Kung nakinig lang ako noon… kung hinayaan ko lang silang magpaliwanag, siguro iba na ang takbo ng buhay ko ngayon. Hindi sana nasayang ang dalawang taon. Hindi sana ako nagpalunod sa stress at galit na ako rin naman ang gumawa.
Ang dami kong nasayang na oras. Oras na sana kasama ko si Nyle, na sana tinatamasa namin ang plano niya para sa amin. Ang plano na hindi ko man lang hinayaang ipaliwanag niya.
Bakit ba ang dali kong magduda noon? Bakit ba sarado agad ang isip ko? Lagi kong iniisip na may mali, na may tinatago siya sa akin. Pero hindi ko man lang siya binigyan ng pagkakataon na magsalita.
Hindi ko napansin na ako pala ang nagtulak sa sarili ko sa ganitong sitwasyon. Nakakainis isipin na ako mismo ang sumira ng kaligayahan na nakahain na pala sa harap ko. Hindi ko inasahan na ang lahat ng iniisip kong lihim ni Nyle ay parte pala ng isang bagay na magpapasaya sa amin.
Napapikit ako nang mahigpit, pinipilit kalmahin ang sarili. Kung naging mas mahinahon lang sana ako. Kung naging bukas lang ang isip ko sa mga sinasabi nila, si Nyle, si Tessa, si Brian—lahat sila sinubukan akong kausapin pero hindi ko sila pinakinggan.
Ang tanga ko!
Ang dami kong pinalampas dahil sa pride ko. Ngayon, nandito ako, nagsisisi sa mga taon na nawala. Ang mga araw nainaaway ko siya. Ang mga pagkakataong nagduda ako, lahat ng stress at sakit na ako lang din pala ang may gawa.
Pero ngayon, alam ko na ang totoo. Alam ko na ang dahilan.
Nagulat ako nang biglang magsalita si Raphael sa tabi ko. Napatingin ako sa kanya habang hawak ang concept board para sa photoshoot.
“Ang seryoso mo, Xander,” malanding sabi ni Raphael habang nakangiti. Medyo nakalapit pa sa akin ng kaunti. "Ganyan ka ba kapag may iniisip, o may iba lang talagang nagpapabigat ng isip mo?"
Kumunot ang noo ko. Pinipilit na hindi siya pansinin.
“Baka gusto mong mag-focus na lang dito sa shoot kaysa makialam sa iniisip ko. Kung pwede lang naman.”
Tumawa si Raphael medyo lumapit pa ng konti. "Bakit naman hindi kita pwedeng tanungin? Pwede naman tayong mag-usap ng saglit? Besides," he lowered his voice a little, “I’ve always thought you’re more interesting than any concept board.”
Pinagpatuloy ko lang ang pagbabasa sa harapan ko pero hindi ko naiwasang mapataas ang kilay.
“Raphael, alam mo namang may asawa ako, at alam mo rin kung sino 'di ba? Huwag mong sabihin na hindi mo kilala si Nyle.”
"Of course, alam ko! Ang boss natin. Asawang mahal na mahal ka,” sagot niya habang nakangisi pa rin. “Pero bakit? Wala naman akong sinasabing masama, Xander. I’m just appreciating what’s in front of me.”
Nilingon ko siya nang diretso. Sineryoso na ang usapan. “Raphael, alam kong playful ka pero I’m not interested. Alam mo ‘yan.”
Hinaplos niya ang leeg niya na parang wala lang.
“Ouch. Straight to the point as always.” Tumawa siya nang bahagya pero halata kong gusto lang niya pakalmahin ang awkward na atmosphere. “Pero, okay lang. Hindi naman ako nagmamadali, Xander. Alam ko naman kung saan ako lulugar.”
Nagmamadali? Gusto ko pa sana siyang usisain pero mas pinili ko na lang tapusin ang usapan na 'to.
Binitiwan ko na ang concept board at nagpakawala ng isang buntong-hininga. “Tama na ‘yan. Focus na tayo sa shoot, baka mamaya hindi matapos ‘to at masermonan ka na naman.”
Tumingin siya sa akin, bahagyang nakangiti pa rin pero mas seryoso na ngayon.
“Alam mo, kahit si Boss, alam kong maswerte siya sa’yo. But if ever… if ever lang naman, Xander… alam mo kung nasaan ako.”
“Walang mangyayari diyan, Raphael. Let's keep it professional na lang.”
Raphael gave me a playful salute, with a wink. “Aye aye, captain. Professional it is.”
Sa wakas at umalis na siya.
---
Dumating ang creative team at nagsimula nang mag-set up para sa shoot. Abala si Raphael sa pagtuturo sa kanila, pero napansin kong paminsan-minsan ay sumusulyap siya sa direksyon ko. Sinubukan ko na lang huwag pansinin.
Nang matapos ang shoot at halos lahat ay nag-empake na, lumapit ulit si Raphael, pero this time, mas formal na ang approach niya.
“Xander, salamat sa guidance mo kanina. I’ll make sure to keep everything on track.”
Tumango lang ako. “Good. Let’s make sure na smooth ang flow para walang aberya.”
Bago siya umalis, huminto si Raphael at tiningnan ako ulit, pero hindi na tulad ng dati.
“Alam ko naman, Xander. Alam kong wala akong chance. Pero gusto ko lang malaman mo na, sa totoo lang, hindi ako nagbibiro kanina. I respect what you and Nyle have, pero minsan… hindi natin mapipigilan ang nararamdaman.”
Hindi ako agad nakapagsalita. Tumitig lang ako sa kanya, hinahanap ang tamang mga salita.
“Raphael… I appreciate your honesty. But you know where I stand. Mahal ko si Nyle, kahit gaano pa kahirap minsan.”
Ngumiti si Raphael ng tipid at tumango.
“I get it. Don’t worry. Hindi na kita bibiruin ulit ng ganon.” He gave a small wave before turning to leave. "See you around, Xander."
---
Ang ingay sa studio na halos nakakabingi. Ang mga ilaw sa bawat pag-click ng camera, at ang boses ng photographer na patuloy na nagbibigay ng direksyon ay parang hindi nawawalan ng lakas. Naririnig ko pa ang creative director sa gilid na nagbibigay ng feedback sa ibang models habang nakatayo ako sa harap ng backdrop, sinusubukang manatiling focus sa test shoot. Nasa harap ako ng camera, nakapose, pero hindi ko maiwasang mag-isip tungkol kay Nyle.
Ang cellphone ko na iniwan ko sa tabi, patuloy na nagva-vibrate sa sunod-sunod niyang text at tawag.
"Xander, tilt your head a bit more to the left," narinig ko ang boses ng photographer.
Sinunod ko agad na kahit pakiramdam ko pagod na pagod na ako sa walang hintong pag-pose at pagbabago ng expression.
Nang matapos ang shoot, hindi pa rin natatapos ang araw ko. Tumakbo agad si Ayla, ang assistant ko, patungo sa akin na may dalang clipboard at listahan ng mga bagay na kailangan ko pa raw gawin.
"Xander, here’s the updated schedule. We need you for a quick meeting with the creative director after this, and then you’re up for hair and makeup retouch for the next setup."
Tumango ako. Pilit na hinuhugot ang natitirang energy ko para sa buong araw. Kahit ang simple'ng pagtango ay parang effort na rin. Nangangalay na 'ko. Halos wala na akong oras huminga.
Bawat sandali, may isa na namang request. Pagbabago sa wardrobe, adjustments sa set, remainders from Ayla para sa hair and makeup team. Tila walang katapusan ang activities.
Nang tingnan ko ang reflection ko sa salamin ng makeup table, kitang-kita ko ang pagod sa mukha ko. Pero wala akong oras para magpahinga. Busy ang buong crew, at kailangan kong makisabay.
Ito ang ayaw ko sa modelling. Hindi arawan ang trabaho para paspasan, daig pa ang pitong araw na isiniksik sa loob lang ng isang araw.
"Alright, let’s move you to the next outfit," sabi ng stylist na may hawak nang susunod kong isusuot. Tumango ulit ako. Sinusubukang manatiling professional kahit ang dami nang tumatakbo sa isip ko.
Pagkatapos kong magbihis, may tumatawag ulit sa akin—si Nyle na naman.
Pero wala akong oras. Ilang minuto pa ay kailangan ko na ulit humarap sa camera. Napasandal ako saglit, sinusubukan mag-compose ng sarili. Kailangan ko itong tapusin.
---
Habang nagpapahinga ako, narinig kong nagiging maingay ang mga tao sa paligid. May mga bulungan at tawanan, at nang tumingin ako, nakita kong dumating si Nyle, kasama ang ilang staff na may dala-dalang mga box ng pizza, softdrinks, at mga packed lunch. Kita ko ang mga ngiti at kilig sa mukha ng mga tao sa studio.
Lahat nagiging masaya sa biglaang treat ni Nyle. Dumiretso siya sa akin, at bago pa ako makapagsalita, hinalikan niya ako sa pisngi, na nagdulot ng kaunting kilig sa mga staff na malapit sa amin.
"Teka, anong ginagawa mo dito?" tanong ko. Medyo naguguluhan pero natutuwa sa kanyang pagdating.
"Dinadalaw kita," sabi niya. Habang tumitig sa akin na parang wala nang iba pang dahilan maliban sa gusto niyang makita ako.
Naalala ko bigla ang phone ko. Halos sasabog na iyon sa dami ng texts at missed calls galing kay Nyle.
Nang marinig ko ang isa sa mga staff na tinatawag si Raphael, nilingon ko siya. Nasa gilid lang siya, tahimik na nagse-cellphone. Mukhang walang interes sa food na dala ni Nyle. Hindi niya pinansin ang staff. Hindi man lang tumingin sa direksyon namin. Para bang sinadya niyang umiwas, at hindi ko maiwasang mapansin ang kakaibang vibe sa kanya.
"Hindi ba siya kakain?" tanong ko na parang hindi rin sigurado kung bakit ganon ang ikinikilos ni Raphael. Hindi ko pala namalayan na naisatinig ko ang tanong sa isip ko.
"Hayaan mo na. Baka gusto lang magpahinga," sagot ni Nyle. Iniabot sa akin ang isang slice ng pizza. "Kumain ka na, kailangan mo ng energy."
Napatingin ulit ako kay Raphael. Tahimik lang siya. Malayo ang tingin habang patuloy na nagse-cellphone.
Habang iniisip ko kung bakit gano'n ang ikinikilos ni Raphael, napansin kong palihim siyang sumusulyap sa amin ni Nyle. Nagtataka ako pero binalewala ko muna dahil baka pagod lang siya o may iniisip. Mukhang hindi okay si Raphael pero hinayaan ko na lang.
Hindi ko na lang sinabi kay Nyle iyon. Paano naman ako makakapagsalita kung pilit niyang sinusubo sa 'kin ang hawak niyang slice ng pizza?!