NAPAKURAP kurap ako ng ilang beses. Tama ba ang nakita ko kanina? Isang napaka-gwapong lalaki?
May mga gwapo rin naman sa probinsya namin, pero iba ang kagwapuhan niya. Para siyang banyaga dahil sa brown niyang mga mata. Ang pula pa ng labi niya na parang naglagay ng lipstick. Tinalo niya pa ang labi ko.
Naputol ang pag-iisip ko nang dumaan sa harapan ko ang babaeng sumisigaw kanina.
Maganda naman siya, 'yon nga lang napaka-kapal ng make-up. Sobrang pula pa ng kanyang labi dahil sa sobrang kapal ng lipstick.
Tinaasan niya ako ng kilay at humalukipkip sa harapan ko.
"Newbie ka?" maarte niyang tanong.
Tipid akong tumango. Kinakabahan ako dahil baka saktan niya ako.
"Pagbibigyan kita ngayon sa ginawa mo since new ka lang dito. May mga rules kami dito na kailangan mong sundin para magtagal ka sa school na ito. Una huwag na huwag kang haharang harang sa daraanan namin. Pangalawa, 'wag na 'wag kang magtatangkang lumapit kay Terrence," mahaba niyang litanya.
"Terrence?" kunot-noo kong tanong.
"Yes, Terrence, the guy with you earlier. That guy is mine, naiintindihan mo ba?" ma-awtoridad niyang tanong.
Kumunot lalo ang noo ko dahil sa sinabi niya. Ni wala akong naintindihan sa mga sinabi niya. Basta ang pagka-intindi ko na sa kanya daw si Terrence.
Ibig sabihin nabili niya si Terrence?
Gano'n na ba siya kayaman para bumili ng tao?
"Hey, naiintindihan mo ba ako? Sagot!" pukaw niya sa akin.
Nagulat ako at nataranta sa biglaan niyang pagsigaw kaya sunod-sunod akong napatango.
"O-Oo...."
"Good, madali ka naman palang kausap. I'm watching you, newbie, " may pagbabantang sambit niya at tumalikod na. Napabuga ako ng hininga na kanina ko pa pala pinipigilan. Grabe naman pala ang mga estudyante dito. Bukod sa maarte na, mga maldita pa!
Tinungo ko na ang room ko at hindi na pinansin ang mga estudyanteng hanggang ngayon ay nagbubulungan pa rin. Para silang mga bubuyog na bumubulong at ako lang naman ang pinag-uusapan.
Mabuti na lang ay mabilis kong nahanap ang room ko at hindi ako naligaw. Sa lawak ng school na ito hindi imposible na maligaw ako. Ang daming pang pasikot-sikot at hagdan.
Pagpasok ko sa room ay agad akong naghanap ng mauupuan. Nagulat ako nang makita ko din dito sa loob ang gwapong lalaki kanina. Nakatitig siya sa akin habang may mapaglarong ngiti sa kanyang mga labi.
Iniwas ko ang tingin sa kanya at inabala ang mga matang maghanap ng bakanteng upuan.
Ngunit wala akong nakitang bakante kaya napalingon ako sa aking likuran para humingi sana ng tulong sa teacher namin na nasa harapan.
"Miss? You might want to take a seat," untag niya sa akin.
"Ma'am, wala na po kasing upuan na bakante," mahina kong sabi. Wala akong nagawa kun 'di ang yumuko na lang. May nakita akong bakanteng upuan kanina pero agad iyon pinatungan ng babae ng bag niya. Naiiyak na ako dahil pakiramdam ko'y ayaw nila sa akin.
Hindi lang pakiramdam, talagang ayaw nila.
"Guys, bigyan niyo ng mauupuan ang bago niyong classmate," saad ni Mam sa mga estudyante. Pero wala kumilos na kahit isa sa kanila.
Konting-konti na lang ay tutulo na ang luha ko dahil sa sobrang pagkapahiya. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito, ang ayawan ka ng tao kahit wala ka namang ginagawang masama sa kanila.
Maya-maya pa'y nakita ko ang pagtulak ni Terrence sa katabi niyang lalaki.
"What the hell, Terrence? What's your problem? Bakit ka nanunulak?" reklamo nito.
"Lumipat ka ng upuan, dito na lang siya sa tabi ko," saad naman ni Terrence na kinagulat ng lahat. Maging ako ay nagulat sa ginawa niya maging sa sinabi niya.
Bakit naman niya ako patatabihin sa kanya?
Nang dumako ang mata ko sa babaeng ayaw akong makatabi, matinding panghihinayang ang nasa mata niya.
"Dapat kasi dito mo na lang siya pina-upo.," dinig kong bulong ng katabi niya. Masama nila akong tinitigan na dalawa.
At naalala ko rin ang sinabi ng malditang babae kanina.
Lumapit ako sa babaeng ayaw magpa-upo sa akin.
Nagtataka siyang tumingala sa akin.
"Ahm... ikaw na lang ang umupo doon at ako na lang ang diyan," saad ko sa kanya. Bigla namang nawala ang inis sa kanyang mukha at napalitan ito ng saya.
"Really?!"
Tumango ako. Agad niyang inayos ang gamit niya at mabilis pa sa alas kwatrong nilisan ang inuupuan niya at ako ang pumalit doon.
Pero hindi siya doon pina-upo ni Terrence. Bagkus, tumayo siya at lumapit sa akin. Napanganga ako nang kuhain niya ang bag ko at nilipat doon sa katabi niyang upuan.
"Miss, nganganga ka na lang ba diyan?" untag niya sa akin. Pinilig ko ang aking ulo at napakurap-kurap sa kanya. Mabilis kong tinikom ang aking bibig.
"Lalapit ka ba dito o bubuhatin na lang kita?" pananakot niya. Sa sobrang takot at kahihiyan na baka gawin niya nga ang kanyang sinabi, tumayo na ako at agad na lumapit sa kanya. Nang tingnan ko ang babae ay masama na naman ang titig niya sa akin.
"Very good girl. Masunurin ka naman pala," bulong ni Terrence nang makalapit na ako sa kanya. Ang lalaking naka-upo doon kanina ay umalis na rin at lumipat sa ibang upuan.
Nagsimula na ang klase pero hindi pa rin ako mapakali sa kinauupuan ko. Hindi ako komportable dahil ramdam ko ang titig ni Terrence mula sa tabi ko. Naiilang ako at parang gusto ko na lang maglaho. Natatakot din ako dahil baka totohanin ng malditang babae kanina ang banta niya.
Paano na ako? Baka hindi pa ako nakaka-isang buwan dito'y mapatalsik na ako sa school na ito. Nakakahiya kina madam at Sir.
Inabala ko na lang ang sarili sa pagsusulat ng lessons ni Miss Escalante.
Magaling siyang magturo. Mabait pa.
Nakuntento ako sa unang subject ko. Nag-iwan si Miss Escalante ng assignment sa amin pagkatapos ay nagpaalam na.
Busy ako sa pagbabasa ng mga sinulat kong lesson kanina nang magsalita sa tabi ko si Terrence. No'ng una akala ko hindi ako ang kausap niya. Napalingon lang ako sa kanya nang hablutin niya ang binabasa kong notebook.
"Gan'yan ka ba kaseryoso mag-aral? Lunch break na, hindi ka ba kakain?" iritado niyang tanong. Inagaw ko sa kanya ang notebook ko na agad rin naman niyang binitawan. Pinasok ko ito sa loob ng bag ko at walang imik na tumayo para makalabas na sa silid na ito. Ngayon ko lang napansin na kaming dalawa na lang pala ang natitira dito sa room. Hindi ko namalayan ang paglabas ng mga kaklase ko kanina.
Hindi pa man ako nakakalayo ay bigla niyang hinaklit ang braso ko.
"Where do you think your going?" maangas niyang tanong. Kunot na rin ang noo niya tanda ng matinding iritasyon sa akin.
"Sabi mo lunch break na. Kakain na ako," sagot ko at tinuro ang daan patungo sa labas ng building. May baon naman akong pagkain kaya hahanap na lang ako ng mauupuan para doon ito kainin.
"Tss. Hindi kita hinintay sa loob ng room para lang iwan mo ako do'n," saad niya.
"Ha?"
"Don't you get it? Sabayan mo akong kumain," utos niya.
"Ha?" hindi pa rin ako makapaniwala.
"Bingi ka ba o hirap umintindi?" naiinis niyang tanong.
Hindi na niya ako hinintay na makasagot pa. Kinuha niya ang bag ko na nakasabit sa aking balikat sabay hawak sa palapulsuhan ko.
"Let's go," aya niya at nagsimula na siyang maglakad.
Dinala niya ako sa isang cafeteria. Maraming estudyante ang nagkalat dito sa loob at nang pumasok kaming dalawa ni Terrence, nakatutok na ang mapanuring mga mata nila sa akin. Ang iba'y nagulat dahil sa naka-hawak ang kamay ni Terrence sa kamay ko. At ang iba naman ay galit, lalo na 'yong malditang babae na pinagbantaan akong kanina na layuan ko raw si Terrence. Huminto ako sa paglalakad kaya napahinto rin si Terrence na hawak pa rin ang mga kamay ko.
"S-Sandali... h-hindi naman ako kakain dito," pahayag ko sa kanya. Kinunutan niya ako ng noo at mas lalo pang hinigpitan ang pagkakahawak niya sa kamay ko nang tinangka ko iyon bawiin.
"OMG! Bakit hawak ni Terrence ang kamay ng newbie na 'yan?!" dinig kong tili ng isa.
Hindi ko sila nilingon dahil nanatili lang na nakayuko ang ulo ko.
"Siguradong pag-iinitan siya ng grupo ni Missy. Balita ko kinausap siya ni Missy kanina para layuan si Terrence, pero bakit magkasama sila ngayon?"
Bigla akong sinalakay ng kaba nang marinig ko iyon. At sigurado akong narinig rin iyon ni Terrence.
Napaangat ako ng ulo nang bitawan niya ako. At nakita ko na lang siya na papalapit sa mga grupo ng mga kababaihan na nag-uusap usap.
"Ulitin mo nga ang sinasabi mo kanina?" tanong dito ni Terrence.
Natatarantang tumingin sa akin ang babae. May bakas na takot sa kanyang mga mata.
"Uulitin mo ba o itataob ko itong mesa niyo?" pagbabanta ni Terrence na kinasinghap ko.
Kaya niya ba talagang gawin 'yon? Nakakatakot naman siya.
"E-E.... k-kasi may nakapagsabi sa akin na tinakot raw siya ni Missy...." kandautal na tugon nito kay Terrence.
Missy pala pangalan no'ng malditang babae!
Lumingon sa akin si Terrence na kinagulat ko. Galit ang mga mata niya at hindi ko alam kung bakit siya sa akin nagagalit ngayon. Napayuko ako.
Hindi ko matagalan ang titig niya sa akin.
Maya-maya lang ay lumapit na siya sa akin at muling hinawakan ang kamay ko dahilan upang tingalain ko siya.
"Come on, let's just eat outside."
Hindi pa man ako kumokontra sa kanya, hinatak na niya ako palabas nitong cafeteria.
Ano bang nangyayari? naguguluhan kong tanong sa aking isip.