Sa Hard Rock Coffee Shop nagtungo ang magkaibigang Agot at Vanessa. Pagkabasa pa lang ni Vanessa sa pangalan ng coffee shop ay agad na siyang napangiwi. Nagdadalawang-isip kung papasok ba o hindi. Naalala niya na naman kasi ang mga ungol ni Madam V, na “Harder, Baby Boy!” kaya naiinis tuloy siya.
“Bakit pang Semana Santa na naman ’yang mukha mo?” takang tanong ni Agot.
“Naaalibadbaran kasi ako sa pangalan ng Coffee shop. Weird!” inis niyang sabi.
“Hoy! Baka marinig ka ng may-ari, hindi pa tayo papasukin,” agad namang saway ni Agot sa kanya.
Napahalukipkip na lang siya at piniling manahimik, iniiwasang mapatingin muli sa name board at baka kasi sumpungin na naman si Agot at iwan siya sa ere. Ugali kasi nito ang magwalk-out kapag naiinis sa kaartehan niya.
Habang naghihintay sila sa ino-order na kape ay nagmasid-masid muna si Vanessa sa paligid. Hindi sinasadyang napasulyap siya sa counter na malapit sa may rest room. Salubong ang mga kilay na napatitig siya sa lalaking nakaupo sa harap ng kaha kung saan sila magbabayad mamaya. Kung hindi siya nagkakamali, ito ’yong kapitbahay niyang mas masarap pa sa paborito niyang Adobo ang kuwan. Bigla niyang natampal ang sarili sa naisip. Mas’yado naman yata siyang naaapektuhan sa hot neighbor niyang ito.
“Kape mo, ’te! Mas mainit pa r’yan sa tinitingnan mo,” nakataas ang kilay na wika ni Agot. Iniabot nito sa kanya ang isang tasang kape niya at sinundan pa nito ang malagkit niyang pagkakatingin sa lalaki. Bigla siyang napalunok nang mapasulyap ang lalaki sa kanyang gawi. Wala sa sariling napahigop siya sa umuusok pang kape.
“Ouch!” sambit niya habang dinidilaan ang mga labing napaso ng kape.
“Mainit ba, ’te?” nakalolokong tanong pa ni Agot. Kulang na lang ay humagalpak ito ng tawa, kita na kasi ang mga gilagid sa lapad ng pagkakangiti.
“Nang-aasar ka ba?” inis niyang tanong.
“Halata ba? Aba'y para kang namatanda riyan at wala sa sariling humigop ng umuusok pa na kape. ’Di mo naman kasi sinabing nilalamig ka. Kaya pala kahit napakainit pa ng kape mo ay agad mo nang hinigop.”
Talagang masakit ang pagkakapaso ng kanyang mga labi kaya hindi niya matigilan ang pagdila rito. Hanggang sa muli siyang napasulyap sa lalaki at laking gulat niya na nakatingin din pala ito sa kanya, mukhang nag-e-enjoy pa sa katitig sa ginagawa niyang pagdila sa sariling labi.
“Akala niya siguro ay madadala ako sa mga titig niya. Tse! Manigas ka!” bulong niya sa isip.
“Magbayad ka na roon,” utos ni Agot sa kanya.
“Teka, bakit ako?”
“Aba'y ikaw ang nanlibre, natural na ikaw ang magbabayad!” nanlalaki ang butas ng ilong na wika ni Agot.
“Ay, oo nga pala,” napipilitan niyang tugon habang pilit din ang ngiti sa mga labi. Alam niya naman na siya ang magbabayad, takot lang siyang lumapit sa counter dahil si neighbor niya ang nasa kaha.
“Ikaw na kaya ang magbayad doon! Ito ang pera,” utos niya kay Agot upang makaiwas sa binata.
“Ayoko! naka-cleavage kasi ako. Baka
maakit si pogi,” kinikilig nitong sabi.
“Feel na feel mo naman! Bakit, ang dibdib mo ba ang mag-aabot ng pera?” nakairap niyang sagot. Ang sarap nitong batukan, may pagnanasa pa yata sa kanyang neighbor at uunahan pa siya ng bruha.
“Ikaw na kasi ang magbayad. Dami mong arte.” Malakas na itinulak siya ni Agot, kaya naman wala siyang nagawa kung ’di ang lumapit sa counter.
Hindi siya makatingin ng diretso sa binata. Habang papalapit, pinipilit niyang iiwas ang tingin dito, kahit na ba parang saranggola na itong hinihila ng mga mata ng binata. Hindi siya nito nilulubayan ng titig at parang gusto niya nang matunaw.
“Here's my p*****t,” parang nabibilaukan niyang sabi sabay abot ng pera dito. Gusto niyang matawa dahil napapa-english siya sa sobrang kaba. “Lintik na heart ito, bakit ngayon pa kumabog. Sinabayan pa ng matapang na kape. Patay kang Vanie ka,” usal niya sa kanyang sarili.
Matagal bago tanggapin ng binata ang perang iniaabot ng dalaga. Hindi niya alam kung bakit natutuwa siyang titigan ang maliit nitong mukha at sa tuwing ito ay magtataas ng kilay ay nabubuhay ang kanyang dugo.
Ilang beses niya na itong nasasalubong sa tinitirhang boarding house at ilang beses na rin siya nitong dinededma. Sa mga ginagawa nito ay lalo lamang siyang nagkaroon ng interes dito.
“Ano ba? Nangangalay na ako! Kailan mo ba tatanggapin ang bayad ko, bukas?" naiiritang reklamo nito. Dahil doon ay napangiti siya, kinuha ang pera sa kamay nito at walang kakurap-kurap na tinitigan ito. Iwas na iwas itong tumingin sa kanya na akala mo'y kapag natitigan niya ay mahihimatay.
“Sukli mo,” aniya na pinalamlam pa ang mga mata. Isang katakot-takot na irap naman ang ibinigay nito sa kanya. Nacha-challenge talaga siya sa mga ganitong babae.
“Tapos ka na bang magkape?” agad na tanong ni Vanessa kay Agot nang mabalikan niya ito. Nakita niya kasing wala nang laman ang tasa nito. Pati ’yong sa kanya ay sinimo't na rin nito.
“Sarap talaga ng kape,” saad nito sabay dighay. Naamoy niya pa ang hininga nitong amoy tsiko.
“Talaga bang kape lang ang ininom mo?”
“Why? May iba ka pa bang naaamoy?” nagtatakang tanong nito.
Natawa na lang siya. “Ibang klase pala ang kape ng Hard Rock Coffee, napa-praning ka after mong magkape.”
“Hindi lang masarap ang kanilang kape, guwapo pa ang cashier.” Muntikan na niyang maisatinig ang bulong ng pilya niyang isip. “Stop dreaming! Hindi ka papasa sa panlasa no’n, dahil ang gusto no’n ay ’yong amoy lupa na,” ang sabi naman ng isa pang bahagi ng kanyang isip. Gustong mainis ni Vanessa dahil pati ang kanyang isipan ay nagtatalo na rin dahil sa binata. Masiyado nitong ginugulo ang sistema niya at apektado na rin siya sa lakas ng karisma nito.
“Hindi!” malakas niyang sigaw na ikinagulat ni Agot.
“Ano’ng nangyari sa ’yo? May sapi ka na naman ba?” gulat na tanong ni Agot habang nakatingala sa kanya.
“Pakibatukan nga ako,” utos niya naman dito.
“Sapakin na lang kaya kita? Lakas ng sapi mo, ah.”
Parang baliw na napasuntok na lang siya sa hangin. Paano niya sasabihin sa kaibigan na nababaliw na siya dahil sa kanyang mga nasasaksihan sa kuwarto ng binata, na apektado siya sa mga pinaggagawa nito?
“Maghiwalay na nga tayo, pati ako mababaliw sa ‘yo,” wika ni Agot.
“Wala man lang bang pasasalamat?”
“Next time na, baka hindi na ito maulit pa,” patawa-tawa nitong sabi habang palabas ng Coffee shop. “So, maiwan na kita rito. Mukha kasing wala ka pang balak umuwi,” paalam nito sa kanya. Hindi man lang niya namalayan na nakasakay na pala ito sa pampasaherong jeep.
Gusto niya pa sana itong pigilan ngunit mas mabuti na rin iyon gusto niya munang mapag-isa upang makapagmuni-muni.
Naglalakad na siya palabas ng lugar na iyon nang may humintong kulay itim na motor sa harap niya.
“Wanna ride with me?”
Matagal bago niya nakilala ang lalaking huminto sa harap niya. Tila napako siya sa kinatatayuan nang mapagtanto kung sino iyon.
“Hey!” untag nito na nagpabalik sa huwisyo niya.
“H-huwag na. Magco-commute na lang ako,” nauutal niyang tugon. Nagmamadi siyang naglakad upang mabilis na makaabot sa dulo kung saan siya sasakay ng jeep. Dahil alas-nueve na pala ng gabi at madalang na lang ang sasakyan na dumadaan doon. Medyo liblib na kasi ang parteng iyon.
“Sumabay ka na sa akin, Miss! masiyado nang delikado dahil palalim na ang gabi.”
Ngunit hindi ito pinapansin ni Vanessa. Patuloy lamang siya sa mabilis na paglalakad.
“Maraming holdaper dito,” saad nito sa tonong pananakot. Nakasunod lamang ito sa kanya.
Huminto sa paglalakad si Vanessa at nakapamaywang na humarap sa binata.
“Salamat sa pag-aalala, but no, thanks!” mataray niyang sabi bago nagpatuloy sa paglalakad.
Walang nagawa si Miguel kung hindi iwan ito. Nilagpasan niya ito at binilisan ang pagpapatakbo sa motor.
Medyo nakahinga naman si Vanessa nang wala na ang guwapo niyang kapitbahay. Ngunit sandali lang ang pagkakampante niya dahil inabot na siya ng takot nang mapadako sa medyo madilim na bahagi ng kalsada. Hindi niya inaasahan na malayo-layo rin pala ang lalakarin niya. Para kasing kanina pagpunta nila sa Coffee shop ay ilang minuto lang ang lumipas mula sa pinaka proper ng lugar. Kung bakit kasi nagpa-sulsol siya sa bruhang Agot. Iniwan pa talaga siya nito. Parang gusto niya yatang magsisi na hindi siya nakiangkas kanina sa motor ni neighbor.
Nakarinig siya ng rumaragasang paparating na motor, pero hindi iyon galing sa unahan kung hindi sa kanyang likuran. Agad siyang pumagitna sa kalsada upang parahin ito at makisakay. Napangiti siya nang huminto ito sa tapat niya, pero imbis na matuwa ay biglang kaba ang sumalakay sa kanyang dibdib nang makitang bumaba ang dalawang lalaki at ang isa ay may hawak na kutsilyo. Tinangka niyang tumakbo pero agad siyang nahawakan ng mga ito.
“Huwag mo nang tangkain pang tumakas kung ayaw mong mapugutan ng ulo!” banta ng isang lalaki habang nakatutok sa kanyang tagiliran ang hawak nitong kutsilyo. Nanlamig siya sa sinabi nito at walang nagawa kun`di ang magpatangay na lamang. Isinakay siya ng mga ito sa motor at pinagitnaan ng mga ito. Hindi niya makuhang gumalaw o sumigaw man lang, dahil nakatutok pa rin ang kutsilyo sa kanya.
“Huwag mong subukang sumigaw kung mahal mo pa ang buhay mo,” muli ay wika ng lalaking nasa likuran niya.
Tuluyan nang pumatak ang mga luha ni Vanessa nang umandar na ang motor na sinasakyan. Hindi niya alam kung ano ang gagawin ng mga ito sa kanya. Baka dalhin siya nito sa malayo at doon patayin. Paano na ang kanyang pamilya na umaasa sa kanya? Gusto niyang humagulgol ng iyak. Lihim na rin siyang nag-uusal ng dasal, na sana makaligtas siya sa mga taong ito. Pagkalampas nila sa madilim na parte ay sandaling huminto ang mga ito sa gasoline station para magpa-gas. Tiyempo namang naroon ang guwapo niyang kapitbahay. Matiim itong nakatitig sa kanya at pagkatapos ay lumipat ang mga tingin nito sa dalawang lalaking kasama.
Hindi siya makahingi ng tulong dahil sa mga oras na iyon ay nakaakbay sa kanya ang isang lalaki. Hawak pa rin nito ang maliit na kutsilyo. Tumingin siya rito na parang nagmamakaawa. Pero hanggang sa matapos na lang ang isang lalaki sa pagpapa-gas ay walang ginawa ang kanyang neighbor. Mas lalo siyang nawalan ng pag-asa nang muli siyang isakay ng mga ito.
Sa ilang minuto nilang pagba-byahe ay muli silang huminto sa bakanteng lote.
“Narito na tayo, tawagan mo na si Boss. Siguradong magugustuhan niya itong ibibigay natin sa kanya. Malaki ang magiging porsyento natin sa babaeng ito!” saad ng isang lalaki sa kasama nito. Nanatili siyang hawak ng isa, hindi pa rin nito inaalis sa kanya ang hawak na kutsilyo. Panay na ang pagtulo ng kanyang mga luha at hindi na rin maawat ang kanyang pagdarasal, na sana makaligtas siya sa kamay ng mga ito.
Mga ilang sandali pang nakalipas ay may dumating na puting sasakyan. Bumaba mula roon ang isang matabang lalaki. Naka suot ito ng leader jacket, sa itsura nito ay nagmukha itong penguin. Malaki ang tiyan tapos nakausli ang mga hindi pantay na mga ngipin at maliliit ang mga legs nito, kaya napakaluwang ng suot na pantalon. Sa hula ni Vanessa ay isa itong Chinese.
“Gaston, ito na ba ang sinasabi n’yo sa akin?” tanong nito habang pinapasadahan ng tingin si Vanessa.
“Yes, Boss! nagustuhan mo ba?”
“Maganda. Pero gusto ko malaman kung sexy ba siya. Pahubarin mo,” utos nito sa lalaking tinawag nito na Gaston.
Agad na napaatras si Vanessa nang marinig niya ang sinabi ng matabang Intsik.
“Huwag ka nang pumalag pa.” Hinila papalapit si Vanessa ng lalaki at pilit siya nitong hinuhubaran.
“Huwag! parang awa n’yo na!” pagmamakaawa niya sa mga ito. Pilit niyang hinihila ang mga damit upang hindi tuluyang mahubad ng lalaki.
“Makulit ka ha!”
Napayuko at napapikit na lang si Vanessa habang hinihintay na dumantay sa mukha niya ang nakaambang kamao ng lalaki. Ngunit dalawang segundo na ang lumipas ay hindi pa rin tumatama sa pagmumukha niya ang kamao nito. Bigla siyang napadilat nang marinig ang kalabugan sa paligid. Napanganga siya nang makita ang kanyang neighbor na nakikipagbuno na sa dalawang lalaki. Malakas nitong tinadyakan ang isang lalaki na tumilapon sa damuhan. Sinugod ito ng isa pa ngunit hindi pa man ito nakakalapit ay binigyan na ito ng malakas na flying kick. Sa ngayon ay hinarap naman nito ang matabang Intsik na napapaatras papunta sa sasakyan nito. Agad iyong pinagbuksan ng driver at mabilis na pinaharurot ang sasakyan. Nilapitan siya ng binata at mabilis na hinatak.
“Bilis! sumakay ka kaagad bago pa makabawi ang mga iyan!” utos nito sa kanya na agad naman niyang ginawa. Wala sa sariling napayakap siya rito nang mabilis nitong patakbuhin ang motor. Pakiramdam niya ay lumilipad siya sa ere sa bilis ng takbo nila. Hindi na siya nagreklamo, mas gugustuhin niya pang mabundol sila kung ito ang makakasama niya, kaysa mamatay siya sa mga kamay ng mga dumukot sa kanya kanina.
Pagdating nila sa labas ng tinitirhan ay inayos niya ang sarili at ang nagulong buhok. Nakiramdam muna siya sa kasama. Tahimik lamang ito at tila may iniisip.
“Salamat!” nahihiyang wika niy rito.
“Sa susunod huwag ka nang maglalakad mag-isa, para makaiwas ka ganitong pangyayari,” medyo galit nitong sabi. Pinili niya na lang itikom ang bibig.
“Mauuna na ako,” paalam niya sabay talikod.
Mabilis siyang umakyat sa third floor kung saan naroroon ang kuwartong inuupahan.
Habang si Miguel naman ay nanatiling nakatayo sa labas ng gate. Hinihintay niya ang sasakyan ni Mister Takoragi. Alam niyang kanina pa ito nakasunod sa kanya, kaya mabilis niyang tinawagan si Theo. Pero bigo si Miguel dahil walang Takoragi ang dumating. Mukhang papalpak siya sa plano. Muli niyang kinuha ang aparato at tinawagan si Theo.
“Huwag ka nang tumuloy, Pare. His not coming. Let's change our plan. Wait my call tomorrow, good night!” Matapos makipag-usap ay pumasok na si Miguel sa loob ng apartment. Hinanap niya ang magandang neighbor ngunit wala na ito roon. Marahil ay nasa silid na ito.
Matapos maligo ay naghanda na sa pagtulog si Vanessa. Hindi niya alam kung makakatulog ba siya mamaya ng maayos. Hindi pa rin kasi mawala sa isip niya ang naganap kanina. Pero nawala na ang takot niya. Kampante kasi siya na nasa kabilang silid lang ang guwapo niyang neighbor. Ang kanyang naging Night and Shining armour kanina. Ilang minutong hindi siya gumawa ng ingay, at nang masiguro na wala pa ito ay pinili niyang silipin ulit ito sa butas.
Saktong kakalapat ng mga mata ay siya rin namang pagbukas ng pintuan nito. Kita niya ang kabuuan nito dahil sa liwanag na nagmumula sa labas ng bintana. Hinanap nito ang switch ng ilaw at binuksan iyon. Tumambag kay Vanessa ang guwapong mukha nito. Tinanggal nito ang suot na sumbrero, sinunod ang pang-itaas na saplot, ang pantalon. Napatutop si Vanessa nang huhubarin na nito ang boxer shorts na tanging nakatabon sa maselan bahagi nito na noo'y namumukol. Lihim siyang napalunok sa nakita, pero naudlot ang magandang tanawing iyon nang tumunog ang cellphone nito. Tumalikod ito sa kinaroroonan niya at naging abala na sa pakikipag-usap sa kabilang linya. Gustong manghinayang ni Vanessa sa naudlot na live show. Nakita niyang muling isinuot ng binata ang pantalon at t-shirt nito at pagkatapos ay muling lumabas ng kuwarto. Napabuntonghininga na lang siyang bumalik sa higaan.
“Ano ka ba, Vanie! Nalagay ka na nga sa kapahamakan, pinili mo pang mambuso sa nagligtas sa ’yo!” saway niya sa sarili.
Napapikit na lang siya at pinilit na makatulog.