NAGISING si Zhamara sa liwanag ng araw na tumatama sa pisngi niya. Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata niya at napangiti siya nang mapansing mainit na sa labas.
Maingat siyang bumangon at dahan-dahan na umupo sa gilid ng kama. Tinignan niya ang binti niya at ngayon ay mas lalong naging halata ang pasa na natamo niya kung saan naipit kahapon sa nabaling sanga ng mangga.
Dahan-dahan siyang tumayo at naglakad papunta sa bintana. Hinila niya ang ibang kurtina at binuksan ang bintana. Ipinikit niya ang mga mata niya at napangiti nang humaplos sa pisngi niya ang sariwang hangin. Ilang sandali lang ay muli niyang idinilat ang mga mata niya at nanghihinayang na pinagmasdan ang mga tanim na nasira at natumba dahil sa bagyo.
Napalingon siya sa pinto ng kwarto niya nang bigla itong bumukas. "Magandang umaga po, Nay," nakangiting bati niya sa matanda.
Nakangiti naman itong lumapit sa kanya. "Magandang umaga din, Mara. Mabuti naman at gising ka na. Huwag ka munang masyadong mag-galaw-galaw dahil siguradong masakit pa ang iyong binti," paalala nito.
"Masakit pa po pero okay lang naman kapag ilalakad ko paminsan-minsan."
Ngumiti ito sa kanya at saka hinawi ang ibang kurtina sa kwarto niya. "Sobrang lakas pa rin ng ulan kagabi. Mabuti na lang at huminto na ngayon," komento nito habang nakatingin sa labas.
"Wala po bang nasaktan sa mga kababayan natin, Nay?"
"Sa kabutihang palad ay wala naman, iha. Pero balita ko may mga bahay ang nilipad kagabi ng bagyo," malungkot nitong sabi.
"Tutulungan ko po ang mga kababayan natin, Nay. Makakabawi din tayo agad. Ilang bagyo na din ang dumating dito sa bayan natin at nalampasan naman natin ang mga iyon," masigla niyang sabi.
Napangiti ito sa kanya. "Oh siya, halika na at bumaba na. Kanina pa pala naghihintay sa baba si Dr. Nikko," nakangisi nitong sabi.
Agad na nawala ang ngiti sa labi niya nang marinig ang sinabi nito. "Nandito na naman siya?" mahinang sabi niya.
Lumapit sa kanya ang matanda at kunot-noo itong tumingin sa kanya. "Hindi talaga kita maintindihan, Mara. Matagal ka ng linggo-linggong binibisita nung binatang doktor pero hindi mo pa rin siya sinasagot," takang sabi nito.
Pilit siyang ngumiti rito. "A-Ano pong ginagawa niya rito? Sigurado akong madaming pasyente ngayon sa ospital sa lungsod," komento niya.
"May pagtingin kasi sa iyo 'yung binata kung kaya't mas inuna ka niyang puntahan rito," nakangiti nitong sabi pero hindi siya natutuwa.
Muli siyang tumingin sa labas ng bintana pero muling nagsalita ang matanda. "Wala ka bang pagtingin sa kanya?"
"Wala po akong gusto sa kanya, Nay, at sinabi ko na 'yan sa kanya," kagat-labing sabi niya.
Lumapit sa kanya ito at inalalayan siyang makaupo sa couch. Tumabi naman ito sa kanya. "Gwapo't matipuno ang binatang iyon, Mara. Ano bang hindi mo nagustuhan sa kanya?"
"S-Sadyang hindi ko lang po siya nagawang magustuhan. Halos dalawang taon na siyang bumibisita rito pero hindi ko pa rin siya nagustuhan, Nay."
"Pero may balak ka bang mag-asawa?"
Natawa siya sa tanong nito. "Meron naman, Nay. Pero hindi pa po ngayon."
"May natipuhan ka bang ibang lalaki kung kaya't hindi mo magustuhan ang binatang doktor?"
Umiwas siya ng tingin sa ginang at tumingin sa labas ng bintana. "W-Wala naman po."
Ngumiti ito sa kanya at tumayo na. "Oh sige na, iha. Pasensya ka na sa mga tanong ko," nakangisi nitong sabi. "Gusto ko lang masiguro na may balak kang mag-asawa. Mas mabuti kasing may asawa, Mara, para hindi ka mag-isang tatanda katulad ko."
Ngumiti siya rito. "Opo, Nay."
"Sige na maligo ka na at babalik ako mamaya para tulungan kang bumaba."
"Salamat, Nay."
"Sige, iha, maiwan na muna kita."
Nang makalabas na ito ng silid niya ay muli siyang lumapit sa may bintana at pinagmasdan ang mga naging pinsala ng bagyo. May ilang puno ng mangga ang tuluyang nabuwal mula sa lupa at ang iba namay ay nabalian ng sanga.
Nagbuntong-hininga siya nang muling pumasok sa isip niya ang sinabi ni Nanay Rita.
Mas mabuti kasing may asawa, Mara, para hindi ka mag-isang tatanda katulad ko.
"Paano kung ang taong gusto kung pakasalan ay hindi na dumating?" mahinang bulong niya sa sarili. "Mag-isa din ba akong tatanda?"
Nagsimula siyang maglakad papunta sa banyo. Pumasok siya sa loob at saka nagsimulang maligo.
"Masaya kaya si Nanay Rita sa desisyong pinili niya na hindi mag-asawa?"
Natapos na siyang maligo ay hindi pa rin nawawala sa isip niya ang tungkol sa pag-aasawa. Ayaw niyang isipin ang ganung mga bahay dahil hindi pa dumadating ang taong matagal na niyang hinihintay.
Pagkatapos niyang magbihis ay lumabas na siya nang silid. Pababa na siya nang hagdan nang makita niya si Dr. Nikko at nakita din siya nito dahil nakaupo ito sa may salas. Mabilis itong lumapit sa kanya at tinulungan siyang makababa ng hagdan.
Dumiretso sila sa kusina at naabutan nila si Nanay Rita na naghahanda ng pagkain. Inalalayan siya ng binatang doktor na makaupo sa upuan at umupo naman ito sa katapat.
"Maiwan ko muna kayo dyan. Kumain lang kayo, Mara, at Sir Nikko," nakangiting sabi ni Nanay Rita.
"Thank you, Nay," sagot ni Nikko.
Tahimik lamang siya habang kumakain silang dalawa. Panay naman ang tingin sa kanya ng doktor. Dalawang taon na itong ganito sa kanya pero hindi pa rin siya nasasanay. Naiilang pa rin siya at hindi komportable ang nararamdaman niya sa tuwing tumititig ito sa kanya.
"Wala bang masakit sa'yo, Zhamara?" biglang tanong nito habang kumakain sila.
"Wala naman. Ayos lang ako. Wala bang maraming pasyente sa ospital ngayon?" tanong niya rito.
"Hindi naman marami. May ibang doktor din namang pumunta sa lungsod para tumulong."
Tumango siya rito at hindi na nagsalita. Nagpatuloy lamang siyang kumain. Nagustuhan din niya ang ulam na pritong bangus at monggo na niluto ni Nanay Rita kung kaya't gusto niyang e-enjoy ang pagkain.
"I will be having a vacation in Camiguin next month, Zhamara. Pwede ka bang sumama sa akin? I'm sure mag-e-enjoy ka doon," nakangiti nitong sabi.
Tumingin siya rito at hindi na niya alam kung ano ang sasabihin niya. Ilang ulit na din siya nitong inimbitahan na sumama rito sa kung saan-saang lugar pero palagi niya itong tinatanggihan. At ngayon, tatanggihan na naman niya ito.
Gwapo naman ito at matipuno, sabi nga ng Nanay Rita kanina. Ito ang klase ng lalaki na pinapangarap ng mga kababaihan dito sa lugar nila. Mabait ito at matulungin. Seryoso ito at responsable. Mukhang maalaga rin ito at hindi marunong manakit ng damdamin ng iba. Alam niyang madaming nagkakagusto rito lalo na at doktor ito. Pero siya, hindi.
Hindi niya ito gusto sapagkat may ibang nilalaman na ng puso niya. At kahit na sino mang lalaki ang manligaw sa kanya, wala pa rin siyang sasagutin.
"I'm sorry, Nikko. Pero magiging abala ako sa farm lalo na't heto at natamaan ng bagyo. Magsisimula na naman kami sa umpisa," sabi niya rito.
"It's okay. Maghihintay ako kung kailan ka pwede," nakangiti nitong sabi.
Seryoso niya itong tinitigan. Alam niyang hindi siya nagkulang sa paalala rito na hindi niya ito gusto. Pero heto ito at palagi pa rin siyang pinupuntuhan. Nakokonsensya na rin siya rito.
"Tatapatin na kita, Nikko. Hindi mo na kailangang pumunta rito ara—."
"It's okay, Mara. You don't have to remind me every time I visit you," nakangiti nitong sabi. "I can wait, and I will wait even if it takes forever."
Hindi siya makapaniwalang tumingin rito. Hindi na niya alam kung ano ang sasabihin niya. Ayaw niyang paasahin ito sa wala. Ayaw niyang masaktan ito. Pero ano ang gagawin niya kung ito mismo ang gusto siyang puntahan.
"Nikko, hindi ko gustong sinasayang mo ang oras sa akin."
"Hindi pagsasayang ng oras ang tawag sa ginagawa ko, Mara. Pagmamahal ang tawag dun," seryoso nitong sabi.
Natameme siya at hindi makapagsalita. Ininom niya ang isang baso ng juice at muling tinignan ang binata. Bigla itong ngumiti sa kanya.
"I just want you to know, Mara, na may lalaking hindi ka sasaktan."
"Pero masasaktan ka dahil sa'kin, Nikko."
"No, darling. Ginagawa ko ito dahil mahal kita. And don't worry, because I'm not expecting you to love me back. Nagbabasakali akong matutunan mo ring mahalin pagdating ng panahon nang hindi ka napipilitan."
Malungkot siyang tumingin rito. "Then it will seem like you're wasting your time coming here. You should find the right woman for you instead."
Hinawakan nito ang kamay niya. "May mga lalaking gustong palaging nakikita ang mahal nila dahil iyon ang nakakapagpasaya sa kanila." Ngumiti ito sa kanya. "Hayaan mo lang akong makita ka, Mara. Sapat na sa akin iyon."
Wala na siyang ibang nagawa pa kundi ang tumango na lamang.
He is waiting for me, but I am waiting for someone else.
********