EPISODE 6

1324 Words
LUCIFER NAGPAPASALAMAT ako dahil isang linggo ang lumipas ay wala namang ginawang masama sa akin ang amo ko. Ipinagpasalamat ko ang pagiging busy nito na palaging lumalabas. Hindi ko alam kung ano'ng ginagawa nito. Kung ano pa man iyon ay naisip kong mabuti iyon. Habang naglalampaso napansin ko ang mga lalaking pumasok sa club. May isang matabang lalaki ang nangunguna sa pagpasok sa loob at kasunod naman ang apat na kalalakihang nakasuot ng itim na damit. May subong sigarilyo ang lalaking mataba na sa tingin ko ay boss ng mga lalaki. Nakasuot ito ng sumbrerong kulay brown at may suot ding salaming may kulay kaya hindi ko makita ang mga mata nito. Napababa ang tingin ko sa suot nitong sapatos na balat na sobrang kintab. Lumapit ito sa kinatatayuan ko. Bago ito nagsalita ay sinuri niya muna ang kabuuan ko. Nakaramdam ako ng takot. “Sino ka?” Tanong niya sa kanya. “Ako po si Lucifer.” Pakilala ko sa sarili ko. Napatango ang matabang lalaki. Ang mga kasama naman nitong apat ng mga lalaki ay tila nagmamasid sa paligid. “Nasaan si madam Helen? Sabihin mo sa kanyang nandito ako.” Utos nito sa akin. “W-Wala po si madam. Kanina pa po umalis.” Nauutal na sagot ko. Nangunot ang noo ng lalaki at tila nainis sa sinabi ko. Inalis nito ang salamin sa mata. “Totoo ba ang sinasabi mo? Last week ko pa hinahanap ang babaeng iyon!” Nagulat ako sa pagtaas ng boses nito. Mukhang galit ang lalaki. Mukhang may malaking atraso si madam sa lalaki. “Halughugin ninyo ang buong club. Hanapin niyo ang babaeng iyon!” Utos ng lalaki sa mga kasama nito. Agad na umalis ang apat na lalaki. Bigla ay nakaramdam ako ng takot. Nanginig ang mga tuhod ko nang may nilabas na baril ang lalaki na nasa tagiliran nito. “Master, wala po rito si madam Helen,” sabi ng isang tauhan ng lalaki. Kita niya ang pag-igting ng panga nito. Bumilis ang t***k ng puso ko nang humarap ang lalaki sa akin. “Sabihin mo sa amo mong magpakita sa akin, kung hindi pasasabugin ko ang bulok niyang bar!” Anito habang nakatutok sa mukha ko ang dulo ng baril na hawak nito. Sa takot ay hindi ako nakapagsalita at tanging pagtango lang ang ginawa ko. Umalis na ang mga lalaki pagkasabi ng bilin nito. Nakahinga ako nang maluwag. Ilang minuto ang nakalipas nang umalis ang mga lalaki ay siya namang pagdating ni madam. “Madam, may naghahanap po sa inyong lalaki. Pinasasabi niya pong kapag hindi po kayo magpakita ay pasasabugin niya raw po itong bar ninyo,” sabi ko. Takot ang rumehistro sa mukha nito. Bigla na lang itong tumalikod at iniwan ako. Nagtatakang nasundan ko na lang ng tingin habang papalayo. Ano kayang ikinatatakot niya? Hindi kaya may malaking pagkakautang si madam sa lalaking nagpunta rito kanina? Hapon na at magsisimula na ang trabaho ko sa bar ay hindi ko pa rin napapansin si madam na nagpunta rito. Ang nandito lang ay ang kanyang kanang kamay na si kuya Raul. Dati naman maaga pa lang nandito na iyon. Diyan lang naman sa malapit ang tinutuluyan niya. Binalewala ko na lang na wala rito si madam. Mas maigi ngang wala iyon. Sa tuwing nandito siya, hindi ako mapalagay at natatakot ako. ***** KINABUKASAN ay bumalik muli ang mga lalaki. Mas madami ang kasama nito. Takot na takot kaming gumilid sa dinadaraanan ng mga lalaki habang papasok sa club. Nakita naming may bitbit na mga baril ang mga lalaki. Huling pumasok ang pinakapinuno. “Sino ba ang mga iyon?” Tanong ni ate Eli sa akin. “Hindi ko po alam kung sino sila. Kahapon pa po nila hinahanap si madam. Nagbanta pa nga po na pasasabugin ang bar kapag hindi nagpakita si madam.” Napahawak sa ibabaw ng dibdib si ate Eli habang nanlalaki ang mga mata. “Hindi kaya malaki ang pagkakautang ni madam sa taong iyon? Diyos ko nakakatakot naman kung pasasabugin niya ang club. Baka madamay tayo kapag nangyari iyon.” Natakot ako sa sinabi ni ate Eli. Naisip kong kung pasasabugin ang lugar na ito madami ang madadamay. Huwag naman sana. Nakarinig kami ng kalabog sa opisina ni madam at pagsigaw. Nagkatinginan kami ni ate Eli. “Diyan ka lang, Luci. Sisilipin ko lang kung ano'ng nangyayari roon,” sabi niya. Akmang aalis na ito nang pigilin ko. “Huwag ate Eli, baka madamay ka. May mga armas pa naman ang mga lalaking iyon,” sabi ko. Ngunit hindi niya ako pinakinggan. Nagpunta siya sa opisina ng amo namin. Sumunod ako kahit binawalan niya akong sumunod. Napalingon siya sa akin. “Hindi ba sinabi kong doon ka lang? Sisilip lang ako.” Itinaboy niya ako. Itinulak niya ako ngunit hindi ako nagpatinag. “Dito lang ako, ate. Baka may mangyaring masama sa iyo.” May pag-aalala kong sabi. Napangiti si ate Eli. Bumukas ang pinto. Pareho kaming nagulat ni ate Eli nang lumabas si madam, duguan habang hawak siya ng dalawang tauhan ng lalaking. Mukhang binugbog nila ito. Napaatras kaming dalawa ni ate Eli. Napahawak siya sa braso ko. Takot na takot ang nararamdaman ko. Hindi man maganda ang ginawa ni madam sa akin ngunit may kaunting awa akong naramdaman nang makita ang mukha nito na puno ng pasa at dugo. Halos magsara ang mga mata nito dahil sa bugbog. Hindi kami nakapagsalita ni ate Eli habang dumadaan sa harapan namin ang mga lalaki habang bitbit si madam. Napalingon sa kinatatayuan namin ang lalaking pinakapinuno ng mga lalaki. Nakaramdam ako ng matinding takot nang ibaba ng lalaki ang salamin nito at tila sinusuri ang hitsura ko. Mas lalo akong natakot nang tumaas ang sulok ng labi nito. Agad ding umalis ang mga lalaki. Nakahinga ako nang maluwag. Gayon pa man nag-aalala ako sa kalagayan ng amo namin. “Saan kaya nila dadalhin si Madam?” Tanong ni ate Eli habang nakatingin sa papalayong mga lalaki. Malalim na napabuntonghininga si ate Eli. Nagkibitbalikat lang ako. Kahit ako ay walang ideya kung saan nga ba nila dadalhin si Madam? Gustong magdiwang ng isipan ko dahil ito na ang katarungan para sa ginawa niyang kalapastanganan sa akin ngunit ang puso ko ay nag-aalala sa kalagayan ng amo ko. ***** DALAWANG araw nang hindi bumabalik ang amo namin. Kaya dalawang araw nakasara ang casa. Kung tutuusin pwede na kaming umalis ngunit hindi namin ginawa. Kahit paano ay may utang na loob kami kay madam Helen kahit masama ang ugali nito. Tumatanaw pa rin kami ng utang na loob sa pagtira namin dito kaya kahit may pagkakataon na kaming umalis ay walang nagtangka sa amin. “Kung isang linggo ay wala pa si madam, aalis na tayo,” sabi ni ate Eli sa amin. “Walang mangyayari sa atin kung mananatili tayo sa casa na walang pagkakakitaan. Ilang araw lang itong budget natin sa pagkain mauubos na ang supply natin,” sabi naman ni ate Iza. Tumango ang iba pang kasama namin. Iniisip ko kung saan ako pupunta. Wala akong alam sa Maynila. Bahala na kung saan ako dalhin ng aking mga paa. Nagtitiwala akong hindi ako pababayaan ng diyos. Meron pa rin akong pananampalataya sa kanya sa kabila nang hinanakit ko sa nangyari sa akin. “Sumama ka sa amin, Luci. Alam kong wala kang mapupuntahan.” Napatingin ako kay ate Eli. Napangiti ako. “Salamat, ate. Wala po akong alam na lugar kung saan ako makahahanap ng matutuluyan.” Pag-amin ko. “Ano ka ba, Luci. Itinuring ka na naming nakababatang kapatid kaya kahit saan man kami pumunta kasama ka.” Komento ni ate Eli. Nag-init ang sulok ng mata ko. Hindi ko maiwasang pangiliran ng luha dahil sa kabutihang loob nila sa akin, hindi man nila ako kadugo. Sa kabila ng kamalasang naranasan ko. Meron pa ring ibinibigay ang diyos sa aking mabubuting mga tao upang tulungan ako. Niyakap ko si ate Eli. Tinapik niya ang likod ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD