Green eyes

1612 Words
Sa isang barong-barong na napagigitnaan ng berdeng mga puno at gintong butil ng mga palay naninirahan si Etel. Siya ang dalagang namulat sa kalupitan at pagmamalabis ng ina. Matapos maglinis ng dalaga sa kalat ng kanyang inang umuwi ng lasing kagabi, ay inasikaso naman niya ang pagkain nito. Mabigat ang kanyang katawan na pilit kumikilos upang magampanan ang mga gawaing dapat ay ina na niya ang gumagawa. Nang maihanda ang agahan ng ina ay dali-dali siyang nagtungo sa kanyang maliit na k’warto bitbit ang kaunting pagkain, panlaman sa kanyang nagugutom na sikmura. Pagkasara niya ng pinto ay halos manlambot na ang kanyang mga tuhod. Agad niyang inilapag sa kama ang dalang pagkain at pinilit pa niyang ihakbang ang kanyang mga paa upang makaupo sa kahoy niyang kama. Hindi mapigilang mapa-igik ng dalaga nang lumapat sa matigas na kama ang kanyang p’wet. Saglit muna siyang tumigil sa paggalaw at hinayaang mawala ang sakit na nadarama dulot ng mga pasang lumapat sa matigas na kahoy. Gamit ang namumutlang kamay ay inabot niyang muli ang pinggan na may lamang pagkain at saka nagmadaling kumain. Dapat sa paggising ng ina ay wala na siya sa bahay at nakalakad na upang kuhanin ang mga paninda niya kay Ingka Besing. Maglalako siyang muli kahit na masakit pa ang kanyang buong katawan. Matapos kumain ay unti-unting tumayo si Etel upang hubarin ang kanyang mga suot na mukhang damit na basahan. Nakatayo siya ngayon sa harap ng isang salamin habang tinititigan ang ang kanyang sarili. Unti-unti na lamang niyang nararamdaman ang sariling mga luhang naglalandas sa kanyang maputlang pisngi. Pilit niyang itinatago sa malungkot na mga ngiti ang kanyang mga hikbi. Pilit na kinukumbinsi ang sarili na okay lang siya at dapat na magpatuloy na lumaban sa buhay. Isiniksik niya sa kanyang utak na magbabago rin balang araw ang kanyang ina. Gagawin niya ang lahat upang matutuhan lang siyang mahalin ng ina. Hawak ang kapirasong tela mula sa nagkalasog-lasog niyang damit kagabi dahil sa parusa ng ina, ay tinuyo niya ang masaganang mga luha. Tumigil na siya sa kanyang pag-iyak at dahan-dahan na hinubad ang mga suot niyang damit. Ingat na ingat na hindi magalaw ang mga pasang natamo niya kagabi galing sa palo ng kanyang ina. Kinuha niya sa may paanan ng kama ang maliit na baldeng inihanda niya kanina upang ilinis sa kanyang mga pasa. Habang pinapahiran ng maligamgam na tubig ang nananakit na balat at mumunting mga kalmot ay nagsimula na namang maglandas ang kanyang mga luha. Hindi mapigilan ng dalaga na tanungin ang kanyang sarili kung bakit gano’n na lamang siya kung tratuhin ng kanyang ina. Hindi ba siya nito mahal? O mas tamang sabihin na sa loob ng labimpitong taon ay hindi naman naramdaman ng dalaga na minahal at binigyang-halaga siya ng ina. Walang patid, araw-araw na paalala sa kanya ng ina na siya ang dahilan kung bakit nasira ang buhay nito, na siya ay isang malaking salot, at malas sa buhay nito. Masakit man lunukin ang mga salitang galing sa bibig ng ina ay kahit kailan hindi nabawasan ang pagmamahal niya rito. Laging iniisip ni Etel na kung tutuusin ay maaari namang ipaampon o 'di kaya ipinalaglag na lamang siya ng ina. Ngunit hindi, bagkus ay pinalaki siya nito at binigyan ng tahanan. Hindi man kasing sarap ng buhay ng mga ibang kabataan sa kanilang baryo ang kanyang kinagisnan, ay mas mabuti na ito kaysa sa mga batang nakikita niya sa palabas na mga palaboy at walang tirahan. Hindi man niya makuha ang pagmamahal na ninanais mula sa ina ay laking pasasalamat na niya na iniluwal siya nito sa mundo. Matapos magbihis ay umupong muli sa kama si Etel at humarap sa full length mirror na bigay sa kanya ng kanilang kapit-bahay noong naglilipat ito papuntang siyudad. Kahit may-c***k na sa ibabang parte ang salamin, dulot nang binato ito ng kanyang ina ng sapatos noon ay maayos pa rin naman itong ginagamit ng dalaga. Natatawa na lang siyang napangiwi nang mapadpad ang kanyang paningin sa maliit na litratong nakadikit sa dingding ng kanyang k’warto. Ito ay larawan ni Zackary na ginupit niya mula sa isang magazine. Isa ito sa kanyang mga pinakaiingatang bagay. "Kasalanan mo ito. Alam mo bang nabugbog ako ni nanay dahil wala akong perang naibigay sa kanya nang ako ay umuwi?" pabirong turan ng dalaga sa larawang kanyang tinititigan. Ito ang palaging kinakausap niya sa tuwing mabigat ang kanyang pakiramdam at hindi na niya kaya ang kanyang mga suliranin. Mistula mang kabaliwan ang tingin ng iba sa kanyang ginagawa ay lubos naman nitong pinapagaan ang bigat na nadarama. Agad na namula ang mapupulang pisngi ni Etel nang maalala ang pagnanakaw ng lalaki sa kanyang unang halik. Sa mga nangyari sa kanya kahapon ay masasabi niyang s’werte na sana kaso minalas pa. S’werte sa kadahilanang na-meet niya sa personal ang lalaking iniidolo at may bonus pa na halik. Malas naman dahil sa insidenteng iyon ay natapon ang kanyang mga paninda at walang nauwing pera. May-utang pa sila sa pinag-angkatan ng paninda, nabugbog pa siya ng kanyang ina. Napangiwi na lamang si Etel nang sa ’di sinasadya ay napisil niya ang kanyang pasa sa braso. Malinaw niyang nakikita ang namumula na parang nangingitim na mga nagkalat na marka sa kanyang maputlang balat. Hindi maunawaan ng dalaga kung bakit kakaiba ang kanyang hitsura kumpara sa ina. Habang nakatitig sa salamin ay paulit-ulit din niyang nasisilayan ang may kalakihan at magaganda niyang mga mata. Hindi niya maipaliwanag ang kakaibang naidudulot na kasiyahan sa kanya ng berdeng mga mata. Isa sa mga insecurities ng dalaga ang kanyang ibang hitsura. Kahit na kaunti ay wala silang pagkakapareho ng kanyang ina. Matapos gawin ang mga paghahanda bago umalis ay sinipat muna nang maigi ng dalaga ang kanyang sarili sa harap ng salamin. Laking pasasalamat na lang niya na lagi siyang nakasuot ng pantalon, pajama, long sleeve o ‘di kaya ay malaking t-shirt. Walang ibang nakaaalam o nakakakita ng mga pasang dulot nang mabigat na kamay ng ina. Liban sa iilan nilang kapitbahay na alam na kung paano siya tratuhin ng ina ay wala nang may-alam sa kalbaryong kanyang dinaranas. Minsan ay napapatungo na lamang siya at pilit na inaalala ang mga panahong kabataan pa niya. Ngunit wala ni katiting na alaalang nagpapatunay na naranasan niyang maging isang normal na bata. Iyong tipong naglalaro o nagkaroon man lang ng laruan. Pakiramdam niya ay ikinukulong siya ng ina sa apat na sulok ng kanilang islang kinalalagyan. Iisa lamang ang nanunumbalik na alaala sa dalaga. Simula nang siya ay nagkaisip paghahanap-buhay na ang kanyang kinalak’han. Ang paglalako ng mga paninda nilang kakanin ang siyang naging parte ng kanyang kabataan. Batay sa usap-usapan ng kanilang mga kapit-bahay ay may pera daw sila noon. Kaya ay pinag-aral siya ng kanyang ina sa elementarya. Pero dahil sa pagkalulong nito sa sugal ay naghirap sila nang husto, at sa kanya isinisisi ng ina ang lahat ng masamang bagay na nangyari sa kanila ngayon. Elementarya lamang ang tinapos ni Etel dahil sa prinsipyo ng ina na wala raw silbi kahit na mag-aral pa siya. Ang tanging gusto lang nito ay pagtuunan niya na lang ng pansin ang pagtatrabaho. Ang mga kaalaman ngayon ni Etel ay bunga lang ng mga nakaw niyang pagbabasa. Gamit ang mga librong bigay ng mayayaman niyang kustomer ng kakanin ay natuto siya sa mga bagay-bagay. Itinuturing niyang kayamanan ang mga libro kaya maayos niya itong itinatago. Dahil ’pag nalaman ng kanyang ina na nagbabasa siya upang matuto ay malamang bugbog na naman ang aabutin niya. Maaari din na sunugin na naman nito ang mga reading materials ng dalaga. Tahimik lamang siyang nakatingin sa maputlang repleksyon sa salamin. Siguro na rin ay dahil ni minsan ‘di pa talaga siya nagbibilad sa araw nang hindi nakabalot. Hindi mawari ng dalaga kung normal ba ang kanyang kulay ng balat o may sakit na siyang nakahahawa. Sinubukan niyang ilugay ang buhok upang maiba naman. Ngunit pinigil niyang ’wag matawa nang mapagtanto na mapapahiya ang palayan ng kapit-bahay nila sa maangas niyang buhok. Tila mas nagmumukha pa itong hinog na butil ng palay dahil sa mga naglalabasang sobra-sobrang split ends. Lagi na lamang niyang iniisip na kung hindi man niya kamukha ang ina ay malamang nagmana siya sa kanyang ama. Sa tangkad niya na 5’5 na pinarisan ng magandang mukha at kakaibang ganda ng mga mata ay aakalain mong mula siya sa mayamang pamilya. Natatabunan lamang ang kanyang ganda sa tindi ng kanilang kahirapan. Walang maayos na pagkain at kagamitan na siyang dahilan kung bakit lagi siyang tinutukso ng mga dalaga sa kanilang baryo. Kahit gaano pa niya kagusto ang itanong sa ina ang tungkol sa kanyang ama, ay baka lawiswis ng bayabas na naman ang isagot nito sa kanya . Sinubukan na rin niya ang magtanong sa matanda nilang kapitbahay na si Ingka Besing pero maging ito ay ‘di alam o napansin na may nagawing lalaki sa kanilang bahay. Minsan ay biniro pa siya ng matanda na baka modelo ang kanyang ama. Ngumiti na lang si Etel sa mga alaalang iyon. Positibo pa rin ang tingin niya sa mundo, lalong-lalo na sa sarili. Lagi niyang motto ang “Whatever happens, happens”. Tumayo siya at pilit na binubuhay ang sarili. ‘‘’Di ba self? Maganda tayo? Pilit tayong lalaban at susugod." Sa bawat hakbang na ginawa ng dalaga ay gumuguhit ang kirot ng kanyang mga pasa. Palabas na sana siya ng pintuan nang . . . ‘‘Etel! Etel! Punyeta kang bata ka! Halika rito!” dinig niya ang tawag ng ina mula sa k’wartong tinutulugan nito. "Whatever happens, happens . . ." bulong ni Etel at nagsimulang maglakad upang puntahan ang ina dala-dala ang pagkaing inihanda niya para dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD