Jessa Zarrosa's POV
"Hi Ganda!" nakangisi na bungad sa akin sa akin ng lalaking sa hilatsa pa lang ng mukha ay mukhang hindi gagawa ng mabuti.
Agad akong binundol ng kaba sa dibdib at hinalukipkip ang nakasukbit sa akin na shoulder bag para doon kumuha ng lakas na panlabanan sa takot sa dibdib.
"Relax, Miss." nakingisi na sambit ng lalaki.
Pinilit kong tignan ito sa mata, kahit nangingig na ako sa takot na alam kong bakas sa mukha ko. "Mukhang bagong salta ka dito ha? Anong pangalan mo?" dagdag pa ng lalaki.
Hindi ako nagsalita. Tila napipi ako sa takot na baka saktan ako ng lalaking mukhang goons. Mas lumapit pa ito sa akin. Kinikilabutan ako ng mapansin na may dalawang kalalakihan pa sa likod nito. Tulad ng lalaking nagtatanong sa akin na nakasuot pa ng itim na leather jacket, ay mukhang hindi rin gagawa ng matino ang dalawang lalaki sa likuran.
"Wow, chicks!"
"Sariwang sariwa ‘yan, Boss, hah!"
Halos sabay na turan ng dalawang lalaki. Napasinghap ako matapos ay napahawak sa dibdib ko kasabay ng dahan-dahan na hakbang paatras. Halos sabay-sabay na hinahagod ng tatlo ang kabuuan ko na lalong nagpapakilabot sa akin. Pakiramdam ko ay hinuhabaran na nila ako sa mga isip nila. Ewan ko ba kung bakit ganoon ang tingin nila sa akin. Maayos naman ang suot kong blouse at skirt na hanggang tuhod na pinili ko para sa interview ngayong araw.
“Ano ang pangalan mo magandang binibini?” muling tanong ng lalaki sa harap ko na mas lalong nagpakilabot sa akin. Hindi ako sumagot.
"Puch@!" mariing bigkas ng tinawag nilang Boss. "Ang ayoko sa lahat ay kapag kinakausap at hindi sasagot!"
Napapilit ako dahil tuluyan ng lumapit sa akin ang lalaki at hinawakan ang isa kong kamay nang marahas.
"Tulong!" Agad na sigaw ko. Tumingin ako sa paligid, may ilang tao na naroon na napatigil at tumingin sa gawi namin. Pero sa mga mukha nila ay nararamdaman kong hindi sila mangingiaalam o tutulong man lang.
Heto na siguro ang sinasabi sa akin ni ng kaibigan kong si Joy na meron na mga naninirahan na ganster sa depressed area na ito na naghahari-harian.
"Tulong!" muli kong sigaw. Pero bigo ako dahil wala man lang nag-abala na lumapit sa akin.
"Bitiwan mo siya!" narinig kong sigaw mula kung saan. Agad akong napalingon sa pinanggalingan ng sigaw at napansin ang isang babae na may kasama na dalawang dalaga.
"Irah, huwag kang makialam dito!"
Sigaw ng lalaki na binitawan ako nang marahas at humarap sa magandang babae na umawat.
"Ate Irah, tara na." Kayag ng isang dalaga sa babaeng malamang ay kapatid nito.
"Janna, Clara, bumalik na lang kayo sa bahay." utos ng babae na nakahawak sa tiyan nito.
Bakas naman ang takot ng dalawang dalaga, pero hindi natinag ang Ate nila.
"Hoy, Irah!" Bulyaw ng lalaking muntik nang manakit sa akin. "Pasalamat ka at nabalitaan kong buntis ka, kung hindi ay masasaktan ka talaga sa akin!"
"Oo nga, Irah. Huwag ka nang mangialam dito." sulsol naman ng isang sidekick
Lalo akong natakot dahil madadamay pa yata ang magandang babae na buntis pala, pero maliit ang tiyan nito na marahil ay dahil isang buwan pa lang o higit pa ang pagdadalang-tao. Lumingon ako sa paligid, alam kong bagong salta lang ako sa magulong lugar na ito kaya wala na magtatangka na tumulong. Pero ang babae ay mukhang kakilala na ng mga goons na humarang sa akin.
Ilang sandali lang ay napansin ko na nahilo ang babae at inalalayan ito ng mga kasama nitong dalaga, bago ako tuluyan na tinalikuran ng babae ay nagtama pa ang tingin namin ng magandang babae na Irah ang pangalan. Ayokong madamay pa ito.
Nagkalakas na akong gumalaw at akmang tatakbo palayo sa lalaki pero naging maagap ito at muli akong nasukol.
Hinawakan muli ng bastos na lalaki ang isa kong kamay na naging sanhin ng labis kong pagkatakot.
"H-huwag po!" pagmamakaawa ko.
"Bitiwan mo siya kung ayaw mong manghiram ng mukha sa aso!" malakas na sigaw ng kung sino.
Napanganga ako ng lumingon sa lalaking umawat. Ang goons naman ay marahas akong binitawan.
Hindi maitatanggi na may itsura ang lalaki na nagtatanggol sa akin ngayon. Nakasuot ito ng shades habang humihithit ng yosi, tila sikat na artista noong 90's ang datingan nito, idagdag pa na parang bida ng mga action movies na appeal nito habang suot ang itim nito na leather jacket. Naka-leather jacket din naman ang mga humarang sa akin pero ang kaibahan, sila ay mukhang kontrabida sa pelikula.
"At sino ka ba? Bagong mukha ka lang dito ha! Baka gusto mo na ikaw naman ay manghiram ng mukha sa aso!" halos labas na ang litid na sigaw ng lalaking kaharap ko nang nilingon ko. Hinawi ako nito para harapin ang matapang na lalaki.
Ako naman ay hindi na alam ang gagawin. Alam kong ilang saglit lang ay magkakagulo na.
Tumingin ako muli sa lalaking bagong dating.
Humithit muli ang lalaki ng sigarilyo nito matapos ay mayabang na ibunuga ang usok at tinapon sa lupa ang upos ng sigarilyo. Tinanggal nito ang shades at isinuksok sa bulsa ng leather jacket nito. Isang pukol ng tingin ang ibinato nito sa akin matapos tapakan ang upos ng sigarilyo na nasa lupa at ngumisi na nagpalitaw ng mapuputi at pantay pantay nitong ngipin.
"Ian Espinosa," matapang na sabi nito na nakatingin na sa lalaking humarang sa akin. "Naniniwala sa kasabihan na ang babae ay hindi sinasaktan, dapat minamahal."
Isang kindat ang ibinigay sa akin ng lalaki bago mabilis na kumilos at sinugod ang mga humarang sa akin.
Mas lalo akong kinabahan na madamay kaya dali-dali akong umalis sa kinatatayuan ko. Lumayo ako sa nagra-rambol na mga lalaki.
Tila mahihimatay ako na may nakita ng dugo mula sa sunod-sunod na suntok ng lalaki sa pinaka-lider ng goons.
“Woooooh.” “Sige, ayan. Ughhh!” “Wow ang pogi ni kuya, parang action star!”
Naririnig kong sigawan sa paligid. Kung kanina ay walang lumalapit na mga kapitbahay sa akin. Ngayon naman ay tila nasa sabungan o boxing arena ang mga tao at nagpupustahan kung sino ang matitira na matibay.
Hindi ko na kinaya ang pangyayari at nagmamadaling umalis sa kaguluhan. Tila alam ko na kung sino ang uuwing nakasaklay sa kanila. Tatlo laban sa isa, pero tila balewala sa lalaki na walang kakampi ang laban dahil pina-paulanan na nito ng suntok ang mga kalaban.
Ilang sandali lang ay nakarating na ako sa sakayan ng tricycle at nakahinga ng maluwag.
“Ang babae ay hindi sinasaktan, dapat minahal. Malaking kalokohan!” sa isip-isip ko. Sa una ay aalagan, mamahalin, pero kapag nagsawa na mananakit pa rin kayong mga lalaki. Mapait akong napangiti nang maalala ang nakaraan, kung paano ako napunta sa lugar na ito.
“Kuya, bayad po, sa sakayan lang po ng jeep.” sambit ko sa kay manong driver na nakangisi sa akin. Agad naman akong kinilabutan sa paraan ng pagtitig nito.
“Bagong salta ka yata dito, Miss?”
Hindi naman ako sumagot sa tanong nito at tumungin lang sa wristwatch ko, para makahalata naman si manong na nagmamadali ako. Kinakabahan na ako na hindi umabot sa oras ng interview. Bakit kasi naharang pa ako ng mga goons na ‘yun! Nasayang tuloy ang ilang minuto na dapat nakasakay na ako ng tricycle.
Wala pa naman na sampung minuto ay nakarating na ako sa may sakayan ng jeep. Nakaramdam na ako ng kaba dahil kailangan ko nang magmadali para makaabot sa interview at isang oras na lang ay dapat nasa building na ako ng Amare Chocolates Phil Inc. Kung makakasakay ako at walang traffic ay aabutin siguro ng kulang thirty minutes ang biyahe, lalo na at ang mga jeepney ay naghihintay pa ng mga pasahero.
I don’t have a choice but to ride a taxi. Mas mapapabilis ako at sigurado na makakahabol pa sa takdang oras ng interview. Kahit mas mahal ang bayad ay kailangan kong gawin kesa naman sa ma-late ako. Mabuti na lang din pala at nabigyan ako ni Joy ng pera. Malaking tulong talaga ang halaga na naibigay nito.
Umayon naman ang pagkakaktaon sa akin nang mag biglang dumaan na taxi at nakasakay ako.
Mabuti na lang at hindi traffic. Sasabihan ko pa naman sana si manong driver na pakibilisan ang takbo ng sasakyan pero mukhang hindi na kailangan. Galit yata sa lupa si manong at halos paliparin na ang sasakyan.
Habang nasa loob ng taxi ay abot langit ang dasal ko na ito na ang maswerteng araw ko at makakahanap na ako ng trabaho na pa-birthday na sa akin bukas.
“Lord, sana naman po ay maka-abot ako sa oras ng interview.” Sambit ko na tiniyak ko naman na ako lang ang makakarinig. “Mukhang mahigpit pa naman ang may-ari ng Amare Chocolates—Ahhh!!”
Nagulat ako nang biglang mangudngod ang mukha ko sa likod ng headrest ng upuan sa harap ko dahil sa biglang paghinto ng taxi. Sa lakas ng impact ay napangiwi ako sa sakit. Ilang saglit pa bago ako nakabawi at nakaramdam na lang ako ng hilo.
“Taragis!” narinig kong singhal ng taxi driver sabay hampas sa manibela.
“Manong? Anong nangyari?” Nakahawak sa ulo kong tanong pero hindi ako pinansin ng driver at galit na lumabas ng sasakyan.
Shocks! Nabangga kami?
Pilit kong sinisilip ang labas ng sasakyan at nakita ko nga na nabangga kami. Nakatayo na si manong driver at problemado na nakatingin sa magkabungong sasakyan.
Tsk! Wala naman akong balat sa pw*t pero inabot na naman ako ng kamalasan. Bakit ngayon pa. Bakit natapat pa na ako ang pasahero. Kung kailan naman nagmamadali oh!”
I looked on my wristwatch and I only have thirty minutes para makahabol sa interview. Tumatakbo ang oras at hindi ako pwedeng magtagal dito. Sinilip ko muli ang labas ng kotse at may lumabas ng sasakyan mula sa nabangga namin na kotse na mamahalin.
Muli kong ibinaling ang pansin sa ibang direksyon at nakita ko naman na nagsimula nang magtraffic dahil nga sa banggaan. Hindi na ako nakatiis kaya naisipan kong bumaba ng taxi.
“Sir, nakita niyo naman liliko na ako tapos bigla—”
“Kuya, hindi na nga po kayo nag signal light, hindi pa kayo nag-menor.” Narinig kong pagalit na sabi ng lalaki na kausap nito, marahil ito ang nagda-drive ng sasakyang nabangga. Hindi ko nakikita ang mukha nito dahil nakatalikod ito sa akin. Likod pa lang ay mukhang mayaman na ito. Malamang ay businessman ito na mababakas sa suot nito. Matangkad ito at maganda ang pangangatawan.
Kinakabahan pa ako na mauuwi sa away ang usapan ng dalawa. Mabilis kong binuksan ang bag at kumuha ng pera.
“Excuse me,” singit ko. “Manong, pasensya na po at nagmamadali ako. Magbabayad na lang po ako at sasakay ng ibang taxi.”
Medyo mainit naman ang ulo ni manong driver na hindi nag-abalang tumingin sa akin pero ang lalaking kaharap nito ay dahan-dahan na lumingon sa akin dahilan para makita ko ang mukha nito na nagpa-awang ng labi ko. Tila namagneto ang tingin ko nang magtama ang tingin namin ng napakagwapong lalaki.
“Kuya,” tawag naman ng isang lalaki na kabababa lang ng kotse kaya nawala ang tingin ko sa lalaki. Kung sa itsura ay wala rin na tulak kabigin ang lalaki na kalalabas lang ng sasakyan na sa tingin ko ay kamag-anak ng unang lalaking nakita ko. Magkahawig sila lalo na sa mata. Marahil ay magkapatid o magpinsan dahil tinawag pa na kuya.
Hindi ko alam kung ilang sandali na akong natigilan at napakislot na lang ako nang marinig ang sunod sunod na busina ng ilang mga sasakyan na nahihirapang umusad dahil sa abala na dulot namin.
Dahil sa iniisip ko ang interview ay lalapit sana ako kay manong driver at iaabot ang kinuha ko na pera pero biglang nagsalita si manong.
“Sir, hindi naman pwede na hindi niyo panagutan ang sira ng taxi ko!” mariing sabi nito.
“Gusto niyo pa po ba na magkasakitan tayo dito sa daan? Kayo po ang may kasalanan.” Malakas na sabi ng lalaki na nakakunot na nakaharap na muli kay manong driver.
Bigla naman naningkit ang mata ko sa narinig mula sa lalaki.
“Tsk! Bakit ba kailangan na daanin sa dahas? Nakaka-turn-off talaga ang mga ganitong klase ng lalaki.” Sa isip isip ko.
Bahala na, lumapit ako kay manong at iniabot ang bayad.
“Hi, Miss beautiful, I’m Lucio,” bigla naman akong nagulat ng biglang sumingit sa eksena ang lalaki na kabababa lang ng sasakyan at inilalahad ang kamay nito habang nakangiti sa akin ngayon. Pinanlisikan ko ito ng mata. “Kung nagmamadali ka ay pwede naman kitang ihatid—”
“Lucio!” bigla naman na saway ng kuya nito. Malamang talaga ay magkapatid ito dahil ngayon na malapitan ko na silang nakikita ay kita ang resemblance ng mga mukha nila. Mukha nga lang na babaero itong kaharap ko na tinawag na Lucio.
Hindi ko na pinagkaabalahan na muling tignan ang dalawang lalaki, tinuloy ko na ang paglapit kay manong driver at kahit wala ito sa konsentrasyon ay kinuha ko ang kamay nito at ipinulupot ang ang bayad ko. Sobra pa nga ang perang ibinigay ko kahit na nagtitipid pa ako. Matapos ay bigla na lang akong tumalikod at nagmamadaling umalis sa gulo.
Lakad takbo ang ginawa ko, para lang makarating sa sakayan kung saan marami ang dumadaan na taxi. Pero bago ako makarating doon ay bigla ko naman na nakita na may matanda na muntik ng masagasaan.
Agad ko itong nilapitan. At hinila ito sa may braso para dalhin sa gilid ng kalsada. Mabuti na lang at maagap ako dahil may dumaan na kotse na humaharurot ang takbo.
“Diyos ko, lola! Ayos lang po ba kayo?” hinihingal pa na tanong ko. Hindi naman sumagot ang matanda na nakatingin lang sa akin. Tila wala pa ito sa sarili sa muntik nang aksidente na nangyari dito.
Bigla naman na may lumapit sa amin na babae na humahangos.
“Mom!” nag-aalalang sabi nito na naglipat ng tingin sa amin ng matanda. “I saw you, muntik ka nang mabangga, mabuti na lang at naligtas ka!” Galit itong tumingin sa matanda matapos ay binaling ang tingin sa akin. “Hija, pasenya ka na, bigla kasing nawala itong Mommy ko sa paningin ng nag-aalaga sa kaniya. She has alzheimer’s disease. Mabuti na lang talaga at nailigtas mo siya.” Dagdag pa nito na nakangiti na sa akin.
Bigla naman nitong binuksan ang bag nito at may kinuha sa wallet. Nagulat na lang ako ng makita ang makapal na tig-isang libo nitong hawak at iniaabot sa akin para pabuya raw sa pagliligtas ko sa ina nito pero pilit kong tinanggihan
“Ma’am, ayos lang po. Hindi naman po ako humihingi ng kapalit. Pasensya na po pero nagmamadali po, may interview po kasi ako na kailangan na puntahan.” Nakangiting sabi ko. Nag-aalala na ako dahil siguradong male-late na ako. Mukhang nakita naman ng ginang ang pagmamamdali sa mukha ko. Nagmamadali nito na ibinalik ang pera sa bag nito at may kinuha naman na maliit na papel.
“Here, get this. Kung hindi ay magagalit ako.” Napilitan na lang akong kunin ang iniabot ng ginang. Mukha naman itong mabait at ngumiti ito sa akin. Isa pa ay biglang parang gusto nang umalis ng ina nito. Natakot naman ako na bigla muli itong tumawid. “You can eat in that restaurant for free if you want para makabawi man lang ako.” Dagdag na sabi ng ginang.
Tumango na lang ako. Tuluyan naman na naglakad si lola kaya napilitan na sundan ng ginang na tinalikuran na ako at sinundan ang ina nito. Tinanaw ko na lang sila habang magkahawak kamay silang tumawid sa kabilang kalsada. Bigla naman akong natulala ng nasa kabilang kalsada na ang mag-ina at kumaway sa akin ang ginang. Pati na rin si lola na niligtas ko ay tanaw ko mula dito sa kinatatyuan ang ngiti nito sa akin.
Hindi ko namalayan na biglang tumulo ang luha ko dahil bigla kong naalala ang ina ko na nasa mental hospital. Nakaramdam ako ng inggit sa mag-ina na kahit may sakit ang matanda ay nakakasama pa rin ng ginang. Saludo ako sa mga anak na wagas na magmahal at hindi pinapabayaan ang magulang kahit matanda na.
Ilang segundo ako nakahinto nang bigla kong maalala na nagmamadali ako. Bigla naman akong sinuwerte nang may dumaan muli na taxi at pinara ko. Labis akong nag-aalala dahil mukhang hindi na talaga ako aabot sa oras ng interview.
Pagkaupo ko ng taxi ay agad kong sinabi sa driver kung saan at nakiusap na magmadali. Bahala na. Tinignan ko ang hawak na papel na binigay sa akin kanina ng ginang. Vouchers worth ten thousand pesos ng isang mamahalin na restaurant. Bigla naman akong napangiti dahil merong branch ang restaurant sa Bicol na paboritong puntahan namin ni Mommy nang hindi pa ito tuluyan na nabaliw. Siguro ay dito ako kakain para mai-celebrate ko naman ang birthday ko bukas.
Sa wakas at nakarating na ako sa building ng Amare Chocolates Phil. Inc. Nanlulumo ako dahil fifteen minutes late ako.
“Guard, may interview po ako ngayon,” magalang na sabi ko sa guard.
Tinanong pa ako nito kung anong oras ang interview ko at sinabi ko na alas otso ng umaga.
“Naku Madam, late na po kayo. Bawal po kasi ang late sa interview.”
Ayaw na sana akong papasukin ng guard pero nagmaka-awa pa ako dito. Sa huli ay pinapasok na rin ako para makausap ang HR at baka may ibang posisyon na bakante na pwede kong pasukan.
Nang makarating sa office ng HR ay hinarap ako ng babaeng tumawag sa akin na si Kimberly.
“Ms. Zarossa, pasensya na at hindi ka na pwedeng mag-apply sa posisyon na offer sa’yo. Meron na kasing tatlong aplikante na nakarating ng maaga at sila lang ang pwede kong i-accommodate. Don’t worry tatawag na lang ako kapag may bakante na posisyon na qualified ka.” Mahinahon na sabi ni Miss Kimberly.
Laglag ang balikat kong lumabas ng building. Ngayon pa lang ay nawawalan na ako ng pag-asa na makapasok sa kompanya. Bakit ba napakahirap na maghanap ng trabaho kahit graduate naman ako? At kung matanggap naman ako sa trabaho ay tatanggalin din ako ng employers. Malakas talaga ang kutob ko na may kinalaman si Tita Deborah kung bakit nangyayari ito.
“Salamat po kuya,” malungkot na sambit ko sa guard nang kinuha ko ang ID ko na iniwan ko kanina dito.
Malungkot akong lumayo sa building. Kung bakit ba naman kasi napaka-malas ko ngayong araw. Mula kaninang umaga pa.
Napahinto ako sa paglalakad nang makita ko naman na may nagkukumpulan na mga tao sa hindi kalayuan ng building. Bigla akong na-curious at lumapit doon dahilan para magulat ako. Ang lalaking kanina na nakabangga ni manong taxi driver ay may binubugbog na isang lalaki na duguan na ang mukha.
Tila nanlambot ang tuhod ko at nanginig ang kalamnan ko.
“Dugo!” tila mahihimatay ako at biglang napaatras. Sa lahat ng ayaw kong makita ay dugo. Takot ako sa dugo.
Nagkakagulo sa paligid pero ako ay parang matutumba. Ang mga tao sa paligid ay tila nanonood lang ng liveshow kasabay ng mga bulungan nila.
Napansin ko na lang ang pag-awat ng kapatid nung lalaki. Na ang pagkakatanda ko ay Lucio ang pangalan. Mabuti at naawat nito ang kapatid dahil ang lalaking binugbog nito ay hindi na makatayo.
May isang babae naman na humahangos na bigla na lumapit sa nakabulagtang lalaki matapos ay galit na hinarap ang nambugbog.
“What did you do him!?” sigaw na tanong ng babae sa lalaking kaharap.
“Don’t interfere, Cheska, kung ayaw mong pati ikaw ay masaktan ko rin!”