Kasukalan

2322 Words
Chapter 7 Kasukalan “Damn that woman! alam niya ba ang ginagawa niya! hindi man lang inisip ang kapahamakang naghihintay sa kanya, oras na makapasok siya ng kasukalan!” napapalatak na sambit ng lalaking kanina pa nakamasid sa dalaga. Papalapit na ito sa kanyang kinaroroonan at balak pa yata mag-usisa. Para itong namamasyal lang sa isang palengke, hindi man lang niya nababanaag ang takot sa mukha nito. Nagmamadali niyang inayos ang mga dalang gamit. Ang taling hawak ay agad niyang ikinawit sa likuran, at ang teleskopyong dala ay isinabit naman sa leeg. Mabilis niyang nilisan ang lugar at umiba ng puwesto. Hindi maaaring may makakita sa kanya at baka mapurnada pa ang kanyang mga plano. Habang si Vanessa naman ay lakas loob na binaybay ang makitid na lugar. Hindi alintana ang madulas at medyo maputik na daanan dahil umulan kaninang hapon. Hindi naman siya nakaramdam ng takot dahil maliwanag naman ang paligid. Bilog na bilog ang malaking buwan na nagbibigay sa kanya ng liwanag at sakop pa naman iyon sa bahay ni Madam, kaya kampante siya. Gusto niya lang kasi malaman kung ano’ng ingay ang naririnig niya, baka mga tauhan pa rin iyon ni Madam na nag-overtime sa pagta-trabaho. Pero napahinto siya nang makarinig ng galit na ungol mula sa ’di kalayuan. Agad na nagsitayuan ang kanyang balahibo sa takot. Kung ang ingay kanina na parang nagto-troso ay nakampante pa siya, pero ang ingay ngayon na nagmumula sa unahang parte ay hindi niya kinaya. Ungol iyon ng isang galit na hayop. Hindi niya naisip na maaaring may mababangis na hayop na nakatira roon. Ilang segundong nakalipas ay may natanaw si Vanessa na isang anino ng hayop. Dahan-dahan iyong lumabas sa pinagkukublian nito. Isang malaking aso na kulay itim, may tali ito sa leeg at nagkikislapan ang mga mata nito na natatabunan ng malalagong dahon. Para siyang mawawalan ng ulirat sa mga sandaling iyon sa sobrang takot, hindi alam kung ano ang gagawin. Mahihirapan na rin siyang tumakbo pabalik, dahil nasa parteng mababa na siya ng kasukalan, napakadulas pa ng daanan. Nangangatog ang mga tuhod at pigil ang paghingang napaatras siya, ngunit sa bawat pag-atras niya ay siya rin namang paglapit ng malaking aso sa kanya. “Oh, God! please help me. Ito na ba ang magiging katapusan ko?” usal niya. Ganito talaga siguro kapag nasa sitwasyon ka na ng kagipitan, mapapa-dasal ka na lang ng wala sa oras. Akmang susugurin na siya ng mabangis na aso nang biglang may humila sa kanya. Napatili siya ng malakas, pero agad ding natigil dahil sa biglang paglapat ng isang bagay sa bibig niya. Saka niya lang na-realize na tao pala ang humila sa kanya. Nakakubli sila ngayon sa malalagong dahon. “Huwag kang maingay!” mahinang bulong ng taong nasa likuran niya. Nakayakap ang isang braso nito sa kanya, habang ang isang kamay naman ay nakatabon sa bibig niya. Sinubukan niyang lingunin ito pero hindi niya makita ang mukha dahil naka bonnet iyon, naka overall ito ng kulay itim kaya hirap siyang kilalanin. Maya-maya pa'y nakarinig na sila nang kaluskos mula sa kung saan. Pigil niya ang hininga habang nakikiramdam sa paligid. Ilang minuto ang nakalipas ay may nagsilabasan na mga lalaki. Mga apat na lalaki na puro rin may takip ang mga mukha. Sigurado siyang masasamang loob ang mga ’yon, dahil may mga baril ito. Hindi na nakayanan pa ni Vanessa ang takot kaya't nawalan siya ng malay sa mga balikat ng lalaki. “s**t!” tanging na-isambit na lamang ng binata, bago tahimik na inilayo roon ang walang malay dalaga. Mararahang pagtapik sa balikat ang nagpagising sa nahihimbing pang si Vanessa. “Good morning! mukhang napasarap ang tulog mo rito, ah! mainit ba sa loob ng kuwarto mo at naisipan mong dito sa terrace magpa-umaga?” ang nakangiting bungad ni Vicky sa kanya. Takang napalinga naman siya sa paligid at hindi nga ito nagbibiro. Nasa terrace pa rin siya ngayon, nakahiga sa mahabang upuan na kahoy. “Pa-paano akong nakarating dito?” “Aba'y malay ko sa ’yo. Natural naglakad ka papunta rito gamit ang iyong dalawang paa,” natatawang biro naman nito. Hindi umimik si Vanessa at binalingan ang malawak na kasukalan. Tanaw na niya ang kagandahan ng kagubatan, ang mga malalagong dahon na kulay berde, ang mga huni ng ibon. Doon din sumisikat ang bukang liwayway, kaya't mas lalo iyong nakakaakit tingnan. “Baka naglalakad kang nanaginip kagabi, kaya wala kang naaalala,” dagdag pang sabi ni Vicky. “Vicky, ano’ng meron d’yan sa gubat?” sa halip ay tanong niya rito. “Naku! mariing ipinagbabawal ni Madam ang pumasok d’yan.” “Bakit daw?” “Hindi ko rin alam. Kasi kahit isang beses hindi pa ako nakakapasok d’yan, bakit mo pala naitanong?” “Nakarinig kasi ako ng mga ingay kagabi, mukhang sa gubat nanggagaling,” wika niya upang ma-kompirma kung totoo ba ang mga nangyari kagabi o panaginip niya lamang. Imposible kasing panaginip lang iyon, alam niyang nakapasok siya sa loob ng kasukalan kagabi at may. . .” Napatutop siya sa bibig nang maalala ang estrangherong lalaki. Hindi kaya ito ang nagdala sa kanya sa terrace? Pero sino siya?” “Halika na sa kusina. Tulungan mo na lang akong magluto,” pagyayaya sa kanya ni Vicky. “Gising na ba si Madam?” “Mamaya pang alas-siyete iyon bababa. Marami pa kasing seremonyas iyon na ginagawa sa kanyang mukha, para magmukhang fresh at maganda sa paningin ni Papa Miguel,” biro nitong napapailing. Natawa na lang siya at pinilit kalimutan ang gumugulo sa isip. Pero bago tuluyang lumisan, isang sulyap pa ang ginawa niya sa kasukalan. Naabutan nilang nagkakape at nagbabasa ng newspaper si Miguel sa kusina. Tinapunan lang siya ng simpleng tingin nito at pagkatapos ay itinuon ulit ang mga mata sa binabasa. Lihim naman siyang napapasulyap rito, kahit bagong gising kasi ito ay napaka-guwapo pa rin. Gulo-gulo pa nga ang buhok nitong medyo kulot. Ngayon lang din niya napansin na may hawig ito sa crush niyang artistang si Jericho Rosales. “Hoy! baka naman matunaw iyang si Papa Miguel!” kalabit sa kanya ni Vicky. Nakamasid din pala ito sa kanya. Kumuha siya ng tinapay at gumawa ng toasted bread. Sunod niya namang kinuha ay ang palaman nito. “Try this one,” saad ni Miguel at iniabot sa kanya ang isang garapong strawberry jam. “Mas maganda itong ipalaman sa toasted bread and this is good to your health dahil wala itong ibang halong ingredients na nakakasama sa kalusugan.” Nagtatakang napasulyap naman siya rito. Parang nag-a-advertise kasi ito ng produkto kung makapagpaliwanag sa kanya. “Papa Miguel, saan mo ba ito nabili?” singit naman ni Vicky. “Sa isang kakilala lang. Sikat kasi iyang negosyo niya. At proven and tested naman.” Sinubukan ni Vanessa ang ipinagmamalaki nitong produkto. Kumuha siya ng kalahating kutsarang strawberry jam at inilagay iyon sa toasted bread. Napatango-tango siya nang matikman iyon. Totoo nga ang sinasabi nito. Masarap nga ito, lasang-lasa ang original na strawberry. Matapos kumain ay sandaling lumabas siya ng bahay. Nagtungo siya sa likod bahay kung saan naroroon ang makitid na daang tinahak niya kagabi. Nais niya talagang makasiguro na hindi talaga iyon panaginip. Pasimple siyang pumuslit nang makitang hindi na nakatingin sa kanya ang mga kasama. Sa bukana pa lang ay kita na niya ang mga bakas ng tsinelas. At hindi siya nagkakamali, kasukat iyon ng kanyang tsinelas. Agaran ay napatingin siya sa suot na tsinelas, pero hindi na iyon ang suot niya kagabi. Humakbang pa siya papasok at meron pang isang bakas, at parang sa malaking tao na iyon. Isang hakbang pa ulit ang ginawa niya, hanggang sa naging dalawa, at tatlo. Sa pang-apat na hakbang ay may malalaking kamay na ang pumigil sa kanya. “Saan ka pupunta? Hindi mo ba alam na bawal ang pumasok d’yan?” Ang galit na mukha ni Miguel ang nalingunan ni Vanessa. Hawak ng isang kamay nito ang balikat niya. “Ma-may titingnan lang ako,” napapalunok niyang sabi. “Huwag mo nang tangkain pumasok pa riyan kung mahal mo pa ang buhay mo! kapag nakita ka ni Madam V, siguradong mawawalan ka ng trabaho,” paalala pa nito. Bigla ay natauhan siya sa kapalastanganang nagawa. Tama nga naman ito. Paano pala kung maulit na naman ang nangyari sa kanya kagabi? At makita siya ni Madam V. Pero ang lahat ng iyon ay binalewala niya sa kagustuhang malaman ang totoo. “Sandali lang naman, eh!” pagkasabi ’nun ay agad na niya itong tinalikuran. Ngunit hindi pa nga siya nakakahakbang ay umangat na ang buong katawan niya sa ere. Impit siyang napasigaw at napakapit ng mahigpit sa balikat ni Miguel nang tuluyan na siya nitong mabuhat. “Ano ba! bitawan mo nga ako!” Nagpupumiglas siya habang pabalik na siya nitong dinala sa bahay. Nagmistulang bingi lang si Miguel sa mga sigaw at pagpupumiglas ng dalaga. Nang nasa likurang bahagi na sila ng kusina ay saka niya lang ito ibinaba, dahil baka may makakita sa kanila at paghinalaan pa silang dalawa. “Kung ayaw mo mawalan ng trabaho, matuto kang sumunod sa mga patakaran dito,” inis nitong sabi. “Isang puslit mo pa at talagang itatali na kita,” banta pa ni Miguel sa dalaga. Napanganga na lang si Vanessa at natahimik. Hindi niya inaasahan ang mga sinabing iyon ni Miguel. Nagdududang napatitig siya sa binata, pero umiwas na ito sa kanya dahil narinig niyang tinatawag na ito ni Madam V. Nataranta siya bigla at hindi alam ang gagawin, baka kasi iba ang isipin ng mga ito kapag nakitang magkausap sila ni Miguel. Patakbo siyang umikot sa kabilang bahagi, kung saan naroroon ang gym nito. Agad siyang naghanap ng walis at kunwa'y nagwawalis sa paligid. “Narito ka lang pala, Vanessa. Kanina pa kita hinahanap. Gusto ko sanang magpasama sa ’yo sa salon,” wika nito. Nakasunod naman dito si Miguel na matamang nakatitig sa kanya. “Ano’ng oras po ba tayo aalis, Madam?” pilit ang mga ngiting tanong. “Mamaya pa namang mga alas-diyes. Maluwang kasi ngayon ang schedule ko. Halika, samahan mo muna kami sa loob ng gym. Doon na rin tayo mag breakfast ni Miguel.” Hindi pa man siya nakakasagot ay agad na siya nitong senenyasan, kaya wala na siyang nagawa kong hindi ang mapasunod na lang sa mga ito. Pagpasok ng gym ay agad namang nagpalit ng kasuotan ang ginang. Nagpapatulong itong maisuot ang sapatos kay Miguel. Pakiramdam niya ay na-a-out of place siya sa dalawa. Verry sweet ang mga ito at parang walang kasama roon kung maglambingan. Gusto niyang mainis dahil sa inggit na nararamdaman. Hindi niya kasi dapat iyon maramdaman. Unang-una sa lahat ay wala siyang karapatang mainggit at magselos, dahil wala naman silang relasyon ni Miguel. Kasama niya lang ito sa apartment na naging kasamahan niya na ngayon sa trabaho. Naghanap na lang siya ng puwedeng mapaglilibangan. Nakakita siya ng mga basahan at walis sa gilid. Agad niya iyong kinuha at nagpunas sa mga bintana ng gym. Pero hindi pa man siya nakakatapos ng isa ay agad naman siyang tinawag ni Madam V. Atubiling lumapit siya rito. “Bakit po, Madam?” “Pakisamahan mo nga muna si Miguel sa kuwarto ko. May ipapakuha lang kasi akong importanteng gamit. Si Vicky hindi ko mautusan dahil kasama ni Mang Rodelio sa palengke,” utos nito. Nakita niya ang makahulugang ngiti ni Miguel sa mga labi. Mukhang tuwang-tuwa na sasamahan niya ito. “Yes po, Madam,” tugon niya, saka walang imik na lumabas ng gym. Nakangiti namang sumunod dito si Miguel. Alam niyang naiinis na ang dalaga sa kanya. Pero mas lalo pa niya itong iinisin para gustuhin na nitong umalis doon sa bahay ni Madam at maghanap na lang ng ibang trabaho. “Mauna ka nang umakyat. Total alam mo naman kung nasaan ang kuwarto ni Madam V,” utos ni Vanessa sa binata. “Sabay na tayo. Baka mapagbintangan pa ako kapag may nawala rito,” nakakalokong sabi nito. Inis namang nagpatiuna sa paghakbang si Vanessa. Kay aga-aga iniinis siya ng binata. Nagkukunwari pa ito, parang hindi niya alam na sa kuwarto ito ni Madam tuwing gabi. Pagdating sa harap ng pintuan ng kuwarto ni Madam V ay nagtuturuan pa sila kung sino ang unang papasok sa loob. Umatras siya para bigyang daan si Miguel, pero nabigla na lang siya nang hawakan nito ang kamay niya at hilain siya papasok sa loob. “There! Sabay tayong nakapasok,” nakangisi nitong sabi. Hindi siya nakahuma sa pagkabigla. Agad na hinanap ni Miguel ang pinapakuha sa kanya ni Madam V. At habang iniikot nila ang kuwarto nito ay may napansin si Miguel. “’Di ba iyan ’yong kahong bitbit mo kahapon?” baling niya sa dalaga. “Oo, bakit?” “Nakita mo ba ang laman niyan?” usisa nito. “Hindi! balot na balot iyan, paano ko makikita!” Sandaling natahimik si Miguel at nag-isip. Habang si Vanessa naman ay mataman lang na nagmamasid sa kanya. Para kasing may napapansin siyang kakaiba sa binata, hindi niya lang mawari kung ano. “Nahanap mo na ba ’yong pinapakuha ni Madam?” pagkuha niya sa atensyon nito. “Yes!” tipid nitong tugon, bago may kinuhang maliit na bag sa cabinet. Bago sila tuluyang lumabas ng kuwarto ay isang sulyap pa ang ginawa nito sa kahon na nakatago sa gilid ng higaan. “Iyong lalaking nakasabay mo pala kahapon. Ano’ng sabi niya sa ’yo?” Pabalik na sila ng gym nang matigil siya sa paglalakad. Kunot-noong napatingin siya rito. “Si Mister Madrigal ba? Wala naman. Tinatanong niya lang sa akin kung may namamagitan ba sa inyo ni Madam V.” Hindi na hinintay pa ni Vanessa makasagot ito patakbo na siyang bumaba ng hagdanan. Hindi na rin nangulit pa si Miguel. Alam na niya kung ano ang kailangan ni Leo. Sa tingin niya ay iisa lang sila ng suspect. Naiinis lang siya dahil kailangan pa nitong gamitin ai Vanessa para lang makakuha ng impormasyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD