Present - September 2003
Ako si Margaux Cuevas. Laking probinsya ako. Bata pa lamang ako nang mawala ang Mama ko dahil sa sakit sa puso.
Ako ang bunso sa aming magkakapatid. Hindi kami sagana sa pera subalit achiever kaming lahat sa eskwelahan. Nakapagtapos ng kolehiyo ang mga nakatatanda kong kapatid sa tulong ng scholarship grants at iyon din ang daang nais kong tahakin. Nagsusunog ako ng kilay sa bawat gabi upang masiguro na ako ang mananatiling Top One sa klase noong high school. At sa awa ng Diyos, nakamit ko ang pinakainaasam kong pangarap, ang makapag-aral ng kolehiyo sa kabila ng kahirapan.
“Margaux! Halika na. Earth to Margaux! Hello?”
“Oh, I’m sorry, Maurine! You were saying?”
“Hay nako, Marg! Tulala ka na naman diyan. Ano ba’ng problema mo?” naiiritang tanong ng kaibigan at kaklase kong si Maurine habang nakahalukipkip at tila naiinip na nakatayo sa aking harapan.
“Wala naman, Mau. I just remembered something,” sagot ko sa kalmadong tono habang nakatingala sa kaniya. Ngunit ang totoo ay nag-aalala ako sa kalagayan ng mga subjects ko lalong-lalo na sa Calculus na pre-requisite upang makuha ko ang mga major subjects pagdating ng second semester.
For some reasons, I can’t seem to like Calculus as well as the professor handling it. Kahit anong pilit kong mahalin ang subject ay hindi ko magawa. At dahil five units ang katumbas nito, nangangamba akong matanggal ang dalawa kong scholarship grants kapag mababa ang marka ko rito. Kahit matataas ang grado ko sa ibang subjects ay hahatakin nito pababa ang aking General Weighted Average. Malapit na ang final examination at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko upang makapasa.
“Wala? Bigla ka na lang natutulala. Parang nasa ibang planeta ka nitong mga nakaraang araw,” may pagdududa niyang tanong.
“Trust me, Maurine. I’m perfectly fine. Teka, ano ang ganap mo ngayon?”
“Ano ang ganap ko? Ganap natin, bruha!” sagot niya habang nakataas na ang isang kilay, tanda na nauubusan na siya ng pasensiya.
“Parang masyadong mainit yata ang ulo natin ngayon? Kalma lang, frenny,” sagot ko na may kasamang pag-akbay upang pakalmahin ang umiinit niyang bumbunan.
“I’m cool, okay? Nakakairita ka lang minsan. You’re spacing out these past few days, Marg. It’s so not you, kaya nag-aalala ako sa ‘yo. Please, kung may dinadala kang problema ay sabihin mo sa akin. Hindi ko sinasabing mabibigyan ko ng solusyon. Ang sa akin lang, may karamay ka kahit papaano. Wala ka pa namang pamilya rito maliban doon sa Ate mo na hindi mo naman makasundo,” paliwanag niya.
“Thank you very much, Mau. I appreciate your concern. But please, trust me when I tell you that I’m fine. Isa pa, wala naman akong ibang mapagsasabihan ng problema ko kung hindi ikaw. Kaya kung mayroon man, ikaw ang unang makakaalam. I love you, frenny,” madamdamin kong pahayag sabay yakap sa kaniya. “Saan ang punta natin? Wala na tayong klase ngayong umaga. Dalawang period din iyon.”
“Pupunta tayo sa computer laboratory. Magbababad tayo roon. Maghahanap tayo ng foreigner!” saad niya na parang nangangarap.
“Ewww! Ayaw ko sa foreigner, fren. Masyado silang malalaki,” nakangiwi kong reklamo.
“Ano ka ba? Masarap, este, maganda ‘yon. Ayaw mo ba sa daks, Marg?” sagot niya na may kasamang nakalolokong ngiti.
“A—Ano’ng daks?” naguguluhan kong tanong.
“Daks, short for dako sa dialect ninyo sa Cebu, which means malaki. Idagdag mo na mahaba rin,” aniya habang tumatawa.
“Ano ba ang malaki at mahaba?”
“Ano pa? E, ‘di ang katawan, pagmamahal at pasensiya!”
“Ikaw talaga. Puro ka kalokohan! Halika na nga. Gusto ko na ring makalog-in ulit sa YM ko. Baka online na naman iyong nakilala ko sa chat. Masarap iyong kausap,” sagot ko bago siya hinila papunta sa computer laboratory ng aming university.
“Trudis liit? May nakilala ka online? Bakit hindi ko alam iyan, ha? Nakoooo! Nagsesekreto ka na sa akin,” pagdadrama niya.
“Hey! I already told you about the guy! But—,” inirapan ko siya bago nagpatuloy, “you weren’t paying attention when I was telling you about him. Parang wala lang sa ‘yo habang nagkukuwento ako. Akala ko hindi ka interesado kaya hindi na ulit ako nagkuwento ng tungkol sa kaniya.”
“Really? I’m so sorry, Marg. May iniisip lang siguro ako noong panahong ‘yon. Kaya bago tayo pumasok sa lab, kuwentuhan mo muna ako, fren,” paglalambing niya sabay hila sa akin patungo ng school canteen. Wala na akong nagawa kundi ang magpatianod.
Pagdating ng canteen ay kaagad siyang nag-order ng mga pagkain. Ganito ang ugali ni Maurine, napakagalante. Alam kasi niyang tinitipid ko ang allowance ko galing sa scholarship dahil dito ko rin kinukuha ang pambayad ko ng renta sa boarding house.
“Sige na, fren. Simulan mo nang magkuwento. Naghihintay ako,” saad niya na tila isang boss.
Habang kumakain ay sinimulan kong magkuwento ng tungkol sa chatmate ko.
“OMGGG! Bakit ako kinikilig, fren?!” tili ni Maurine na s’yang naging rason upang bumalik ako sa kasalukuyan.
Napahaba ang pagkukuwento ko tungkol sa chatmate kong si Sagittarius Dela Victoria. Hindi na namin namalayan na naubos na ang aming pagkain at tapos na rin ang isang vacant period namin.
“Bakit ka naman kinikilig? Para iyon lang, e! Ang drama mo, frenny!” natatawa kong sagot.
“Anong para iyon lang? Hello! Nakakakilig kaya ang kuwento mo. Pagkatapos ba ng first chat ninyo ay nagchat pa kayo ulit?”
“Oo, naman. Maraming beses. I really love chatting with him. Parang magkaharap lang kami. And one more thing, he is smart and intelligent. Napakaraming alam! Minsan nga nai-insecure ako. Buti na lang at magaling siyang magdala ng usapan kaya kahit papaano ay nakasasabay naman ako,” mahabang paliwanag ko.
“Gagi! Kinabahan ako roon sa magaling siyang magdala! Akala ko kung ano na. Magdala ng usapan pala ang ibig mong sabihin!” bungisngis niya.
“Baliw! Ikaw talaga! Ang bastos mo minsan,” natatawa kong sagot na itinuro pa ang kaniyang bibig.
“Ikaw naman kasi. Ayusin mo ang sinasabi mo at nang hindi magkulay berde itong utak ko!” sagot niya sabay tapik sa kamay kong may hawak na baso. “Pero totoo, fren, nakakakilig ang story mo! Malay mo baka s’ya na ang iyong the one! The one na magpapasuko ng bandila ng Bataan!” pang-aasar niya bago bumunghalit ng tawa.
“Dios mio, Mau! Ang advance mong mag-isip! Tara na nga. May isang vacant period pa tayo. Baka maabutan ko pang online si Sage,” sagot ko at hinila na siya papunta ng computer laboratory.