“ANO ITO?” tanong niya kay Cathy nang dumating siya ng opisina. May nakasaksak kasing slow pot sa bandang upuan niya. May hinala na siya kung ano iyon pero gusto niya pa ring makasiguro.
“Hindi ba dapat ako ang magtanong niyan?” sagot nito. “Dala yan ni Dr. Martin, yan daw ang niluto niyo kagabi.” Dagdag nitong sagot at pinagdiinan pa talaga ang huling sinabi. Naamoy niya ang mabangong ulam. Bigla niya tuloy naalala ang nangyari kagabi habang kasama niya ito. Ang totoo kasi hindi naman siya kasama sa pagluto nito dahil siya lang ang naghuhugas sa mga ginagamit nito sa pagluluto.
“Ok.” Matipid niyang sagot.
“At kailan ka naman nagkainteres sa pagluluto?” pangungulit pa ni Cathy.
“Kagabi lang.” sagot niya. Nabigla pa siya nang sumigaw ito. Napatingin siya dito.
“Anong ginawa niyo kagabi?” usisa pa nito na lumapit pa sa table niya.
“Nagluto nga.”
“Hindi kayo naglaro ng apoy?” nakangiti nitong tanong kaya pinamulahan siya ng mukha. At saan naman nito nakuha ang ideyang yun? Ngayon pa nga lang sila magkakilala ni Roger, naglaro agad ng apoy!
“Baliw! Ang dumi talaga ng isip mo!” natatawa niyang sagot.
“Dudumi talaga ang isip ko dahil hindi ka naman nagkwekwento. Dati-rati naman lahat sinasabi mo sa akin pero ngayon lahat ay nililihim mo na.” Sagot nitong nagtatampo-tampuhan.
“I know pero ngayon hayaan mo muna kami. Lahat sasabihin ko sayo sa tamang panahon.” Sagot niya.
“Para ka namang aldub, paasa! Kung bakit ba kasi nauso ang tamang panahon na yan.” Reklamo nito. “Masaya ako kung may unawaan na kayo ni Dr. Martin pero wag na wag kang iiyak sa akin at mababatukan talaga kita.” Dagdag pa nito.
Natigil sila sa pag-uusap nang iniluwa si Roger ng pinto. Nakangiti ito sa kanila. Lumabas yata ang puso niya nang masilayan ang maganda nitong ngiti. Tumuloy ito sa opisina niya at nabigla pa siya nang humalik ito sa pisngi niya. Maging si Cathy ay nanlaki ang mga mata sa ginawa ni Roger.
“Dinala ko na dito ang beef with olives para sabay tayong kumain mamaya.” Turan nito. Sinulyapan niya si Cath. Kunwaring may ginagawa ito pero nakikinig naman sa pag-uusap nila.
“Hindi ka na dapat nag-abala.” Pabulong niyang sagot. Umupo ito sa mesa niya kaya naman halos sumagi ang tuhod nito sa braso niya na nagpapapitlag sa kanya.
“Baka kasi magutom ka at bugahan mo ng apoy si Cathy.” Natatawa nitong sagot na tiningnan pa si Cathy. “What do you think Cathy?” tanong nito kay Cath.
“Naku tama ka diyan Dr. Martin, mabibigla ka nalang mamaya at matutusta na ako dito.” Sabat ni Cathy.
“Ang OA niyo.” Sagot niya sa mga ito. “Anong tingin niyo sa akin? Dragon?” nakangiti niyang tanong. Bigla yatang nawala ang pagiging mataray niya kay Roger. Nagkatawanan silang tatlo. Pakiramdam niya matagal niya nang kakilala ang lalaki. Mabait naman pala ito sa taong gusto nito. Pareho lang silang masungit dahil sa ginawang pang-iiwan ni Joe at Steph. Tila nag-iwan iyon ng pilat sa mga puso nila at hindi nila alam kung kailan maghihilom.
Hindi na umalis si Roger sa opisina niya hanggang sa magtanghalian. Nagulat pa siya nang magpaalam si Cathy na uuwi at sa bahay ng mga ito nalang maglulunch, dati-rati naman kasi sumasabay itong kumain sa kanya.
“Anong nangyari sa babaing yun?” hindi niya mapigilang tanong kay Roger nang mawala sa paningin niya si Cathy. Kindat lang ang binigay nito sa kanya at agad na umalis.
“I talked to her.” Sagot nito.
“Na ano?” tanong niya.
“Na gusto kitang masolo.” Sagot nito na ikinagulat niya. Bakit kailangan nitong sabihin iyon kay Cathy? Gusto siya nitong masolo?
“Bakit? Hoy, Roger ha, drama lang ito.” Saway niya dito. Nagulat pa siya ng humalakhak ito.
“Alam ko.” Sagot nito. “Gusto ko lang sabihin sayo na magbabakasyon tayo sa Palawan kaya mag-leave ka muna.” Sagot pa nito.
“Hindi pa naman engagement nila ah?” tanong niyang nagtataka.
“I know. Napag-alaman ko kasing nandun na sina Joe at Steph sa Palawan. Balak nilang dun na tumira at ngayon nasa isang resort sila for their engagement party.” Pahayag nito.
“Hindi ba sila magtataka kung makikita nila tayo doon?” nag-aalangan niyang tanong.
“Hindi, dahil ako ang may-ari ng resort na iyon at alam yun ni Steph. So, anytime pwede akong pumunta dun.”
“Kung alam niya bakit yon pa rin ang napili niyang venue?” nagtataka niyang tanong.
“I think dahil gusto niya akong magselos. Tinawagan niya ako nang isang gabi at sinabi niya sa akin na doon raw gaganapin ang party nila ni Joe.”
“At pumayag ka?” tanong niya kay Roger.
“At bakit naman hindi? Ayaw mo non, hindi na tayo mahihirapan pang hanapin sila. Ito na ang oras para magkaharap-harap tayong apat na hindi sila magdududa.” Suhestiyon nito kaya napangiti siya.
“Good idea.” Palatak niya.
“So maghanda ka na dahil mamayang hapon aalis na tayo papuntang Palawan.” Turan pa nito Mamayang hapon na pala nito balak umalis hindi pa siya nakahanda.
“Ok.” Tanging nasabi niya.
Hindi niya magawang ubusin ang kinakain dahil sa excitement na nadarama pero kung excited siya higit na excited ito. Hindi na yata ito makapaghintay na makita si Steph. Nang matapos itong kumain ay agad itong tumayo.
“Magpaganda ka mamaya. Magdala ka rin ng swim suit mo dahil maliligo tayo dun. Bawal sa resort ang nakapajama o di kaya nakaduster.” Turan pa nito. Hindi pa naman siya sanay mag swimsuit.
“Kailangan pa bang magpaganda?” tanong niya. Ok na kasi siya sa pulbos lang ang manipis na lipstick. Mamaya nalang siya bibili ng swimsuit.
“Ipamukha mo kay Joe kung ano ang nawala sa kanya nang iwan ka niya. Syempre kailangan mong maungusan si Steph.” Dagdag pa nito. “And also wear a sexy dress, iyong tipong maglalaway si Joe kapag nakita ka.” Dagdag pa nitong nakangiti.
“Hindi yun maglalaway. Hind naman kasi yun aso.” Natatawa niyang sagot. Bigla yata siyang kinabahan sa mga bilin nito. Lahat pa naman ng sinabi nito ay hindi siya sanay gawin. Mapapasubo pa yata siya. Baka mamaya magmukha pa siyang tanga.