LULAN sa sasakyan ng kapatid ni Markus at hindi niya nagawang kumibo. Paano ba naman kasi mukhang sinakluban ng langit at lupa ang mukha ng kapatid nitong si Mark. Malayong-malayo kay Markus na siya na lang ang susuko sa kadaldalan. Gwapo rin ito katulad ni Markus.
"Ilang buwan na kayong nagsasama ng kapatid ko? I mean---ilang araw na?" tanong nito na tila ba galit ang boses.
"Hindi kami nagsasama," sagot niya kaya tiningnan siya ng masama ng lalaki.
"Wow! So ano ka niya?"
"Magkaibigan lang kami," sagot niya ulit. Naiinis na siya sa paraan ng pagtanong nito.
"Oh, magka-ibigan kayo," pagdidiin nito sa huling sinabi. "Friends with benefits?"
"Kung may sasabihin ka ay pwede ba deretsuhin mo na," inis niyang sagot sa lalaki. "Ang dami mo pa kasing paligoy-ligoy. Gusto ko lang malaman mo na hindi ako ang klase ng babae na iniisip mo."
"Ano ba ang pinagkaiba mo sa mga naging babae niya? Ano ba ang kailangan mo sa kanya at ano ang kinalaman mo sa pagkakakulong ngayon ng kapatid ko?"
"Hindi ba lawyer ka? Bakit hindi mo alamin kasi ako iniisip ko rin kung sino ang may pakana sa lahat ng ito," pauyam niyang sagot.
"Nang umalis kanina ng bahay si Markus ay ikaw lang ang naroon sa bahay niya. Paanong may freezer na may bangkay sa loob ng kanyang kwarto? Ito ba ang plano mo para maset-up ang kapatid ko?" tanong sa kanya ni Mark na ikinagulay niya.
"How dare you! Sino ka para akusahan ako?" bulalas niyang gigil na gigil sa kapatid ni Markus.
"Kapatid ako ni Markus at lawyer niya rin," sagot nito. "I'm just stating the fact na pwedeng ikaw ang may kagagawan non," dagdag pa nitong wika sa kanya.
"Kung ganun ay sasabihin ko sa'yo na wala akong alam sa mga sinasabi mo! Besides hindi ko kilala ang bangkay na natagpuan sa silid ni Markus," giit niya pa.
"Hindi pwedeng nagagalit ka kapag tinatanong ka. Mahahalata kang guilty sa kinikilos mo," wika pa ni Mark na mahinahon lang na nagmamaneho. Sino kaya ang hindi magagalit sa mga tanong nito?
"Kung ganun ay ayusin mo ang mga tinatanong mo dahil hindi kita kilala," sagot niya.
"Lawyer ako Patricia kaya asahan mo na ang mga deretso kong tanong. Hinahanda lang din naman kita kapag gumulong na ang imbestigasyon."
"Ako na rin ang nasasabi sayo na wala tayo sa korte para tanungin mo ako ng ganyan. Mabuti pa siguro na ihanda mo nalang 'yang laway mo kapag nagsimula na ang kaso. Matutulungan mo pa ang kapatid mo," irap niya.
Hindi umimik si Mark sa kanyang sinabi kaya hindi na siya kumibo pa. Nanggigigil lamang siya rito.
"Alam mo kung bakit magkaibang-magkaiba kami ni Markus?" tanong ni Mark sa kanya. "Siya kasi ang taong madaling magpauto. Madaling maniwala kaya ang nangyayari ay napapahamak siya lalo na sa mga taong golddigger," pasaring sa kanya ng lalaki kaya lalong umusok ang kanyang bumbunan.
"Wala akong pakialam sa pera ng kapatid mo," sagot niya.
"Bilyonaryo siya."
"May pera ako," sagot niya.
"Kaya ka niyang ipagpalit kahit kanino man," wika pa ni Mark.
"Kahit ilan pa wala akong pakialam," kaagad niyang sagot.
"Gagamitin ka lang niya," wika pa nitong ayaw tumigil.
"Problema ko na na 'yon!"
Natawa si Mark sa kanyang sagot.
"Iba ka nga sa mga babae niya. Palaban."
"Now you know," sagot niya rito.
"Kung hindi mo habol ang pera ng kapatid ko bukas na bukas din ay umalis ka na ng bahay niya. Sawang-sawa na akong maglinis ng kanyang kalat lalo na sa tulad mo," wika pa nito sa kanya kaya siya naman ang natigilan.
"Hu'wag kang mag-alala at gagawin ko talaga 'yan. Hindi ko kayang makasama ka sa iisang bubong!"
"Good! Hindi ko rin naman trabaho na bantayan ka," wika pa ni Mark sa kanya.
Pagdating nila sa bahay ni Markus ay mabilis siyang pumasok sa kanyang silid na ginagamit. Hindi niya na naisip na kaninang umaga lang ay may natagpuang patay sa bahay na iyon. Gigil na gigil pa rin siya kay Mark. Gusto niyang ipamukha rito na mali ito. Hindi siya golddigger!
Mabilis siyang nag-impake ng kanyang mga gamit. Kung hindi lang gabi ay talagang aalis siya sa bahay ni Markus.
Matutulog na sana siya nang maisip niya ang mga nangyari. Tama si Mark, siya lang ang tao kanina nang umalis si Markus pero kasama niya ang cleaning lady nila. Madalas kasi ay nasa loob lamang siya ng kwarto. Ang nakakapagtaka lang ay kung paano nakapasok ang freezer sa kwarto ni Markus gayong magkatabi lang ang silid nila. Kahit anong ingay ay wala siyang narinig.
Muli siyang bumangon ng kama at ni-lock ang mga bintana pati na rin pinto ng kanyang kwarto at baka mamaya paggising niya ay sa kwarto naman niya may makitang patay.
Umaga na yata siya nakatulog kung kaya tanghali na siya nagising. Hindi na siya nag-abala pang maligo at kaagad na nagbihis. Kailangan niya ng maghanap ng malilipatan o di kaya ay bumalik nalang sa Manila kung saan ay doon naman talaga siya nakatira. Teacher siya sa Maynila, iyon nga lang nang makilala niya si Samuel ay binigyan siya nito ng trabaho. Ang bantayan ang kinikilos ni Hunter na sa kalaunan na pagsunod niya sa lalaki ay nagkagusto siya. Muntikan pa siyang maging kriminal.
Nasa kalagitnaan na siya ng hagdan nang makita niya si Mark. Kumakain itong mag-isa.
Umangat ang kanyang kilay.
"Akala ko nagbago na ang isip mo," wika ni Mark sa kanya. Hindi man lang siya nito niyayang kumain.
"May isang salita ako," sagot niya. Nagulat pa siya nang makita si Markus. Bagong dating ito.
"Hindi ka aalis Patricia!" sigaw ni Markus. "Walang aalis!"
Natigilan din si Mark sa pagdating ng kapatid.
"She's nothing Markus. Hayaan mo siyang umalis," sagot ni Mark na mukhang galit sa mundo.
"This is my house!" sigaw nito sa kapatid na ikinagulat niya. Bigla siyang natakot sa sigaw ni Markus. "My house, my rules! This is my life Mark!" bulyaw nito sa kapatid.
"Ilang beses na ba kitang sinagip dahil sa kapalpakan mo? Lalo na pagdating sa babae? Anong pinagkaiba ni Patricia sa mga 'yon?" sagot ni Mark na tumayo mula sa pagkakaupo at hinarap ang kapatid.
"Nilalapitan kita dahil nagtitiwala ako sayo. Pwede akong kumuha ng ibang tao para protektahan ako sa kaso ko pero ikaw ang kapatid ko. Alam ko na hindi mo ako pababayaan!"
"That's the point Markus. Paulit-ulit nalang. Hindi ka na nadala. Pagdating sa babae ay nababaliw ka! Wala kang kadala-dala!" pagtatalo ng magkapatid.
"Masaktan man ako ay choice ko 'yon pero hindi mo pwedeng pakialaman ang buhay ko."
"Fine!" sigaw ni Mark. "Bahala ka sa buhay mo pero ako na ang nagsasabi sayo na lahat ng babae ay pare-pareho! Ginagamit lang nila tayo!" sigaw pa nito sa kapatid.
"Misogynist!" sa loob loob niya.
"Ako na rin ang nagsasabi sayo na hindi lahat ng babae ay pare-pareho. Masaya ako na kasama si Patricia and I want to be with her," wika pa ni Markus na ikinagulat niya.
Napatingin siya sa lalaki. Ang lakas ng t***k ng kanyang puso sa mga titig ni Markus. Ngayon lang may lalaking gumawa ng ganito sa kanya.
"Ligtas lamang siya sa tabi ko," wika pa ni Markus.
Tiningnan siya ni Mark. Madilim ang mukha nito sa galit.
"Whatever!" sagot ni Mark na muling bumalik sa pagkain.
Nilapitan siya ni Markus at kinuha ang kanyang dalawang maleta. Muli nitong inakyat iyon sa silid na ginagamit niya. Sinundan niya ang lalaki.
"Markus, walang problema kung aalis ako rito. Wala kang obligasyon sa akin. Ayokong mag-away kayo dahil sa akin," wika niya sa lalaki kaya tiningnan siya nito.
"Iba na ngayon Patricia. Obligasyon ko ng alagaan ka dahil gusto ko. Isa pa, wala ka pa ay madalas na kaming mag-away. Masanay ka na," wika ni Markus sa kanya. Hindi niya mapigilang kiligin sa unang sinabi nito.
"Paano ka pala nakalabas?" nagtataka niyang tanong.
"Wala naman silang sapat na ebidensiya para ikulong ako. Haharapin ko ang kaso ko dahil hindi naman ako ang pumatay kay Patrick at Cristina. Malinis ang konsensiya ko."
Sa tuwa niya ay niyakap niya ang lalaki. Bahagya pa itong nagulat kaya kumalas din siya kaagad. Masyado siyang nadadala sa sitwasyon.
Nabigla pa siya ng hilahin siya ni Markus at siniil nang marahas na halik. Gusto niya man itong itulak pero wala siyang lakas upang gawin iyon.