NAPAKURAP si Janine at bumalik sa kasalukuyan ang isip nang may biglang tumunog na cellphone. Patapos na silang kumain na apat pero hindi niya masyadong naintindihan ang naging takbo ng usapan dahil nasa nakaraan ang kaniyang isip. Umigtad si Krey at nagkalkal sa bag. Pagkatapos ay sinagot nito ang cellphone. “Hello? Yes, honey. Pauwi na kami. No, huwag mo na kami hintayin. Matulog ka na. Okay. I love you,” sabi ni Krey sa kausap nito bago tinapos ang tawag. “Si Sol ba iyon?” tanong ni Janine. “Oo. Tinatanong kung anong oras kami uuwi,” sagot ni Krey. Pagkatapos ay nakangiting bumaling kay Nathan. “Nagpapabili ng pasalubong ang anak natin.” Mabilis na tumawag ng waiter si Nathan. “Magpapa-take out ako ng dessert.” Ngumisi s