“You’re good but...”
Nahigit ko ang hininga ko nang bitinin ng babaeng judge ‘yung sinasabi niya. Nilingon niya si Jacob kaya napatingin din ako sa kanya. Ayan na naman ‘yung pamatay na tingin niya sa akin. Bumuntong-hininga ‘yung babae at muling tumingin sa amin.
“Jacob here wanted to make sure that you can sing other music genre. Kapag pumasa ‘yung kakantahin n'yo ay kayo na ang magiging official representative ng SCU at isasali namin sa battle of the bands against other Baguio universities two months from now. What do you say?”
Naghiyawan ang audience ng words of encouragement.
“Ahm, sige po. Usap lang kami saglit ng grupo.” Ngumiti ako sa babae at pumunta sa mga kasama ko.
“Shete, ang hirap namang i-please ng bf mong tsekwa, Gwen,” naiinis na reklamo ni Divine.
“Boyfriend?! Syota mo iyang si Tan?!” mariing tanong ni Zaido nang marinig nito ang sinabi ni Divine.
“Tss. Bf niya sa pangarap niya, ‘nu ka ba?” iling ni Emily.
“China-challenge lang tayo ng taong ‘yan. ‘Wag kayong paapekto,” relaxed namang sabi ni Carl.
“Gwen?” tawag ni Meah sa pansin ko.
Nakatingin na silang lahat sa akin. “Anong kakantahin mo?”
“’Yung paborito ni Carl."
Napangiti silang lahat nang marinig ang sagot ko. Bumalik na kami sa puwesto namin. Naglagay din si Carl ng mikropono sa harap niya. Muling nagsigawan ang mga tao dahil lahat ay sabik sa kung anumang tutugtugin namin. Tumingin ako sa hurado. Lahat sila ay nakangiti maliban kay Jacob na busy sa pagkutingting sa cellphone niya.
“Ready na po kami,” ngiti ko sa kanila.
Sinenyasan ko si Carl na mag-umpisa na. Nakabibingi ang hiyawan ng audience nang mag-umpisa na siya sa pagtugtog ng gitara. Hinanda ko ang sarili ko. Rakrakan na ‘to.
And I’d give up forever to touch you
‘Coz I know that I feel you somehow
Tumingin ako ay Carl habang nag-i-strum sa gitara. Siya naman ang kakanta. Isa ang boses niya sa pinakamagandang kumanta sa mga kakilala ko. May mga babaeng nagtilian mula sa audience. Guwapo rin kasi ang mokong.
And you can’t fight the tears that ain’t coming
Sinabayan ko na siya nang matapos niya ang parte niya.
And I don’t want the world to see me
Nakakabingi na ang hiyawan ng mga tao. Ang iba pa nga ay napapa-headbang sabay sa pagtugtog namin sa instrumental part ng kanta. Buhay na buhay ang dugo namin sa pagtugtog hanggang sa matapos namin ang piyesa.
Lahat ng nasa Gym ay nagpapalakpakan at nakangiti maliban sa isa. ‘Di ko na in-expect pa na gagawin niya ‘yun dahil malayo ‘yun sa personality niya. Nakita kong tinanong siya ng mga katabi niya. Matagal bago siya tumango. Nagtalunan ang mga kasama ko sa saya nang makita ang ginawa ni Jacob pero hindi ako makasabay sa kanila. Kitang-kita ko kasi nang bigla siyang tumayo at umalis palabas ng Gym. At dahil doon, hindi lubos ang kasiyahan ko.
.....
Nagtatatakbo na ako papunta sa kabilang Gym. Super late na ako para sa try-outs. Pagkatapos nga kaming i-congratulate ng mga hurado ay nagmamadali na akong lumabas at iniwan ang mga kagrupo ko. Hindi ko na pinansin ang mga bumabating estudyante sa akin.
Hingal na hingal akong pumasok sa gym. Lahat halos ng naroroon ay napatingin sa akin.
“Antonio, late na late na late ka na! Hay naku! Kundi lang kay Carl... Hay, letse!” salubong sa akin ng team captain.
“At bakit naka-jacket at palda ka pa? Basketball ito ineng at hindi kung anumang club!” talak niya sa akin habang sinasabayan ako papunta sa bleacher ng mga estudyanteng tapos na sa try-outs.
Kinapalan ko na ang mukha ko at pumunta sa gilid para hubarin ang jacket at palda ko. Nakataas naman ang kilay ng members ng basketball team na sinusundan ang bawat kilos ko. Gusto kong manliit. Literally. Sa tangkad kong 5’5 feeling ko ay unano ako sa mga height nila. Inayos ko ang basketball jersey ko habang naglalakad papunta sa court. Buti na lang at nakatirintas ang buhok ko kaya 'di ko na ito pinagkaabalahang ayusin pa. Iginala ko ang tingin ko sa kabuan ng gym. Maraming nanunuod ng try-outs at karamihan ay kalalakihan. Nakita ko rin sa gilid ng court ang men’s basketball team.
“Oh!”
Biglang ibinato ng isang player ‘yung bola papunta sa akin kahit ‘di pa ako handa. Buti na lang mabilis ang reflexes ko at nasalo ko ang bola bago pa ito tumama sa mukha ko. Idrinibol ko ang bola at ishinoot. Pasok ito. Clean shot. May narinig akong palakpakan ngunit ‘di ko na ito nilingon. May sumigaw mula sa isang kumpol ng kababaihan.
“Hoo! Tsamba!” At nagtawanan sila ng mga kasamahan niya. Hindi naman ako nagpaapekto.
Muling ipinasa sa akin ang bola. Nagdribol ulit ako at ishinoot. Another clean shoot. Ni hindi gumalaw ang net. May mga nagpalakpakan na naman at this time ay may kasama ng mga sigawan.
“Woow!”
“Galing!”
“Superb! Player na ‘yan!” may sumigaw mula sa men’s team.
Nginisihan ako ng team captain ng women’s team at may ibinulong sa mga kasama. Lumapit ang dalawa sa pinakamatatangkad na members ng team sa akin. Isa sa kanila ang may hawak ng bola. Alam ko na ang gusto nilang mangyari. Ipinasa sa akin ang bola na may kalakasang puwersa. Ibinalik ko ang bola sa kanya nang mas malakas kesa sa pasa niya. Tinaasan niya ako ng kilay dahil sa pagganti na ginawa ko. Tumahimik na sa loob ng gym. Nasa amin na ang buong atensyon ng lahat. Muli niyang ipinasa sa akin ang bola at idrinibol ko na ito.
Gwinardyahan nila akong dalawa. Binabalya ako ng isa habang pilit na ninanakaw ng isa ang bolang mahigpit kong hawak. Lumiko ako sa kanan. Nang sundan nila ako ay mabilis akong pumihit sa kabilang direksyon at tumakbo nang mabilis habang idrinidribol ang bola. Suwerte naman na pareho silang mabagal kaya ini-lay up ko ito sa ring. Malakas na sigawan ang narinig sa buong gym dahil sa ginawa ko. Sinalubong ako ng high five ng dalawang nakalaban ko.
“Make a three point shot and you’re in,” ngiting-ngiti sa akin ‘yung isa habang sinasabi 'yun.
“Sure,” I said with confidence.
Three points? Sus, mani lang ‘yun sa akin. Three years old pa lang ako ay nagba-basketball na ako. Parte na ng katawan ko ang bola ng basketball. Naglakad ako patungo sa puwesto kung saan pwede akong mag-three point shot. Idrinibol ko ang bola. Saglit akong pumikit para i-imagine ang mukha ni Jacob. Napangiti ako dahil maging sa imagination ko ay hindi siya nakangiti. Dalawang dribol pa ang ginawa ko pagkatapos ay iniangat ko na ang bola para i-shoot. At sabay sa pagbato ko ng bola ay napatingin ako sa lalaking nasa itaas ng bleacher na katapat ko.
Shete si Jacob!