#BetweenYouAndHim
EPISODE 2
Abala sa pagluluto ng hapunan nila ngayong gabi si Khiro. Maaga kasi siyang nag-out ngayon sa trabaho para lamang maghanda ng masarap na hapunan para sa kanilang dalawa ni Howard.
Napapangiti at napapakanta pa si Khiro habang niluluto ang calderetang manok na paborito ni Howard. Hindi mapagsidlan ang nararamdaman nitong saya lalo na’t sa tuwing mapapatingin ito sa kanyang kanang kamay na kung saan nakasuot sa palasingsingan nito ang singsing na ibinigay sa kanya ni Howard nung nagdaang gabi. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya makalimutan ang nangyari sa pagitan nila ni Howard ng gabing ibigay nito sa kanya ang singsing.
Tinikman ni Khiro ang nilulutong caldereta.
“Pwede na siguro ito…” sabi ni Khiro sa sarili ng matikman ng konti ang luto niya. Hindi naman ganun kasarap ang naluto niya kasi aminado naman siya sa kanyang sarili na hindi siya ganun kagaling magluto kagaya ni Howard na talaga namang kapag nagluto ng pagkain, perfect na perfect sa panlasa. Chef ba naman kasi. Dito nga lang siya natuto ng pagluluto eh.
“Sana magustuhan niya ang niluto ko…” sabi pa ni Khiro sa sarili habang isinasalin na sa malaking bowl ang naluto niya. Tapos na siyang magluto. Minsan lang niya itong gawin kaya lahat ng alam niya at galing ay ibinuhos na niya para lamang maipagluto si Howard. Nag-aalangan lamang siya kasi may pagkametikuloso at direct to the point si Howard. Sinasabi talaga nito kung hindi niya nagustuhan ang isang bagay. Kunsabagay, may karapatan naman talaga itong sabihin kung hindi man masarap ang luto niya kasi ito ang talagang may alam at bihasa pagdating sa pagluluto.
Saktong tapos na sa pagsasalin ng pagkain si Khiro sa bowl ng maramdaman niyang nag-vibrate ang phone niya na nasa kanyang bulsa. Kaagad niya itong kinuha mula roon at nakita niya sa screen na tumatawag si Howard. Napangiti siya. Kaagad niyang sinagot iyon.
“Hello…”
“Nakauwi ka na ba?” tanong ni Howard sa kabilang linya. Mababakas sa boses nito ang pagod dahil sa maghapong pagtatrabaho sa restaurant nito.
“Oo kanina pa… Ikaw? Pauwi ka na ba?” tanong ni Khiro.
“Uhm… Paalis pa lang ako rito sa restaurant para umuwi… Na-miss kita…” sabi ni Howard na nakapagpangiti kay Khiro.
“Ako rin na-miss kita… Kaya umuwi ka na kaagad ok… May inihanda akong special para sa’yo…” sabi ni Khiro na kinikilig.
Alam ni Khiro na napangiti niya ang kasintahan. “Talaga? Special ba talaga? Mukhang bigla akong na-excite diyan huh… Oh sige… uuwi na ako agad-agad… Wait for me My OO…” sabi ni Howard.
“Ok… Ingat ka sa biyahe huh… I love you…” sabi ni Khiro.
“I love you too…” sagot naman ni Howard.
Nanatiling pa ring nakatapat sa tenga niya ang cellphone kahit tapos na ang tawag. Napapangiti at pati siya’y parang na-excite na may konting kaba. Siyempre, ipapatikim ba naman niya ang luto niya sa kanyang My Only One. Daig niya pa tuloy ngayon ‘yung mga contestant na kasali sa masterchef.
After niyang matulala at mapangiti na parang tanga ay itinago na niya muli sa kanyang bulsa ang cellphone. Nagpatuloy siya sa pag-aayos na ng mesa.
Halos manlaki ang mga mata at magulantang si Khiro sa gulat ng biglang dumulas sa kamay niya ang isang plato na ilalagay na sana niya sa mesa. Parang slow motion ang pangyayaring iyon. Bigla siyang kinabahan habang tinitingnan ang plato na unti-unting bumabagsak sa sahig sa mga paningin niya.
Napatitig si Khiro sa basag na plato na ngayo’y nagkalat sa sahig. Napabuntong-hininga siya para matigil ang matinding kaba na ngayo’y nararamdaman na niya. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang kinabahan.
Napailing-iling si Khiro sa mga biglang sumagi sa isipan niya at napagpasiyahang pupulutin na sana niya ang mga nagkapira-pirasong plato sa sahig at ililigpit ito ng maramdaman na naman niyang muli ang pag-vibrate ng cellphone niya sa bulsa kaya napatigil siya.
Kinuha niya muli mula sa bulsa ang kanyang cellphone at tiningnan sa screen ang tumatawag. Si Howard. Kaagad niya iyong sinagot.
“Hello Howard…”
“Kayo po ba si Khiro Martinez?” tanong ng nasa kabilang linya na nagpatigil sa pagsasalita ni Khiro. Hindi boses ni Howard kundi boses ng kung sino mang lalaki. Again, matinding kaba ang bumalot na naman sa puso niya at hindi niya maintindihan kung bakit.
“Yes it’s me… Nasaan si Howard? Bakit nasa iyo ang cellphone niya?” tanong ni Khiro.
Nagsalita muli sa kabilang linya ang lalaking kausap. Halos manlaki ang mga mata ni Khiro sa narinig.
“ANOOOOOO????!!!” gulat na sigaw ni Khiro. Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng lalaki na nagpakilalang pulis. Si Howard, naaksidente. Matindi ang pinsalang natamo sa katawan at ngayo’y nasa ospital.
Hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Khiro. Kaagad na niyang pinatay ang tawag at nilagay muli sa bulsa ang cellphone at dali-daling lumabas ng condo para mapuntahan ang ospital na sinabi ng pulis na pinagdalhan kay Howard.
-- - - - - - - - - - - -
“Howard Vergara…” nagmamadaling sabi ni Khiro sa taong nasa reception area ng ospital. Nanginginig ang kanyang katawan at puno ng kaba ang puso niya dahil sa nangyari kay Howard.
Kaagad namang tumalima sa tanong niya ang lalaking nurse na naka-duty roon at sinagot ang tanong niya.
“Nasa emergency…”
Hindi na hinintay pa ni Khiro ang iba pang sasabihin ng nurse sa kanya dahil kaagad na itong tumakbo papunta sa emergency room.
Pagkarating niya roon, naabutan niyang may inilalabas na mula sa emergency room. Nakita niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang minamahal na ngayon ay puno na ng sugat ang katawan at ang ulo nito ngayo’y nakabenda na. Kaagad siyang lumapit roon pero pinagbawalan siya kaagad ng mga doctor na gumamot sa kasintahan niya dahil dadalhin raw ito sa ICU. Nanatili na lamang tuloy nakatayo si Khiro sa tapat ng pintuan ng emergency room habang nakatingin ang mga luhaang mata sa papalayong kama na hinihigaan ni Howard.
Pamaya-maya ay nakita niyang may lumabas na doctor mula sa emergency room. Sa tingin niya ay ito ang head doctor na tumingin sa kasintahan niya. Kaagad niya itong nilapitan.
“Doc… Kumusta na siya?” tanong ni Khiro sa doctor.
Napatingin naman ang doctor sa kanya. “Kamag-anak ka ba ni Mr. Howard Vergara?” tanong nito. Alam naman na nito kung sino ang tinutukoy sa tanong ni Khiro dahil iyon lang naman ang pasyente na katatapos lang niyang gamutin.
“Hindi… Asawa niya ako… So kumusta siya Doc? Ok na po ba siya? Ano?” tuloy-tuloy na tanong ni Khiro sa doctor na nagulat naman sa sinabi niya. Nagulat sa sinabing asawa niya si Howard dahil parehong lalaki ang mga ito tapos mag-asawa?
Napansin naman ni Khiro ang pagkagulat ng doctor sa sinabi niya. Kahit naman sino, magugulat talaga. Saka iyon na rin naman ang sinabi niya, na asawa niya si Howard kasi doon rin naman sila papunta ngayon, ang pagiging mag-asawa.
“Doc naman… Mamaya ka na magulat… So kumusta na siya? Ok na ba siya? Malayo na ba siya ngayon sa kapahamakan?” sunod-sunod na sabi ni Khiro.
Bumalik naman sa wisyo ang doctor.
“Ok naman na siya Mr… He’s out on danger now dahil nagamot na namin siya kaagad… Mabuti nga at nadala siya dito kaagad after ng car accident na kinasangkutan niya… Dinala lang namin siya sa ICU for futher test and examination lalo na sa kanyang ulo na matindi ring napinsala ng aksidente…” sagot ng doctor. “Pero Mr… Ngayon pa lang sinasabi ko na sayo na maghanda ka…” sabi ng doctor na ikinakaba ni Khiro.
“Bakit po Doc? Sabi niyo ligtas na siya? Ok na siya? So bakit ako maghahanda?” sunod-sundo na tanong ni Khiro.
Napabuntong-hininga ang doctor. “Oo… Ligtas na siya… Pero kasi… Maaari siyang hindi pa magising ng ilang araw, or buwan o maaaring isang taon… Matindi kasing nabangga ang kanyang ulo so may tendency na… ma-comatose siya...” sabi ng doctor na nagpaluha kay Khiro. Nanlulumo siya sa sinapit ni Howard.
Para siyang binagsakan ng langit at lupa. Maaari ngang mangyari ang sinasabi ng doctor. Sa nakita pa lang niyang ayos ni Howard kanina na parang lantang gulay na nakahiga sa kama… Napaiyak si Khiro. Hindi niya akalain na mangyayari ito. Ito na ang pinakamatinding unos na dumating sa relasyon nila ni Howard.
“Ahm… Excuse me at may pupuntahan pa akong ibang pasyente…” pagpapaalam na sabi ng doctor. Tumango na lang si Khiro. Umalis na sa harapan niya ang doctor at naglakad palayo.
Kaagad na napaupo si Khiro sa malapit na upuan. Isinubsob sa pinagtabi niyang mga kamay ang kanyang mukha at doon ay tahimik na umiyak. Nanghihina siya ngayon. Parang hindi niya matatanggap kung sakaling mawawala si Howard sa piling niya. Hindi niya hahayaan iyon. Lahat gagawin niya para gumaling lamang ito ng tuluyan at magising sa bangungot na kinasadlakan nito.
-END OF EPISODE 2-