Mula sa kusina ay tanaw ni Miguel ang pag-uusap ng dalawang babae sa sala. Nakaharap sa kanyang gawi si Vanessa kaya mainam niya itong napagmamasdan habang humihigop ng kape.
Brown eyes na pinarisan ng malalantik na pilik mata at may bilugang mukha. Masasabi niyang natural lang ang ganda ni Vanessa, kahit na wala itong make up. Manipis ang mga labi nitong mapupula na parang kay sarap halikan. Maganda rin ang hubog ng katawan na talaga namang bumagay sa suot nitong blouse na hapit at slacks na kulay itim.
Ilang babae na ang nakaharap niya pero kay Vanessa lamang napukaw ang attention niya. Kakaiba ang personality nito kaysa sa ibang babae, lalo na when it comes to family. Nakausap niya kasi ng seryoso ang land lady nila at naikuwento nito sa kanya ang pinagdaanan ng dalaga. Humanga agad siya sa kakayahan nito, dahil kung iisipin ay mas matapang pa ito sa ibang lalaki. Imagine, nakaya nitong pag-aralin at buhayin ang pamilya sa kakarampot lang na kinikita? Hindi na nga raw nag-abalang mag boyfriend dahil subsob sa trabaho. Dahil sa naisip ay napangiti naman siya. Ibig sabihin inosenti pa ito sa larangan ng pag-ibig.
“So, Vanessa. Tell me about yourself. Kulang kasi ang impormasyon na ibinigay sa akin ni kuya tungkol sa ’yo,” wika ni Madam V. sa kaharap na dalaga.
Lumunok muna ng laway si Vanessa bago magsimulang magpakilala sa ginang. Hindi siya makapag-concentrate dahil nasisilip niya sa gilid ng mga mata ang mga titig ni Miguel. Nanunuot sa kanyang kalamnan ang mga tingin nito.
“So, talaga pa lang kailangan mo ng trabaho na mas medyo malaki ang income?” muling tanong sa kanya ni Madam V. matapos ditong magsalaysay ng ilang kuwento sa buhay niya. “Well, para mas lalo kang makatipid dito ka na lang tumira sa bahay ko. Malaki naman ito at wala akong ibang kasama maliban sa mga katulong at drivers. Bilang bago kong assistant mas madali kitang mahahagilap kapag may kailangan akong gawin o may ipapagawa ako sa ’yo.”
Kung tutuusin ay magandang opportunity ang ibinibigay sa kanya ni Madam V. Kung magiging stay in siya, mas malaki ang maiipon niya dahil libre na siya sa lahat. Tulugan, pagkain at tirahan. Mga personal na lang na gamit ang kailangan niyang bilhin. Kaya sa ilang minutong pag-iisip ay naka-pagdesisyon siya na pumayag sa inaalok nito na doon na lang tumira. Total makikita niya pa rin naman si Miguel, dahil personal bodyguard rin pala ito ni Madam V. bukod pa sa pagiging secret lover nito. Gusto na niyang kastiguhin ang sarili dahil masiyado siyang nagpapaapekto sa binata. Pakialam niya ba sa lalaking ito.
Mga ilang sandali lang ay natapos na ang pag-uusap nila Madam V. at Vanessa. Agad siyang pinasamahan sa katulong nito sa bakanteng kuwarto. Ang buong akala niya nga ay ito ang maghahatid sa kanya, ngunit ibinilin siya nito sa katulong para puntahan si Miguel na nasa kusina pa rin. Nakaramdam siya ng konting inis sa hindi malamang dahilan. Kitang-kita niya ang malagkit nitong tingin kay Miguel, na para bang nang-aakit. At ang damuhong lalaki naman ay gumanti rin ng pagkatamis-tamis na ngiti, may kasama pang kindat. Hindi niya naman kasi maipagkakaila ang taglay nitong kagandahan. Matangkad, matangos ang ilong na may mga labing mapupula. Maputi at makinis din ang balat nito. Kaya sinong mag-aakala na ito ay fifty five years old na, at wala pa ring asawa hanggang ngayon.
“Miss Vanessa, please follow me,” untag ng katulong sa kanya.
Bumalik sa katinuan ang kanyang isip at napasunod sa katulong na may bitbit na walis tambo. Dinala siya nito sa isang silid malapit lamang sa kusina. Medyo malaki ang silid at may sarili itong banyo na ikinatuwa niya naman. Nasanay na kasi siya sa apartment na may sariling banyo.
“Dito ka na lang, Miss Vanessa. Kasi hindi talaga pinapagamit ni Madam ang mga rooms sa itaas. Private kasi iyon at para lang sa mga VIP at mga kasusyo niya sa negosyo. Iyong dalawang silid sa kabila ay kay Miguel at ’yong isa naman ay kay Mang Rodelio,” mahabang paliwanag nito sa kanya.
Parang may mga dagang nag-uunahan sa kanyang dibdib nang malaman na may sariling kuwarto rin pala doon si Miguel at katabi niya pa. Inilibot niya ang paningin at parang may sariling isip ang mga matang inusisa ang bawat pader. Kagat-labi siyang napapikit dahil sa naisip na kapilyahan. Nagmumukha siyang obsessed sa binata, maging doon ay binabalak niya pang busuhan. Kaya pala minsan wala ito sa tinutuluyang apartment dahil dito pala ito minsan naglalagi.
“Ok ka lang ba rito, Miss Vanessa?” tanong ng katulong na si Vicky sa kanya.
“O-oo. Saka huwag mo na akong tawaging Miss Vanessa. Vanie na lang, masiyado kasing pormal pakinggan,” nahihiyang wika niya.
“Oh, sige. Mukhang magkasing edad lang naman yata tayo,” natatawa nitong tugon.
Pagkatapos siyang samahan ni Vicky sa magiging silid niya ay nagtungo naman sila sa opisina ni Madam V. Wala pa ito roon at ayon sa isa pa nilang katiwala ay kasama nito si Miguel sa Gym na nasa likurang bahagi lang ng bahay. Kahit saan pala magpunta ang ginang ay dapat naroon din ang binata. Ibig sabihin buong maghapon pala itong magkasama. Ay hindi pala, mukhang buong magdamag dahil minsan sa apartment nila ito natutulog at nakikipaglaro sa binata. Napasimangot siya nang muling maisip ang ginagawa ng mga ito. Mukhang kailangan niyang idilat ang mga mata sa maaari pang mangyari roon. Hindi naman sa nagdududa siya kay Miguel, iba lang kasi ang pakiramdam niya sa mga ikinikilos nito.
Isang oras ang nakalipas ay muling bumalik si Madam V at Miguel sa loob ng bahay. Nadatnan siya ng mga itong nakaupo sa sala at binabasa ang mga protocol sa bahay. Ibinigay iyon sa kanya ni Vicky para alam niya ang hindi dapat at dapat gawin doon. Maging sa trabahong gagawin niya.
“Vanessa, get ready, aalis tayo,” utos ni Madam V.
Mabilis niyang iniligpit ang binabasa at inayos ang sarili. Mukhang sasabak na siya sa una niyang trabaho. Nasilip niya sa gilid ng mga mata ang matiim na pagtitig sa kanya ni Miguel. Umakyat si Madam V. sa kuwarto nito upang magpalit ng damit at naiwan silang dalawa ni Miguel sa sala.
“Sigurado ka ba talaga sa trabahong pinapasok mo?” tanong nito sa kanya. Nahihimigan niya sa tono nito ang pagkadisgusto.
Hinarap niya ito at matalim ang tinging ipinukol dito.
“Bakit? Ikaw lang ba ang puwedeng magtrabaho rito? O baka naman takot ka lang malaman ko ang totoo mong pakay!” Huli na bago ma-realize ni Vanessa ang mga katagang binitawan.
Nagdilim ang paningin ng binata at marahas na hinila siya sa kamay. Kaya naman nahintakutan si Vanessa.
“You don't know what you're talking about, Vanessa!” mariin at halos pabulong nitong wika.
Mabuti na lang ay narinig na nila ang mga yabag na papalapit. Agad siyang binitawan ni Miguel, pero naroon pa rin ang pagbabanta sa mga tingin nito. Lihim na lang siyang napalunok at dumestansiya rito, dahil parang sumisikip ang kanyang dibdib sa sobrang tension.
“Let's go, guys!”
Si Madam pala ang papalapit sa kanila. Humanga siya sa angking taglay nito. Suot ang semi pormal dress na kulay asul na pinatungan nito ng blazer na kulay itim with high heels na hindi niya alam kung ilang inches iyon dahil sa taas. At ang buhok nito na hanggang balikat na medyo blonde ay hinayaan lamang nitong nakalugay ay mas lalo pang dumagdag sa kagandahan nito. Nagliliwanag ang maputi nitong balat dahil sa kasuotan. Masisisi niya ba si Miguel na hindi maakit sa babae? Kahit pa ilang taon ang agwat ng edad ng mga ito?
“Is there something wrong, Vanessa?”
“W-wala po, Madam. You look beautiful, po.”
Ngumiti ito sa kanya at pagkatapos ay bumaling naman kay Miguel.
“How about you, Miguel? Am i beautiful?” tila nang-aakit nitong tanong sa binata.
“Yes! Inside and out!” tugon naman nito na may kasama pang haplos sa pang-ibabang labi ni madam.
Gustong mainis ni Vanessa sa kalandian ng dalawa. Sa harap niya pa talaga naglalampungan ang mga ito.
“Let's go!” Agad na ikinawit ng ginang ang mga kamay sa braso ng binata. “Vanie, follow us!” anito. Bitbit ang isang bag ni Madam V. ay Agad naman siyang sumunod sa mga ito. Nagmukha tuloy siyang atsay ng mga ito.
“Talaga bang assistant ako rito o yaya ng maharot na matandang olay na ito?” tanong niya sa sarili. Hindi niya mapigilang ismiran ang dalawa habang nakatalikod ang mga ito sa kanya. Muntikan pa siyang mabunggo sa likuran ng binata nang bigla itong huminto sa paglalakad. Iyon pala ay nakarating na sila sa parking lot ng bahay.
Agad nitong pinagbuksan si Madam V. ng pintuan at inalalayang makapasok sa loob. Akmang susunod siya sa pagpasok nang pigilan naman siya ng binata.
“Doon ka sa harap,” anito. Hawak nito ang isang kamay niya at ramdam niya ang init ’non. Mabilis siyang tumungo sa harap ng sasakyan at umupo sa tabi ng driver. Si Miguel naman ay naupo sa tabi ni Madam V. sa likuran.
Habang lulan ng sasakyan at nagbabyahe na sila para sa conference meeting ni Madam V. pana'y naman ang sulyap ni Vanessa sa side mirror. Kitang-kita niya ang harutan at lampungan ng dalawa sa likod. Hindi niya alam kung napapansin ba iyon ng driver o nagpapatay malisya lang ito. Kaya siguro ayaw ng Miguel na itong makasama siya sa trabaho dahil may milagro pala itong ginagawa at ni Madam V.
Napapikit na lang siya at pinilit ibaling sa daan ang attention. Magmumukha lang siyang tsimosa at pakialamerang assistant kung buong araw niya lang babantayan ang mga kilos ng amo at nang kapitbahay niyang antipatiko.
Pagdating sa Makati kung saan gaganapin ang conference meeting ni Madam V. ay naging aligaga siya sa pag-aassist dito. Lahat ng bitbit nitong gamit ay ibinigay sa kanya. Ang iba pa nga ay nagkandahulog na sa sahig dahil sa pagmamadali. Ang neighbor niyang si Miguel ay hindi man lang tumulong. Nakabuntot lang ito sa kanyang sugar mommy.
“ You need help?” Napatingala siya sa nagma-may-ari ng baritonong boses na iyon. Isang matangkad at tisoy na lalaki ang lumapit sa kanya at nagmamagandang loob na tulungan siya.
“N-no! It's ok,” nauutal niyang wika. Hindi niya maalis ang titig sa mukha ng lalaki dahil kamukha nito ang crush niyang si Brad Pitt.
“It's ok! tulungan na kita.” Mabilis nitong kinuha ang mga dala niya at sumabay sa kanya sa paglalakad papasok ng Meeting Room.
“Si Madam V. ba ang kasama mo?” tanong nito.
“O-oo. Assistant niya ako,” nahihiya niyang sagot. Hindi niya alam kung maniniwala ba ito sa sinabi niya, dahil sa ayos at itsura niya ngayon ay hindi siya mukhang assistant.
“I see. Next time, were properly. I mean, magsuot ka ng naaayon sa position mo. Huwag ’yong ganyan, dahil magmumukha ka lang katulong mamaya sa loob.” Napanganga si Vanessa sa prangkang pahayag nito. Pero sa halip na manliit at magalit ay parang natuwa pa siya. Mabuti pa ito ay may pakialam sa kanya kahit hindi niya kilala. Si Miguel ay wala man lang naging komento at ginawa. Halatang walang pakialam sa kanya. “Malalaman mo mamaya kung ano ang ibig kong sabihin,” pahabol nitong sabi bago tuluyang sumakay ng elevator. Tahimik naman siyang sumunod dahil iniwan na siya ng dalawa.
Nakahanda na ang lahat at naroroon na rin ang mga ka-meeting ni Madam V. Siya ay nasa bandang likuran nito, taga abot ng tissue at kakailanganin nito. Habang ang assistant naman ng ibang board member ay nakaupo lang din sa likurang bahagi, pero mga laptop, notebook at, ballpen ang hawak ng mga ito. Mukhang naiintindihan na niya ang mga sinabi ng guwapong lalaki kanina.
“Well, before we start this meeting, i would like to introduce the new member of our group. Mister Leo Madrigal!” malakas na sambit ng kasamahan nila Madam V. Mula sa pintuan ay pumasok ang isang lalaking naka Americana. Gulat siyang napatitig sa panauhin. Ito ’yong binatang tumulong sa kanya kanina.
“Good morning, all members! Ikinagagalak kong makilala kayo!” malakas nitong sabi. Saglit na napabaling ito sa gawi niya at ngumiti, kaya pasimple rin siyang ngumiti rito. Hindi naman sinasadyang napasulyap siya sa gawi ni Miguel at kitang-kita niya ang matiim nitong pagtitig sa kanya.
“Ano’ng problema ng mokong ito at mukhang galit na naman sa akin?” bulong na tanong niya sa sarili.
Simula kanina ay palagi na itong nakasimangot sa kanya o di kaya nagagalit nang hindi niya malaman ang dahilan. Kung babae lang talaga ito ay iisipin niyang may dalaw kaya palaging mainit ang ulo. Parang kailan lang ay close sila, iniligtas pa nga siya ng dalawang bases, pero ngayon parang biglang nagbago ang ihip ng hangin.
“Bahala ka nga!” Medyo napalakas ang pagbulalas niya kaya napatingin sa kanya ang lahat. Agad niyang naitikom ang bibig at yumuko na lamang dahil sa hiya.
Halos isang oras ang naganap na meeting at wala siyang ibang ginawa kun`di ang mag-abot ng tissue at tubig kay Madam V. Iyon pala ang sinasabi nitong assistant. Taga-abot at taga-sunod sa mga utos nito, sa madaling salita, utusan! Pero ipinagsawalang bahala niya na lang, ang importante kumikita siya at may maipadala sa pamilyang nasa probinsiya.
Samantala, habang busy pa ang lahat sa pagdidiskusyon, pasimple namang umalis si Miguel. Nagtungo siya sa restroom at nanatili muna roon ng ilang segundo. Nang mapansing wala pang tao ay agad niyang kinuha ang hidden camera na nakakabit sa kabilang kuwelyo ng uniporme. Kung titingnan ay para lang iyong botones na ginawang palamuti sa damit, hindi naman iyon mahahalata dahil sa kabilang kuwelyo ay mayroon ding botones. Kinapa niya sa ilalim ng pantalon ang nakatagong cellphone at mabilisan iyong binuksan. Hinanap niya kaagad ang recorder at ang camera. Nang makita ay agad pinanuod ang nakuhang caption at pinakinggan ang palitan ng mga pag-uusap. Naka konekta iyon sa opisina at bahay ni Madam V. Ang iba naman ay sa Conference Room. Nang ma-e-save ay agad niya naman iyong pinadala sa opisina ng Eagle's Empire. Nakarinig siya ng mga taong papasok kaya nagmamadali siyang nagtago.
“Nagawa ba ninyo ang ipinag-uutos ni Boss?”
“Oo, hinihintay ko lang na magreply siya sa message ko. Kapag ok na sa kanya ang lahat, dadalhin ko na ang mga babae sa isla.”
Lahat ng napag-usapan ng dalawang lalaki ay narinig ni Miguel, sayang nga lang dahil hindi niya nagawang e-record iyon.
“Nasaan ba ngayon ang mga babae?” muling tanong ng lalaki sa kasama nito.
“Nasa terminal ng San Tiago, naroroon na rin ang mga kasamahan natin nagbabantay.” Ilang minuto rin natapos sa pag-uusap ang dalawang lalaki. Kaya nang umalis na ang mga ito ay agad tumawag sa opisina si Miguel.
“Kailangan maabutan ninyo ang mga taong iyon at mailigtas ang mga babae. Kung puwede lang hiramin n’yo muna ang ibang tauhan sa kabilang despartamento and as much as possible mahuli kaagad ninyo silang lahat,” utos niya sa maawtoridad na tono.
Matapos makipag-usap ay agad na siyang lumabas doon at bumalik sa Conference Room. Tamang-tama naman dahil kakatapos lang din ng meeting. Naabutan niya si Madam V. at Vanessa, papalabas na ang mga ito.
“Oh, Miguel, saan ka ba galing at bigla ka na lang nawala?” malambing na tanong ni Madam V. sa kanya.
“Nagbanyo lang. Sumama kasi bigla ang sikmura ko,” nakangiwing tugon niya para mukhang makatotohanan ang sinabi.
“Ganoon ba,” maikling tugon naman ni Madam, saka hinawakan ang sa may bandang pusod niya. Nagulat siya sa ginawa nito, ngunit hindi niya magawang pumalag. Bahagya siyang napasulyap sa gawi ni Vanessa. Kitang-kita niya ang pag-irap nito, at nang mapasulyap siya ay agad itong umiwas ng tingin.
“Aalis na ba tayo?” patay-malisya niyang tanong sa babae.
“Yes! actually, kanina ka pa namin hinahanap. Ang buong akala nga namin ni Vanessa ay iniwan mo na kami.” Nagsimula na silang maglakad papalabas ng building. Nakakawit pa rin ito sa kanya habang si Vanessa naman ay tahimik lang na nakasunod. Gusto niya itong lingunin upang tingnan ang reaksyon nito. Ilang beses niya na kasi itong nahuhuling masama ang tingin sa kanya. Aaminin niyang naging rude siya rito, pero kailangan para sa hindi pa niya natatapos na plano.
“Why don't we eat out first?” pagyayaya nito.
“Good idea!” pagsang-ayon naman ng binata.
Si Vanessa na nakikinig lang ay pinagpapawisan na. Mabigat kasi ang mga dala niya. Hindi niya alam kung ano ang laman ng kahong bitbit niya, naka packaging kasi iyon kaya hindi niya mausisa. Ibinigay iyon kanina ng dalawang board member kay madam, tapos narinig niyang huwag daw muna bubuksan, sa bahay na lang daw nito at siguradong matutuwa ang ginang.
“You need help again?” putol ng lalaki sa iniisip niya. Ito ’yong tumulong sa kanya kanina at bagong board member ng samahan nila Madam V.
“Naku, Sir, huwag na po. Nakakahiya po sa inyo.” Natawa ito sa sinabi niya.
“So pormal! Leo na lang ang itawag mo sa akin. Total wala naman tayo sa trabaho. Nandito tayo pareho sa labas, it's ok with me kung tatawagin mo ako sa first name ko.” Kaya naman wala siyang nagawa kun`di hayaan na lang ito.
“Saan nga pala ang punta n’yo?”
“Kakain yata kami sa labas. . . narinig kong sabi ni Madam V. kay Miguel,” tugon niya. Magkasabay sila nitong naglakad habang nakasunod sa kanila ni Madam V. Hindi napapansin ng mga ito na may kasama na siya at may iba nang gumagawa ng trabaho niya dahil busy din sa pag-uusap.
“I see!” maikling tugon naman nito habang nakatitig lang sa dalawa. “ Don't be offended sa itatanong ko sa ’yo, Vanessa. . . Is there a relationship between Madam V and her bodyguard?”
Gulat siyang napasulyap dito. Mukhang maging ito yata ay nagdududa na rin sa dalawa. Napaisip siya sandali, kung dapat ba niyang sabihin dito ang nalalaman o hindi. Pero sa bandang huli ay mas pinili niyang magkunwaring walang alam, hindi niya pa naman kasi ito gaanong kilala.
“Hindi ko rin alam, eh. Kaka-simula ko pa lang kasi sa trabaho kanina, kaya medyo hindi ko pa alam kung ano’ng meron silang dalawa,” wika niya.
Hindi na nito nakuha pang magtanong nang makarating na sila sa exit ng building. Dahil agad siya nitong iniwan doon upang hindi makahalata ang mga kasama. Labis mang nagtataka sa mga ikinikilos ng bagong kakilala ay ipinagkibit-balikat na lang iyon ni Vanessa. Naagaw na kasi ang pansin niya ni Miguel. Mukhang nakita nito ang pakikipag-usap niya kay Leo dahil nagtatanong ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Umiwas na lang siya ng tingin at nagpatuloy na lang sa paghakbang.