LUCIFER
HABANG naghihintay ng kliyente sa gilid ng kalsada may nakita akong mga kalalakihan sa may di kalayuan. Mukhang may binubugbog silang lalaki. Napatingin ako sa paligid. May mga taong nakikiusyoso, ngunit wala ni isang tumulong sa lalaki. Itinapon ko ang sigarilyong hawak ko at lumapit sa kinaroroonan ng mga lalaki.
“Itigil niyo iyan!” Pagbabawal ko sa apat na lalaking pinagtutulungang bugbugin ang isang may edad ng lalaki. Napatingin ang apat sa akin. Napalunok ako. Nagsisisi ako kung bakit naglakas loob pa akong patigilin ang mga lalaki gayong mag-isa ko lang.
Bahala na!
“Anong karapatan mong pagbawalan kami? At sino kang gago ka na basta na lang makikialam?” Galit na sabi ng isang may panyong nakatali sa ulo nito. Ang kamisetang puti na suot nito ay may bahid ng dugo. At ang pantalon ay tila hindi nalabhan ng ilang araw dahil sa dumi nito. Ang suot nitong rubber shoes ay luma na at wala pang sintas.
“Hindi niyo dapat sinasaktan ang matanda. Hindi ba kayo naaawa sa kanya? Wala siyang kalaban- laban sa inyong apat,” lakas loob kong sabi. Kabado man na sabi ko iyon.
Nagtawanan ang kasama ng lalaki. “Ang yabang nito. Hindi porket matangkad ka at kami ay bansot sa paningin mo magmamayabang ka na sa amin! Hindi mo ba kilala ang grupo namin?” sabi ng isa pang lalaki na may ngipin na sira sa harapan.
Napalunok ako. Tama naman ang lalaki. Mas matangkad ako sa kanila at mas malaki ang katawan. Kung tutuusin kaya ko silang apat. Mapapayat lang naman ang apat na lalaki at hindi katangkaran. Ang problema ayoko ng gulo. Mas pinipili ko kasi ang diplomasya kaysa ang karahasan. Pero sa tingin ko ngayon ay hindi ko magagawa iyon.
“H-Hindi naman ako nagmamayabang. Sinasabi ko lang na hindi niyo dapat sinasaktan ang nakatatanda.”
Naglakad palapit sa akin ang lalaking may nakataling panyo sa ulo. Mukhang ito ang lider nila. Napaatras ako. Nanlaki ang mga mata ko nang maglabas ito ng patalim. Mukhang nangangalawang na. Kung maisaksak ito sa katawan ko siguradong matetetano ako.
Umatras ako nang umatras. Habang umaatras napatingin ako sa matandang lalaking nakalugmok sa semento. Duguan ang buong mukha at tila wala ng buhay.
Hindi dapat ako natatakot. Kailangan kong lumaban sa mga taong masasama! Kinuyom ko ang kamao ko at hinanda ang sarili ko. Mapapalaban ako.
Sumugod ang isang lalaki at inundayan niya ako ng suntok ngunit nailagan ko iyon. Nang makalagpas ang lalaki itinulak ko siya. Napasubsob sa semento ang lalaki. Isa pang lalaki ang sumugod sa akin at akmang susuntukin ng hinawakan ko ang maliit nitong kamao at pinilipit ang braso nito at saka ko tinuhod ang tiyan nito. Napaluhod ang lalaki habang namamalipit sa sakit. Isa pang lalaki ang sumugod may hawak itong patalim. Itatarak niya ito sa akin ng mailagan ko iyon. Dahil sa pag-ilag ko napasubsob ang lalaki. Naningkit ang mata ng lider. Inuman niya ang patalim nitong nangangalawang na. Napatingin ako sa tagiliran ko, susugurin muli ako. Wala akong inaksayang panahon sinipa ko ito sa katawan. Napaupo ang lalaki.
Nakatayo ang tatlo at akmang susugurin ako nang may dumating na mga tao. “Hoy!” Sigaw ng matandang lalaki at may iba pa itong kasama. Nagsitakbuhan ang mga lalaki.
Napatingin ako sa matandang lalaking nakabulagta sa semento. Agad ko itong nilapitan at kinapa ang leeg nito kung may pulso. Napakahina ng tib*k ng pulso niya.
“Tulungan po natin ang lalaki. Buhay pa po ito,” sabi ko sa matandang lalaking may malaking tiyan na lumapit sa akin.
“Tumawag kayo ng ambulansya!”
Agad naman tumalima ang kasama ng matandang lalaki. Napasulyap ako sa lalaki. Mukhang may kaya ang lalaki dahil sa suot nitong pormal.
HABANG nakasandal sa pader napatitingin ako sa dumadaan sa harapan ko. Nandito ako ngayon sa ospital kung saan namin dinala ang matandang lalaki. Hinihintay ko pa ang doktor na tumingin sa lalaki.
Napatayo ako ng tuwid nang may dumating na mga lalaki na nakasuot ng pormal kagaya rin ng suot ng matandang lalaki.
“Nasaan si Boss?” Tanong sa akin ng lalaking matangkad.
“Nasa loob pa po siya ng emergency room,” sagot ko.
“Ikaw ba nagligtas sa Boss namin?” Tanong niya sa akin. Tumango ako.
“Maraming salamat! Huwag kang mag-alala kapag maayos na si Boss bibigyan ka namin ng gantimpala,” sabi nito.
“Naku huwag na po. Hindi naman po ako humihingi ng kapalit sa pagtulong. Kusa ko pong ginawa iyon,” sabi ko at alanganing napangiti.
Tinapik ng lalaki ang balikat ko. “Hindi mo alam kung gaano kahalaga ang ginawa mo. Iniligtas mo ang buhay niya,” sabi ng lalaki sa akin. Nangunot ang noo ko sa pagtataka.
Anong ibig sabihin ng lalaki? Importanteng tao kaya ang matandang iniligtas ko?
Lumabas na ang doktor. Lumapit ang lalaking kumausap sa akin. Narinig ko ang sinabi ng doktor na ayos ang lagay ng pasyente. Nakahinga ako ng maluwag. Kailangan ko ng umuwi at baka hinahanap na ako ni Hubert.
Tumalikod na ako upang umalis.
“Sandali lang!” habol ng lalaki. Napahinto ako sa paglalakad.
“Bakit po?” Tanong ko.
“Anong pangalan mo?” Tanong ng lalaki.
“Ako nga po pala si Lucifer Ramones.” Pakilala ko sa sarili ko. Nakipagkamay ang lalaki na tinanggap ko naman.
“Ako nga pala si Pablo.”
May kinuhang maliit na papel ang lalaki sa bulsa ng pantalon nito at saka ibinigay sa akin. “Kung may kailangan ka puntahan mo ang address na nakalagay diyan o tawagan sa numerong nandiyan,” sabi nito.
Napakamot ako sa ulo ko. “ Wala po akong pantawag.” Alanganing ngiti ang nagawa ko. Natawa ng mahina ang lalaki.
“Puntahan mo na lang ang address na nakalagay sa card. Malaki ang utang na loob namin sa iyo. Kung hindi dahil sa iyo baka patay na si Boss.”
Napangiti ako. “Ayos lang po iyon. Hayaan niyo po kung may kailangan ako pupuntahan ko po ang address na ibinigay niyo.” Tumango ang lalaki at napangiti.
“SAAN ka ba galing? Kanina pa kita hinihintay sa kanto.” Tanong ni Hubert ng makabalik sa pwesto namin sa parke.
“May tinulungan akong matandang lalaki. May mga lalaking nambugbog dito.” Kuwento ko at saka naupo sa upuang semento.
Dinukot ko sa bulsa ang card na binigay sa akin ng lalaki at ipinakita kay Hubert. Binasa nito ang pangalang nasa card. Nanlaki ang mata nito.
Hinampas niya ako sa balikat. “Luci, hindi mo ba alam kung sinong tao ang iniligtas mo?” Nangunot ang noo ko sa tanong ni Hubert. Natawa pa ako.
“Hindi ko kilala ang lalaki. Ngayon ko nga lang nakita ang lalaking iniligtas ko.”
Inakbayan ako ni Hubert at inilapit ang card sa mukha ko. “Siya lang naman ang bilyonaryong nagmamay-ari ng ilang malalaking kompanya rito sa Pilipinas at sa ibang bansa. Naririnig ko sa balita na kapag binigyan ka ng card kagaya nito sure na tutulungan ka nila. Swerte mo Lucifer!” sabi nito.
“Wala namang bayad ang pagtulong ko. Sapat na sa akin na natulungan ko siya.” Bahagyang sinuntok ni Hubert ang braso ko.
“Ano ka ba? Pagkakataon mo na ito para makaahon sa kahirapan. Malaki ang maitutulong niya para mapabuti ang buhay mo Lucifer. Kuhanin mo na ang oportunidad habang nandiyan pa.”
Napaisip ako sa sinabi ni Hubert. May tama naman siya roon. Ito na ang pagkakataon kong makaahon sa kahirapang kinasasadlakan ko ngayon.