CHAPTER 1

1191 Words
"Wala namang mahirap gawin sa bahay na ito," ani ng matandang babae na sa tingin ko ay mayordoma ng mansyon. Inilibot ko ang aking paningin sa kalooban ng bahay. Hindi ko napigilan na mamangha sa bawat muwebles at kagamitan na nadadapuan ng mga mata ko. Halong moderno at makaluma ang disenyo ng mga kagamitan na halos magpatintero ako sa unang panahon at kasalukuyan. Noon pa man ay bali-balita na talagang mayaman ang angkan ng Zarelli; ang misteryoso at iginagalang na pamilya sa lalawigan namin. Ngunit ngayon ko lang lubos na napatunayan ang lahat. Tila isinampal iyon sa aking mukha sa mga oras na ito. Narito ako ngayon matapos akong matanggap bilang katulong nila. Ulila na ako sa mga magulang kaya naman noong nabasa ko ang anunsyo nila tungkol sa paghahanap ng kasambahay ay hindi na ako nagdalawang-isip pa na mag-apply. Malaki ang tuwa ko nang natanggap ako. Bukod kasi sa malaki sila magpasahod ay hindi sila gano'n kahigpit sa oras ng trabaho. Nakakapagtaka man ay ipinagpasalamat ko na lang iyon. Hindi kasi ako mamomroblema sa oras nang pagpasok ko sa school, 'yon nga lang kailangan kong mag-transfer sa pinakalamapit na paaralan mula sa mansyon para hindi ako bumyahe nang matagal. "Basta tulad ng bilin ko. Kailangan mo lang mapanatiling malinis ang mansyon. At siguraduhin na may nakahandang pagkain bago ka umalis," saad ng mayordoma. Tipid akong ngumiti at saka tumango. Muli kong inilibot ang aking paningin sa mansyon hanggang matuon iyon sa ikalawang palapag. "Bukod pa roon ay palaging mong tatandaan ang ipinagbabawal ko. Kailanman ay hindi ka pwedeng umakyat sa itaas." Wala sa sariling napaangat ang kilay ko. "Sino po ang maglilinis doon kung gano'n?" "Ako na ang bahala sa ikalawang palapag. Basta ang toka mo ay rito sa ibaba," aniya. Napalabi na lamang ako at tumango. Isa iyong advantage para sa akin dahil maghahati kami sa area nang lilinisin pero 'di ko pa rin maiwasan na magtaka. Bakit siya pwede? Napailing na lamang ako nang maisip na siguro ay may mga mahahalagang gamit sa ikalawang palapag kaya ipinagbabawal na puntahan. "Tayo lang po ba ang tao rito?" tanong ko nang napansin na walang ingay ng kahit sino sa buong bahay. "Tatlo lamang tayo rito sa bahay. Ako, ikaw, at saka si Senyorito. Ang panganay na anak ng Zarelli," tugon ng matanda. Tumango-tango na lamang ako. Iniwasan ko na magtanong pa nang magtanong kahit pa gusto kong mang-usisa tungkol sa anak na tinutukoy niya. Sadya bang hindi nakikipagkita ang amo sa unang araw ng tauhan? "Halika, dadal'hin kita sa magiging kwarto mo." Naunang maglakad ang mayordoma sa akin na agad ko namang sinundan. Habang naglalakad ay hindi ko naiwasan na mapatigil sandali. Pakiramdam ko kasi ay may kung anong koneksyon ang humihila sa akin sa itaas na palapag. Isang buntonghininga ang ginawa ko at pilit na ipinagsawalang bahala iyon. Ano ka ba, Faraiah? Super powers lang? Napangiti na lamang ako at nagpatuloy sa pagsunod sa ginang. Namamahay lang siguro ako. HINDI naging mabigat ang simula ng araw ko sa mansyon. Pagkatapos kong mag-ayos ng aking mga gamit ay ang pagluluto naman ang isinunod ko. Simpleng caldereta, pritong isda, at pinakbet ang inihanda ko para sa aming tatlo nina Manang. Mayamaya pa ay sinimulan ko nang igayak ang dining table. Sakto namang pasok ng ginang kaya sandali akong tumigil at saka bahagyang yumuko bilang paggalang sa presensya niya. "Nakahanda na po ang pagkain," saad ko. "Sige na, kumain ka na. Dadal'han ko lang si Senyorito sa kaniyang silid." Sinuklian niya ako ng ngiti saka ako nilampasan. "Hindi po siya bababa?" hindi ko naiwasan na itanong. Alam kong nasa itaas na palapag si Mr. Zarelli. Bukod kasi sa wala akong nakikita na sinumang tao rito sa ibaba ay silid ko lamang ang nandito. Nasisigurado ko na ang ibang k'warto ay nasa ikalawang palapag. Isang munting halakhak ang pinakawalan ni Manang. "Hindi siya sumasabay sa pagkain, hija. Kaya 'wag ka na mag-abala na lagyan ng ibang plato ang lamesa." Alanganin akong tumango. "Naiintindihan ko po." Pinanuod ko si Manang na maghanda ng mga pagkaing dadalahin sa amo naming lalaki. Kinakain man ng pang-iintriga ang sistema ko ay pilit ko iyong binalewala. Baka kasi sa sobrang pang-uusisa ko ay agad akong matanggal sa trabaho. "Napakaganda niyo po," wala sa sariling sambit ko nang mapatitig ako sa mukha niya, huli na para mabawi pa. Mabilis kong tinakpan ang mga bibig ko at saka paulit-ulit na yumuko, humihingi ng dispensa. "Pasensya na po," iyon na lamang ang nasabi ko sa kahihiyan. Ang kaba ko ay unti-unting naglaho sa banayad na halakhak ng ginang. Namamangha niya akong tinitigan at saka umiling. "Napakabolera mo, hija," aniya, nanunukso. Nakagat ko naman ang ibaba kong labi. "Kasi naman po. Hindi halata sa itsura niyo na may edad na po kayo." "Talaga?" natutuwang sambit niya. Dalawang beses naman akong tumango. "Opo. Ngayon ko lang po kasi napakatitigan ang mukha niyo. Napakakinis at parang ang lambot hawakan." Muling umalingawngaw sa apat na sulok ng kusina ang tawa ng ginang. "Nako! Ikaw talaga. Sa pagkain lamang iyan ng gulay. Kaya ikaw, kung ayaw mong magmukhang matanda agad, kumain ka ng masusustansiyang pagkain." Hindi naman ako nakasagot agad. Sino ba kasi ang maniniwala sa sinabi niya? "Sige na. Aakyat na ako. Kumain ka na riyan, mamaya na ako susunod kapag natapos si Senyorito," aniya at astang aalis. "Ahm . . . Manang?" pigil ko. Mabilis niya naman akong hinarap. Naghihintay sa idudugtong ko. "P'wede ko po ba malaman kung ano'ng pangalan ni Senyorito?" Alanganin akong tumawa. "Ano po kasi . . . medyo hindi lang po ako kumportable na hindi ko alam ang pangalan nang pinagsisilbihan ko." Ilang segundo akong tinitigan ni Manang. Hindi ko tuloy naiwasan na kabahan dahil baka isa iyong tanong na hindi ko dapat binanggit. "Cleon," tipid na sagot niya. "Cleon?" pag-uulit ko. Sinagot niya naman ako ng ngiti at tango. "Cleon Reve ang pangalan ng panganay ng mga Zarelli." Awtomatiko namang namilog ang bibig ko. Bukod kasi sa hindi pangkaraniwan ang pangalan niya ay mararamdaman mo agad ang kapangyarihan kapag narinig mo iyon. Nakakamangha. "Hindi po ba siya bababa at makikipagkita sa akin? Ibig ko pong sabihin para pormal akong makita?" hindi ko na naiwasan pa na itanong. Ilang segundo kong nakita ang kaseryosohan sa kanyang mukha, mayamaya pa ay isang tipid na ngiti ang ibinigay niya sa akin. "Hindi siya nakikipagkita sa mga tao." Mabilis na kumunot ang noo ko. Ano'ng ibig sabihin niyon? Hindi siya nakikipagkita sa iba? Sa tulad kong normal na mamamayan? Matapobre naman pala! Pero . . . may matapobre bang malaki magpasahod at hindi mahigpit sa oras ng trabaho? "Sige na. Iaakyat ko na ito. Kumain ka na rin." Hindi na niya ako hinintay pa na sumagot at tuluyan na lamang ako na tinalikuran. Napanguso naman ako habang pinanunuod ang pigura niyang lumalayo. Hindi pa rin mawala sa isipan ko ang isinagot niya kanina. Hindi siya nakikipagkita sa mga tao? Huh? Tao rin naman si Manang. Mayamaya pa ay nanlaki ang mga mata ko sa ideyang pumasok sa aking isip. Sandali akong kinain ng konsensya at awa. Hindi kaya may diperensiya ang panganay na anak ng mga Zarelli kaya ayaw magpakita sa iba?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD