NAPABALIKWAS ako ng bangon. Nakatulog pala ako ng hindi ko namalayan. Nilinga ko ang tingin sa paligid. Mag-isa na lang ako at wala na rin si Terrence sa tabi ko. Nang sulyapan ko ang orasan sa dingding-
"Hala, gabi na!"
Mabilis akong bumaba sa kama at hinagilap ang bag ko. Siguradong hinahanap na ako ni Kuya Daniel at nila Nanay. Hindi pa naman ako nakapag-paalam sa kanila. Ang akala ko naman kasi saglit lang ako dito, kung bakit naman kasi nakatulog ako.
Hays... naalala ko pang nakayakap sa akin kanina si Terrence.
Nang makita ko ang aking bag na nakapatong sa upuan ay mabilis akong humakbang palabas ng silid ni Terrence. Hindi ko na siya inabala pang hanapin. Marahil ay magaling na siya kaya nakalabas na siya ng kanyang kwarto. Ang inaalala ko ngayon ay sina Nanay na tiyak na nag-aalala na sa akin. Baka hinahanap na nila ako. Magulat na lang ako nakapaskil na ang pagmumukha ko sa kada poste at puno sa loob ng subdivision na ito.
Nakakahiya!
Pagkalabas ko ng silid ay medyo madilim sa hallway pababa sa hagdan. Sa sala naman ay may ilaw pero wala namang tao. May naririnig akong tunog at kaluskos mula sa kusina pero hindi ko na inabala pang magtungo doon. Kay Manong guard na lang ako magpapaalam.
Tuloy-tuloy akong nakalabas sa bahay nang walang nakakakita sa akin.
"Kuya kayo na po magsabi na naka-uwi na ako," nahihiya kong sabi.
Sinuri niya pa ako mula ulo hanggang paa kaya nakaramdam tuloy ako ng hiya. Sa titig ni manong guard sa akin ay kakaiba.
"Kuya mali po ang iniisip mo, a! Masyado kang judgemental, nakatulog lang ako," paliwanag ko kahit wala naman siyang sinasabi.
Tinakpan ko ng aking bag ang katawan ko na sinusuri niya kanina.
"Wala naman akong sinasabi, Neng. Masyado kang defensive," sambit naman niya.
"Hmmp! Alam ko ang mga tinginan na 'yan, kuya!" wika ko sa kanya sabay inirapan siya.
Umiling-iling lang siya at pumilantik ng kanyang dila.
"Kunin ko na po 'yong ID ko Kuya para maka-uwi na po ako."
Nilahad ko ang kamay ko sa kanya para kunin ang ID ko. Importante ang ID ko na 'yon sa akin dahil para sa school iyon. Hindi ako makakapasok sa school kapag wala ang ID kahit na naka-uniform pa ako
"Sandali lang, Neng, sagutin ko lang muna ang tawag. Pumirma ka muna diyan bago ko ibigay sa'yo ang ID mo," aniya at inabot ang log book niya na kulay blue.
Sinunod ko ang sinabi niya, sinulat ko ang pangalan ko doon at pinirmahan ko na rin.
"Neng, pa'no ba 'yan, ayaw kang paalisin ni Sir Terrence, pinapabalik ka niya sa loob."
"Ha? Bakit daw po? Kailangan ko ng umuwi sa bahay! Pakisabi na lang po Kuya," pakiusap ko sa kanya. Pinagdaop ko pa ang dalawa kong palad. Ayaw ko ng bumalik sa loob dahil sa bigla kong naalala ang ginawa ni Terrence sa akin kanina. Hanggang ngayon nga ay ramdam ko pa rin ang init ng bisig niya na nakayakap sa katawan ko. Iyon din yata ang dahilan kung bakit ako nakatulog ng hindi ko namamalayan.
"Pasensya ka na, Neng, trabaho lang. Ayaw ko namang sa akin magalit si Sir. Baka tanggalin niya ako sa trabaho. Magpapasko pa naman, baka wala na nga akong makuhang bonus at 13th month, nawalan pa ako ng trabaho," pangongonsensya niya na tumalab naman sa akin.
Bumuntong hininga ako at bagsak ang mga balikat na nilingon ang bahay nila Terrence. Ngunit napasinghap ako nang makita ko ang bulto roon ni Terrence na nakatayo sa pinto habang nakatanaw dito sa amin. Alam kong dito siya nakatingin dahil kitang-kita ko ang matamlay niyang mga mata na nakatingin dito sa tulong ng liwanag na nanggagaling sa ilaw ng poste.
"Hinihintay ka na pala ni Sir, e. Pumunta ka na doon," utos ni Kuya na halos ipagtulakan na ako pabalik sa loob. Wala na akong nagawa kun 'di ang bumalik sa loob. Dahan-dahan lang ang ginawa kong paghakbang. Nakakaramdam kasi ako ng panginginig ng aking tuhod dahil sa matinding kaba. Ang akala ko pa naman ay makakatakas na ako sa kanya. Ayaw ko pa naman muna siyang makita ngayon dahil nga sa nangyari.
Pero sana ay hindi niya na iyon maalala.
"Nangangalay na ako dito, Autumn, baka gusto mo namang bilisan maglakad!" sigaw ni Terrence na halatang inip na inip na.
Ilang hakbang na lang naman ay malapit na ako sa kanya.
"Uuwi na ako Terrence, baka hinahanap na ako nila Nanay," sabi ko.
Kumunot ang kanyang noo habang nakatitig ang mapupungay niyang mga mata sa akin. Halatang may sakit pa siya pero bumangon na siya at nagpapahamog.
"Pumasok ka na sa loob, Terrence, mahamog... baka mabinat ka," utos ko sa kanya. Pero hindi niya ako sinunod at nanatili lang siyang nakatayo doon.
"Hindi ako papasok sa loob hangga't hindi kita kasama. Remember, aalagaan mo pa ako." aniya na parang bata.
"Hindi mo ako, yaya!" angil ko.
"Yeah, pero ikaw ang nurse ko ngayon. Ikaw ang kusang pumunta rito, sayang naman ang gasolina ni Marvin na hinatid ka pa papunta rito tapos wala ka naman pa lang gagawin sa akin para pagalingin ako," mahaba niyang sabi na may halong panunumbat. Kung bakit naman nasali dito ang gasolina ni Marvin?
Napabuga ako ng hangin at pilit na pinapahaba ang aking pasensya.
"Babalik na lang ako bukas. Ngayon, kailangan ko na talagang umuwi dahil baka hinahanap na ako nila nanay," pagpapa-intindi ko sa kanya. Kinagat ko pa ang ibaba kong labi habang nagdarasal na sana'y payagan niya na akong maka-uwi.
"Naipag-paalam na kita, Autumn. Alam nila na nandito ka, kasama ako."
"Ha? Paano? Si nanay naka-usap mo?" sunod-sunod kong tanong.
Hala, baka naka-usap niya si Nanay? Sigurado akong magagalit iyon! Baka akalain niya pa na boyfriend ko si Terrence.
"Not your mom, but Crizsa. Tinawagan ko si Crizsa pa aipag-paalam ka sa nanay mo at hindi mag-alala. So, papasok ka ba o dito na lang tayo sa labas hanggang sa mabinat ako?" saad niya.
"Hayss... tara na nga," sambit ko at lumapit na sa kanya. Kaunting distansya lang ang pagitan namin. Hangga't maaari ayokong dumikit ang balat ko sa kanya. Dahil naaalala ko lang ang nangyari kanina.
DINIRETSO niya ako sa kusina. Ang sabi niya ay nagluto lang daw siya ng makakain niya dahil kailangan niya ng uminum ng gamot. Nang gigisingin na raw niya ako para makakain na rin daw ako, wala na ako sa kwarto niya kung saan niya akong iniwan na tulog. Mabuti na nga lang daw ay naabutan niya pang nasa labas ako ng gate at hindi pa pinapaalis ni kuya guard.
"Let's eat," lahad niya ng pagkain sa akin. "..niluto ko lahat 'yan!" pagmamalaki niya.
Nagulat ako siyempre. Hindi ko akalain na ang isang bilyonaryong gaya niya ay marunong rin palang magluto. Ang akala ko kasi sa kanya ay spoiled brat at walang alam sa gawaing bahay. Napatitig ako sa mga niluto niya. Tingin pa lang ay mukhang masarap na.
May itlog na sunog ang gilid, hotdog na half sunog, half hilaw at ang pinakamasarap yata sa lahat, bacon na mas matigas pa sa chicharon.
Napangiwi ako. Hindi ko alam kung makakakain ba ako ng maayos sa mga pagkaing nasa harapan ko.
"Bakit? Hindi mo ba nagustuhan ang pagkain? Pwede kang mag-request ng kahit ano'ng gusto mo at lulutuin ko," nakangiti niyang saad sa akin. Proud na proud pa sa mga niluto niya.
Napalunok ako. Hindi ko alam kung paano ko itatanong sa kanya kung paano niya naluto ang mga ito. At kung saan niya natutunan. Diyos ko! Baka nga pati aso namin sa probinsya hindi makain itong niluto niya. May mga katulong naman sila, bakit siya pa ang nagluto?
"Bakit ka nga pala nandito? Did you miss me?"
Nabilaukan ako sa sinabi niya. Hindi ko na nga makain ng maayos ang pagkain na niluto niya, kung ano-ano pa ang sinasabi niya.
Mabilis naman niya akong dinaluhan at pina-inum ako ng tubig. Hinagod niya pa ang likod ko kaya napapitlag ako. Nagtayuan lahat ng balahibo ko sa katawan dahil sa init na dulot niyon na nanuot sa balat ko kahit naka-damit naman ako.
"Okay ka lang ba? Dahan-dahan lang kasi sa pagkain, marami naman 'yan at hindi ka mauubusan."
Inirapan ko siya dahil sa sinabi niya. Kung alam niya lang na napipilitan lang akong kainin ang pagkain na 'to. Bukod kasi sa nahihiya ako sa kanya, ayoko naman ding magsayang ng pagkain. Maraming bata ang nagugutom. Baka ako pa ang karmahin dahil nagsasayang ako ng biyaya.
"Manahimik ka na lang kasi. Bakit ba kasi kung ano-ano ang sinasabi mo?" asik ko sa kanya. Natawa siya habang bumabalik na sa kanyang upuan na katapat ko.
"Why? I'm just asking you kung bakit ka ba nagpunta dito. So, I guess nami-miss mo nga ako," naka-ngisi niyang sambit na tila ba sigurado na siyang nami-miss ko talaga siya. At iyon ang dahilan nang pagpunta ko dito.
Pinangunutan ko siya ng noo.
"Nag-alala lang ako sa'yo," kibit balikat kong sagot.
"Bakit ka nag-aalala sa akin?" pangungulit niya.
"Kasi may sakit ka!"
"Tss. Kailangan pa pala na magkasakit ako para pansinin mo ako," nakanguso niyang sabi.
Nakatitig lang siya sa akin habang ako'y naglulumikot ang mga mata at hindi ko na alam kung saan ako titingin.
"Bakit mo nga ba ako iniiwasan?" seryoso niyang tanong. Tumingin ako sa kanya at huminga ng malalim.
"Sinabi ko na sa'yong iwasan mo na ako."
"Pero iba ang sinasabi ng mga mata mo, Autumn."
"Ayoko lang ng gulo."
"Sinabi ko naman sa'yo na walang gulo hangga't kasama mo ako," pagpupumilit niya.
"Bakit mo nga ba ako nilalapitan? May espesyal ba sa akin? E, anak lang naman ako ng katulong," sambit ko.
Umiwas siya ng tingin sa akin. Nag-iba rin ang itsura ng mukha niya at gumuhit roon ang takot at galit.
"Gusto ko lang makipag-kaibigan sa'yo," tugon niya.
"Hmp. Hindi ako naniniwala."
Humarap siya sa akin. Ngayon ay nag-iba na naman ang ekspresyon ng pagmumukha niya. Paiba-iba talaga siya ng mood. Kanina takot at galit... ngayon naman kumikislap na ang kanyang mga mata na para bang may nasabi akong maganda sa pandinig niya.
"Because I like you," biglang sabi niya na kinatulala ko. Hindi ko alam kung nabibingi na ba ako o tama ba talaga ang narinig ko. Gusto niya ako?! Pasigaw na tanong ng utak ko.
Matamis ang ngiti niya sa kanyang labi habang ako naman ay hindi makapaniwalang nakatitig sa kanya.
Hindi ko rin maintindihan ang nararamdaman ko. Parang may lumilipad na paru-paro sa sikmura ko at kinikiliti ako doon. Ang puso ko naman ay mas dumoble pa ang pagtibok kaya dinig na dinig ko na ito. Pinakatitigan ko siya ng mabuti. Bakas sa mga mata niya ang kaseryosohan sa sinabi niya.
Hinawakan niya ang mga kamay ko na nakapatong sa mesa.
"Pwede ba kitang ligawan, Autumn Margarette De Jesus?" tanong niya sa malambing na tinig.