Mabilis akong lumapit sa p'westo ni Senyorito. Wala pa rin siyang malay kahit na hinawakan ko ang kaniyang braso para suriin. Tila may kumurot sa dibdib ko habang pinagmamasdan ang mga pasa sa kaniyang pulso.
"Ano'ng ginawa ni Manang sa iyo? Kailan ka pa niya ikinulong dito?" bulaslas ko habang tinitingnan ang kadenang nakakabit sa kaniya.
Naroon ang kaba sa aking dibdib pero mas kinakain ako ng awa at pangamba para sa lalaking nasa harapan ko. Iniisip ko pa lamang ang paghihirap niya sa silid na ito ay nasasaktan na ako. Hindi biro ang kadenang nakakabit sa kaniya. Para sa isang tao, daig niya pa ang isang tigre na itinali sa pader.
Sandali akong tumayo at nagmasid sa palagid, hinanap ko ang banyo at saka nagtungo roon para kumuha ng pamunas. Nang nakabalik ako ay ang switch naman ng ilaw ang binuhay ko. Ngayon ay malinaw ko na siyang nakikita. Lumapit akong muli at sinimulang punasan ang mukha niya.
Sa ilang segundo ay nagawa kong suruin ang kabuuan niya. Moreno siya, matipuno, at may malantik na mga pilikmata. Ang kaniyang panga ay nasa perpektong hugis gano'n din ang kaniyang labi. Namumutla man ay masasabi kong may angkin siyang kagwapuhan.
Naramdaman ko ang kaniyang munting pag-igtad sa ikalawang dampi ko ng bimpo. "Senyorito?" muling pagtawag ko.
Doon ay marahan na nagmulat ang kaniyang mga mata na siyang nakapagpatigil ng hininga ko. Panay ang kabog ng dibdib ko sa kaba. Unti-unting kinain ng takot ang sistema ko.
"Sino ka?"
Nanlilisik ang kaniyang mga mata. Hindi iyon normal, tila naghahalong itim at ginto ang kulay niyon. Ang boses niya ay basag sa malalim na tono.
Gusto kong lumayo pero dahil sa takot ay nawalan ako ng lakas. Napahiyaw na lamang ako nang hawakan niya ako sa aking mga braso at saka dinaganan.
"S-Senyorito," naiiyak na tawag ko.
Pero tila wala siyang narinig. Tinitigan niya ang mukha ko, pagkatapos niyon ay inilapit niya ang kaniyang ulo sa aking leeg. Inamoy-amoy niya iyon.
Sinubukan kong magpumiglas pero mas dumiin ang hawak niya sa mga kamay ko. Napaigik ako sa sakit. Masyado siyang malakas.
"You have a sweet scent . . ." rinig kong wika niya sa gitna ng leeg ko.
"S-Senyorito, ano po'ng ginagawa niyo? Natatakot na po ako." Nagsimulang mag-ulap ang paningin ko.
Nagkaroon ng munting pagsisisi sa loob ko nang naalala ang pagdududa ko kay Manang. Marahil ay hindi maayos ang kaisipan ng Senyorito kaya ikinukulong niya ito sa silid. Huli na para mapagtanto ko iyon.
Isang malakas na hiyaw ang ginawa ko nang biglang sirain ni Senyorito ang pang-itaas kong damit. Paulit-ulit akong nakiusap sa gitna nang pagpupumiglas ko pero para siyang bingi. Hindi ko alam kung wala siyang naririnig o binabalewala niya lang talaga ang mga salita ko.
Naramdaman ko ang labi niya sa leeg ko hanggang sa bumaba iyon sa aking collar bone. Paulit-ulit na tinutunton kasabay nang pagsipsip niya sa balat ko. Ang kaniyang nakakadenang kamay ay naramdaman ko sa ibabaw ng aking dibdib, marahas na gumagalaw roon.
"C-Cleon . . ." mahinang anas ko at tuluyan nang napahikbi.
Naramdaman ko ang pagtigil niya. Ilang segundo siyang nanatili sa kaniyang p'westo. Mayamaya pa ay marahan niyang idinistansya ang kaniyang katawan sa akin. Wala akong ideya sa sunod niyang gagawin, patuloy lamang ako sa pag-iyak.
"Who are you?" muli niyang tanong, pero sa mga sandaling ito ay malumanay iyon.
Gamit ang nag-uulap kong mga mata ay sinubukan ko siyang tingnan. Unang bumungad sa akin ang maamo niyang mukha. Naroon man ang kalamigan ay tila nagkaroon ng kaunting pag-aalala sa kaniyang mga mata.
Hindi katulad kanina ay naghahalong itim at kayumanggi ang kulay niyon. Kahit papaano ay nagkaroon ako ng pag-asa na nasa normal na siyang pag-iisip. Na mapapakiusapan ko na siyang tumigil sa mga oras na ito.
Tuluyan na siyang lumayo sa akin. "Get out of my room," maawtoridad na utos niya.
Nanghihina man at nangangatal ay sinubukan kong bumangon. Gamit ang sira kong damit ay muli kong tinakluban ang aking sarili. Pakiramdam ko ay nakalutang ako sa langit at wala sa katinuan.
Sinubukan kong tumayo. Humupa man ang luha sa aking mga pisngi ay hindi pa rin nawawala ang takot sa dibdib ko. Wala sa sarili akong naglakad kahit pa halos matumba ako.
Naliliyo ako. Nanghihina. Kinakapos ako ng hininga sa bawat hakbang na ginagawa ko.
Nasa harapan na ako ng pintuan nang tuluyang mandilim ang paningin ko. Ihinanda ko ang aking sarili sa pagbagsak ko sa sahig pero bago pa man iyon mangyari ay isang malakas na tunog ng bakal ang narinig ko, pagkatapos ay naramdaman ko ang isang bisig na sumalo sa aking katawan.
"You are my mate . . ."
The last thing I heard before I finally lost my consciousness.
"IS she okay?" rinig kong sambit ng isang lalaki.
"Ayos lang siya. Nabigla lang siguro kaya nahimatay." Boses naman iyon ni Manang.
"Good to know. Bakit ka ba kasi kumuha ng mortal na kasambahay? Alam mo naman na ayaw ng isang iyon sa mga tao."
"Beta, sino ba sa lahi natin ang gustong magtrabaho rito? Alam mo naman ang kalagayan ng Alpha."
"Jeez! She called me a dog!" reklamo ng lalaki.
"Mabuti nga at ginamot ka niya. Hindi ka niya tinakbuhan," rinig kong sagot ni Manang.
Ano'ng pinagtatalunan nila? Ano ba itong mga naririnig ko?
Marahan kong iminulat ang mga mata ko. Unang bumungad sa akin ang pamilyar na chandelier ng mansyon.
"Raya," tawag ni Manang.
Doon ay saka ko pa lamang nagawang tingnan ang paligid ko. Nasa salas kami ng mansyon. Nakahiga ako sa mahabang sofa, sa gilid niyon ay naroon si Manang. Nakatayo habang nag-aalalang nakatingin sa akin.
Sa isang sulok naman ay nakita ko ang isang lalaki na hindi ko kilala. Prente siyang nakatayo habang walang pang-itaas na baro. Hindi nakatakas sa paningin ko ang benda sa kaniyang tiyan.
Sinubukan kong bumangon. Agad na umalalay sa akin si Manang.
"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Manang.
Hindi naman ako agad nakasagot. Napadaing lang ako habang nakahawak sa aking ulo.
"Uminom ka muna," boses iyon ng lalaki.
Nang idilat ko ang mga mata ko ay nasa gilid na siya ni Manang at may hawak na baso. "Salamat." Medyo nakaramdam pa ako ng ilang dahil sa hubad niyang katawan.
"Makatutulong iyan para gumaan ang pakiramdam mo," aniya.
Isang tango na lamang ang isinagot ko. Nasa kalagitnaan ako nang pag-inom nang naalala ko ang mga nangyari. Nangangatog kong ibinaba ang baso sa ibabaw ng center table at seryosong hinarap si Manang.
"S-Si . . ." utal kong sambit at tumingin sa ikalawang palapag. "Si senyorito, Manang. M-may . . . sakit po ba siya?"
Natahimik naman ang matanda at hindi agad nakasagot. Seryoso niya lang nilingon ang lalaking katabi niya.
"Anong sakit ba ang tinutukoy mo?" tanong ng lalaki.
Napalunok ako nang naalala ang nanlilisik na mga mata ni Senyorito kanina. "S-sinasapian po ba siya ng mga masasamang espirito?"