ISANG buwan ko ng iniiwasan si Terrence pero lagi lang siyang nakasunod sa akin. Sa tuwing papasok ako sa gate, lagi siyang nakaabang doon kasama ang mga kaibigan niya. Sa tuwing lunch naman ay mas nauuna pa siya sa courtyard kung saan ako kumakain. Nagsasalita siya at kinakausap ako pero hindi ko siya sinasagot. Pero ni hindi ko man lang siya nakita na nagalit sa akin dahil parang hangin lang siya na dinadaan-daanan ko.
Pero ngayon ay wala siya. Nilinga ko pa ang mga mata ko sa paligid nitong courtyard para hanapin siya pero wala talaga.
Nasanay na talaga ako na lagi siyang nandiyan.
Pero bakit nga ba wala siya? Hindi rin siya pumasok sa klase namin kanina.
Napabuga ako ng hangin at nagsimula ng kumain. Para tuloy pumait ang panlasa ko at nawalan ako ng gana. Parang may kulang tuloy ngayong araw na ito.
Araw-araw ay nakasanayan ko ng lagi nila akong pinag-uusapan. Mabuti na lang ay bihira ko lang makasalubong si Missy sa hallway. Iniiwasan ko rin talaga siya para walang gulo. Wala rin naman gustong makipagkaibigan sa akin dahil siguro ayaw nilang madamay sa galit ni Missy. Pero bahala sila, kung ayaw nila sa akin. Ang importante nakaka-pasok ako at nakakapag-aral.
Pagkatapos kumain ay bumalik na ako sa classroom. Napatingin pa muna ako sa tabi ng aking upuan bago tuluyang umupo. Kahit anino ni Terrence ay wala. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng lungkot.
"Alam mo bang nagkasakit raw si Terrence kaya hindi pumasok ngayon?"
Natuon ang atensyon ko kay Shine at Lira na nag-uusap. Palihim kong pinapakinggan ang pinag-uusapan nila dahil narinig kong binanggit nila ang pangalan ni Terrence.
"Kawawa naman si Terrence," sabi ni Lira.
"Kaya nga. Balita ko pa wala ang parents niya, siguradong mag-isa lang 'yon ngayon sa bahay niya. Kung may kasama man siya mga katulong lang," sambit pa ni Shine.
Saan naman kaya nila nabalitaan iyon? Sabagay dakilang tsismosa sila dito sa school kaya imposibleng hindi nila malaman ang buhay ng mga estudyante dito.
Nakaramdam naman ako ng awa para kay Terrence. Kaya pala siya hindi nakapasok dahil sa may sakit siya.
Dumating na ang ibang estudyante at kasama na roon ang mga kaibigan ni Terrence.
Panay sulyap ko sa kanila lalo na kay Marvin. Ito raw kasi ang pinaka-close ni Terrence sa magbabarkada. Apat silang magbabarkada, para nga silang F4. Wala naman raw pangalan ang grupo nila, pero dito sa campus ay sila ang kinatatakutan at habulin ng mga kababaihan. Leader ng grupo si Terrence at mga ka-grupo nila ay sina Marvin, Steven at Miro. Na gaya ni Terrence ay mga anak mayaman rin.
Pagkatapos na pagkatapos ng klase ay sinundan ko sina Marvin. Hindi nila ako napapansin sa kanilang likuran dahil busy sila sa kanilang pagku-kwentuhan. Ang mga estudyante naman na nadaraanan namin ay nakatingin sa akin ng may pagtataka. Nagtataka dahil nakasunod ako sa tatlong ito.
Nang huminto sila sa sa waiting shed malapit sa gate, wala akong inaksaya na oras. Mabilis kong nilapitan si Marvin kahit na kinakabahan ako.
"Yes?" nakataas ang kanyang kilay.
Kinabahan tuloy ako lalo kaya hindi kaagad ako nakapag-salita.
"May sasabihin ka ba?" untag niya sa akin.
"Ahmm...."
Naglumikot ang aking mga mata at hindi makatingin ng diretso sa kanilang tatlo. Hindi ko alam kung paano ako magtatanong sa kanila. Sinalakay ako ng matinding hiya at kaba.
"Naghihintay ako, Miss," naiinip niyang sambit at sumuklyap pa sa kanyang relo na nakasuot sa kanyang bisig na para bang inoorasan niya ako.
Huminga ako ng malalim. Pinuno ko ng hangin ang baga ko bago ako nakapag-salita.
"I-Itatanong ko lang sana kung alam niyo ang bahay ni.... T-Terrence?" kandautal kong tanong.
Nagkapilipit-pilipit na ang dila ko dahil sa sobrang kaba.
Nagkatinginan ang tatlo at kita ko ang pilyong ngiti ni Steven kay Marvin.
"Bakit?" tanong niya nang balingan niya ako ng tingin.
"B-Balita ko kasi may lagnat siya," sagot ko naman.
Nag-aalala kasi ako na baka walang nag-aalaga sa kanya. Lalo pa at sinabi kanina ng kaklase ko na si Shine sa kaibigan niya na wala raw itong kasama na magulang. Paliwanag ko na hindi ko na naisatinig.
"Ikaw ba ang nurse niya?" pilosopong tanong ni Miro. Hindi ko tuloy maiwasan ang mapa-irap sa kanya.
Sa kanilang apat, siya ang hindi ko feel sa grupo. May pagka-bad boy kasi ang itsura niya hindi lang naman sa mukha maging sa mga kilos niya.
"We need to know your reason, Miss. Baka kung ano gawin mo sa kaibigan namin, mahirap na," saad naman ni Steven na bakas sa boses ang pagdududa.
"G-Gusto ko lang naman sana siya kumustahin."
Tumango-tango si Marvin.
"Are you serious, bro?" tanong ni Miro sa kanya. Hindi makapaniwala na pumapayag si Marvin sa hiling ko.
"Yes, alam niyo naman na gusto rin no'n makita si Autumn. Malay mo bigla na lang siyang lumakas kapag nakita niya si Autumn," bulong ni Marvin kay Miro pero inabot naman ito sa pandinig ko.
Parang nag-init tuloy ang pakiramdam ko sa narinig. Gano'n na pala ako ka-espesyal kay Terrence.
Lihim akong napangiti at kinilig sa sinabing iyon ni Marvin.
SINAMAHAN ako ni Marvin patungo sa bahay ni Terrence. Nakasakay ako ngayon sa kanyang kotse. Napag-alaman ko na iisang subdivision lang pala sila ni Crizsa. May kalayuan nga lang ang bahay niya. Habang nasa byahe ay pabilis ng pabilis ang t***k ng puso ko. Kinakabahan ako dahil ito ang unang pagkakataon na pupunta ako sa bahay ng isang lalaki. Nakakatawa pa dahil iniiwasan ko siya ng isang buwan tapos nang malaman ko lang na may sakit siya'y napasugod na agad ako sa bahay niya.
"I heard a lot about you from Terrence," basag ni Marvin sa mahabang katahimikan. Nilingon ko siya habang ang mga mata niya ay diretso ang tingin sa daan.
"Ako?" tanong ko at tinuro ko ang aking sarili.
Lumingon siya sa likod ng kotse na para bang may hinahanap kaya napalingon na rin ako doon. Nang walang makita ay sabay kaming bumaling ng tingin sa harapan.
"Wala naman tayong ibang kasama dito," pamimilosopo niya.
Hindi ko tuloy naiwasan ang irapan siya.
"A-Ano'ng sinabi niya?" tanong ko na lng.
Nagkibit lang siya ng kanyang balikat at hindi na ako sinagot.
Nang tumingin ako sa harap ay nakaparada na pala kami sa isang malaking gate.
"Dito na lang kita ihahatid. May importante pa akong pupuntahan," saad niya sa akin.
Binuksan ko na ang pinto ng kanyang kotse at bumaba na.
"Salamat," sabi ko at nagpaalam. Nakakapagtaka nga dahil konting ingles lang ang nabigkas niya mula pa kanina. Marahil ay nasabi rin sa kanya ni Terrence sa hindi ko masyadong pagka-intindi sa salitang ingles.
Kinakabahan akong naglakad palapit sa gate.
May guard doon na agad kong nilapitan. Nagpaalam ako sa kanya kung pwede akong pumasok. Kinuha niya ang ID ko bago niya ako pinapasok nang hindi man lang ako tinanong kung ano ang sadya ko kay Terrence. Hinatid ako ni Manong hanggang sa pinto ng bahay nila Terrence. Hindi ko mapigilan ang mamangha. Para akong nasa loob ng fairytale at ito ang palasyo doon. At si Terrence ang prinsipe na naghahanap ng kanyang prinsesa. Pagkapasok naman sa loob ng bahay ay sinalubong naman ako ng mga katulong. Lahat sila bumati sa akin at gayo'n din naman ako sa kanila. Ang bait rin nila na para bang alam nila na pupunta ako dito.
"Sa pangalawang pinto po ang kwarto ni Sir Terrence. Katukin mo na lang po, Mam," sabi ng isang katulong habang tinuturo sa akin ang daan patungo sa pinto kung saan ako kakatakok. Tanging pagtango lang ang sinagot ko sa kanya kahit na puno pa rin ako ng pagtataka. Nang hindi nakatiis tinanong ko na ang kausap kong kasambahay.
"A-Alam niyo po ba na pupunta ako dito?"
"Tinawag na po kasi kayo sa amin ni Sir Marvin. Ang sabi niya po kasi bibisita raw ang girlfriend ni Sir Terrence dito at kailangan ka po naming asikasuhin," paliwanang niya.
Nagulat ako sa sinabi niyang girlfriend ako ni Terrence. Lokong Marvin 'yon, ah!
"Maraming salamat po, Ate, pero hindi po ako girlfriend ni Terrence, kaklase niya lang po ako. Pero kahit gano'n pa man sana lumaki po ang bonus mo sa darating na pasko," saad ko naman kinatawa niya.
"Palabiro ka pala, Mam," natatawa niyang sabi at nagtawanan na kaming dalawa.
Mas nakakakaba pala kapag malapit na ako sa pakay ko. Panay ang pagbuntong hininga ko habang tinatahak ang daan patungo sa pinto na tinuro ni Ate kanina. Iniwan niya na kasi ako at hinayaan ng mag-isa tutal naman raw ay alam ko na.
Nang nasa tapat na ako ng pinto'y atras abante naman ako. Nagdadalawang isip kung tutuloy pa ba ako o hindi na. Kaso sayang naman ang pagpunta ko. Nandito na ako at paninindigan ko na.
Humugot ako ng maraming hangin sabay katok sa pinto. Ngunit naka-ilang katok na ako'y wala man lang akong naririnig na yabag mula sa loob. Tinapat ko pa ang tenga ko sa pinto pero wala talaga.
Binuksan ko na ang pinto. Nagpasalamat ako dahil bukas naman iyon. Sinalubong ako ng napaka-lamig at napaka-dilim na kwarto. Kinapa-kapa ko ang switch ng ilaw sa gilid ng pinto. Nagbabaka-sakaling katulad din ito sa kwarto ni Crizsa na nasa gilid lang ng pinto ang switch ng ilaw. At laking pasasalamat ko nang makapa ko iyon. Sumabog ang liwanag sa buong silid. Nasilaw ako kaya bahagya pa akong napapikit. Nang masanay na ang mga mata ko sa liwanag ay saka ko nakita ang kabuuan ng kwarto. Ang laki at lalaking-lalaki talaga ang disenyo. Kumpleto rin sa gamit gaya ng kwarto nina Sir Edward at Crizsa. Pero pinigilan ko muna ang sariling usisain ang laman ng kwarto niya. Hinanap ng mga mata ko ang pakay at nakita ko sa gitna ang malaking kama na kasya yata ang anim na tao.
Nandoon nga si Terrence nakahiga sa gitna ng kama habang nanginginig ang kanyang katawan.
"Terrence!" pagtawag ko sa pangalan niya sabay takbo patungo sa kama kung saan siya nakahiga. Pawis na pawis siya at nanginginig ang buo niyang katawan. Nang hawakan ko siya'y sobrang init niya!
"Ang init mo, Terrence!" taranta kong saad. Sa sobrang pagkataranta ko'y hindi ko na alam ang una kong gagawin. Kung papatayin ko ba muna ang aircon o kukumutan ko na lang muna siya.
Sa huli ay kinumutan ko na lang muna siya. Para akong napapaso sa tuwing dadampi ang balat niya sa balat ko. Grabe pala ang lagnat niya, mabuti na lang talaga naisipan ko ang magtungo dito sa bahay niya para kumustahin siya.
Ni hindi man lang siya sinilip ng mga kasambahay kung okay lang ba ang amo nila dito sa loob ng kwarto. Kung hindi pa ako dumating marahil tumitirik na ang mga mata niya dito sa loob ng kwarto at wala man lang nakakaalam.
Nang maayos ko na ang pagkumot sa kanya, tatayo na sana ako para hinaan ang aircon. Napakalakas rin kasi ng buga ng hangin nito at maging ako ay nanginginig na rin sa sobrang lamig.
Pero pinigilan niya ang kamay ko at hinatak niya muli ako pabalik sa kama. Napahiga tuloy ako sa tabi niya dahil sa lakas nang pagkakahila niya sa akin.
"T-Terrence..." hirap kong tawag sa kanya.
"P-Please... s-stay...here for a... while," sambit niya sa nanginginig na boses. Nanigas ang buo kong katawan nang ipulupot niya ang mga bisig niya sa bewang ko at isiksik niya doon ang kanyang mukha. Biglang bilis ng t***k ng puso ko na tila ba may nagkakarerahan doon. Para na akong malalagutan ng hininga.
Gustong kong umalis pero hindi ako makagalaw dahil sa higpit nang pagkakayakap niya sa bewang ko. Mukhang mali yata ang pagpunta ko dito.
Gusto ko lang naman ang kumustahin siya, pero bakit iba ang nangyari?