Dalawang araw na ang nakalipas mula nang magtrabaho ako sa mansyon. Maayos naman at hindi mahirap kahit na dalawa lang kami ni Manang na kumikilos para linisan ang buong bahay. Maglilinis, magluluto, mamamahinga, repeat. Iyon lang palagi ang ginagawa ko.
"Raya?" rinig kong tawag ni Manang sa labas ng silid ko.
Iyon ang itinawag niya sa akin mula nang dumating ako sa mansyon. Masyado raw kasing mahirap bigkasin ang Faraiah kaya naman binigyan niya ako ng alyas. Ayos lang naman sa akin iyon dahil hindi naman pangit pakinggan.
Mabilis akong bumangon mula sa aking kama at nagtungo sa pintuan para pagbuksan niya. "May kailangan po ba kayo?" bungad na tanong ko sa ginang.
"Mamamalengke muna ako sa bayan. Babalik din ako agad bago magtanghalian." Doon ay napansin ko ang nakatuping eco bag na nakaipit sa kilikili niya.
"Sige po. Gusto niyo po bang samahan ko kayo?" suhestiyon ko.
Mabilis naman siyang umiling. "Hindi na, kaya ko na. Ikaw na muna ang bahala rito sa bahay."
Isang tipid na tango lamang ang isinagot ko at tuluyan na niya akong tinalikuran. Sandali ko pang pinanood ang paglayo ng pigura niya bago ko muling isinarado ang pinto at bumalik sa aking kama.
"s**t!" bulaslas ko nang naalala ang lakad ko ngayong araw.
Mabilis akong kumilos para sana habulin si Manang ngunit hindi ko na siya nakita pa nang nakalabas ako ng bahay.
"Kailangan kong mag-enrol ngayon sa malapit na school," naiiling kong sambit at napatampal sa aking noo.
Wala sa sarili akong napatingin sa mansyon. Hindi naman magiging problema kung umalis din ako ngayon, ang kaso lang hindi ako nakapagpaalam kay Manang. Baka hanapin niya ako mamaya.
Isang tao ang biglang pumasok sa isip ko.
Kami lang tatlo ang naninirahan sa bahay, kung hindi ako kay Manang makakapagpaalam, pwede naman siguro sa kaniya?
Nakagat ko ang ibaba kong labi nang naalala ang bilin ng ginang. Nagdalawang-isip tuloy ako.
Pero hindi kaya mas matanggal ako sa trabaho kung aalis ako ng walang paalam?
At saka isa pa, ang bilin niya naman ay huwag aakyat sa ikalawang palapag. Hindi niya naman sinabi na bawal ako makipagkita kay Senyorito, 'di ba?
"Argh! Faraiah," frustrated kong sambit at napasabunot sa buhok ko. "Pareho lang 'yon! Aakyat ka pa rin sa second floor para magpaalam!" dagdag ko.
Isang buntonghininga ang pinakawalan ko at nagdesisyon na lamang na hintayin si Manang ng isang oras, kapag wala pa rin siya ay roon na ako magpapaalam kay Senyorito. Malalabag ko man ang bilin ni Manang na huwag umakyat doon, mas okay na iyon kaysa makagalitan sa pag-alis ng walang paalam. Mamaya mapagkamalan pa akong nagnakaw at tumakas bigla.
Asta akong babalik sa loob ng bahay nang nakarinig ako ng mahihinang ungot. Kunot-noo akong naglakad patungo sa pinagmulan ng ingay hanggang sa makaabot ako sa likurang bahagi ng mansyon. Saglit akong natigilan sa pagkakatayo sa imaheng bumungad sa akin.
Sa bente dos na taon ko sa mundo, ngayon lang ako nakakita ng ganitong breed ng . . . aso?
Naghahalong puti at itim ang kanyang balahibo. May tainga, buntot, at mga paa na tulad din sa isang hayop. Ngunit kumpara sa mga normal na aso ay limang beses 'ata ang dobleng laki nito. Nakahiga siya at pikit-matang umuungot.
Doon ko lang nagawang pansinin ang duguan niyang tiyan. Agad akong kinabahan na halos pangibabawan niyon ang nararamdaman kong takot. Lakad-takbo ko siyang nilapitan at sinuri.
May kalaliman ang sugat niya pero kaya pang gamutin. Mabilis akong tumayo at nagtatakbo paloob ng mansyon para maghanap ng first aid kit. Nang mahanap ko iyon ay muli akong bumalik sa sugatang nilalang.
"Sssh, it's okay. Gagamutin kita," alo ko habang nililinisan ang sugat niya.
Patuloy pa rin siya sa pag-ungot, ngunit hindi katulad kanina ay medyo humuhupa na iyon. Matapos kong linisan ang sugat niya ay nilagyan ko iyon ng gamot. Hindi ko alam kung tatalab ba iyon sa hayop pero mas okay nang may gawin ako. Isusunod ko naman ang paglalagay ng benda.
Tipid akong napangiti nang tumigil na siya sa pagdaing. Marahan at may pag-iingat kong hinaplos ang malago niyang balahibo. Nakakamangha.
"Hindi kita kayang buhatin. Dito ka muna magpahinga hanggang sa gumaling ka," pagkausap ko sa nilalang.
Napatigil ako sa paghawak sa kaniya at napaawang ang labi ko nang unti-unti niyang itinango ang kanyang ulo. Tila naintindihan ang sinabi ko.
"Mukhang well-trained dog ka," natutuwang sambit ko.
Nagulat ako nang bigla siyang tumahol, kasunod niyon ang mahinang alulong.
"Ano'ng nangyari? May iba pa bang masakit sa iyo?"
Nababaliw na 'ata ako dahil kinakausap ko ang isang hayop na hindi kayang magsalita.
"Ssshh. Okay lang 'yan. Behave ka na, baka mamaya ay may makarinig pa sa 'yo at akalaing malas na balita ang dala mo." At muli ko siyang hinaplos para pakalmahin.
Hindi ko naiwasan na mapahalakhak dahil sinupil niya ang kaniyang pagtahol. Tila tahimik na nagrereklamo dahil iyon ang sinabi ko.
Sino kaya ang amo ng asong ito?
Paniguradong may nagmamay-ari sa kaniya dahil alagang-alaga ang balahibo nito. Bukod pa roon ay matalino at mukhang naturuan. Sana lang ay gumaling na siya agad para makabalik kung saan man siya nagmula.
Nanatili ako ng ilang minuto sa tabi ng kawawang nilalang. Nang napansin kong nakatulog na siya ay nagdesisyon na akong bumalik sa loob ng mansyon para maghanda sa plano kong pag-alis.
Wala pa rin si Manang. Mag-a-alas onse na. Kailangan kong makabalik agad bago ang tanghalian kaya naman wala akong ibang choice kundi ang umakyat sa ikalawang palapag para magpaalam kay Senyorito.
Halos mangatal ang tuhod ko habang umaakyat sa hagdanan. Naiisip ko pa lamang ang magiging sermon sa akin ni Manang ay kinakabahan na ako.
Isang malalim na hininga ang pinakawalan ko nang tuluyan na akong nakaabot sa itaas. Para akong nabunutan ng tinik sa kabila ng kahaharapin kong problema. Sandali ko pang inilibot ang paningin ko sa kabuuan ng second floor at napanguso nang napansin na wala namang kakaiba roon—bukod sa tatlong magkakasunod na silid.
Napakamot ako sa aking ulo sa pag-iisip kung alin doon ang kay Senyorito. Hindi naman pwedeng buksan ko ang lahat ng pinto nang wala ang pahintulot ng kung sinuman.
Mayamaya pa ay napansin ko ang kaibahan nilang tatlo. Ang dalawang silid ay may normal na hawakan samantalang ang isa naman ay ginto. Hindi ko alam kung tunay ba iyon o spray lang. Pero dahil kakaiba ang isang iyon ay roon ako lumapit.
Ilang segundo kong inihanda ang aking sarili bago sumubok na kumatok. "S-senyorito?" ani ko.
Halos lumuwa ang puso ko sa aking dibdib sa paghihintay ng tugon niya pero isang minuto na ang lumipas ay wala pa rin akong nakuha na sagot.
Nakagat ko ang ibaba kong labi sa mga ideyang pumapasok sa isip ko.
Paano kung may diperensya nga siya? Pipe? Pilay? Bulag? Siyempre hindi siya agad makakasagot sa akin.
Isang buntonghininga ang ginawa ko bago muling kumatok. "Senyorito, si Faraiah po ito. Ang bago niyong katulong, pasensya na po pero papasok na po ako."
Naghintay pa rin ako ng ilang segundo sa tugon niya pero katulad kanina ay wala akong nakuha. Kung sakali na tutol siya sa gagawin kong pagpasok siguro naman ay gagawa siya ng kahit anong ingay para ipaalam na labag iyon sa loob niya?
Lakas-loob kong pinihit ang lock ng pinto at marahan iyong binuksan. "Senyorito?" mahinang tawag ko, ipinaalam ang aking presensya.
Tuluyan nang bumungad sa akin ang panglalaking amoy ng silid. Madilim ang kwarto at ang tanging liwanag lang na pumapasok dito ay mula sa pinto na unti-unti kong binubuksan.
"Mali 'ata ako nang napiling pinto," bulong ko sa aking sarili.
Ngunit gano'n na lamang ang malakas na singhap ko nang tuluyan nang kainin ng liwanag ang silid dahil sa bukaskas na pinto. Isang nakakagimbal na imahe ang tumambad sa akin na kailanman ay hindi ko naisip na posible.
Kaya siguro ayaw akong paakyatin ni Manang sa ikalawang palapag ay dahil minamaltrato niya ang amo namin!
Nakaposas at walang malay na nakaupo sa sahig ang isang lalaki. Hubad ang itaas na baro niya at tanging pantalon lamang ang suot. May kalayuan man ang distansiya ko sa kaniya at hindi man gano'n kaliwanag ay napansin ko pa rin ang namumula niyang pulso. Siguro ay dulot iyon ng bakal na posas na nakakabit sa kaniya.
"S-Senyorito . . ."