Cedrick.
Nagdaan pa ang ilang minuto, pero wala na talagang dumadaan na mga tricycle, kaya naman napagpasiyahan na niyang maglakad na lang, tutal ay malapit naman na rin doon ang bahay nila Cedrick. Sinuong niya ang malakas na ulan.
Kasalukuyan pa lang siyang naglalakad, pero basang-basa na agad siya dahil lalo pang lumalakas ang ulan. Agad siyang nanlamig dahil palakas na rin nang palakas ang hangin. Napayakap na lang siya sa kanyang sarili para kahit pa paano ay mawala ang panlalamig.
Nang malapit na siya sa bahay nila Cedrick ay natanaw na niya ang isang malaking tent sa tapat ng bahay nito. Isang sasakyan ang biglang huminto. Bumukas ang bintana nito at nakita niya roon si Doti na gulat na gulat sa kanya.
"O.M.G!" bungad nito sa kanya habang tinitignan siya mula ulo hanggang paa. Hindi siya pinansin nito dahil lamig na lamig na siya. Nanginginig na rin ang mga tuhod nito. Ang gusto na niya ay makasilong na sa tent na naroon sa tapat ng bahay nila Cedrick, dahil anumang oras ay parang mabubuwal na siya.
Bumaba sa sasakyan si Doti at agad niyang hinabol ang kaibigan niya. May dala siyang jacket. Pinayungan niya ito at agad na pinasuot ang jacket niya. "Naluluka ka na ba?! Magkakasakit ka niyan sa gingawa mo!" sigaw ni Doti sa kanya.
"W-walang dumadaan na tricycle sa pinanggalingan ko kaya naglakad na lang ako," nanginginig niyang sagot kaya biglang naawa si Doti sa kanya. Kitang-kita niya kung gaano ito kalungkot ngayon. Tila wala sa sarili si Trinity.
"Umayos ka nga, Trinity. Tignan mo nga ang itsura mo. Pupunta ka talaga kina Cedrick nang ganyan ang itsura mo?" Inayos niya ang gulo-gulong buhok ng kaibigan niya. Dinukot niya rin ang panyo sa bulsa niya at saka niya pinunasan ang basang-basang mukha ni Trinity.
Biglang napatingin si Trinity sa tarpaulin na nakapaskil sa kubol. Nakita niya ang litrato ni Cedrick doon. "Wala na ba talaga siya?" aniya at muli na namang umiyak.
"Tama na. Kanina ka pa umiiyak, Trinity!" saway ni Doti sa kanya. Pati tuloy siya ay nahahawa na sa kanya. Nagyakapan sila sa gitna ng kalsada.
"Hindi ko ata siya kayang tignan sa kabaong niya." Manhid na ang kamay niya sa bigat ng ice cream kaya kusa na niya itong nabitawan. Sumabog sa kalsada ang strawberry ice cream na dapat ay ibibigay niya kay Cedrick.
"Iuuwi na lang kita. Saka ka na pumunta rito 'pag maayos ka na." Inakay na siya ni Doti pabalik sa sasakyan nito. Pasakay na sila sa sasakyan ni Doti nang biglang may humatak sa buhok ni Trinity.
"Ano bang problema mo, Tifanny!" sigaw ni Doti. Inawat niya agad ‘to. Nanghihina na si Trinity kaya nabuwal ito sa pagkakasabunot ni Tiffany.
"Ang kapal ng mukha mong pumunta rito. Matagal na kayong tapos ni Cedrick kaya wala ka ng papel dito!" galit nitong sabi habang nanlilisik ang mata kay Trinity.
Nagulat sila dahil sa bagong Tiffany na humarap sa kanila. Dati naman nila itong ka-close, pero nang mamatay si Cedrick ay tila nagbago na ang ugali nito.
"Ano bang kasalanan ko sa 'yo at bigla ka nalang nagalit sa 'kin?" tanong ni Trinity. Inalalayan siyang tumayo ni Doti. Napuno tuloy ng putik ang puting palda na suot nito.
"Malaki. Ikaw lang naman ang dahilan kung bakit namatay si Cedrick!" galit niyang sabi at sinampal pa niya si Trinity.
"Hoy, Tiffany! Sumusobra ka na!" galit na sabi ni Doti at saka niya itinulak si Tiffany. Nabuwal sa kalsada si Tiffany. Tutulungan sana siya ni Trinity na tumayo pero tinabig lang nito ang kamay niya. "Hoy! Walang kasalanan ang kaibigan ko. Bakit siya ang sinisisi mo? Siya ba ang halimaw na pumatay sa kanya? Nababaliw ka na ata eh," natatawa pang sabi ni Doti habang pinapayungan si Trinity.
Inirapan siya nito. "Huwag ka ngang feeling malinis, Doti. Baka gusto mong ikalat ko ang baho mo! Akala mo kung sinong mabait 'to. My gosh! Ngayon lang ako nakakita ng nerd na ahas!"galit nitong sabi kaya nanlaki ang mata ni Doti.
"Shut up! Huwag kang gumawa ng kwento," depensya niya agad at saka niya tinignan si Trinity. Kinabahan siya. Akala niya ay ibubulgar na nito ang kasalanan niyang nagawa kay Trinity.
Ngumisi si Tiffany. "Hindi sa lahat ng oras ay totoo ang palaging nasa tabi mo. Mag-iingat ka, Trinity. Makamandag 'yang kaibigan mo," sabi pa nito kaya sinapak na siya ni Doti sa mukha. Muli na naman itong nabuwal sa kalsada. Nakita ni Trinity na dumugo ang labi ni Tiffany kaya inawat na niya ang dalawa.
"Tama na, please," saway niya. Nilapitan niya si Tiffany para alalayang tumayo, ngunit muli na naman nitong tinabig ang kamay niya.
"Don't touch me!" tumayo siya sa sarili niyang paa at saka pinunasan ang dugo sa gilid ng labi niya. "Tandaan mo 'to, Trinity. Hindi ka welcome rito. Hinding-hindi mo makikita si Cedrick," huling niya sabi at saka niya tinalikuran ang dalawang magkaibigan.
Nakita ni Doti na iika-ika 'tong maglakad kaya natawa siya ng kaunti. Hahabulin pa sana siya ni Trinity, pero pinigilan na siya ni Doti. "Tara na. Sa ibang araw na lang tayo dumalaw sa rito," aya niya at tuluyan na siyang inakay nito papasok sa sasakyan niya.
Habang papaalis na sila ay titig na titig si Trinity sa larawan ni Cedrick sa tarpaulin.
Mahal na mahal kita, Cedrick. Patawarin mo ako sa mga maling naging desisyon ko. Hintayin mo ako, susunod na rin naman ako sa 'yo.