EPISODE 3

781 Words
  #BetweenYouAndHim EPISODE 3     Nakaupo sa isang monoblock chair na nasa tabi ng hinihigaang kama ni Howard si Khiro. Nakatitig ito sa natutulog na kasintahan habang hawak-hawak ang kanang kamay nito na may nakatusok na kung ano. Nangingilid ang luha habang pinagmamasdan ang lantang gulay na ayos ng pinakamamahal.     Dalawang araw na ang nakalipas simula ng mangyari ang lahat. Nailipat na rin sa isang private room si Howard. Tama nga ang sinabi sa kanya ng doctor. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagigising si Howard dahil nasa state of coma ito ngayon.     Nahuli na rin ‘yung taong nakabangga sa minamanehong kotse ni Howard. Sobra nga ang galit niya nun ng makita niya ang walang kwentang driver na iyon na ngayon ay nakakulong na sa kulungan.     Sa dalawang araw rin na nakalipas, bahagyang malaki ang ipinagbago ng pisikal na anyo ni Khiro. Bahagyang namayat ang katawan nito dahil sa laging walang gana sa pagkain. Malalim na rin ang eyebags nito sa ilalim ng mga mata dahil sa hindi na rin ito nakakatulog ng maayos. Napabayaan na nito ang sarili dahil sa matinding pag-aalala at pag-aalaga sa kasintahan. Napapabayaan na rin nito ang trabaho sa opisina dahil sa pag-aalaga kay Howard.     Tuluyang tumulo ang luha ni Khiro. Nakakapanghina na makita ang kaanyuan ngayon ni Howard. May tubong nakakabit sa bibig nito para doon ay makahinga. Maraming nakatusok na kung ano sa ilang bahagi ng katawan nito. Namumutla ang gwapo nitong mukha at balat nito. Nakapikit ang mga matang parang ayaw na yatang dumilat pa.     Humigpit ang hawak ni Khiro sa kanang kamay ng kasintahan. Pilit na pinipigilan ang pagluha pero hindi niya magawa kaya patuloy lang ang pagluha niya.     “Howard… Gumising ka naman na oh… Wag mo naman akong takutin ng ganito… Huwag mo naman akong paghintayin ng matagal… Gusto kong makita ka ng dumilat at magising para magkasama na tayong muli…” madamdaming sabi ni Khiro sa gitna ng pagluha. Aminado naman siya na malaki ang takot niya ngayon na maaaring isang araw ay bigla na lamang mawala si Howard sa kanya pero pilit niya iyong iwinawaksi sa kanyang sarili at pilit na tinatatagan ang sarili. Alam niya na gigising pa si Howard kaya hindi siya mawawalan ng pag-asa.     “Di ba magpapakasal pa tayo… Please… Gumising ka na… Nahihirapan na kasi akong makita kang ganyan… Napakasakit sa akin na makita kang nahihirapan ngayon… Kaya please naman...” sabi pa ni Khiro at tuluyan ng napahagulgol. Napasubsob na ito sa hawak na kamay ni Howard.     Matagal na napahagulgol ng iyak si Khiro. Napakasakit kasi ngayon ng nararamdaman niya. Pakiramdam niya, daig pa ng pinukpok ng martilyo ang nararamdamang sakit ngayon sa puso niya.     Pamaya-maya ay tumigil na sa paghagulgol ng iyak si Khiro. Muling iniangat ang mukha na puno ng luha at tiningnan si Howard na parang mahimbing lang na natutulog.     Tiningnan ni Khiro ang singsing na suot ni Howard sa palasingsingang daliri ng kamay nito. Hinaplos niya iyon.     “Gagawin ko ang lahat Howard para magising at gumaling ka na… Hihintayin kita at kapag nangyari na ang mga gusto ko… Magpapakasal na tayo agad-agad para hindi na tayo muli mapaghiwalay… Hindi ko na hahayaan na mapaghiwalay pa tayo ng kahit anumang pagsubok… Hinding-hindi na tayo mapipigilan ng kahit ano na tuluyang buuin at ipagpatuloy ang ating nasimulan na forever… Mahal na mahal kita...” madamdaming sabi ni Khiro. Napapakagat-labi para mapigilan ang nagbabadya na namang pagtulo ng kanyang luha.     Hindi nawawalan ng pag-asa si Khiro. Alam niya na magigising rin si Howard para sa kanya dahil katulad niya, gusto rin siya nitong makasama. Hindi siya nawawalan ng pag-asa na darating rin ‘yung araw na muli silang magsasama na masaya. Ramdam niyang pagsubok lamang ito ng Diyos para sa kanila at sinusukat nito kung hanggang saan ang pag-ibig nila para sa isa’t-isa. Alam niyang hindi sila nito pababayaan. Alam niyang makakayanan at malalagpasan rin nila ito. Marami na silang napagdaanan at hindi lang ito ang magiging dahilan para mapaghiwalay silang dalawa.     Pero hindi niya rin maiwasang hindi kabahan. Paano kung tuluyang mawala si Howard sa piling niya? Paano kung… Baka hindi niya kayanin. Baka ikamatay rin niya kapag nawala ito sa kanya. Para silang lovebirds ni Howard na kung mawawala man ang isa, tiyak na hindi makakayanan ng isa kaya mawawala rin ito.     Muling sumariwa kay Khiro ang lahat ng nangyari sa relasyon nila ni Howard. Masasayang alaala at medyo malungkot rin. Mga alaalang bahagi ng kung anuman ang meron sa relasyon nila ngayon. Mga alaalang nagpatatag sa kanilang dalawa.     Hindi nagtagal ay unti-unting dinalaw ng antok ang katawan ni Khiro hanggang sa hindi na nito napigilan ang sarili ay nakatulog na ito ng nakaupo at nakapatong ang ulo sa hawak na kanang kamay ng kasintahan.   -END OF EPISODE 3-
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD