LUCIFER
Nakalayo kami sa mga lalaki. Sinundan kami ng ibang lalaki. May mga sasakyan ang mga ito.
Nang makababa sa taxi na sinakyan namin may nakita kaming tindahan ng pagkain. Pumasok kami sa loob upang magtago pansamantala.
“Sa tingin niyo hindi nila tayo makikita rito? Dalawang kanto lang pagitan ng bar at fastfood,” ani Jade. Naupo kami sa upuan at patingin-tingin kami sa labas.
“Hindi naman siguro. Saka mukhang yayamanin ang mga lalaki para pumasok sa ganitong fastfood chain. Pangmasa pa naman ito,” sabi naman ni Hubert.
“Nag-aalala ako sa kalagayan nila Sergio. Baka nahuli na sila at binugbog na ng ilang kasama ng lalaki. Kailangan natin silang tulungan,” sabi ko.
Ayokong nang dahil sa akin mapahamak ang mga kaibigan ko. Kahit alam kong lamang ng lakas ang lalaki mas maiging lumaban kaysa wala akong nagawa para iligtas ang mga kaibigan ko.
“Huwag kang mag-alala, Luci. Sanay na sila sa ganyang laban. Hindi mo pa nga kilala sila Sergio. Pagdating sa ganyang suntukan malamang tulog ang mga iyon. Alam nilang dito ang tuloy natin kaya huwag mo ng isipin at baka hindi nila tayo mahahanap,” nakangiting sabi ni Jade.
“Bili na lang tayo ng makakain natin para pagsaluhan natin habang hinihintay natin sila Sergio,” suhestyon ni Hubert. Tumango kaming lahat. Nang makabili nang makakain si Jade, dumating sila Sergio. Lumapit kami agad sa kanila.
“Anong nangyari? Okay lang ba kayo?” May pag-aalalang tanong ko sa kanila. Natawa si Sergio.
“Kung hindi kami ayos siguradong hindi na kami makakapunta rito,” anito. Natawa ako. Pinagbunggo namin ang aming mga kamao. Napansin ko ang pamumula ng kamao ni Sergio. Wala naman akong napansing pasa sa mukha nila. Maliban sa kanilang kamao na namumula.
“Tumawag si boss pinauuwi na tayo. Bili na lang tayo ng maiinom at uwi na tayo,” sabi ni Sergio.
Nang makauwi kami sa tinitirhan namin. Nagpunta kami sa silid nila Sergio. Dala namin ang alak na nabili namin sa tindahan. Lahat kami ay naupo sa sahig at magkakaharap. Maliit lang ang silid kaya magkadikitan na kaming lahat.
“Truth or dare tayo!” suhestyon ni Hubert. Tumango ang lahat bilang pagsang-ayon. Inilabas ni Sergio ang isang bote na walang laman upang gamitin sa truth or dare.
“Ako ang mag-iikot ng bote. Ang rule rito kailangang gawin ang inuutos kung dare ang pinili at kailangan sabihin ang katotohanan kung truth ang pinili. Okay ba, guys?” sabi ni Sergio. Nag-thumbs up kaming lahat. Pinaikot na nito ang bote. Naghintay kami kung kanino tatapat ang bote. Pigil hininga kaming lahat. Huminto ang nguso ng bote sa tapat ni Jade. Bago nito sagutin ang tanong ay uminom muna siya ng beer na nasa baso.
“Truth or Dare?” Tanong ni Sergio. Napangiti si Jade at napatingin sa akin. Hindi ko alam kung bakit ngunit kinabahan ako.
“Dare,” sagot nito habang hindi inaalis ang tingin nito sa akin. Napalunok ako. Nainom ko bigla ang beer na hawak ko. Halos makalahati ko ang laman niyon.
“I dare you na halikan sa labi ang lalaking gusto mo na nandito,” sabi ni Sergio. Ngumisi ito habang titig na titig kay Jade.
“Whoah! Sino kayang maswerte ang mahahalikan ni Jade?” sabi ni Hubert. Nagkatawanan sila. Ako naman ay kabang-kaba ang nararamdaman. Ni hindi ko magawang tumawa kagaya nila. Hindi ko nga alam kung bakit? In-expect ko ba na ako ang hahalikan ni Jade?
“Walang magagalit kung gawin ko ito. Laro lang ito at walang seryosohan,” sabi ni Jade.
“Sus, alam naman namin kung sino ang hahalikan mo,” sabat ni Leon at napatingin kay Sergio. Napairap lang si Jade dito. Nagkatinginan kami ni Ellen. Nagkibit balikat lang ito.
Tumayo na si Jade at naglakad patungo sa kinauupuan ko. Baka naman si Sergio ang pupuntahan niya? Magkatabi kasi kaming dalawa. Ngunit nagkamali ako. Sa tapat ko huminto si Jade. Ramdam ko ang paninigas ng katawan ko. Napalulunok ako habang unti-unti kong itiningala ang ulo ko. Nagtama ang mga mata naming dalawa. Napangiti siya sa akin at ako naman ay hindi ko maibuka ang labi ko. Naramdaman ko na lang ang kamay ni Jade, hinila niya ako. Napilitan akong tumayo. Dahil sa kaba nanginig ang mga tuhod ko.
Mabibigat ang paghinga namin ni Jade habang titig na titig sa isa’t isa. Napaigtad ako nang hawakan niya ang magkabila kong pisngi. Sa tangkad ko at sa liit ni Jade tumingkayad ito. Pigil ang hininga ko. Naramdaman ko ang pagdampi ng kanyang malambot na mga labi sa tikom kong labi. Napapikit ako nang simulan nitong igalaw ang labi nito. Iginalaw ko ang labi ko upang namnamin ang matamis na labi nito. Naramdaman ko ang paghimas nito sa aking magkabilang pisngi habang humahagod ang malambot na labi nito.
“Times up!” narinig kong sigaw ni Sergio. Nailayo ko ang mukha ko kay Jade. Ramdam na ramdam ko ang pag-iinit ng magkabila kong pisngi. Hindi ko alam kung sa hiya o nerbyos dahil hinalikan niya ako nang may sensasyong ngayon ko lang naramdaman. Bumilis ang t***k ng puso ko. May naramdaman akong kakaiba na hindi ko maipaliwanag.
Napatingin ako kay Sergio. Kita ko ang talim ng tingin niya sa akin. Ibubuka ko na sana ang labi ko upang ipaliwanag ang nangyari sa amin ni Jade, ngunit bigla na lang umalis si Sergio.
“Hoy, hindi pa tapos ang laro natin!” sabi ni Hubert kay Sergio. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon sinundan ko siya.
“Sergio!” Tawag ko rito. Hinawakan ko ang braso nito upang patigilin siya sa paglalakad. Iwinaksi niya ito at saka humarap sa akin.
“Hindi ko akalaing magagawa mo sa aking ahasin ang nobya ko.” Nagulat ako sa sinabi ni Sergio. Nobya niya si Jade? Bakit hindi ko alam?
“H-Hindi ko alam, Sergio. Saka laro lang naman iyon. Hindi mo dapat sineseryoso,” paliwanag ko.
Hinablot niya ang isa kong braso at mahigpit na hinawakan iyon. Kahit magkasingtangkad kami ni Sergio mas malaki naman ang katawan nito sa akin. Kaya kung susuntukin niya ako siguradong talsik ako. Napangiwi ako sa sakit ng tila pipigain ang braso ko.
“B-Bitawan mo ako, Sergio. Nasasaktan ako,” reklamo ko. Nag-igting ang panga nito.
“Tandaan mo ito, Lucifer. Oras na inagaw mo sa akin si Jade. Magkalimutan na tayong dalawa. Mabuti akong kaibigan, Luci, pero oras na nagtraydor ka sa akin, iba akong magalit. Kayang-kaya kong sirain ang buhay mo sa isang iglap lang,” aniya at saka malakas na binitawan ang braso ko. Tinalikuran niya ako at naglakad palayo. Ako’y naiwang napatingin na lang sa papalayong bulto ni Sergio.
Bakit iniisip niyang aagawin ko sa kanya si Jade? Ngayong alam kong may relasyon naman pala ang dalawa mas lalo ko lang iiwasang magkaroon ng pagtangi rito. Hindi ako ang tipo ng lalaking kayang manulot nang may nobya. Naniniwala ako sa tunay na pagkakaibigan at walang lokohang mangyayari. Mahalaga sa akin ang samahan naming dalawa. Itinuring ko na siyang parang kuya ko.