"SALAMAT rito sa bulaklak, Nikko," sabi ni Zhamara sa binatang doktor.
Ngumiti ito sa kanya at saka niyakap siya. "Always, Mara." Lumapit siya kay Nanay Rita at nagmano rito. "Mauna na po ako, Nay. Babalik po ulit ako sa susunod."
"Sige, iho. Mag-ingat ka sa daan," sagot naman ng matanda.
Kumaway muna ito sa kanya bago pumasok sa kotse nito. Pinagmasdan nila ng Nanay Rita niya ang papalayo nitong sasakyan. Nang tuluyan na nilang hindi ito makita ay pumasok na sila sa loob ng bahay. Kinuha ng matanda ang bouquet ng bulaklak na bitbit niya dahil ilalagay nito iyon sa flower vase.
Sumunod siya rito sa kusina at umupo siya. Pinagmasdan niya ang matanda habang maayos nitong inilagay isa-isa ang mga bulaklak sa vase.
"Umalis na po 'yung nagligtas sa akin kahapon, Nay?" panimulang tanong niya sa matanda.
"Oo, iha. Kailangan daw muna niyang bumalik sa Maynila pero nangako siya sa aking babalik din naman agad rito para makipag-usap sa iyo," sabi nito at saka umupo sa katapat na upuan. "Hindi pala kayo nakapag-usap kahapon?"
Dahan-dahan siyang umiling. Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin ba niya sa matanda na gustong bilhin ng lalaking nagligtas sa kanya ang farm. Pero naisip niya na malalaman at malalaman din naman ng mga magsasaka ang tungkol rito.
"Hindi kami nakapag-usap ng matagal kahapon, Nay. Pero gusto niyang bilhin ang lupaing ito," seryoso niyang sabi rito.
Napahinto naman ang matanda sa ginagawa nito. "Inaasahan ko na talaga na iyan ang pakay niya rito. Nakita ko siya noong isang araw doon sa kabilang lupain. Isang malaking mountain resort nga ang itatayo nila," may pag-aalala ang boses na sabi nito.
"Hangga't nandito ako, Nay, ay hindi ako papayag na bibihilhin itong lupain," determinado niyang sabi.
Ngumiti sa kanya ito pero hindi umabot sa mga mata nito ang ngiti. "Huwag kang mag-alala sa amin, Mara. Inaasahan na namin na dumating ang panahon na ito."
Ikinuyom niya ang mga kamay niya at nag-iwas ng tingin sa matanda. Natatakot siya sa posibleng mangyari kapag nagparamdam ang isa sa mga kapatid ng ama niya. Alam niyang wala siyang magagawa pero magmamakaawa siyang hindi ibenta ang lupa. Alam niyang wala siyang karapatan pero baka pakikinggan siya dahil pitong taon niya itong inalagaan.
"Kumusta nga pala ang pagbisita mo sa iyong Lola Stephanie, iha?"
"Ayos naman po, Nay. Hihingi ako ng tulong sa kanya na huwag ibenta itong farm."
Ngumiti na naman ito sa kanya at hinawakan ang kamay niya. "Huwag mo na munang isipin ang mga bagay na iyan, Mara. Magiging maayos din ang lahat," kampante nitong sabi.
"Ano kaya ang pwedeng gawin ko sa lalaking iyon para hindi na siya bumalik rito?" sabi niya sa matanda na ikinatuwa naman nito.
"Ikaw talaga, Mara. Hayaan mo na. Kung ano ang nakatadhanang mangayri, ay talagang mangyayari at walang makakapigil rito."
Napaisip siya dahil sa sinabi nito. Kung maibenta ang farm ay may posibilidad na hindi na niya makikita ang taong hinihintay niya. Itong farm na lang ang tanging pinanghahawakan niya upang makita ulit ito. Kapag nawala sa kanya ang farm ay mawawala na rin ito ng tuluyan sa buhay niya.
Kung ano ang nakatadhanang mangayri, ay talagang mangyayari at walang makakapigil rito.
"Hindi naman mabebenta ang farm, Nay, kung hindi na babalik rito ang lalaking iyon."
"Siguro ay nakatadhanang maligaw rito ang binatang iyon, Mara. Hindi natin alam, baka nakatadhana kayong magkita," nakangiti nitong sabi.
Tumayo na ito at saka naglakad palabas ng kusina habang dala-dala ang flower vase.
Nakatadhana kaming magkita? No! Sana hindi na bumalik rito ang lalaking iyon. Kapag pinilit pa niyang bilhin ang lupaing ito ay siguradong ako ang makakaaway niya.
"If he buys this land, we are surely destined to become enemies."
********
2 weeks later........
MALAKAS na nagbuntong-hininga si Zhamara at saka pabagsak na umupo sa damuhan. Kinuha niya ang telang itinakip niya sa mukha at saka pinunasan ang pawis sa noo at leeg niya.
"Mag meryenda ka muna, Ate Mara. Tapos na kaming kumain. Kanina ka pa hinahanap ni, Nanay Rita," sabi ng isa sa mga anak ng magsasakang nagtatrabaho sa farm.
"Sige, Roy. Susunod ako," nakangiti niyang sabi rito.
Tumakbo na ito paalis at siya naman ay muling pinagmasdan ang mga puno ng mangga. Dalawang linggo na ang lumipas simula noong dumating ang bagyo at ngayon ay nagawa na nilang linisin ang buong farm.
Kakatapos lang niyang tumulong sa pagtanim ng bagong tubong mangga. Mamaya ay tutulong naman siya sa pagpapatubig sa palayan para matamnan ulit nila.
Tumayo na siya at saka naglakad pabalik sa mansyon. Nang makarating siya ay agad niyang kinain ang meryendang inihanda ni Nanay Rita sa kanya.
"Magpahinga ka na muna, iha. Kanina ka pa nakababad sa sakahan," sabi ng matanda sa kanya.
"Ayos lang, Nay. Hindi naman masyadong mainit ang panahon ngayon," sagot niya rito.
Kunot-noo siyang napatingin sa kotseng paparating. Nang makita niya ang kabuuan ng kotse ay agad niyang nahulaan kung sino ito. Si Nikko.
Maayos nitong ipinarada ang sasakyan at nakangiting lumabas ng kotse nito. May dala-dala na naman itong isang bouquet ng bulaklak.
"Good morning, Mara. Good morning po, Nay," nakangiti nitong bati sa kanilang dalawa.
"Magandang umaga din, iho. Maupo ka rito. Kakarating lang din ni Mara galing sa sakahan. Kumain ka din ng meryenda. Nagluto ako ng pancake at biko."
"Wow! Ang sarap naman niyan, Nay," natutuwa nitong sabi at saka umupo sa katabing upuan niya.
"Huwag kang masyadong nagpapapagod, Mara. Nakakasama 'yan sa katawan," sabi nito at saka sumubo ng biko.
"Hindi naman ako napapagod. Parang nag-e-exercise lang din ako kapag nasa sakahan," sagot niya rito.
"Kahit na. Nag-aalala ako sa'yo," sabi nito.
Kinuha niya ang isang baso ng tubig at ininom ito. Alam niyang walang patutunguhan ang pag-uusap nila kung kaya't hindi na siya sumagot pa. Kailangan niyang ipakita rito na wala talaga itong mapapala sa kanya.
Tumayo na siya para bumalik sa sakahan pero biglang hinawakan ni Nikko ang kamay niya. Kunot-noo siyang napatingin rito.
"Bukas ka na bumalik sa sakahan, Mara. Kararating ko lang. Baka pwede tayong mag-usap?"
Dahan-dahan niyang binawi ang kamay niya. "Kailangan ko munang tumulong sa sakahan, Nikko. Pasensya ka na."
Mabilis niya itong tinalikuran at saka naglakad palayo. Pero sinundan pala siya nito kung kaya't huminto siya sa paglalakad at hinarap ito.
"Nikko, mas mabuti pang kalimutan mo na ako. Abala ako sa farm ngayon. Mas kailangan kong unahin ang farm," mabilis niyang sabi.
"Kahit ilang oras lang, Mara. I just want to spend some time with you," pagmamakaawa nito.
"I'm sorry, Nikko," matigas niyang sabi at mabilis itong tinalikuran.
"It's my birthday today."
Napahinto siya sa paglalakad nang marinig niya ang sinabi nito. Napalunok siya at nakagat ang pang-ibabang labi. Dahan-dahan siyang lumingon rito pero naglalakad na ito pabalik sa mansyon.
Malakas siyang nagbuntong-hininga. Nasaktan na naman niya ang damdamin nito. Ito ang dahilan kung kaya ayaw na niyang bumibisita ito sa kanya. Dahil sinabi na niyang wala siyang gusto rito, wala talaga itong mapapala sa kanya. Ang tanging mapapala lamang nito sa kanya ay sakit sa puso.
Hindi na niya ito sinundan pa. Ayaw niyang umasa itong magugustuhan niya.
"Tama kaya na hindi ko siya sinundan?"
Muli siyang nagbuntong-hininga at saka nagsimulang maglakad. Sa sobrang dami niyang iniisip ay hindi niya napansin na nakarating na pala siya sa talon. Saka lang niya napagtanto nang marinig niya ang lagaslas ng tubig.
Tinanggal niya ang lahat ng damit na suot niya pati na ang undergarments. Hindi siya natatakot na may makakita sa kanya dahil wala namang ibang nakakaapak dito sa talon kundi siya lamang at ang pamilya niya. Private property ito at noong maliit pa lang siya at buhay pa ang Lolo niya ay ipinagbawal na talaga ang ibang tao na makapasok rito. Ilang beses na din niya itong ginagawa at napatunayan na niyang wala ngang ibang taong pumapasok sa may talon.
Parang biglang gumaan ang pakiramdam niya nang maramdaman niya ang malamig na tubig. Lumangoy siya papunta sa ilalim at muling lumangoy paitaas. Hinihingal niyang pinagmasdan ang talon mula sa baba. Hindi naman masyadong malakas ang pagbagsak ng tubig. Sakto lang na maging mahina at banayad ang pag-agos sa baba.
Muli siyang lumangoy at dinama ang malamig na tubig. Sinuklay niya ang buhok gamit ang kamay niya at saka muling lumangoy. Tumingala siya sa langit at mukhang nagbabadyang umulan dahil biglang nawala ang sinag ng araw. Nagpalutang-lutang siya habang tinititigan ang mga ulap at pinakikinggan ang huni ng mga ibon.
"F*ck!"
Napaigtad siya sa gulat at mabilis na ipinalibot ang paningin sa paligid. Nagulat siya nang makita ang lalaking nagligtas sa kanya. Dahan-dahan itong tumayo na parang kagagaling lang nitong madapa.
Mabilis siyang lumubog sa tubig at tanging ang mukha lang niya ang makikita nito. Kinakabahan niya itong tinignan. Kanina pa kaya ito rito? Nakita kaya nito ang katawan niya?
"Anong ginagawa mo rito?"
"I told you, I will be back," sagot nito.
Napalunok siya at napatingin sa mga damit niyang ipinatong niya sa bato kanina. Kailangan niyang isuot ang mga iyon!
********