Natasha Astrid’s POV
“W-What?” hindi makapaniwalang tanong ko. “Me? Crazy?”
Halos malaglag ang panga ko nang tawagin niya akong crazy. Ngayon pa lang kami nagkakilala at hindi ko pa nga alam ang pangalan niya tapos tingin niya na agad sa akin ay isang baliw?! Binabawi ko na ang mga sinabi ko! Hindi pala gwapo ang isang ‘to! Ang ganda-ganda ko tapos tingin niya lang sa akin ay isang baliw?
“Paano naman ako naging baliw sa paningin mo?” inis na tanong ko sa kanya. Para kong nainsulto sa sinabi niya sa akin.
“Pinatulan mo ang lalaking may sira ang ulo,” seryosong sambit niya. “Dinamay mo pa pati ang kapatid ko.”
“Dapat lang naman sa kanya ‘yon at hindi ako nagsisisi na pinahiya ko ang ex kong ‘yon na walang tigil sa pampepeste sa buhay ko,” inis na wika ko.
“You are indeed a crazy,” matigas na sambit nito sa akin.
“What?!” nakangiwing tanong ko.
“Baliw ka nga dahil pinatulan mo ang lalaking ‘yon.”
Grabe ‘to! Sinasagad niya yata ang inis ko. Kanina niya pa ako iniinsulto rito! Mali yata na sumabay pa ako kay Jessica. Gwapo nga ang kapatid niya pero ang pangit naman ng ugali.
“Alam ko na maling pinatulan ko ang animal na ‘yon pero hindi ako baliw—”
“Shut up.” Madiin siyang napapikit habang nakasandal sa silya niya. “Ang ingay mo. Para kang manok na putak nang putak.”
Nanlaki ang mga mata ko rito dahil sa sinabi niya! Kanina pa talaga siya! Wala naman akong ginagawang masama sa kanya!
Bigla naman bumukas ang pinto ng van kaya inalis ko agad ang tingin ko sa lalaking ‘to dahil baka masipa ko pa siya sa inis ko! Antipatiko!
“Okay na, Astrid.” Napalingon ako kay Jessica na naupo sa tabi ko. “Inutusan ko na ang tauhan ni Kuya na asikasuhin ang sasakyan mo.”
Tumango na lang ako kay Jessica. Wala na ako sa mood magsalita pa dahil sa kapatid niyang ‘to. Sinulyapan ko ang lalaki na nasa harapan namin at mabilis na nagtagpo ang mga mata namin. Mabilis ko rin nilihis ang tingin ko dahil baka mamaya sabihin na naman niya, nakatingin ako sa kanya!
“Anyway, Astrid siya nga pala si Jacob Moretti.” Ganda pa pala ng pangalan niya pero magaling naman mambara! “And Kuya, this is Natasha Astrid. My best friend.”
Tumingin ako muli kay Jacob at nakatingin na naman sa akin ang loko! Nakangising aso pa!
Tumango lang si Jacob at naramdaman ko ang pag-andar ng sasakyan namin. Tumingin na lang ako sa labas ng sasakyan kahit na nararamdaman ko na nakatingin sa akin ang lalaki sa harapan ko.
Ipinatong ko ang dalawang kamay ko sa ibabaw ng dress ko dahil baka makitaan pa ako. Ginusto ko na magsuot ng maikling dress pero hindi ko naman gusto na makitaan ng lalaking ‘to sa harapan ko. Baka mamaya makita pa niya ang kulay ng panty ko!
“Astrid, sa bahay ka na lang kaya matulog?”
Napatingin ako kay Jessica na nakangiti sa akin. Ngiting halata na may kailangan. Nanliit ang mga mata ko. Ano na naman kaya ang gustong mangyari ng kaibigan ko at bigla niya akong niyaya? Matagal ko ng kaibigan si Jessica kaya kilalang-kilala ko na ang babaeng ‘to.
“Doon ka na lang sa bahay namin kasi baka tulog na rin ang mga tao sa bahay niyo. Baka hindi ka pagbuksan ng gate,” aniya pa.
Inilipat ko ang tingin ko kay Jacob at nahuli ko na naman ‘tong nasa akin ang mga tingin. Para bang binabantayan niya ang bawat galaw ko. Mukhang bawal gumawa ng mali sa harap ng lalaking ‘to.
“Astrid,” tawag sa akin ni Jessica. Ibinalik ko ang tingin ko sa kaibigan ko. Inilapit niya ang mukha niya sa akin at bumulong, “Sa bahay ka na matulog para maiwasan ko si Kuya. Sigurado kasi ako na pagsasabihan ako niyan pag-uwi namin.”
Ako rin naman ang nagyaya kay Jessica na mag club kami kaya sa tingin ko, responsibilidad ko rin siya na iligtas sa kuya niyang antipatiko. May benefits din naman sa akin ang pag-sleepover ko sa kanila dahil maiiwasan ko ang bahay namin.
Kung pwede nga lang na bumukod na ako baka matagal ko ng ginawa pero hindi ko pa kaya. Wala akong sariling pera at wala pa akong trabaho. Umaasa pa rin ako sa pera ng pamilya kong walang kwenta.
“Sige, sa inyo na lang ako matutulog,” sagot ko.
“No.”
Nagsalubong ang kilay ko at napatingin sa kapatid ng kaibigan ko. Anong no? Bigla-bigla na lang siyang nagsasalita. Siya yata ‘tong may sayad sa isip e.
“Hindi ko kilala ‘yang kaibigan mo kaya bakit mo patutulugin ‘yan sa bahay ko?” madiin niyang tanong.
Nakakainsulto talaga magtanong ang lalaking ‘to! Bawat buka ng bibig niya palagi na lang may masamang sinasabi sa akin.
“Excuse me, pero wala akong gagawin sa bahay mo! Kung iniisip mo na magnanakaw ako sa bahay mo, pwes mali ka—”
“Hindi ikaw ang kausap ko.” Laglag ang panga ko dahil sa pambabara niya na naman sa akin!
Aba! Ibang klase talaga ang lalaking ‘to! Kapag napikon talaga ako rito, kakagatin ko na ‘to! Nakakapikon pala kasama ang isang thirty years old na lalaki! Seryoso siyang tao pero puro walang kwenta naman ang sinasabi niya.
“Kuya, hayaan na natin si Astrid. Matagal ko na siyang kaibigan,” pakiusap ni Jessica sa kuya niya.
Bakit ba parang ang laki ng problema sa akin ni Jacob? Inaano ko ba siya? Wala naman akong ginagawang masama sa kanya. Parang ang laki ng hinanakit sa akin ng lalaking ‘to! Ngayon lang naman kami nagkakilala.
“Marunong ba ‘yan magluto?” tanong niya kay Jessica.
“Kung binabalak mong paglutuin ako, huwag ka na magtangka dahil baka masunog lang ang bahay mo,” sagot ko at inirapan siya.
Hindi nga ako nagluluto sa bahay tapos mukhang balak niya naman akong paglutuin sa kanila? Siya yata ‘tong baliw. Mukha naman siyang mayaman at mukhang afford niyang mag-hire ng kasambahay at chef kaya bakit parang gusto pa niyang iasa sa akin ang pagluluto?
“Tama siya, Kuya. Astrid does not know how to cook,” ani ni Jessica.
Hindi naman ako na-offend dahil totoo naman ang sinabi niya. Wala talaga akong alam sa pagluluto. At kung may alam man ako, hindi ko siya ipagluluto!
“Gumising ka ng maaga,” ani ni Jacob habang sa akin nakatingin.
“Inuutusan mo ba ako?” inis na tanong ko sa kanya.
Naramdaman ko ang pagpisil ni Jessica sa ibabaw ng hita ko pero hindi ko ‘yon pinansin. Hindi ko inalis ang tingin ko sa mga mata ng kapatid niya na napakalamig naman ng tingin sa akin.
“I did not know that you are a brat. I will not tolerate that behavior, Natasha.”