#BetweenYouAndHim
EPISODE 7
“Kumusta ang restaurant ngayon Chef Tristan?” tanong ni Khiro sa kausap ngayon sa cellphone na si Chef Tristan. Katulad ni Howard, isa itong chef sa main branch ng restaurant ni Howard at manager na rin pero ngayon ay kasalukuyang ito ang tumatayong may-ari ng restaurant ni Howard kung saan ito ang humalili sa naiwang posisyon at siyang gumagawa ng mga naiwang obligasyon ng kasintahan.
“Ok lang po Sir… So far so good pa rin naman po ang takbo nito…” sagot ni Chef Tristan sa kabilang linya. Napangiti ito. “Oo nga po pala, ipapadala ko po sa inyo ‘yung mga latest documents tungkol sa benta ng restaurant at iba pang mga dokumento…” sabi pa nito.
Napatango at napangiti ng tipid si Khiro. Napatingin ito sa labas ng bintana ng hospital room ni Howard kung saan siya sa tapat nito ngayon nakatayo.
“Salamat huh…” pasasalamat na sabi ni Khiro kay Tristan. Malaki ang pasasalamat niya rito dahil kundi dahil sa mabait at matapat na taong ito ay baka mawala pa kay Howard ang restaurant. Hindi rin kasi niya natututukan masyado ang negosyo ng kasintahan dahil sa busy siya sa pag-aalaga at pagbabantay kay Howard at sa kanyang trabaho.
“Sir naman… Wala ho iyon… Matalik ko pong kaibigan si Sir Howard at malaki ang utang na loob ko sa kanya… Kundi dahil sa kanya, wala po ako sa kung ano man ang kinalalagyan ko ngayon kaya gumaganti lang ako sa mga kabutihang ipinakita niya sa akin sa pamamagitan ng paggawa ko ng mabuti sa aking trabaho…” sabi ni Tristan. Katulad nila Howard at Khiro, laki sa hirap si Tristan. Sa mura nitong edad ay natuto na itong magbanat ng buto dahil sa nagkasakit noon ng sabay ang mga magulang nito. Maaga rin itong naulila sa magulang dahil sabay rin na nawala ang mga ito. Mabuti na lang at nakita siya ni Howard at dahil sa scholarship na ibinigay nito, nakapag-aral siya at ngayon ay isa na itong tanyag na chef na kinikilala ang galing hindi lamang dito sa Pilipinas kundi pati sa buong mundo. Mga nasa edad na 15 siya ng makilala siya ni Howard. Isa itong service crew sa isang sikat na fast food chain at sa palagiang pagkain roon ni Howard ay nagkapalagayan ng loob ang mga ito hanggang sa maging magkaibigan at maisipan na rin ni Howard na pag-aralin si Tristan. Magkapatid ang turing ng mga ito sa isa’t-isa. Nakikita kasi ni Howard ang sarili noon kay Tristan kaya talagang napakagaan ng loob niya kay Tristan at si Tristan naman, ayun, kuya ang tingin niya kay Howard.
Napatango si Khiro sa sinabi ni Tristan.
“Saka po… Itinuturing ko na ring kuya si Sir Howard kasi wala naman po akong kapatid Sir kaya sa kanya ko nakita iyong mga katangian ng isang kuya na kailanman, hindi ko naranasan magkaroon… Sana nga lang ho gumaling na siya gaya ng lagi kong ipinagdarasal sa Diyos… Malaki ang pasasalamat ko sa kanya kasi dumating sa buhay ko ang kagaya niya Sir kaya sana gaya ng pagbibigay niya sa akin noon nung panahong down na down ako, sana ibigay niya rin iyong hiling ko na sana, pagalingin niya si Sir Howard.” sabi pa ni Tristan. Nag-iisa lamang itong anak. Mas bata ang edad nito sa kanila. Mga nasa 24 anyos. Slim ang pangangatawan na may laman at muscles rin naman at hindi maitatanggi na gwapo rin ito. Pilipinong-pilipino nga ang dating nito dahil sa morenong kulay ng balat na kakulay ng balat ni Coco Martin. Magkasing-tangkad rin si Tristan at Coco Martin.
Sir pa rin ang tawag nito kay Howard at Khiro bilang pagbibigay galang na rin dahil pag-ikot-ikutin man ang mundo, amo niya pa rin ang mga ito at kailangan niyang magbigay galang. Sinabi man sa kanya noon ni Howard at ni Khiro na rin na huwag ng Sir ang itawag niya rito dahil magkakaibigan na rin naman sila ay hindi naman na niya magawa dahil nakasanayan na rin niya kaya hinayaan na lang siya sa tawag niya. Alam rin nito na magkarelasyon sila Howard at Khiro at masaya ito sa kung anumang meron sa dalawa. Doon niya napatunayan na ang pag-ibig, walang pinipili kahit na pareho ang kasarian.
“Sana nga... Tuparin ng Diyos ang hiling mo sa kanya…” sabi ni Khiro at napabuntong-hininga.
“Sir… Huwag kayong mawalan ng pag-asa… May dahilan ang Diyos kaya hindi pa rin niya ginigising hanggang ngayon si Sir Howard… Siguro Sir… Darating rin iyong araw na iyon, malay niyo bukas o sa makalawa… Masyado lang siguro tayong pinasasabik ng Diyos kay Sir Howard…” sabi ni Tristan na bahagyang natawa. Bahagya ring natawa si Khiro.
“Oo nga po pala Sir… Gusto ko lang po sanang ipaalam sa inyo na ngayong bakante po ang posisyon ko dito bilang manager… Balak ko pong magpa-apply ng mga applicants para sa vacant position… Ano pong sa tingin ninyo? Gusto niyo po ba iyon?” tanong ni Tristan kay Khiro.
Sandaling napaisip si Khiro. Kunsabagay, alam naman niyang kaya ni Tristan na pamahalaang mag-isa ang mga restaurant ni Howard pero kailangan rin nito ng makakasama sa pagmamanage nito lalo na’t mag-isa ito. Hindi naman sa restaurant lang umiikot ang buhay nito dahil may sarili at personal itong buhay na inaasikaso rin nito. Hindi rin naman pwedeng umasa sa mga waiters at chefs dahil hanggang sa pagluluto lang ang alam niyang mga kakayahan nito. Kumbaga, iyon na talaga ang trabaho ng mga ito.
“Ok… Kung ‘yan ang makakabuti sa restaurant, gawin mo… Basta lang huh, salain niyo ng mabuti iyong mga appilicants ok…” sabi ni Khiro bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Tristan.
“Eh paano ho kung kayo ang sumala sa kanila? I mean, kayo po ang mag interview? Ok lang ho ba?” tanong ni Tristan.
Napailing si Khiro. “Huwag na… alam kong kaya mo na ‘yan… Hindi ko rin kasi ngayon maiiwan si Howard saka kung aalis man ako rito sa hospital, mga 15 minutes lang at babalik na rin kaagad ako… Kung ako ang mag-iinterview sa kanila, siguradong aabutin ng oras… At ayoko naman na matagal akong mawalay kay Howard… Alam mo ‘yan.” sagot ni Khiro.
“Ok po… Naiintindihan ko po…” sabi na lamang ni Tristan.
Nag-usap pa sandali ang dalawa sa cellphone hanggang sa natapos na rin ito. Ibinaba na ni Khiro ang tawag at itinago ang cellphone sa bulsa ng suot niyang pants. Napatingin siya kay Howard na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagigising. Sabi ng doctor ay umaayos naman na ang lagay nito pero hindi pa rin nagigising. Baka one of these days daw ay magising na rin ito.
Lumapit siya sa kamang hinihigaan ni Howard. Pagkalapit ay tinitigan nito ang gwapong mukha ng kasintahan. Pamaya-maya ay hinawakan niya ang kanang kamay nito at bahagyang pinisil.
“Miss na miss na kita... Sobra…” naiiyak na sabi nito. Kung alam lang ni Howard kung gaano na niya ka-miss ito.
- - - - - - - - - - - - - - - - -
Naglalakad ngayon sa gilid ng daan si Khiro. Pauwi kasi ito ngayon sa condo dahil kukuha muli siya ng mga damit nila ni Howard. Medyo malayo-layo rin ang ospital mula sa condominium building na tinitirhan nila pero pwede namang lakarin.’Yun nga lang kapag nilakad mo, siguradong pagod ka. Doon na rin kasi siya sa ospital naliligo at nagbibihis kaya mistulang nadala na rin niya roon ang cabinet nila dahil sa dami ng mga damit niyang nadala na roon.
Mababanaag sa mukha nito ang inis. Paano ba naman kasi, na-flat pa ang gulong ng kotse niya kaya ito, lakad-lakad siya. Hindi rin kasi niya napansin na may sira na pala sa kotse niya kaya iyon. Wala pang nagdadaan na sasakyan sa kalsada marahil ay dahil sa halos hatinggabi na, mga nasa 11:13pm.
Kahit papaano’y nakakaramdam siya ng takot ngayon. Halos konti na lang kasi ang tao na makikita mo sa daan. Hindi naman madilim sa lugar na nilalakaran niya kasi nagkalat ang mga street lights na nagibigay liwanag dagdagan pa ang liwanag na nanggagaling sa buwan. Kaya naman niya ang kanyang sarili at kaya niyang lumaban ang ipagtanggol ang sarili laban sa masasamang loob pero siyempre, ayaw na rin naman niyang makipagbuno man sa mga iyon kung mangyari man ngayon ang pinangangambahan niya dahil sa pagod na rin naman siya.
Nagulat na lamang si Khiro at napahinto sa paglalakad ng may biglang humarang na motor sa kanyang dadaanan. Bahagya siyang nakaramdam ng kaba lalo na’t mukhang lalaki ang sakay ng motor na iyon base na rin sa suot nitong black leather jacket at hindi niya pa nakikita ang mukha dahil sa nakasuot pa ito ng helmet.
Iiwas na sana si Khiro sa motor, magpapatuloy sa paglalakad at hindi na iyon papansinin pa ng mapahinto muli siya ng makita niyang tinanggal ng lalaki ang suot na helmet at tumambad sa kanya ang mukha ni… Kameon. Ito ang nakasakay ngayon sa motor.
“Hindi ako riding in tandem… Nakita mo ako lang ang sakay ng motor…” nakangiting sabi nito habang nakatingin kay Khiro. Hindi ito bumaba sa sinasakyang motor. “Nakita kasi kitang naglalakad kaya naisipan ko na huminto at isabay ka na… Saan ka ba pupunta?...” sabi at tanong nito kay Khiro.
Napailing si Khiro. “No need… Salamat na lang…”
“Halika na…” sabi kaagad ni Kameon. “Delikado rito sa daan… Kita ko naman na mukhang kaya mong ipagtanggol ang sarili mo pero gusto mo pa bang madumihan ang damit mo at masapak bago ka makarating sa destinasyon mo?” sabi pa nito na bahagyang natatawa.
Nakatingin lang si Khiro kay Kameon. Aminado siyang gwapo nga talaga ito. Ngayon naman, hot ito dahil sa ayos at porma.
“Hindi na… Kaya ko namang…”
Hindi na natapos si Khiro sa sasabihin niya dahil nagulat na lamang siya ng biglang bumaba si Kameon sa motor nito, lumapit sa kanya at kaagad na hinawakan ang kanyang kanang kamay at hinila siya palapit sa motor nito. Napatingin tuloy si Khiro sa magkahawak nilang kamay ni Kameon.
“Sakay na… Huwag kang mag-alala… Hindi kita pagbabayarin… Saka isipin mo na lang na bayad ko ito sa ginawa kong panggugulo sa condo mo…” sabi ni Kameon. Napansin niyang nakatingin si Khiro sa magkahawak nilang mga kamay kaya kaagad niya iyong binitawan. Baka kasi kung ano pang isipin nito.
Napabuntong-hininga na lamang si Khiro at tumingin kay Kameon. “Sabi kong…”
“Sakay…” may diin na sabi ni Kameon. Masyado talagang makulit at mapilit ang isang ito.
Muling napabuntong-hininga si Khiro. Napatango na lang ito. Napangiti naman sa kanya si Kameon kaya nakita niyang lumabas ang perfect set of white teeth nito. Maganda ngumiti.
Naunang sumakay muli ng motor si Kameon.
“Sakay ka na…” sabi ni Kameon habang nakatingin kay Khiro.
Napabuntong-hininga na lamang muli si Khiro at napilitan ng sumakay sa likod ng motor ni Kameon.
“Oh ito Helmet, isuot mo…” sabi ni Kameon na nakatalikod na kay Khiro at iniaabot nito ang helmet na suot kanina.
“Errr… Sayo kaya ‘yan… Saka paano ka? Wala kang helmet?” tanong ni Khiro.
“Huwag kang mag-alala sa akin… Matigas ang bungo ko kaya kahit na mabangga man tayo ngayon tapos wala akong suot na helmet sa ulo, hindi ‘yan mababasag…” natatawang sabi ni Kameon pero hindi natawa si Khiro. Pakiramdam kasi ni Khiro, ginagawa nitong katatawanan ang aksidente. Aksidente na dahilan kung bakit nasa bingit ng panganib ngayon ang minamahal niyang si Howard.
“Are you Ok?” tanong ni Kameon na napatigil sa pagtawa dahil sa nakitang pananahimik ni Khiro.
Hindi nagsalita si Khiro. Kinuha lang nito mula kay Kameon ang helmet na ibinibigay nito at saka isinuot iyon sa kanyang ulo.
“Halika na...” malamig ang boses na sabi lamang ni Khiro.
Napatango na lamang si Kameon. ‘May nasabi ba akong mali?’ tanong ni Kameon sa isipan. Pakiramdam niya kasi, parang nagalit yata sa kanya si Khiro.
Napailing na lamang si Kameon.
“Oo nga pala… Ilang beses na rin tayong nagkita pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang pangalan…”
“Khiro… Khiro ang pangalan ko…” sabi kaagad ni Khiro. Malamig pa rin ang boses nito.
“Ah…” sabi na lamang ni Kameon at napatango-tango. At least, kahit na parang nag-iba ang tono ng pakikipag-usap nito sa kanya ay sinagot pa rin nito ang gusto niyang tanungin.
Napabuntong-hininga na lamang si Kameon.
“Ok… Kumapit ka sa akin ng mabuti huh… Saan nga pala kita ihahatid?” tanong ni Kameon.
“Sa condominium building kung saan doon ka rin nakatira…” sabi ni Khiro. Hindi pa rin nagbabago ang tono ng boses.
“Ah… Ok… Oo nga pala, saan ka ba galing at naglalakad ka…”
“Pwede ba… Ang dami mong tanong… Ihatid mo na lang ako gaya ng gusto mo…” inis na sabi ni Khiro na ikinagulat niya at ni Kameon.
“I’m sorry… Pagod lang ako...” paghingi kaagad ng paumanhin ni Khiro kay Kameon.
Napatango na lamang si Kameon. Ayaw niyang magtanong rito kung may nasabi o nagawa ba siyang mali kaya pakiramdam niya ay galit at inis ito sa kanya.
Inistart nito ang makina ng motor.
“Kumapit kang mabuti…” sabi ni Kameon.
Naramdaman naman nitong kumapit si Khiro sa kanya. Sa magkabilang balikat niya.
“Are you sure na diyan ka talaga kakapit? Baka mabitawan mo ako niyan at mahulog ka…” sabi ni Kameon.
Nagsalubong ang magkabilang kilay ni Khiro. “At saan mo naman ako gustong pakapitin?” pagtatakang tanong ni Khiro.
Napangiti ng tipid si Kameon habang ito’y nakatalikod kay Khiro. Hinawakan nito ang magkabilang kamay ni Khiro na nakapatong sa magkabilang balikat niya at dinala ito sa bandang tiyan niya at iniyakap sa katawan nito ang magkabilang braso ng huli.
“Ayan… Siguradong safe na safe ka…” nakangiting sabi ni Kameon.
Si Khiro naman ay parang nanigas sa pagkakaupo. Hindi makapagsalita. Tulala. Bigla siyang kinabahan dahil sa biglang paghawak nito sa kanyang mga kamay at pagdala nito sa bahaging tiyan nito. Ramdam na ramdam tuloy ng mga kamay niya ang tiyan nito kung saan damang-dama rin niya ang pagkakaroon nito ng matitigas na abs. Nakabukas kasi ang suot nitong leather jacket kaya lumapat ang mga kamay niya sa suot nitong white shirt na mukhang may kanipisan lang kaya dama rin ng kamay niya kung anong nasa loob nun.
Bumalik lang sa realidad si Khiro ng bigla nang umandar ang motor ni Kameon at namalayan na lamang niyang nasa daan na sila. Medyo mabilis ang pagpapatakbo ni Kameon sa motor kaya mas lalo siyang napapakapit rito. Napapahigpit ang yakap niya sa katawan ni Kameon. Halos lumapat na ang harapang bahagi ng katawan ni Khiro sa likurang bahagi ng katawan ni Kameon. Lalo pa siyang kinabahan hindi dahil sa bilis ng pagpapatakbo ng motor ni Kameon kundi dahil sa posisyon nila ngayon. Ewan ba niya sa sarili niya kung bakit lagi na lang siyang nakakaramdam ng kakaiba at matinding kaba kapag magkukrus ang landas nila ng lalaking ito.
Kasabay ng pag-ihip ng may kalakasang hangin habang sakay sila ng motor, Hindi rin niya maiwasang malanghap ang mabango at amoy lalaking amoy ni Kameon na katulad ng naaamoy niya ngayon sa suot niyang helmet ni Kameon. Napakabango at kung maaamoy mo ito, siguradong hindi mo ito makakalimutan.
Napapangiti si Kameon habang nagmamaneho at nakatingin ang mga mata sa daan. Hindi niya alam kung bakit ganito ang nararamadaman niya sa tuwing makikita at makakausap si Khiro. Sumasaya siya at biglang kinakabahan. Ngayon lang kasi siya nakaramdam ng ganito.
Sa tuwing titingnan siya ni Khiro, pakiramdam niya, matutunaw siya at nagwawala sa kaba ang dibdib niya.
Mas lalo pa siyang sumaya at bumilis ang pintig ng kanyang puso dahil sa nararamdamang pagkapit at pagyakap sa kanya ni Khiro. Pakiramdam nito, napakalapit nila sa isa’t-isa at napakasaya niya dahil roon. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ganito. Kahit sa babae ay hindi niya ito naramdaman. Ngayon lang, Kay Khiro lang, sa isang lalaking gaya ni Khiro.
Ewan ba ni Kameon… Hindi niya maintindihan ang nararamdaman ngayon kapag kasama si Khiro.
Ilang sandali pa’y nakarating na sila sa tapat ng condominium building. Kaagad na bumaba si Khiro dahil hindi na niya ma-take pa ang nararamdamang kaba sa dibdib dahil sa sobrang lapit kay Kameon. Napabuntong-hininga pa nga ito pagkababa ng motor.
Inalis ni Khiro sa kanyang ulo ang suot na helmet at iniabot agad iyon kay Kameon.
“Salamat sa paghatid…” sabi ni Khiro.
Napangiti si Kameon. Pakiramdam niya, parang nabitin siya. Kung pwede nga lang, buong magdamag silang sakay ng motor ni Khiro at lilibutin nila ang buong Pilipinas ng magkasama. Ewan niya kung bakit na naman niya naisip iyon.
“Wala iyon…” sabi ni Kameon. Kinuha niya mula kay Khiro ang helmet.
“Ikaw? Hindi ka pa ba uuwi? Dito rin ang tirahan mo…” sabi ni Khiro. Pansin kasi niyang mukhang may pupuntahan pa yata si Kameon.
Napailing si Kameon. “May pupuntahan pa kasi ako…” sabi ni Kameon. Tama ang hinala ni Khiro.
“May pupuntahan ka pa? Gabing-gabi na kaya…” sabi ni Khiro.
Tumango lamang si Kameon. Ang totoo niyan, wala naman talaga siyang pupuntahan. Kunwari ay aalis siya pero ang totoo, hihintayin lamang niyang makapasok ng building si Khiro, dadalhin niya lang ang kanyang motor sa parking ng building, at pagkatapos ay doon na siya papasok. Ewan ba niya, parang nakaramdam siya ngayon ng hiya.
Napatango si Khiro. “Ok… Sige pasok na ako… Maiwan na kita diyan…” sabi ni Khiro. “Ingat…” sabi pa nito bago tumalikod kay Kameon at naglakad palayo rito papasok naman sa entrance ng condominium building.
Nakasunod lamang ang tingin ni Kameon sa papalayong si Khiro. Napabuntong-hininga ito.
“Bakit kaya nagkakaganito ako pagdating sayo… Khiro?” pagtatakang tanong ni Kameon sa kanyang sarili. Simula kasi nung una niya itong makita hanggang ngayon, hindi na ito naalis sa kanyang isipan at nag-iiba ang kilos niya sa tuwing makakasama ito.
-END OF EPISODE 7-
#BetweenYouAndHim
EPISODE 8
“Are you resigning?” tanong ng boss ni Khiro habang nakatingin ito sa kanya ng may seryosong mukha. Nakaupo ito sa kanyang swivel chair habang nakaupo naman sa kanang upuan na nasa tapat ng office desk nito si Khiro. Hawak nito sa magkabilang kamay ang resignation letter na ipinasa ni Khiro. Kakatapos lang nito basahin ang letter na iyon. Nasa office ngayon ng boss si Khiro.
Malungkot ang mukha na napatango si Khiro. Ilang beses niya rin itong napag-isipan hanggang sa humantong siya sa desisyon niyang ito. Hindi man niya gusto ang gagawing ito dahil bukod sa sweldo niya na makukuha na maaaring magamit na panggastos sa pang-araw-araw na gastusin, napamahal na rin naman siya sa kanyang trabaho pero kailangan niyang gawin. Gusto niya kasi na ibigay kay Howard ang buong oras niya sa pag-aalaga at pagbabantay rito. Isa pa, nahihiya na rin siya sa kanyang boss at mga officemate niya dahil hindi na niya nagagawa pa ng maayos ang mga trabahong iniatang sa kanya. Lagi pa siyang late at ang mas malala, last week, dalawang beses lamang siya pumasok ng hindi pa nakakapagpaalam.
“Are you sure about this Khiro? Pwede mo pa namang pag-isipan…” sabi ng boss niya. May katandaan na ang edad nito base na rin sa itsura pero kakikitaan mo pa rin naman ito ng kagandahang lalaki. Mas gwapo siguro ito nung kabataan pa.
“I’m sure boss… Kailangan ko itong gawin… Saka isa pa po, nahihiya na rin naman po ako sa inyo… Ilang beses niyo na rin po akong pinagbigyan at ayoko naman pong abusuhin ang kabaitan ninyo...” seryosong sabi ni Khiro. Mabait naman itong boss nila katulad ng asawa’t mga anak nito na siyang boss rin nila sa company na ito. It’s a family company kung saan pinamumunuan ito ng isang pamilya.
Napatango ang boss. “Naiintindihan kita… Kailangan ka niya…” sabi nito. Alam naman kasi nito ang dahilan kung bakit laging late o di kaya ay absent si Khiro dahil sinasabi naman ni Khiro sa kanila ang lahat.
Bahagyang napayuko si Khiro.
Napabuntong-hininga ito. “But look Khiro… Your one of my best employee here… Hindi matatawaran ang dedication mo when it comes to work at hindi madali sa akin na pakawalan ka… Bibihira lang ang magkaroon ang isang kumpanya ng kagaya mong masipag, mabait at mapagkakatiwalaan...” sabi ng boss na nakapagpaangat muli ng mukha at tingin ni Khiro. Si Khiro ang isa sa itinanghal na best employee sa kumpanya nila dahil sa angkin nitong galing at kasipagan pagdating sa trabaho.Wala kang maipipintas kapag ito talaga ang nagtrabaho.
“Pero boss…”
“Ganito na lang…” sabi kaagad nito na nagpatigil sa pagsasalita kay Khiro. “Bibigyan na lang kita ng leave tutal naman hindi ka pa naman nagleleave sa buong panahon mong nagtrabaho sa kumpanyang ito… Kahit gaano pa katagal na leave ang gusto mo, kahit one year or more, ibibigay ko basta huwag ka lang aalis dito…” sabi ng boss na ikinagulat ni Khiro. Literal na nanlaki ang mga mata niya. Kunsabagay, tama nga naman ito, hindi pa niya ginagamit ang leave niya sa buong 7 years na itinagal niya sa pagtatrabaho rito. Pero parang hindi naman yata tama para sa isang employer na magbigay ng ganung kalaking pabor sa isang di hamak na empleyado lang gaya niya.
“Pero boss… Hindi naman…”
“Huwag ka ng tumanggi… Sabi ko nga kanina, isa ka sa pinakamagaling dito sa kumpanya ko at hindi madali sa akin na pakawalan ang isang gaya mong napakagaling… Kumbaga, isa kang malaking asset para sa kumpanya ko at hindi ko hahayaan na mawala ang asset na iyon na sobrang makakatulong para mas lalo pang umangat ang kumpanya… Isa pa, naiintindihan kita… Marahil nahihiya ka na sa akin dahil sa palagian mong absent at pagiging late pero wala naman sa akin iyon… Nagagawa mo ng mahusay ang mga trabaho mo at kaya lamang nitong mga nakaraang linggo ay parang wala ka sa sarili ay dahil sa kakaisip sa kanya… Naiintindihan ko na puno ka ngayon ng pag-aalala at siguro nga, tama ako na bigyan ka ng leave para hindi mo na rin mapagod ang sarili mo… Alam ko naman na dagdag pagod itong ginagawa mo dito sa kumpanya…” sabi ng boss.
“Boss…” walang maapuhap na sasabihin si Khiro. Wala siyang masabi sa sobrang kabaitan sa kanya ng boss nila.
Nagulat na lamang si Khiro ng biglang punitin ng boss niya sa kanyang harapan ang resignation letter na ipinasa niya.
“Hindi ka magreresign Khiro… Hindi ko papayagan… Isa pa… Huwag kang mag-alala sa maiiwan mong trabaho rito… May pansamantala akong ia-assign roon habang wala ka. Basta, akong bahala… Ok…” sabi nito. “Take your time Khiro at kapag maayos na ang lahat… Maaari kang bumalik rin dito anytime para ipagpatuloy ang pagtatrabaho rito…” sabi pa nito. Nakangiti.
Napangiti rin si Khiro.
“Salamat boss…” paghingi nito ng pasasalamat.
“Salamat rin dahil hindi lang 100% ang ibinigay mo dito sa kumpanya ko kundi higit pa…” sabi nito.
Sandali pang nag-usap ang mag-boss tungkol sa mga bagay-bagay bago napagpasyahan ni Khiro na magpaalam na sa kanyang boss at umalis. Kailangan na rin kasi niyang bumalik sa ospital.
- - - - - - - - - - - - - - - - -
Nasa loob na ngayon ng hospital room ni Howard si Khiro. Nakaupo ito sa isang monoblock chair katabi ng hinihigaang kama ni Howard habang nakatingin ito sa nakapikit pa ring kasintahan at mahigpit ang hawak sa kanang kamay nito.
“Nagresign na ako sa trabaho ko para maalagaan at mabantayan kita ng mabuti… Kaso hindi ako pinayagan ng boss ko sa halip ay binigyan lang niya ako ng mahabang leave... Ang bait nga niya eh… Kasi kahit na mahabang panahon akong mawawala sa trabaho, may chance pa rin ako para bumalik doon… Kapag maayos na ang lahat… Kapag magaling ka na…” sabi ni Khiro kay Howard. Animo’y kausap niya ito. Wala naman itong palya pagdating sa pakikipag-usap at pagsasabi kay Howard ng mga nangyayari sa bawat araw niya kahit na alam naman niyang hindi ito sasagot sa mga sinasabi niya. Alam naman kasi niya na naririnig at nakikinig ito sa mga sinasabi niya kahit na hindi pa rin ito gumigising.
Napabuntong-hininga ito. Napatigil sa pagsasalita at tinitigan na lamang ang kasintahan. Pamaya-maya ay napangiti ito ng biglang sumagi sa kanyang isipan ang isang tanong.
Ano ba ang nagustuhan mo kay Howard?
‘Ano nga ba? Ah… Bukod sa gwapo siya at matipuno… Ang pinaka-nagustuhan ko talaga sa kanya na siyang dahilan ng pagkahulog ko ng sobra sa kanya ay ang bawat tingin ng kanyang mga mata… Sa tuwing titingnan niya kasi ako, I can’t help myself from falling madly deeply inlove with him… Sa bawat ngiting sumisilay sa kanyang malambot at natural na mamula-mulang labi na nagpapalabas naman sa puting-puti at pantay-pantay nitong mga ngipin. A perfect smile that also captures my heart. Ang mga ngiti niyang nagbibigay sa akin ng sobra-sobrang kaba at saya. Pero higit sa lahat, ang pinakadahilan talaga ng sobrang pagkahulog ko sa kanya ay ang kanyang ugali… Hindi man naging maganda ang simula ng ipinakita niyang ugali sa akin noon, pero nabawi iyon ng minahal niya ako… Sobrang bait niya, sobrang maalalahanin, sobrang… mapagmahal… ‘Yung tipong mararamdaman talaga ng puso mo kung gaano ka niya kamahal… Kaya nga mahal na mahal ko siya at alam ko na habambuhay, siya ang mamahalin ko…’ sabi nito sa isipan. Napabuntong-hininga ito. Lumungkot ang kanina’y may sayang mukha. ‘Pero ngayon… Hay! Kailan ko kaya muli makikita muli ang mga dahilan ng pagkahulog ko sa kanya? Kailan kaya muli mararamdaman ng puso ko ang sobra niyang pagmamahal sa akin? Sana… Gumising ka na… Miss na miss na kita ng sobra… Miss na miss na kita… Gustong-gusto ko nang magkwento sayo ng kung ano-ano na gaya ng ginagawa natin lagi… Huwag mo akong paghintayin ng matagal please… I miss your hug, I miss your kiss, I miss everything about you… I miss you… I love you…’ madamdaming sabi pa nito sa isipan.
Napapikit ng mga mata si Khiro. At sa pagpikit niyang iyon, Tumulo mula sa kanyang mga mata ang kanyang masaganang luha. Tahimik siyang napaiyak habang nakatingin kay Howard. Matagal na rin simula ng mangyari ang lahat kay Howard at ilang beses na rin siyang napaiyak dahil sa sakit pero hanggang ngayon, hindi pa rin nauubos ang kanyang luha.
-END OF EPISODE 8-