Sa Kabukiran

4575 Words
By Michael Juha getmybox@hotmail.com --- “Akalain mo? Ipinagpalit ang magandang babae sa isang bakla lang???” ang patutsada ni Giselle sabay halakhak. Nagtawanan ang grupo nila. “Baka mas mahaba ang hair niya kaysa sa iyo, Sis!” ang pagsingit naman ng isa sa mga barkada niya. “Baka kamo may lahing mangkukulam. Matindi ang gayumang ipinainom. Pero... babae yata ako, no! May matris, nagkakaanak, may tunay na boobs, maganda, mayaman, may legal na basehan sa pagpapakasal. Hindi ako papayag na isang bakla lamang ang aagaw sa aking Aljun!” ang sagot naman ni Giselle na ipinamukha pa niya talaga ang kanyang sinabi sa aming grupo. Para kaming nabilaukan sa simula pa lamang ng pagpasok ng grupo sa eksena. Nagtinginan na lang kami sa isa’t-isa at lalo na sa akin. Halata sa mga tingin nina ni Gina at Fred na may bahid silang pagkaawa at gusto nila akong suyuin. Masakit naman talaga. Parang gusto kong umiyak o magwala. At kung isang psycho war ang ginawang iyon ni Giselle para masaktan ako, masira ang pagtingin kay Aljun at ipaabot sa akin na huwag ko siyang kalabanin dahil masisira ag buhay ko o mapahamak ako, masasabi kong napakagaling niya sa kanyang ginawa. Kung nagkataong sibat ang mga katagang lumabas sa kanyang bibig, tumbok na tumbok ng mga ito ang pinakasentro ng aking puso. Parang nanliliit ako sa aking sarili. Parang biglang nawalan ako ng lakas. Parang napakaliit kong tao, walang silbi at hindi karapat-dapat na mabuhay. Tama naman kasi siya. Wala akong kalaban-laban sa pagmamahal ng isang lalaki kung ang karibal ko ay isang babae na katulad niya. Alam ni Fred na nasaktan ako at batid kong gigil na gigil siyang makaresbak. Kitang-kita sa kanyang mga mata ang panggagalaiti. Si Fred pa, hindi nakakatulog iyan kapag hindi nakahanap ng paraan upang makaganti. Si Gina naman ay palihiim na hinawakan, hinahaplos, at pinisil-pisil ang aking kamay na parang ang mensahe sa akin ay, “Huwag mo siyang pansinin.” Yumuko na lang ako. Gusto ko mang mag-react, talo pa rin ako. Mahigpit kasing ipinagbilin ni Aljun na huwag akong magreact sa kanilang mga patutsada dahil baka gawin naman nila itong issue kung mapikon ang kampo namin at gagawa ng panghaharass sa kanila. At ito naman ang vivideohan nila, iupload sa internet at ikakalat. Kaya, gustuhin ko mang mag-walk out, pinilit ko ang sariling magpakatatag at kunyari ay hindi naapektuhan. Mahirap. Pero tiniis ko na lang. Marami rin kayang estudyanteng ang nakatambay doon at nakarinig sa mga patutsada ni Giselle sa akin. Ang iba ay lumapit sa amin at sumali sa aming umpukan, pagbibigay suporta sa amin. “Ang kapal talaga ng mukha ng babaeng iyan! Hindi nakita ang sampung kartolina na malapit lang sa lugar na kanilang inuupuan at punong-puno ito ng mensaheng suporta para kay Aljun at may mga patutsada at panlalait pa sa kanya! Hindi tinablan ng hiya ang hayop!” Nang tiningnan ko ang grupo ni Giselle, hindi sila maawat sa katatawa. Sobrang saya nila marahil dahil nakahanap sila ng butas na ibato sa amin. Nasa ganoon silang pagtatawanan ng magbarkada noong napansin namin na bigla nilang hininaan ang kanilang mga boses at seryosong nagkukwentuhan. Na siya namang pagtayo ni Fred at palihim na tinungo ang likurang parte ng student center kung saan ay may sementadong dingding at decorative na butas-butas sa mismong pinag-uumpukan nina Giselle. Nasilip ko kasi sa butas ng dingding sa puwesto nila. Si Fred ay nakita ko na nandoon sa likuran nila. Nagkatinginan na lang kami ni Gina. Alam namin na nakinig si Fred sa usapan nila. Habang abala si Fred sa pakikinig sa usapan nila, nagsilapitan naman ang ibang estudyanteng nasa student center at nakiumpukan sa grupo namin. Ang iba ay nagpahayag ng kanilang pagkainis sa paninirang-puri ni Giselle sa amin ni Aljun. Lumipas ang10 minutos at bumalik na si Fred sa kinauupuan namin. Nakangising-aso. Syempre, nagtaka kami kung bakit ganoon ang klase ng kanyang ngiti. Nakakaloko! “May sorpresa akong pasabog!” ang sambit niya, sabay tayo at sigaw sa mga nakatambay na mga tao sa student center. “Hellow madlang students! May ipaparinig ako sa inyong surprisa! Isang nakaririmarim at maitim na plano!” Pinindot ni Fred ang play butotn ng kanyang maliit na audio recorder. Kadalasang daladala kasi niya ang audio recorder niya. Si Fred kasi ay secretaty ng Drama Club at kapag may meeting ito, inirerecord niya ang takbo ng meeting upang madali lang sa kanya ang pagsulat ng minutes. Iyan ang dahilan kung bakit bumili talaga siya ng super-sensitive na audio recorder kung saan ay nakakapick-up ito ng kahit mahihinang ingay. At bilang secretary, imbes na mag note-taking siya ng minutes nakakasali pa siya sa discusstions dahil hahayaan lang niya ang kanyang recorder na gumawa sa trabaho. I-play na lang niya uli ang audio kapag nasa bahay na siya at gagawa na siya ng minutes ng meeting. Nang makita nila ang hawak-hawak ni Fred na mini-audio recorder, nagsitayuan ang mga estudyante at ang nasa malalayo ay lumapit pa. At heto ang narecord ng kanyang audio recorder. Sinadya talaga ni Fred na ifull volume ito: Giselle: Nakita nyo ba ang reaksyon ng mga honghang noong pinapatutsadahan ko? Nanginginig, 'di ba? (maririnig ang pigil ngunit mala-demonyong pagtawa) Kaibigan ni Giselle 1: Dapat lang na matakot sila sis! Akalain mo? Bakla pala iyang si Gener! Sayang, crush ko pa naman! Ewww! Nakakahiya talaga! Giselle: At sigurado ako sis, ang Gener na iyan ang gumagawa ng paraan upang mahulog ang loob ni Aljun sa kanya. Nag take advantage siya sa tao dahil alam niyang susunod ang tao sa mga ipapagawa niya dahil nga sa kontrata ni Aljun bilang prize boy niya! Ang kapal talaga! Oportunistic! Manggagamit! Kung hindi lang iyan ang nakapanalo kay Aljun, I’m sure hindi siya papansinin ng lover boy mo! Hindi ko lubos na maisalarawan ang galit ko sa narinig. Pakiramdam ko ay nasa boiling point ang aking dugo at kumukulo ito patungo sa aking ulo. Binitiwan ko ang napakatulis na titig sa grupo nina Giselle na sa sobrang pagkapahiya, parang mga asong talunan na nakayukyok ang mga buntot at walang imik na bigla na lang nagsitayuan at nagsialisan. Parang puputok talaga ang ulo ko sa galit. Hindi ko akalain na ako pala talaga ang diretsahang target sa pagpapalabas nila ng litratong iyon. Ngunit pinigilan ko pa rin ang aking sarili. “Woi! Saan kayo pupunta! Hindi pa tapos!” ang sarcastic na sigaw ni Fred sa grupo nila ni Giselle na kung gaano kayabang at kaangas ang pagdating ay kabaligtaran naman ang pag-alis. Sa sobrang pagkapahiya pakiramdam ko ay parang gusto na lang nilang magdisappear na parang nagsiputukang bula sa kinaroroonan nila upang walang makapansin. Tiningnan kami ni Fred sabay tawa, “Namumutla fwend! Pati mga lipstcik ng mga pota naging simputi ng papel!” Ngunit isang hilaw lang na ngiti ang isinukli ko. Masakit kaya ang nalaman kong talagang sadyang ako pala ang target nila. Hindi ko naman kasi siya kinakalaban, wala akong balak na masama sa kanila, at hindi ko ugali ang mang-away. Ayaw ko ng may kaaway. Nagkataon lang na ako ang nanalo sa paraffle na iyon na nagkataon ding si Aljun ang jackpot prize. Ang masaklap pa ay ako na pala ngayon ang oportunista. Ako ang nang-akit. Mukhang baligtad. Ipinagpatuloy ni Fred ang pagpatugtog sa audio. Kaibigan ni Giselle 2: Ano ang plano mo ngayon sis na kumalat na ang picture nila na kung titingnan ay mukhang naghahalikan talaga? (May marinig na tawa) Giselle: Maghahanap ako ng paraan para mahuli talaga ang dalawang iyan. Malakas ang kutob kong may patagong ginagawa ang Gener na yan kay Aljun e. Sayang at hindi nakunan ng asset ko ang loob ng floating cottage kung saan sila pumasok. Malalim kasi ang dagat. Pero mag-ingat sila dahil hindi ako titigil hanggang hindi ko masisira ang Gener na iyan! At palano kong gagawa uli ng s*x video sa kanya at kay Aljun.” (Mariringi ang pigil na tawa ni Giselle) Kaibigan ni Giselle 1: Ano na naman ang gagawin mo upang makapagpalabas ng s*x video sa kanila? Giselle: Kailangan pa bang i-memorize iyan sis? (Pigil na tawa) Wala ka yatang bilib sa akin eh. Syempre, dating gawi. Marami akong kakilalang kaibigang magaling magfabricate! Anong silbe ng hi-tech gadgets ngayon kung hindi natin gagamitin. Pera lang ang katapat niyan sis! At may mga tao d’yan na pwedeng magpose na Gener at Aljun sa video at hayun, magsi-s*x kunyari sila. Kailangang may laplapan talaga at kunyari ay makatotohanang bed scene. Ah puwede ring totohanan ah, kung game sila para kaunti na lang ang atin iretoke. Kailangan lang natin talagang ma-videohan ang mga mukha ng tunay na Gener at Aljun, and the rest... (tumawa uli si Giselle) alam niyo na! Tawanan. Kaibigan ni Giselle 3: Sandali... bakit s*x video nila ni Aljun? E, 'di pati si Aljun ay masisira niyan? Giselle: Sis... ano ka ba. Una, hindi masisira si Aljun dahil palabasin nating inakit lamang siya ni Gener. At lalaki si Aljun, ok? Pangalawa, dapat lang ding malaman ni Aljun na huwag siyang matigas ang ulo dahil may kalalagyan siya sa akin talaga. Ayaw niya akong pansinin? Pwes, damay siya sa intriga. (Halata sa boses ni Giselle ang pagkairita) Kaibigan ni Giselle 4: Woi, sis... Hinay-hinay lang tayo. Tingnan mo ang paskil nilang mga kartolina, ang daming pumirma! At sa sss balita ko, marami raw sumusuporta sa kanila! Baka sa magalit naman sa atin ang mga estudyante. Giselle: Asusss! Maniwla ka riyan! Tingnan mo ang mga penmansihp, pare-pareho! Pabalik-balik ang pumirma. At iyong sa sss? Pabalik-balik lang naman ang mga comments doon, mga troll ang karamihan doon. Baka may sampung tao lang ang naroon at sila-sila lang ang nagsasagutan ng mga kumento. Magaling silang gumawa ng panloloko sa mga tao. Magaling sa black propaganda ang mga iyan! Ang silent majority ay walang kibo. Sila ang madaling utuin! (Tumawa si Giselle) Kaibigan ni Giselle 4: Hmmmm. Sabagay... Kaibigan ni Giselle 1: Iyong kaso mo pala kay Aljun. Ano na ang balita? Giselle: Mananalo tayo niyan. Ako ang bahala. May kakampi yata ako sa mga myembro ng kumite. At patatagalin nila ang kaso hanggang sa mabaon ito sa limot at hindi na makakabalik pa si Aljun bilang president ng student council dahil matatapos na ang termino niya. (Pigil na tawa) Hintayin na lang nating lumapit sa akin si Aljun at makipag areglo. Ayiiiii! (Halata sa boses na kinilig ito) Kaibigan ni Giselle 2: Waaaaahhh! May partey partey na naman tayo! Ang saya-saya! Giselle: Sure. (Tawa) At pinatay na ni Fred ang audio recorder niya sabay sabi sa mga nanood. “O, nag-enjoy ba kayo? Palakpak naman d’yan!” sabay tawa. Nagsitawanan at nagsipalakpakan naman ang mga estudyante. Kaway-kaway naman ang Fred. “Iba talaga ang bangis mo Fred! Panalo ka na naman!” ang sigaw ng isang estudyanteng myembro ng Cool Guys, Inc na prize boy din at isa sa mga best friends ni Aljun. Nakatambay din kasi doon ang mga ka-tropa niya. “I love you na Fred! Ikaw na ang bagong idol ko ngayon!” Sinagot naman siya ni Fred ng, “Adrian ha? Ang tagal ko nang naghintay! I’m all yours!” sabay bato ng flying kiss sa kinaroroonan ni Adrian. Iyon ang eksena sa student center sa araw na iyon kung saan ay lumabas ang controversial na litrato namin ni Aljun. Sa oras ng pag-uwi ko, kami ni Fred at Gina ang nagsama. Binigyan ko na kasi ng instruction si Aljun na sa flat na kami diretsong magkita at ayaw kong ihatid pa niya ako. “Marami na tayong ebidensya Fwen. At kapag hanggang next week ay wala pa ring gagawing aksyon ang kumite, may plano akong gagawin sa dalawang pinaghihinalaang miyembro ng kumite na syang humaharang sa kaso na iyan. Makikita nila. Hindi ako takot na ma-expel huh!” “Woi, huwag ka namang gumawa ng drastic na hakbang Fred. Hindi na tayo aabot sa ganyan pa.” “Oo naman. Pero kung ganyang magpapagamit ang iba d’yan sa kademonyohan ni Giselle, e, matira ang matibay." Nang makarating na ako sa flat, wala pa si Aljun. Agad akong nag on-line at binuksan ang sss ko. Muli na namang sumiklab ang galit ko. May mga nagpost kasi sa wall ko ng, “Bakla!” “mang-aagaw!” “Haliparot!” Inireport ko ang may-ari ng post atsaka dinilete ang mga post niya. Nag text ako kay Fred at ganoon din daw ang sa wall niya. May mga hate comments. “Hayaan mo na sila Fwen. 'Di lang nila matanggap na talo sila sa diskartenatin. Hayaan mo. Maya-maya lang ay iupload ko sa wall ng sss ko at sa SALMO ang lahat ng ebidensya natin,” ang sagot na text ni Fred. Tiningnan ko rin ang litratong pinost ni Giselle, iyong mukhang naghalikan kami ni Aljun. Maraming comments ang nagpahayag na naniniwala sila sa litrato. May iba ring nagmumura sa galit sa akin at mayroon ding nagmura kay Aljun. Tinext ko muli si Fred tungkol dito. “Fwen, hayaan mo. Sila-sila lang iyan lahat. Tingnan mo, ang karamihan ay walang profile picture! At mga kampon ni Giselle ang iba riyan sa dating school o sa kapatiran nila ng mga pokpok. I’m sure na may mga supporters natin na nagreact din d’yan ngunit dinelete nila dahil page nila iyan eh. Nagcomment nga ako d’yan gamit ang bogus kong acct at inexplain ko na hindi talaga kayo naghalikan d’yan kung pagmasdang maigi. Hayun, wala pang isang limang minutos ay dinelete na.” “Ah... ganoon ba?” Maya-maya ay nakita ko na sa SALMO under document #4 ang video na nakuha ni Fred galing sa best friend ni Giselle. Pinamagatan niya ito ng, “The Giselle Scandal That Tells It All” at may caption sa baba na, “Ito po ang naunang scandal ni Giselle sa dating University niya kung saan ay siya nakick out sa dating eskuwelahan.” May document #5 din. Ang thread ng chat nina Fred at Anne, ang best friend ni Giselle sa dating university niya. Pinamagatan itong, “A Chat With The Best Friend And Partner In Crime” Ang document #6 ay ang link ng newsletter ng dating university ni Giselle kung saan ay may article ng pag-dethrone sa kanya at pagkick out sa kanya ng unibersidad. At may caption itong, “Hindi pa ba kayo naniniwalang demonya ang may pakana ng lahat ng gulo sa ating unibersidad?” Ang document #7 ay ang audio na ginawan talaga ni Fred ng parang video. Palihim na kinunan pala niya ng video ang pagdating nina Giselle sa student center na dumaan pa sa amin at ang yabang yabang pa nilang naglakad. Tapos may voice over na “the grand entrance”. Naupo sila sa mesa nila at nagtawanan. At noong maging seryoso na sila at naputol na ang video, may voice over na naman, “The evil plan...” at ayun, maririnig na ang lihim nilang pag-uusap na nirecord ni Fred at pinatugtog din niya doon sa student center mismo. At ang document #8 ay ang litrato na namin ni Aljun na naghalikan daw sa dalampasigan. At may caption itong, “Ngayon, maniniwala pa ba kayo nito? Pagmasdang maigi ang litrato.” “Grabe talaga si Fred! Ang galing!” sa sarili ko lang. Sobrang pinaghirapan kasi niya ang mga ebidensya na iyon. Syempre, delikado rin ang lagay niya kasi ipinabugbog na nga siya ng, malakas ang kutob namin na si Giselle ang may pakana. Ngunit hayun, matapang pa rin siya, para sa kaibigan niya, para sa amin ni Aljun. Nakaka-touched naman ang ginawa niya. Maya-maya ay nakita ko na lang na may nagcomment. At sunod-sunod na ang mga comments nila. Ang bilis. Karamihan ay nanggagalaiti sa galit. Hindi na ako nagcomment pa, nakibasa na lang ako sa mga palitan ng kumento. Alas 7:30 na ng gabi nang dumating si Aljun. Dahil may susi naman siya, diretso na lang niyang binuksan ang flat ko. Medyo nanibago lang ako sa inasal niya sa pagpasok pa lang. Kasi ba naman, hindi man lang niya ko binati samantalang nasa sala lang naman ako, nakaupo sa sofa at naglalaptop. Dire-diretso lang siya sa kusina na para bang wala siyang nakitang ibang tao. “Nabulag na ba sya?” sa isip ko lang. Syempre, naintriga ako sa hindi niya pagbati sa akin. Hindi tuloy maiwasang mag-isip ako kung bakit ganoon ang inasal niya. Dahil ba iyon sa galit ko sa kanya sa likod ng school building? O dahil hindi ko sya pinayagang magsama kami pauwi? Gusto ko sanang sabihin sa kanya ang laman ng posts ni Fred sa sss ngunit dahil sa ipinakita niyang kakaiba kaya pinili ko na lang munang manahimik. Hanggang sa naihanda na niya ang aming hapunan at kumain na kami. Para akong nag-iisa lang sa bahay na iyon ng aming pagkain. Dahil nakasimangot siya, sinimangutan ko rin siya. Nang matapos na kaming kumain, tumalikod na ako at bumalik sa sofa na parang wala lang, binuksan ko ang tv at nanood ng palabas. Nang matapos na siyang maglinis sa kusina, naupo siya sa isang silyang nakaharap sa tv. Wala pa ring imik. Ako naman, kunyari ay nakatutok ang mga mata sa tv, ngunit hindi nakaregister sa aking utak ang kuwento ng palabas. Kaya ang ginawa ko ay pininidot nang pinindot ang remote. Nagpapansin ba, umasa na magreact siya o magsalita, o kahit sitahin man lang ako upang kahit papano ay mabasag ang katahimikan at mailabas ko ang mga tanong sa aking isip. Ngunit bigo ako dahil dedma sya sa aking paglilipat ng channel. Kaya ang ginawa ko ay naghanap ng channel na walang palabas at doon ko itinutok ang TV. Full volume. Tila mga lamok ang laman ng screen, puro ugong pa ang maririnig. Doon ako nagtagumpay. “Aalis na ako,” ang sambit niya, sabay tayo. Agad kong pinatay ang tv. “Ano ba ang problema mo?” ang kaswal at mahinahon na pagkasabi kong hindi lumingon sa kanya. “Wala naman. Baka ikaw ang may problema,” ang sagot niya. “Anong ako? Dumating ka lang ng walang ni-ha, ni-ho. Parang nag-iisa ka lang sa flat na ito at ang kasama mo ay multo, hindi mo nakikita, hindi mo naririnag, hindi mo kinikibo. At sinisimangutan pa! Anong mayroon?” “'Di ba iyan naman ang gusto mo? Ayaw mong lumapit ako sa iyo, ayaw mong samahan kita, ayaw mong ihatid kita? Dahil baka kahit maliit na galaw natin, pagpiyestahan? Pagod ka na, sabi mo.” “Ah... iyan pala ang ipinagpuputok ng butse mo? Bakit gusto mo bang gawin tayong pulutan ng mga tsismis? Gawing katatawanan ang buhay natin? Ganoon?” “Bakit? Ano bang katatawang bagay ang pinaggagawa natin boss? Hindi ba tayo puwedeng kumilos nang naaayon sa gusto natin? Kailangan bang bawat galaw natin ay naaayon sa kung ano ang gusto ng mga taong nakapaligid sa atin? Sino ba ang mga taong iyan at kailangan nating matakot sa kanila? Ano ba ang dapat na ikakatakot natin sa kanila?” “Ah basta! Ayaw kong pinagtatawanan. Ayaw kong gawing sentro ng tsismis” “Ang hirap kasi sa iyo boss... hindi ka nakikinig sa paliwanag ko, e. Natatakot ka sa isang bagay na puwede mo namang i-ignore?” “Nasabi mo lang iyan dahil hindi mo naramdaman ang naranasan ko.” “Bakit ano ba ang naranasan mo?” “Kanina, napick up sa audio recorder ni Fred na nag-uusap sina Giselle at ako ang binanggti niyang dahilan kung bakit ayaw mo siyang pansinin. Na ako ang umakit sa iyo upang makuha ko ang atensyon mo! Na ako ay isang bakla!” at tuluyan na akong humagulgol. “Naramdaman mo ba ang sakit at matinding hiya na naramdaman ko?” Hindi nakaimik si Aljun. “Ok lang sa iyo kasi, ang nasa isip ng mga tao ay lalaki ka. Walang mawawala sa iyo. Walang dapat ikahiya sa side mo. Pero ako? Ako raw ang umakit sa iyo! Bakla ako! Nagkandarapa ako sa iyo! Hinahabol-habol kita! Ang sakit!” “Boss... huwag mong isipin iyan. Hindi mahalaga kung ano man ang sasabihin ng tao. Ang importante ay kung ano ang ginagawa mong kabutihan sa buhay. Malinis ang konsiyensya mo, wala kang taong tinapakan o sinaktan. At higit sa lahat, maligaya ka sa gagawin mo. Ang tao ay sadyang mapanghusga. May mga taong ayaw nilang makitang masaya o umangat ang kapwa nila; mga taong ang nais lang ay pabagsakin. At kapag nagtagumpay sila, pagtatawanan ka at iiwanan sa ere. Bakit, maibibigay ba nila ang kaligayahan mo? Kailangan bang ang iisipin mo ay ang kanilang reaksyon lalo na sa mga bagay na nakakapagdulot sa iyo ng kaligayahan? Sila lang ba ang puwedeng lumigaya?” “Hindi mo ako naintindihan!” ang bulyaw ko. “Naintindihan kita Boss. Masyadong mataas lang ang pride mo. Ibaba mo ang iyong pride para dito sa kinaroroonan ko, makikita mo ang punto ko.” At dahil nakita kong hindi matapos-tapos ang aming argumento, ang nasambit ko na lang ay, “Umalis ka na...” Walang nagawa pa si Aljun kundi ang tumalima. Tahimik na tinumbok niya ang pintuan. At bago tuluyang lumabas, nilingon niya ako. “Bukas, Biyernes ay uuwi ako sa bukid. Dalawin ko ang inay. Wala naman akong pasok sa Biyernes at wala na rin ako sa student council kaya magpahinga muna ako. Ipahinga ko ang isip ko. Lunes pa ang balik ko…” Tuluyan na siyang lumabas at isinara ang pinto. Wala akong nagawa kundi ang hayaang pumatak ang aking mga luha. Kinabukasan sa school, napag-alaman kong umiinit daw ang palitan ng mga kumento sa SALMO. Karamihan ay galit na galit kay Giselle at sa grupo nila. Ngunit nawalan na ako ng gana. Ang tanging nasa isip ko na lang kasi ay si Aljun. Ganoon pala ang pakiramdam kapag nagpaalam sa iyo ang taong mahal mo. Lalo na't umalis siyang may sama ng loob sa akin. Labis ang aking panghinayang. Gusto kong sisihin ang aking sarili sa nangyari. Nahalata ni Fred ang aking naramdaman kaya sinabi ko sa kanya ang pag-alis ni Aljun. “Ay, bakit 'di mo puntahan ang bukid nila, fwen? Alam mo naman ang lugar, 'di ba?” “O-oo. Alam ko. Isang beses kasi nang tinanong ko kung saan sila nakatira, ibinigay niya ang address niya. At nang hindi ko makabisado kung saan ang bukid na iyon, binigyan niya rin ako ng instructions kung paano pumunta sa kanila. Ano ang sasakyang bus, saan bababa, ano ang mga landmark na tatandaan, etc. Natatandaan ko pa ang pagbigay niya sa instruction na iyon sa akin. Biniro ko siya kung bakit niya ako binigyan ng instruction kung paano pumunta sa kanila samantalang tinanong ko lang naman kung saan ang bukid nila. Sinagot niya ako ng, "Malay ko ba, baka isang araw ay pupuntahan mo ako, kapag namiss mo ako." Na sinagot ko rin ng, "Ano ka? Pupunta lang ako sa inyo kung kasama kita. Ba't kita pupuntahan? Kamag-anak ba kita? Magsyota ba tayo? Pupunta lang akong mag-isa sa malayong-malayong bukid at hahanapin ko ang isang tao, na kahit tatawid pa ako ng ilang ilog at bundok kung in-love na in-love ako sa taong iyon." Na sinagot niya naman ng, "Ay aba, hindi malayong mangyari iyan!" ang biro niya. Kaya naisip ko rin na kung natandaan pa niya ang aking sinabi na iyon, baka lolokohin niya ako at sabihing in-love na talaga ako sa kanya. "Iyon naman pala, e! Siguradong matutuwa iyon kapag pinuntahan mo siya sa bukid nila, Fwen!” At nang napansin ni Fred na nakatulala na lang akong ganyan, “Hoy!" ang bulyaw niya sa akin. "Anong nangyari sa iyo? May kausap ba ako rito?" "Ah e, sorry Fred. Pinilit ko lang binalikan sa aking isip ang direksyon na ibinigay niya kung paano pumunta sa bukid nila," ang sagot ko. "Uy...." ang sagot niyang binitiwan ang isang pilyong ngiti. "May ganoon na pala kayo ha? Ang sweet naman." "Wala. Nagkuwentuhan lang kami sa mga pinanggalingan namin at hindi ko alam ang lugar nila kaya iyon, binigay niya ang address niya at kung paano pumunta roon." "So gow na gurl!" Gabi ng Byernes. Lalong tumindi ang pangungulila ko kay Aljun. Hindi ako makatulog, at ang tanging laman ng isip ko ay siya lang at ang huling pagtatalo namin. Parang narealize kong mali ako, na kung siya ay kayang manindigan, bakit hindi ko rin kakayaning manindigan? At iyong kaligayahan na sinasabi niya, tama rin siya. ang kaligayahan ko ay hindi kayang ibigay ninuman. Kaya walang pakialam ang ibang tao kung ano ang bagay na nakakapagdulot sa akin ng kaligayahan, doon ako. Paninidigan ko ito. Wala akong pakialam sa sasabihin nila.” Sabado ng umaga. Wala akong pasok. Tuliro pa rin ang utak ko at wala akong maisip na puwedeng gawin upang malimutan si Aljun. Hanggang sa mag-alas dose na ng tanghali, sumingit sa isip ko ang mga katagang binitiwan niya, “Naintindihan kita Boss... Masyadong mataas lang ang pride mo. Ibaba mo ang iyong pride upang dito sa kinaroroonan ko, makikita mo ang punto ko.” At nabuo ang isang desisyon. Susundan ko si Aljun sa bukid nila. “Bahala na! Wala na akong pakialam kung ano man ang sasabihin ng mga tao. Basta malinis ang konsyensya ko, wala akong natatapakang tao, at higit sa lahat, maligaya ako sa gagawin ko. Kung kaya ni Aljun na manindigan para sa akin, dapat ay kaya ko rin. Iyan ang importante.” Dali-dali akong nag-pack up ng iilang personal na gamit. Ilang damit, toothbrush, underwear, shorts, pants at T-shirts. Bitbit ang aking bag na naglalaman ng aking mga personal na gamit, tinungo ko ang pinto ng aking flat upang buksan ito. Ngunit laking pagkagulat ko nang sa pagbukas ko ng pinto ay nakita ko sa mismong labas noon ay may nakatayo na akma rin sanang hawakan ang door know upang buksan ang nasabing pinto. Si Aljun! At pareho kaming nagulantang. Nabitiwan ko pa ang hawak-hawak kong bag nang makita siya dahil sa tindi ng aking pagkagulat. “A-akala ko ba ay nasa bukid ka na?” ang nasambit ko na na ramdam pa ang magkahalong pagkagulat at excitement na naroon siya. “Galing na ako sa bukid. Bumalik lang ako gawa nang may nalimutan. Ikaw? Saan ang punta mo at mukhang malayo-layo ang lugar na pupuntahan mo?” ang sambit niya na tiningnan ang aking bag na nalaglag. “E… a… ummm… m-mag... b-beach. Oo, oo... m-magbeach kami…” ang pag-aalangan kong pag-aalibi, gawa nang hindi ko alam kung ano ang ibigay na dahilan. “Paanong magbeach e, nakita ko si Fred sa terminal. Uuwi raw siya sa probinsya nila dahil may sakit ang kanyang nanay.” “Ulk! Buking ako!” sigaw ng isip ko, ramdam ang pamumutla ng aking pisngi. Doon ko lang naaalala na nagtext pala si Fred sa akin at nagpaalam na luluwas muna siya ng probinsya gawa ng nagkasakit ang nanay niya. “Ah… O-o nga pala...” ang sagot kong binitiwan ang hilaw na tawa. At bigla na lang bumakas sa mukha niya ang napakagandang ngiti. “Woi… pupuntahan mo ako sa bukid, ano?” ang sambit niya. “Hindi ah! Luluwas din kaya ako ng syudad. Dadalawin ko ang mga magulang ko,” ang pag-aalibi ko uli. “Bakit? Nagkasakit din sila?” “Pilosopo!” “Biro lang po. O 'di sige, kung ganoon tara na! Sabay na tayo!” “S-saan?” “Sa Terminal!” “Sabi mo may nalimutan ka! Ano iyon?” “Ikaw. Nalimutan kong dalhin ka sa bukid at ipakilala kita sa nanay ko…” (Itutuloy)

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD