Dakong alas-sais na ng gabi nang matapos ang selebrasyon. Kaya't pagod na pagod si Vanessa. Nasa stock room siya ngayon sa nasabing villa at hinihintay ang kanyang mga kasama. Hindi niya inaasahan na darating pa ang ibang kasusyo ni Mister Tingga at Madam V. Halos lahat yata ng negosyante ay inimbitahan ng magkapatid. Maghapon silang nag-served sa mga bisita at maghapon din silang nakatayo. Masakit na masakit na ang mga paa n’ya, lalo pa't nakatakong siya kanina.
Mga kalahating oras na paghihintay ay dumating na rin ang mga kasamahan.
“Ang tagal n’yo naman! malapit na akong makatulog kahihintay rito,” reklamo niya sa mga ito. Para itong mga lantang gulay na naupo sa gilid.
“Pinatawag kasi kami ulit ni Mister Tingga. Binigyan kami ng tip at heto ang sa iyo.”
Mabilis niyang nasalo ang ibinato ni Agot na malaking sobre na kulay brown. Agad niya iyong sinipat at napangiti nang makita ang malaking halaga. Worth it din pala ang pagod nila.
“Ang sabi ni Sir, kasama na raw sa perang iyan ang kay Madam V,” wika nito.
“Meron din ba kayo?”
“Oo, pero hindi kasing laki nang sa ’yo. Naiintindihan naman namin, kaya ok lang. Sinabi na sa amin ni Mister Tingga na simula bukas ay kay Madam V. ka na magta-trabaho.” Nahihimigan niya ang lungkot sa boses ni Agot, habang nagsasalita ito.
“Huwag na kayong malungkot. Magkikita pa naman tayo.”
“Kung sa bagay. Alam naman namin ang tinitirhan mo. Anytime puwede ka namin doon lusubin,” natatawang biro naman ni Lena.
“Uwi na tayo. Dadaan pa kasi ako ng grocery,” sabat ni Agot.
“Mauna na kayo. Tapusin ko munang ayusin ang mga `to,” tukoy niya sa mga walang lamang cartoon na nagkalat.
“Pasensiya na, ha, hindi ka na namin matutulungan. Pagod na din kasi kami,” mahinang sabi ni Lena.
“Ok lang. Sige, mauna na kayo,” pagtataboy niya sa mga ito.
Nang wala na ang mga kaibigan ay inabala na ni Vanessa ang sarili sa pag-aayos. Marami-rami rin kasing aayusin doon dahil lahat ng kalat sa loob ng villa kanina ay doon nila itinapon, para sana isang tapunan na lang.
“You wanna ride with me?”
Sandaling napatigil sa paglilinis si Vanessa nang marinig ang tanong na iyon na nagmumula sa kanyang likuran. Pagbaling niya ng tingin sa may pintuan ay naroroon na ang kanyang guwapong neighbor. Nakasandal ito sa pader habang pinagmamasdan siya sa ginagawa.
“Ano’ng ginagawa mo rito?”
Nakaramdam siya ng kakaiba sa sarili nang masilayan ang guwapong mukha nito.
“Finding you!”
“Bakit? May kailangan ka ba?” pagtataray niya, upang maibsan ang kabang nadarama. Inabala niya muli ang sarili sa paglilinis para makaiwas sa binata.
“Is that your way, how to thank me?”
Tumigil muna siya sa ginagawa at hinarap ito. Ngunit ang gusto niya sanang sabihin sa binata ay hindi na magawang maisatinig. Dahil sinalubong ng mapupungay nitong mga mata ang mga titig niya.
“Say it!” paghahamon ng binata na mas lalo pang pinalamlam ang mga mata.
Namumulang binawi ni Vanessa ang tingin dito at ipinagpatuloy ang ginagawa.
“Let me help you,” pagmamagandang loob nito na nakipulot na rin ng mga basura.
Gusto man itong pigilan ni Vanessa ay hindi niya magawa. Natatakot siyang humarap ulit dito, baka mas lalo pa siyang mahulog sa mga titig nito.
“Oh, come on, Vanie! ’di ba iyan ang gusto mo? Ang mapalapit sa kanya?” bulong ng kanyang isipan.
“Baka naman matunaw na ako n’yan?”
Mabilis nitong kinuha sa mga kamay niya ang malaking garbage bag upang ilagay roon ang mga nakuha nitong basura. Sa ginawang iyon ng binata ay mas lalo pa siyang napahanga. Maliit na bagay lamang iyon kung iisipin, but the words of gentleman, pasok ito sa listahan. Pero hindi pa rin maiwawala sa kanya ang isiping karelasyon nito ang sikat na negosyanteng si Madam V. Hindi niya lubos maisip kung bakit nito pinatulan ang ginang sa kabila ng itsura nito. Kung pera lang ba ang habol nito sa matanda?
“Mauuna na ako sa labas,” paalam nito sa kanya. Tumango lamang si Vanessa tanda ng pagsang-ayon at nagpatuloy na sa ginagawa.
Pasado alas-siete na ng gabi nang makalabas siya ng villa. Nagulat pa siya nang mapagtantong wala na pa lang mga tao roon. Tanging siya na lang ang naiwan sa loob.
“Miss beautiful! may naghihintay sa ’yo doon sa labas,” wika ng guwardiya sa kanya.
“Sino po?”
“Hindi ko kilala, eh. Pero nang tanungin ko ikaw raw ang hinihintay niya,” sagot naman nito.
Mabilis siyang naglakad palabas ng villa at hinanap ang taong tinutukoy ng guwardiya. Sa ’di kalayuan ay may natanaw siyang nakaistambay na motor na kulay itim. Sinipat-sipat niya iyon dahil hindi niya maaninag ang itsura ng lalaki, medyo madilim kasi ang parteng kinaroroonan nito. Tumahip ang dibdib niya nang muling maalala ang mga kidnapers. Kaya naman napabalik siya sa loob ng wala sa oras. Ngunit ilang segundo lang ang lumipas ay may motorsiklo nang huminto sa harap ng villa. Nakaramdam siya ng saya nang makitang sakay n’yon ang kanyang neighbor.
“Ano pa ba ang ginagawa mo r’yan? Sakay na!” wika nito sa kanya na natutulala sa gilid. Nagkamali pala siya ng hinala kanina. Ito pala ’yong nakaistambay sa unahan.
“H-huwag na. Magco-commute na lang ako,” sabi niya rito.
“Gusto mo bang matangay ulit ng mga masasamang loob?” pananakot nito sa kanya na naging effective naman. “Iisa lang naman ang uuwian nating lugar kaya't sumabay ka na lang sa akin. Marami pa namang lasing doon sa kanto.
Dahil sa sinabing iyon ni Miguel ay napilitang umangkas si Vanessa sa motor nito. May punto rin naman kasi ito. Ayaw na niyang maulit pa ang nangyari sa kanya. Baka sa susunod hindi na siya makaligtas pa sa kapahamakan.
“Hold me tight!” utos ni Miguel sa kanya. Yumakap siya rito ng mahigpit at pumikit na lang.
Napangiti naman si Miguel nang maramdaman ang malambot na katawan ng dalaga. Hindi maiiwasang uminit ang buong katawan niya sa higpit ng yakap nito. Halatang takot na takot mahulog sa bilis ng kanyang pagmamaneho. Sa ilang minutong pagbyahe nila ay nakatulog na ang dalaga. Kaya huminto muna siya sa pagmamaneho at itinali ang dalawang kamay ng dalaga ng sinturon habang nakayakap pa rin ito sa kanya. Baka kasi mahulog ito sa kinauupuan. Wala sa plano niya ang mga ganitong bagay dahil naka focus pa siya sa ibang gawain. Pero sadyang mapaglaro ang panahon. Kung kailan hindi pa siya ready sa mga ganitong sitwasyon, siya rin namang pagdating ng pagkakataon.
Nang masiguro na ang kaligtasan nito ay agad naman siyang nagpatuloy. Mukhang nilamon talaga ito ng pagod, dahil hindi man lang magising-gising. Hanggang sa marating na nila ang inuupahang apartment. Naabutan niyang nasa labas ang kanilang land lady at mukhang hinihintay sila.
“Bakit po, Miss Joy?” agad na tanong ni Miguel dito.
“Kanina kasi may naghahanap kay Vanessa. Dalawang lalaki na may parehong tattoo sa braso,” balita nito sa kanya.
“Ano po ang mga itsura?”
“Hindi ko masiyadong nakita, dahil medyo madilim. Naka helmet din kasi sila kaya hindi ko namukhaan.”
Hindi na umimik si Miguel, dahil nahuhulaan na niya kung sino ang mga iyon.
“Sarado n’yo pong mabuti ang gate at huwag din po kayo basta-bastang magpapasok, baka kasi magnanakaw ang mga iyon,” bilin niya sa ginang.
Binuhat na niya si Vanessa at inakyat sa kuwarto nito. Mabuti na lang ay may duplicate ang land lady sa kuwarto ni Vanessa kaya't nakapasok siya sa loob. Wala pa rin itong malay at kasalukuyan nang naghihilik. Maingat niya itong inihiga sa malambot na higaan at kinumutan. Ilang segundo niya muna itong pinagmasdan bago tuluyang iwan.
Dahil hindi pa naman masiyadong malalim ang gabi ay nag ikot-ikot muna siya sa kapaligiran upang makasiguradong lahat ay nakasarado at walang taong makakapasok. Since na sila lang naman dalawa ng dalaga ang nangungupahan ngayon doon ay madali lang sa kanya ang magmatyag. Konting ingay lang at kaluskos ay maririnig niya kaagad. Pasimple niyang sinulyapan ang maliit na camerang inilagay sa pinakadulo ng hallway. Hindi ito mapapansin nang kahit sinong papasok doon dahil hindi naman iyon halata, at medyo natatabunan din iyon ng malaking halaman na naroroon. Sa uri ng kanyang trabaho ay hiniling niya muna sa may-ari ng apartment na kakilala rin naman niya na kung maaari ay exclusive lang muna sa kanila ng dalaga ang apartment iyon. Hindi niya ito puwedeng palayasin dahil mas nauna pa itong tumira doon. Nang masigurong ligtas ang lugar ay kampante na siyang bumalik sa kanyang kuwarto.
Mula sa sekretong taguan ay inilabas niya ang mga gadgets na gamit niya sa pagta-trabaho. Kinuha ang laptop at nagsimulang mag-usisa roon. Hinanap niya ang camera na nakakonekta sa opisina. Kita niya ang galaw ng lahat ng mga tauhan sa opisina. Everything is going good.
Nagagampanan naman ng mga tauhan niya ang mga trabaho, busy ang mga ito sa kanya-kanyang task kahit dis-oras na ng gabi. Mula sa staff ay dumako naman siya sa pinaka main office nang Eagle's Empire, kung saan naroroon ang mga barako niyang tauhan. It's Theo, Bryan, Anthony, Joshua, and Clyde at mukhang nag-aasaran na naman ang mga ito. Kitang-kita niya mula sa screen kung papaano bumuka ang mga bibig ng mga ito sa kakatawa. Hinagilap niya ang cellphone at nag dial. Agad naman iyong sinagot ni Theo nang makita kung sino ang tumatawag.
“Hey, guys! Mukhang nagkakasiyahan tayo riyan, ah?” wika niya nang sagutin iyon ni Theo.
“Yeah! Actually, kakarating pa namin from mission. And we decided to drink a beer, pampatulog lang,” sagot nito.
Nakita ni Miguel ang pagyukod ni Theo upang abutin ang isang boteng beer na nasa sahig. Humarap ito sa CCTV at itinaas ang hawak nitong bote. Alam ng mga ito na nanunuod siya roon.
“hmmm. . . mukhang may dala kayong magandang balita, ah. what is it?”
“Yes! Kaya pumunta ka muna rito bukas at may sasabihin kami sa ’yo.”
“I'm not sure sa time nang pagpunta ko riyan. Pero sasaglit ako.”
Matapos ang ilang minutong pag-uusap sa phone ay nagpaalam na sa kanya ang mga ito na uuwi. It was ten o clock in the evening kaya pinayagan na niya. Overtime na rin kasi iyon. Mga ilang sandali lang ay nagpasya na rin siyang matulog, but before his going to bed, sinilip niya muna sa butas ang dalaga na nasa kabilang kuwarto. Wala na itong kumot sa katawan at nakabukaka na rin ito. Mahimbing na mahimbing pa rin ang tulog. Mabuti na lang ay naka-pantalon ito kun`di makikita niya na naman ang singit nito.
Kinaumagahan ay nagtaka pa si Vanessa kung paano siya nakarating sa silid. Para siyang nauntog ng malakas dahil sandaling nawalan siya ng memorya. Hanggang sa maisip niya ang guwapong neighbor. Baka ito ’yong nagdala sa kanya sa kuwarto. Hindi man lang siya nito ginising. Naghihikab siyang bumangon ng higaan. Alas-singko na iyon ng umaga at unang araw niya kay Madam V. Agad siyang nagluto ng almusal habang iniisip pa rin ang mga nangyari kagabi. Unti-unti na niyang naaalala ang lahat. Mukhang kailangan niya pang magpasalamat mamaya sa binata dahil sa ginawa nito. May kilig siyang naramdaman nang maalala ang pagdampi ng kanyang dibdib sa likuran nito. Pakiramdam niya ay isa iyong unan na kay sarap yakapin, kaya nga nakatulog siya at nagising na lang na nasa silid. Gusto niya itong silipin sa butas, baka sakaling gising na rin ito. Pero nangibabaw sa kanya ang hiya. Nagpatuloy na lang siya sa pagluluto at nang matapos ay agad na naligo upang makapag-almusal na.
Habang sa baba naman ng apartment ay matiyaga nang naghihintay si Miguel sa dalaga. Nang masilip niyang nakabihis na ito ay nagmamadali na siyang maligo. Balak niyang isabay na lang ang dalaga sa pagpunta sa bahay ni Madam V. Dahil doon din naman ang punta nito. Napabuntonghininga siya, sa totoo lang, wala naman sana siyang pakialam sa dalaga dahil hindi niya naman ito kaanu-ano at wala silang koneksyon na dalawa. Pero bakit unti-unti na nitong ginugulo ang utak niya, at ngayon ay may pahintay-hintay pa siyang nalalaman. “This is crazy!” inis niyang sambit sa sarili. Hanggang sa ilang sandali pa'y natanaw na niya ang dalagang pababa na ng first floor.
“Alam mo ba kung ano’ng oras na?” tanong niya sa dalaga na ikinagulat naman nito.
“B-bakit?” nagtatakang tanong naman nito.
“Sa bahay rin naman ni Madam V. ang punta mo, ’di ba?”
“O-oo!” nauutal nitong sagot.
“Sabay ka na sa akin. Doon din naman ang punta ko.” seryoso niyang sabi.
Saglit na natigilan si Vanessa sa sinabi ng binata. Nag-iisip kung sasabay ba siya o hindi.
“H-hindi ba nakakahiya sa ’yo?” pilit ang ngiting tugon niya.
“Hindi naman. Total ilang beses na kitang natulungan at naisakay sa motor ko kaya lubus-lubusin mo na lang,” may panunuya nitong wika.
Medyo nainis si Vanessa sa sinabi nito kaya't nilampasan niya ito. Humahaba ang ngusong naglakad siya patungo ng sakayan at hindi man lang ito nililingon.
“Bakit? Inutusan ko ba siyang gawin ang mga iyon?” nagngingitngit niyang wika sa sarili. Hindi niya akalaing isusumbat nito ang mga naitulong sa kanya. Dalawang beses lang naman iyong nangyari, bakit kailangan pang ipamukha sa kanya.
“Hoy, Miss! joke lang!” sigaw nito.
Ngunit hindi niya iyon pinansin at patuloy pa rin sa paglalakad. Akmang patawid na siya nang may humarang na isang van. Mabilis na bumaba ang dalawang lalaki at sapilitan siyang hinila papasok ng van. Nanlaban siya at pinagkakalmot ang mga ito, ngunit hindi niya kaya ang lakas ng dalawa. Isang dangkal na lang ang lapit nila sa pintuan ng van nang biglang dambahan ng isang lalaki ang mga ito. Napasubsob si Vanessa sa gilid at nagsumiksik doon. Nakita niyang nakikipagbuno na si Miguel sa dalawang lalaki. Dahil sa tangkad at laki ng pangangatawan ng binata ay madaling nagapi nito ang dalawa. Mabuti na lang at may dumating kaagad na mga pulis. Agad dinala ng mga ito ang dalawang lalaki habang ang van naman na sinakyan ay mabilis na humarurot. Hindi na ito hinabol pa ni Miguel bagkus ay nilapitan na lang ang dalagang nanginginig sa takot.
“Kaya mo pa bang pumasok sa trabaho?” may pag-aalala niyang tanong sa dalaga.
“O-oo. Unang araw ko ngayon sa trabaho, baka masisante agad ako,” tugon nito.
Natawa naman ng malakas si Miguel. Muntikan na nga itong matangay ng hindi kilalang mga tao ay trabaho pa rin ang iniisip nito.
“So, paano? Sasakay ka na ba sa akin?”
Napatango na lang si Vanessa sa binata. Wala naman kasi siyang magawa. Natatakot na siya sa posibleng mangyari na naman. Dalawang beses na siyang tangkaing dukutin at dalawang beses na rin siyang nakaligtas, baka sa pangatlong beses ay hindi na siya makaligtas. Inalalayan siya ni Miguel na makatayo at magkasabay nilang tinungo ang motorsiklo nitong nasa kabilang kanto. Sa isip-isip ng dalaga ay mukhang getting to know each other na sila ng binata, pero agad niyang sinaway ang sarili. Baka kasi na miss interpret niya lang ang ipinapakitang kabutihan ng binata at wala naman talagang ibig sabihin iyon.