DHEA
"Miss D, okay ka lang po ba?"
Napaangat ako ng mukha at napahinto sa ginagawa ng marinig ko ang boses ni Agatha. Bahagya akong ngumiti saka ko ito tinanguan.
"Oo, okay lang ako. Pasensya ka na, hindi kita agad napansin."
"Kanina ko pa kasi napapansin parang ang tahimik mo at ang lalim ng iniisip. May problema ka ba? Sabihin mo lang kung mayroon man, baka naman sakaling may maitulong ako sa 'yo."
"Ah, wala naman." Saka ako marahang umiling at muling nagpatuloy sa pag lalagay ng mga wine sa cellar. "Iniisip ko lang kasi 'yong sahod ko. Hindi ko matandaan kung saan ko nailagay, o kung nalalaglag ko ba kagabi habang pauwi."
Napasinghap ito dahil sa gulat. Alam kong ito man ay nanghihinayang din sa nangyari, lalo na't malaking halaga na rin ang perang iyon sa mga katulad namin.
"Oh my— totoo ba? Hindi mo ba maalala kung saan mo nailagay? Baka naman na-misplace mo lang, hindi kaya? Kasi kung nalaglag nga 'yon, paano na lang. Eh, alam ko na 'yon lang talaga ang inaasahan mo buwan-buwan para sa mga pangangailangan n'yo."
Malalim akong bumuntong hininga at humarap dito ng matapos ko na ang aking ginagawa. "'Yon na nga ang iniisip ko ngayon, eh. Bayarin pa naman namin bukas sa upa ng bahay. Wala pa naman akong ibang mahi–––"
"Magkano ba ang kailangan mo?" Putol ni Tomy sa aking pagsasalita, saka ito naupo sa counter na anino'y isang costumer na um-order ng alak.
Mabilis akong napalingon sa paligid sa pag-aalalang baka may makapansin dito o mapansin kami ng ilan sa aming mga boss. At maging dahilan na naman upang makagalitan kami, lalo na't mahigpit na ipinagbabawal dito ang magkwentuhan sa oras ng trabaho.
"Hoy, ano ka ba? Tumayo ka nga d'yan. Baka makagalitan na naman tayo." Sa halip ay sita ko kay Tomy at pinipilit itong paalisin sa counter.
"Huwag kang mag-alala. Wala rito ngayon si Sir Kent. Balilta ko isang linggong hindi raw muna pupunta rito dahil dumating daw 'yong girlfriend galing ibang bansa." Paliwanag nito at mas lalo pang umayos ng upo sa aking harapan.
"At sino namang maysabi sa 'yo ng tungkol d'yan? Tsismoso ka rin, eh." tanong ni Agatha na may halong pang-aasar. Pagkatapos ay humarap ito sa akin. "Pero kung totoo man 'yan, kahit paano makakahinga ako ng maluwag. At sana malimutan na ni Sir Kent pagbalik n'ya 'yong mga nangyari kagabi. Hayss— bakit mo ba naman kasi ginawa 'yon, Miss D. Pati tuloy ikaw nadamay pa sa parusang dapat ay ako lang ang mananagot."
"Bakit? Ano bang nangyari kagabi?" tanong ni Tomy na tila naguguluhan. Day off nito kahapon kaya wala itong alam sa mga nangyari kagabi.
Bumuntong hininga ako at tiningnan ang mga ito. "Tama na nga 'yan. Magtrabaho na kayo. Ipapaalala ko lang, ha, may mga CCTV cameras sa bawat sulok ng bar na 'to, kaya kahit sabihin n'yong wala rito si Sir Kent, makikita at malalaman pa rin n'ya ang mga pinaggagawa natin."
Tila bigla namang naalerto ang dalawa, lalo na si Agatha ng maunawaan nito ang aking sinabi. Nagagahol itong dinampot ang pamunas at agad na pinunasan ang mga baso.
"Ano ba 'yan, bakit ba bigla kong nalimutan ang mga CCTV na 'yan— hayss," mahinang turan ni Agatha habang nakatuon ang paningin sa ginagawa. "Umalis ka na nga d'yan, Tomy. Ikaw pa ang magpapahamak sa amin ni Miss D, eh."
"Okay-okay, aalis na ako. Pero, sabihin mo lang Dhea kung magkaano ang kailangan mo, ha? Papahiramin kita, kahit papaano naman may ipon naman ako." Saka ito ngumiti at agad na ring tumalikod sa amin.
Hindi naman na ako umimik pa at hinayaan na lamang ito. Hindi sa ayaw ko talagang mangutang kay Tomy, kundi umiiwas lamang ako na makaroon ito ng pagkakataon na mas lalo pang lumapit o mapalapit sa akin at magpatuloy pa rin sa panliligaw.
Tatlong buwan na rin itong nanliligaw sa akin simula ng pumasok ako rito, at kahit ilang beses ko na ring sabihin na hindi ako interesado o hindi ako tumatanggap ng mga manliligaw ay hindi pa rin ito sumusuko at sinabing hindi ito mapapagod sa panliliigaw sa akin hangga't hindi ko raw napapansin ang effort nito.
Bahagya akong napaatras ng bigla akong siniko ni Agatha. "Ang tiyaga rin ng taong 'yan, 'no? Ang tagal ng nanliligaw, hindi pa rin talaga sumusuko."
"Hayaan mo na lang s'ya, Miss A. Alam na rin naman niyang wala s'yang aasahan sa akin, eh. Kaya nasasakanya na 'yan kung patuloy pa rin s'ya sa mga ginagawa n'ya. Basta't hindi ko s'ya naaagrabyado sa mga ginagawa n'ya, hindi ko na s'ya dapat pang isipin."
"Ay ano ba 'yan, Miss D. Naiilang talaga ako pag tinatawag mo akong Miss A. Bakit ba kasi hindi mo ako matawag-tawag ng Agatha? Mahirap bang bigkasin ang pangalan ko?" Sa halip ay turan nito na ikinatawa ko na lang.
Napailing ako ng makita kong nakasimangot ito. "Ano bang ikinagagalit mo d'yan? Eh, 'di ba't gano'n naman talaga dapat, kasi 'yon ang utos ni Manager Kim. Dapat sa mga initial lang at hindi natin puwedeng tawagin ang sinuman sa mga totoo nilang pangalan para na rin daw sa mga safety natin."
Umirap ito at tumingin sa paligid. "Bakit ba kasi ang arte-arte pa ng manager natin, eh. May pagana-gano'n pang nalalaman. Nakakinis lang. Tapos may Miss pa— hays, nakakairita talaga."
"Hayaan mo na lang kasi. Dito ka lang naman sa bar Miss A, eh. Paglabas, si Agatha ka na." Saka ako tumawa na tila lalo naman nitong ikinairita.
"Pero, Miss D, alam mo may naalala ako. Tanda mo 'yong bisita ni Sir Kent kagabi? 'Yong kaibigan n'yang dumating dito?" pag-iiba nito sa usapan, pagkatapos ay humarap pa ito sa akin na agad naman ikinakunot ng aking mga kilay dahil para bang bigla itong nagka-interest sa taong sinasabi nitong kaibigan ni Sir Kent.
"Tapos sa taong 'yon ka naman interesado ngayon? Eh, kani-kanina lang kay Tomy ka interesado." Hasik ko saka ko ito inirapan.
"Oy, ano ka ba, Miss D. Hindi naman ako interesado kay Tomy. Nasabi ko lang na ang tiyaga-tiyaga n'ya sa panliligaw sa'yo kahit alam n'ya ng wala na s'yang aasahan sa 'yo, pero maliban do'n wala naman na akong iba pang sinabi, ah."
"Hay naku, ikaw talaga! Magtrabaho ka na nga lang d'yan. Mamaya ang dami na namang tao rito. Magagahol na naman tayio n'yan." Sabay talikod ko rito upang iwasan na ito at ng matigil na sa kadaldalan.
Subalit agad rin naman akong napahinto ng bigla ako nitong hinawakan sa kamay at mariing pinigilan. "Sandali naman kasi, Miss D. Hindi rin kasi ako mapakali, eh. Kanina ko pa talaga 'yon gustong sabihin, kaso dahil sa pang iistorbo ni Tomy nalimutan ko na tuloy at ngayon ko lang uli naalala."
"Okay, sige-sige! Sabihin mo na kung ano man 'yon para matigil ka na."
Marahan itong tumikhim kasabay ng panaka-nakang pagtingin sa paligid na tila sinisigurado na walang ibang makakarinig sa mga nais nitong sabihin sa akin. At sa puntong iyon ay lalo lamang ikinakunot ng aking mga kilay dahil tila napakaseryoso ng mga bagay na gusto nitong sabihin.
"Teka, gaano ba kaseryoso 'yang mga gusto mong sabihin at may paganyan-ganyan ka pang kaartehan? May palingon-lingon ka pa sa paligid mo? Sa tingin mo ba may iba pa bang taong magkaka-interes na pakinggan ka kumpara sa akin?" panunuya ko rito, saka ko ito bahagyang tinaasan ng kilay.
"Oy, sobra ka naman! Bakit ba ang taray-taray mo ngayon? Dahil ba 'yan sa nawawala mong sahod?"
"Hay naku! Ano ba? Sasabihin mo ba o hindi?"
"Oo na! Ito na nga, sasabihin ko na." Saka ito bumuntong hininga. "Eh, kasi kagabi, habang kinakausap tayo ni Sir Kent napansin kong titig na titig sa 'yo 'yong kaibigan ni sir. 'Yon bang pinipilit kang makita mula sa puwesto n'ya. Tapos biglang tumayo, akala ko lalapit sa atin kaso bigla namang bumalik si sir sa puwesto nila, kaya ayon umupo na uli 'yong kaibigan n'ya. Pero alam mo ba? Tiningnan ka n'ya uli nang oras na 'yon, kaso ayon pumasok ka na sa kitchen. Pansin ko nga hinihintay ka pa n'yang lumabas kagabi, eh. Kaso hindi ka naman na lumabas at umuwi ka na."
Sandali akong natigilan sa mga sinabi nito. Hindi ko alam kung ano ang dapat kung sabihin. At aaminin ko, nang marinig ko ang boses ng lalakeng iyon kagabi ay para bang bigla akong nakaramdamam ng kakaibang damdamin kahit pa sabihin hindi ko nakita ang mukha nito. Ang boses na pamilyar na pamilyar sa akin at hinding-hindi ko makakalimutan. Ang boses na iyon din ang tila muling nagdala sa akin sa aking nakaraan.
Nakaraan na hindi ko alam kung dapat ko pa bang balikan o hindi na. Nakaraan na nagdulot sa akin ng matinding sakit at nagbigay ng maraming mga katanungan. Katanungan na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mahanapan ng tamang mga kasagutan.
Ang boses ni Leo.
"Magtrabaho na tayo." Sa halip ay turan ko at agad ko na itong tinalikuran. Napansin ko pa ang pagtataka nito sa aking inasal ngunit hindi ko na iyon pinagtuunan pa ng pansin.
Imposibleng ikaw 'yon, Leo. Dahil alam kong malabo ng bumalik ka pa rito pagkatapos ng ginawa mo sa akin. Iniwan mo na lang ako ng basta-basta. At simula noon, wala na akong nabalitaan pa tungkol sa 'yo. Hindi ko nga alam kung buhay ka pa ba o patay na. At kung ano man ang totoo, wala na rin akong pakialam pa. Alam kong darating din ang araw na tuluyan na rin kitang makakalimutan.