#BetweenYouAndHim
EPISODE 4
Dumaan ang maraming araw at mga buwan at hindi pa rin tuluyang nagigising si Howard. Nanatili pa ring nasa comatose stage pa rin ito at walang sign na nakikita kung kailan ito gigising. Pero kahit ganun ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Khiro na magigising rin si Howard. Ramdam niyang lumalaban ito para mabuhay dahil sa kanya.
Sa nakalipas rin na mga panahon na iyon ay marami na ring nagbago sa buhay ni Khiro. Naging malungkutin siya at walang buhay ang mga araw niya. Kung ang mga ibang estudyante ay bahay-eskwelahan lang ang naging puntahan at ikot ng bawat araw, siya naman ay trabaho-ospital ang naging ikot ng kanyang mga araw. Kahit papaano’y ginagawa pa rin niya ang lahat para hindi na maapektuhan at masira ang trabaho niya. Mabuti na nga lang at mabait ang mga boss niya sa trabaho at naiintindihan ang kalagayan niya kaya kahit na minsan eh palpak ang trabaho niya, pinagbibigyan pa rin siya. Pagkatapos ng trabaho ay saka naman siya pupunta ng ospital para alagaan si Howard. Minsan na nga lang siya umuwi ng condo nilang dalawa ni Howard dahil sa hindi rin naman niya gustong mapatagal pa ang pagpunta niya sa ospital at maalagaan at mabantayan si Howard. Kung si Howard ay matindi ang pag-aalaga niya, kabaligtaran naman iyon sa pag-aalaga niya sa kanyang sarili. Napapabayaan na nito ang sarili hindi lamang sa pagkain nito kundi pati ang pisikal na anyo nito. Hindi na nga ito nakakapag-ahit man lang kaya tumubo na ng bahagya ang bigote at balbas nito. Medyo namayat na rin ang katawan ni Khiro at halata na talaga sa mukha nito ang pagod at puyat pero hindi nito iniinda dahil para sa kanya, wala lang iyon basta maalagaan at mabantayan lamang niya ng mabuti si Howard, ang pinakamamahal niya.
Kasalukuyang nasa loob ngayon ng silid nila ni Howard si Khiro dito sa loob ng condo. Sandali siyang dumaan muna rito para kumuha ng gamit. Isinisilid sa isang travelling bag ang ilang mga damit at kung ano pa na magagamit nila habang namamalagi sa ospital. Babalik rin kaagad siya ng ospital pagkatapos nito.
Pamaya-maya ay napatigil ito sa pag-aayos ng mga gamit. Iniwan muna ang ginagawa at naupo sa edge ng kama. Malalim na nag-isip.
“Paano kaya kung mag leave muna ako sa trabaho?” tanong ni Khiro sa sarili. Naisip niya iyon para maging tutok rin siya sa pag-aalaga kay Howard. Pero pamaya-maya ay napailing ito. “Pero hindi pwede… Kailangan ko rin iyong perang seswelduhin ko para mabayaran ang mga bills hindi lang sa ospital kundi pati ‘yung mga bills dito sa condo…” sabi muli nito sa sarili. Ngayon ay siya ang nagbabayad ng lahat. Hindi niya hinahayaan na magalaw niya ang pera ni Howard pati na rin ang kinikita ng mga restaurant nito. Ayaw niyang galawin ang mga iyon dahil baka may mangyari pang hindi maganda. ‘Yung tipong baka kapag ginalaw niya ang mga pera nito, baka maubos ang mga ito at baka rin malugi ang mga restaurant nito. Ayaw naman niya na magising si Howard na wala na ang mga naipundar at naipon nito kaya hangga’t maaari ay ‘yung sa kanya na munang pera ang pinanggagastos niya. Matagal na rin namang panahon na laging si Howard na lamang ang gumagastos para sa kanilang dalawa. Kumbaga, talagang pinanindigan na nito ang pagiging isang haligi ng tahanan, isang asawa na siyang tumataguyod sa kanya.
Napabuntong-hininga si Khiro. Kaya pa naman niyang magtrabaho. ‘Yun nga lang, minsan nawawala siya sa focus dahil sa kakaisip kay Howard. Gusto niya na lagi siyang nasa tabi nito baka kasi kapag maggising ito, Hindi siya nito makita kaagad dahil wala siya sa unang pagdilat muli ng mga mata nito. Gusto rin niya na makita ang paggising nito. Siguradong ibayong tuwa ang mararamdaman niya.
Muling napabuntong-hininga si Khiro bago muling tumayo at ipinagpatuloy ang pag-aayos ng mga gamit. Napatingin pa ito sandali sa orasan para makita ang oras. It’s 7 o’ clock in the evening. Nagmadali na siyang mag-ayos.
Pagkatapos niyang ayusin ang mga gamit sa bag ay isinara na niya ang zipper nito pagkatapos ay kaagad siyang pumunta ng banyo para maglinis at mag-ayos ng sarili. Doon na rin siya nagbihis ng susuotin niya.
Nang matapos ay nakaramdam siya ng ginahawa sa katawan. Fresh na ulit siya. Lumabas siya ng banyo at tumingin sa salamin para magsuklay.
BOOGSHHHH!
Nagulat na lamang si Khiro ng may marinig na kumalabog sa labas ng kwarto kaya dali-dali siyang lumabas.
Halos manlaki ang kanyang mga mata ng makita ang isang lalaki na nakapikit at pasuray-suray na naglalakad papunta sa living room. Ang lampshade pala na nakapatong sa mesa na nakapwesto lamang malapit sa may pintuan ang nabagsak nito.
Tulala at parang nanigas sa kinatatayuan si Khiro habang nakasunod ang tingin sa lalaking nakapikit at pasuray-suray pa ring naglakad hanggang sa isalampak nito ang katawan sa may sofa.
Bumalik sa realidad si Khiro at kaagad na nilapitan ang lalaki. Nasa tapat na siya nito, napayuko siya at gigisingin na sana niya ng biglang mapatitig naman siya sa kabuuan ng mukhang mahimbing na natutulog na lalaki.
Mestiso ang makinis na balat gaya niya. Matipuno ang katawan at may malapad na dibdib na nakalitaw na sa suot nitong polong asul na bukas ang first two buttons. Halatang alaga sa gym ang katawan. May pagkachinito ang mga matang nakapikit at mahaba ang mga pilik mata. May kakapalan ang magkabila nitong kilay gaya ng kanya. Matangos ang ilong at may kanipisan ang natural na mapula nitong labi. Maganda rin ang proportion at hugis ng mukha nito. Kitang-kita niya ang ganda ng jaw line nito. Sa tingin rin niya ay matangkad ito. Mga nasa 6’1 ang tangkad na bagay na bagay sa tindig nito.
All in all… Gwapo at mukhang campus heartthrob ang lalaking ngayon lamang niya nakita.
Napailing si Khiro at kaagad na umayos ng tayo. Umiwas ng tingin sa lalaki. Pakiramdam niya ay parang pinagnasahan na niya ang lalaki. Hindi iyon pwede dahil may asawa na siya. May mahal na siya at iyon ay si Howard. Ito lang ang gwapo sa mga paningin niya at wala ng iba pa.
Pero hindi pa rin niya naiwasang hindi mapatingin rito. Lalo na sa suot nitong pantalon kung saan kitang-kita niya ang bukol na nasa loob nun. Halatang may ipagmamalaki.
Muli siyang napailing at umiwas ng tingin.
‘Ano ka ba naman Khiro! Hindi pwede ‘yang ginagawa mo…’ sabi ni Khiro sa isipan.
Hanggang sa maisipan na niyang gisingin na ang lalaki. Muli siyang yumuko palapit rito at tinapik-tapik ang kanang balikat nito. Naririnig niya ang mahihinang hilik nito.
“Mister… Mali yata kayo ng napasukan… Gumising na…”
Napatigil sa pagsasalita si Khiro at halos manlaki ang mga mata niya sa pagkagulat at pagkagulantang dahil bigla na lamang nitong hinawakan ang kanyang ulo at itinulak palapit sa mukha nito. Huli na dahil bigla na lang siyang nasubsob at nalapat ang labi niya sa labi nito.
Hindi makakilos at makagalaw si Khiro dahil sa gulat. Nanlalaki ang mga mata niya habang nakalapat pa rin ang labi niya sa labi ng tulog pa ring lalaki. Ramdam na ramdam niya ang init at lambot ng labi nito sa kanyang labi. Amoy na amoy niya na amoy alak ito. Walang gumagalaw. Isa pang ikinatigas ng buong katawan niya ay ang nararamdaman ng kaliwa niyang kamay. Naipatong kasi niya ng hindi sinasadya sa pundilyo ng suot nitong pantalon ang kaliwa niyang kamay kaya ngayon ay damang-dama ng palad niya ang bukol nito. Tama siya ng hinala, may ipagmamalaki nga.
Kaagad na bumalik sa wisyo si Khiro. Tinanggal niya ang pagkakalapat ng labi niya sa labi ng lalaki at ang kamay niyang nakapatong sa pundilyo ng pantalon nito. Kaagad niyang inilayo ang sarili sa lalaki at umayos ng tayo sa harapan nito. Naghahabol ng hininga dahil sa kabang nararamdaman.
‘My gosh Khiro! Nagkasala ka…’ kinakabahang sabi nito sa sarili. Alam niyang isang malaking pagkakamali ang nagawa niya.
Pero bakit pakiramdam niya… Parang gusto niya ang nangyari?
Napailing-iling ng todo si Khiro. Hindi niya iyong ginusto. Wala siyang ginawa. Ito ang humalik sa kanya kaya wala siyang kasalanan.
Huminga ng malalim si Khiro bago tuluyan ng gisingin ang lalaki na hindi talaga nagising kahit na nangyari ang bagay na iyon. Todo-todo na ang ginawa niyang paggising rito to the point na sigawan na niya ito sa tenga pero wa epek pa rin.
Hindi naman niya pwedeng iwanan ito sa loob ng condo nila. Malay ba niya kung masama itong tao o di kaya ay magnanakaw kahit wala sa itsura nito ang mga nabanggit niya? Ah basta, marami na rin ngayong masasamang loob ang mapagpanggap.
Kaya inis na inis na hinawakan na lamang ni Khiro ang kanang kamay ng lalaki at pilit na itinayo ito ng dahan-dahan. Nang magawa na niya itong maitayo ay iniakay niya sa kanyang balikat ang kamay at braso nito at inalalayan sa paglalakad hanggang sa makalabas sila ng condo.
Nang makalabas ay dahan-dahan naman niya na iniupo ito sa tiled floor sa isang gilid. Sa gilid ng pinto ng condo niya at pinto ng katabi pang condo. Isinandal ang katawan nito sa pader na nasa pagitan ng bawat pinto. Success.
Sandaling tumayo pa siya sa tapat nito at tiningnan ang lalaki. Ang himbing pa rin ng tulog kahit na nakaupo. Siguro kaya hindi talaga ito magising dahil nahalata rin niyang sobrang lasing ito. Namumula pa nga ang tenga nito sa sobrang kalasingan.
Nakaramdam siya ng awa. Ayaw man niyang iwan ito mag-isa sa labas. Pero wala siyang magagawa dahil kailangan rin niya pumunta ngayon sa ospital para mabantayan at maalagaan si Howard.
Napabuntong-hininga siya bago pumasok muli sa condo nila ni Howard at kunin ang bag na dadalhin niya. Pagkatapos ay sandali niyang tiningnan ang kabuuan ng condo, pinatay ang dapat patayin bago muling lumabas roon. This time, isinara na niya ang pintuan ng condo at ni-lock. Kanina kasi, kaya nakapasok sa condo nila ang lalaki kasi naiwan niyang nakabukas ito.
Napatingin si Khiro sa lalaki. Napabuntong-hininga.
“Wala naman sigurong mangyayari sayo rito…” sabi ni Khiro sa sarili habang nakatingin sa lalaking mahimbing pa rin ang tulog sa pagkakaupo sa tiled floor.
After niyang tingnan ang lalaki ay tuluyan na siyang naglakad palayo at umalis. Kailangan na niyang pumunta sa ospital.
Pero bago siya umalis, ibinilin niya sa isang staff sa condominium building na iyon ang kalagayan ng lalaki.
-END OF EPISODE 4-