Joyce's POV
Kailangan kong umuwi dahil magbibigay ako ng groceries sa kapatid ko at may babayaran din siya sa school kaya kailangan ko siyang bigyan ng pera. Maaga pa lamang ay umalis na ako dahil ayokong makita ang amo ko na may pangit na pag-uugali. Nuong gabi ng hinablot niya ako ay nakita ko ang baril niya na nakasukbit sa tila isang sinturon na nakasabit sa katawan niya. Nakabukas ng bahagya ang jacket niya kaya nakita ko ang nakatagong dalawang baril dito. Sa unang tingin ko pa lang sa kanila kagabi alam ko na hindi normal ang pamumuhay nila, maaring isa silang sindikato na nagbebenta ng mga droga. Hindi ako sigurado pero alam ko na hindi sila mabubuting tao. Gayunpaman bakit hindi nawawala ang paghanga ko sa amo ko? Bakit ganito pa rin ang nararamdaman ko para sa kanya sa kabila ng masasamang naiisip ko tungkol sa pagkatao niya? Nahihibang na nga yata talaga ako.
"Ate may babayaran ako sa school, gagawa kasi kami ng project at kailangan kong magbigay ng share sa kanila, 800 pesos kaya lang ubos na ang naitatabi kong pera, 'yung natitira kong pera ay baon ko na lang para bukas." ani ng aking kapatid. Kaya nga ako nandito ngayon ay upang ibigay sa kanya ang allowance niya at ang perang pambayad sa project na sinasabi niya sa akin sa chat.
Inabutan ko siya ng dalawang libong piso at ipinatabi ko na sa kanya ang sukli upang idagdag nya na lang para sa kanyang allowance.
"Ate, may lakad pala kami ng mga classmates ko, okay lang ba? Gagawa kasi kami ng project at sa bahay nila namin gagawin ang proyekto. Wala naman kasi tayong computer dito na maaari kong gamitin kaya sa bahay na lang nila Mitch." ani ng aking kapatid.
"Mukha naman yatang napapadalas ang pagsama mo sa mga kaibigan mo ha? Baka mamaya mo dyan naglalakwatsa ka na pala." wika ko sa kanya na pinabulaanan naman niya agad at sinabi niya na magtiwala lang ako sa kanya.
Pagkatapos kong ibigay sa kanya ang kanyang allowance ay ipinagluto ko naman siya ng makakain niya bago siya pumasok. Mahal na mahal ko ang kapatid ko at lahat ay pipilitin kong maibigay sa kanya. Siya na lang ang natitira sa buhay ko dahil ulila na kaming lubos. Ang alam ko may kamag anak kami na may kaya sa buhay na kapatid ng aming ama pero hindi ko sila kilala. Kaylanman ay hindi namin sila nakilala ng aking kapatid na si Celestina dahil nasa ibang bansa sila at hindi ko alam ang buong story nila kung bakit si papa at si mama ay namuhay ng simple na malayo sa kanila. Wala kaming kinilalang kamag-anak kahit isa at kami lang nila papa ang nagtutulungan hanggang sa pumanaw na nga sila. Na hold-up kasi sila papa nuon at sinaksak sila ng mga walang pusong drug addict na napatay naman ng mga pulis ng tugisin nila ang mga ito sa eskinita sa Quiapo nuon. Dead on arrival na sila papa at mama ng dalhin sila sa hospital, may mga taong nagbayad ng libing ni papa at ibinurol sila sa isang mamahaling private cemetery. Isang musileo ang ipinagawa para sa kanila at kung sino man sila ay hindi naman sila nagpakilala sa aming magkapatid pero ang sabi sa hospital ay mga Imperial daw ang nagbayad ng lahat pati ang ginawang pagburol at paglilibing sa aming mga magulang. Hindi naman sila nakiramay sa amin o nakipaglibing man lamang kaya talagang kahit mukha nila ay wala kaming ideya kung sino sila.
Ang alam ko ay patay na ang mga magulang nila papa at ang mga magulang ni mama naman ay hindi ko alam. May ilang kamag-anak nuon sila mama pero nasa malayo silang lugar. Pakiramdam ko nga ay ayaw nila sa amin kaya nagpakalayo-layo na lang ang mga magulang ko at namuhay kami ng payak.
Aguirre ang apelyido ng aking ina sa pagkadalaga at nuong bata ako ay may naulinigan ako nuon na pag-uusap nila papa na kalaban daw ng pamilya nila papa ang pamilya nila mama at kung ano man ang ibig sabihin nuon ay hindi ko alam. Bata pa ako nuon at wala akong kamalay-malay sa kung ano man ang ibig sabihin ng aking ama sa tinuran niya nuon.
Minsan sa sobrang curious ko sa pagkatao namin ay nagawa kong mag search tungkol sa mga Imperial at Aguirre. Hindi ko lang alam kung sila ba talaga ang nakita ko sa mga larawang nabasa ko at sa mga article na naglalahad ng klase ng pamumuhay ng mga Aguirre at Imperial. Nag search din ako tungkol sa pangalan ng aking ama na Leonardo Imperial pero wala akong mahanap at ang tanging lumalabas lamang ay Leandro Imperial. Magkatunog ang pangalan nila kaya kung minsan ay naghihinala ako na baka ito ang kapatid ng aking ama. Gusto ko sanang makahanap ng larawan nila pero isa man ay wala akong mahanap. Sa Aguirre naman ay puro kasing edad ko na mga businessman at businesswoman ang nakalathala sa business world news. Hindi ko sila mga kilala kaya wala akong alam kung may kaugnayan kami sa kanila.
Napabuntong hininga ako, napatingin ako sa wall clock na nakasabit at nagulat pa ako ng makita kong tanghali na pala. Baka magwala na naman ang amo kong 'yon katulad ng nangyari kagabi. Malay ko ba naman kasi na pakakainin ko pala ang mga anak niya. Akala ko kasi ay gusto niyang pakainin ang mga anak niya kaya tumayo lang ako sa likod ng highchair ng mga bata. Sobra naman siyang magalit sa akin, akala mo naman siya ang nagpalamon sa akin mula ng bata pa ako.
Kailangan ko ng umalis at baka magsungay pa ang amo kong 'yon kapag nalamang wala pa ako. Mabilis kong itinabi ang mga tirang pagkain. Inilagay ko lang lahat sa tupperware at ipinasok sa loob ng refrigerator upang pag-uwi mamaya ng kapatid ko galing school ay may kakainin siya.
Umalis na agad ako at sumakay na lang ako ng tricycle para naman mas mapabilis ako kaysa mag jeep ako na kung saan-saan humihinto kaya mas lalo akong matatagalan.
Pagkarating ko sa harapan ng village ay pinapasok naman agad ako ng guard at nagtatakbo na ako hanggang sa makarating ako sa mansion ng mga Dux.
"Susmaryosep Joyce saan ka ba nanggaling at ngayon ka lang nakabalik? Kanina pa nanggagalaiti sa galit si sir sa iyo dahil 'yung dalawang yaya lang ang nandito. Ang sabi mo lang naman kasi ay dadalhin mo 'yung allowance ng kapatid mo pero tignan mo at alas dos na ng hapon eh alam mo namang may trabaho ka dito." ani sa akin ni Nanay Ester. Napayuko na lamang ako habang pinapagalitan niya ako.
"Pumasok ka na roon dahil kanina pa galit ang amo natin." ani pa niya. Nakayuko lamang ako at nahihiya dahil nakalimutan ko ang oras. Pagkapasok ko sa loob ay inabutan ko ang amo ko na nasa malaking silid tanggapan kasama ang mga kaibigan niya na nag-iinuman. Napatingin sila sa akin at nakita ko ang nagbabagang mga mata ni Sir Hugo sa akin.
"Ang kapal naman ng mukha mo na maglakwatsa sa oras ng trabaho mo! Ganyan lang ba ang ginagawa mo kapag wala ako dito sa bahay ha?" galit na ani ng amo ko. Nangangatog ang mga tuhod ko dahil sa takot na nararamdaman ko.
"S-Sir, pasensya na po. Hindi ko naman po ito ginagawa, n-ngayon lang po dahil naghatid ako ng pera sa kapatid ko para sa pag-aaral niya. Pa-pasensya na po, hindi na po mauulit." nauutal kong ani at hindi makatingin sa kanila.
"Talagang hindi na mauulit dahil you are fired!" sigaw niya sa akin na ikinagulat ko. Hindi pwede dahil kailangan ko ng pera ngayon dahil malapit na ang bayaran ng tuition fee ng aking kapatid at kapag natanggal ako sa trabaho ay matatanggal din ang kapatid ko sa eskwelahang pinapasukan niya ngayon.
"Sir huwag naman po, maawa naman po kayo sa akin. Hindi ko na po uulitin maawa na po kayo sa akin." umiiyak kong ani at napalapit na ako sa amo ko at kumapit ako sa braso niya pero piniksi nya lamang ang kamay ko.
"Don't touch me!" sigaw niya sa akin kaya napaatras ako at humingi agad ako sa kanya ng pasensya.
"Bro, humingi naman siya ng depensa. Bigyan mo ng isa pang pagkakataon alam mo namang may pinag-aaral na kapatid 'yan. Baka naman may nangyari sa bahay nila kaya ngayon lang siya nakabalik dito." wika ng isang kasama niya na gwapo din.
"Ano ang pakialam ko kung may nangyari man sa bahay nila! May trabaho siya sa akin kaya dapat ang trabaho niya ang inaatupag niya hindi kung ano-ano." sigaw muli ng amo ko. Ang kabog ng puso ko ay hindi ko na maunawaan. Matinding takot ang nararamdaman ko at pakiramdam ko ay hindi na ako makahinga dahil sa lakas ng pagtibok nito.
"Sige, sa akin na lang siya magtatrabaho, ang ganda pa naman niya." wika ng isang lalaki na nagsalita kanina.
"Call me Josh at mula ngayon sa akin ka na magtatrabaho, kailangan ko pa naman ng katulong sa condo ko." wika niya kaya nanlaki ang mga mata ko at nagpasalamat agad ako sa kanya.
"Shut up! Hindi siya magtatrabaho sa iyo gago ka! Paliguan mo na ang mga bata." ani niya kaya natigilan ako. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang gagawin ko.
"Kumilos ka na!" sigaw pa niyang muli kaya nataranta tuloy akong bigla at napatakbo ako paakyat sa itaas. Ang mga kaibigan naman ni Sir Hugo ay malakas na nagtatawanan. Hindi ko alam kung pinagtatawanan ba nila ako o ano pero wala naman akong pakialam basta ang mahalaga may trabaho pa rin ako. Hindi ko na uulitin ang nangyari. Kailangan ko ng pera para sa pag-aaral ng aking kapatid.