Napatigil si Diamante sa paglalakad nito dahil tila may narinig siyang umuungol. Muli nitong pinakinggan at luminga- linga sa kanyang paligid upang hanapin kung saan nanggagaling ang ungol na iyon. Medyo kinabahan siya dahil sakto namang brown out, pagkatapos overtime pa sila ni Aira sa grocery store. Pakiwari niya ay umuungol sa sakit ang kanyang naririnig kaya sinundan niya ang boses. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang lalaking nakadapa malapit sa kanal at tila duguan.
"Please....help!" Daing ng taong namimilipit sa sakit.
Natutop ni Diamante ang sariling bibig at nangatal ang kanyang katawan. Hindi niya mawari ang kanyang gagawin kung tutulungan ba niya ang tao o tatakbuhan niya.
"Tulong please... I'm not a bad guy," muling daing ng tao.
Napaatras si Diamante, sa tanang ng buhay niya noon lang siya nakadama ng kakaibang kaba at takot. Tatalikuran na sana niya ang taong humihingi ng tulong nang may marinig siyang mga boses.
"Suyurin niyo ang paligid, nandito lang siya alam ko iyon dahil natamaan ko." Sabi ng isang boses.
"Sure ka? Mukhang maraming eskinita rito eh, nakakalito. Saka, kung may tama siya malamang mauubusan iyon ng dugo." Sagot naman ng isa.
Mabilis na nagkubli si Diamante. Dinig na dinig niya ang kabog ng sariling dibdib. Napapaisip tuloy ang dalaga kung bakit walang mga taong nagdaraan dahil ba brown out?
"T- Tulonggg!" Daing na naman ng lalaki.
Gumapang si Diamante papunta sa gawi ng lalaki at agad niyang tinakpan ang bibig nito. Nasa malapit lang ang mga kalalakihang naghahanap sa lalaki saka sila sumiksik sa silong ng toldang may kariton. Tinakpan niya ang kanilang sarili ng mga kartong naroon at mga plastik na bote. Ilang minuto silang ganoon at bago sila muling lumabas ay tiniyak muna ni Diamante na wala na sa paligid ang nga lalaking armado.
"Okay ka lang ba? Taga- saan ka?" nag-aalalang tanong ni Diamante sa lalaking hinang- hina na.
"Bring me to the hospital please?" Bagkus ay sagot ng lalaki.
"H- Ha? Teka, may sugat ka nga Diyos ko!" gulat na sambit ni Diamante na agad inilabas ang selpon at akmang tatawag na ng rescue subalit pinigilan ito ng lalaki.
"Bakit?" Nagtatakang tanong ni Diamante.
"Don't call the police please? Just bring me to the nearest hospital please I'm begging you!" sumamo ng lalaki.
Nagsalubong ang kilay ni Diamante.
"Bakit hindi? Magnanakaw ka ano? O, kaya holdaper kaya ka nila hinahabol? Saka, puwede ba huwag kang english ng english sumasakit ang ilong ko." Aniya.
"Mumultuhin kita kapag namatay ako, pinapangako ko iyon sa'yo!" turan ng lalaki.
"Aba, at ako pa ang tinakot mo ganoon? Bahala ka na nga sa buhay mo baka mamaya madamay ako sa ano mang atraso mo sa buhay!" inis na turan ni Diamante.
"Nakikiusap ako, tatanawin kong utang na loob kung dadalhin mo ako sa hospital." Biglang bawi ng lalaki.
Pinaikot na lamang ni Diamante ang mga mata nito saka tinawagan ang suki niyang tricycle driver malapit sa kanilang lugar. Bago pa pumayag ang driver ay naipaliwanag na ni Diamante dito kung ano ang mga nangyari. Pero ang sinabi na niya lang na dahilan ay na hit and run ang lalaki para wala ng malaking katanungan. Tumawag na din si Diamante sa kanyang mga kapatid na late siyang uuwi sa gabing iyon as in napaka- late.
Hospital.
"Miss kaano- ano mo ang pasyente?" Tanong ng nurse kay Diamante pagkatapos dalhin sa ER ang dinala niyang lalaki.
"Ahm...kakilala lang po." Pagsisinungaling ng dalaga, ewan niya pero iyon ang lumabas sa kanyang bibig.
"Kasi sabi niya, pinsan ka daw niya at na hit and run kayong dalawa. Naalala mo ba ang plate number ng sasakyang nakabangga sa inyo?" muling sabi ng nurse.
"Ha?!" gulat na bigkas ni Diamante.
Tiningnan ito ng nurse nang nagtataka.
"Ah...oo! Kaya lang hindi ko nakita at natandaan ang plate number maam eh! Sayang nga, mag-rereklamo sana ako sa police station!" biglang kabig ng bawi ni Diamante.
"Ganoon ba? Pumirma ka na lang dito para matapos na ang admission slip ng pinsan mo." Tugon ng nurse.
"Sige po pero puwede po bang umuwi saglit sa bahay namin. Promise babalikan ko ang pinsan ko dito bukas maam please?" pakiusap naman ni Diamante.
"Oo sige kami na muna ang bahala basta ilagay mo dito ang contact number mo."
"Bakit pa ho?"
"Para in case na may emergency sa pinsan mo matatawagan ka namin,"
Napakamot na lamang si Diamante sa kanyang ulo at napilitang ibigay ang kanyang contact number. Balak pa naman niyang kalimutan na lang ang lalaki tutal ay nasa hospital naman na. Baka kasi matuklasan ng mga nurse at Doktor na hindi naman pala hit and run ang nangyari sa lalaki madamay pa siya. Ayaw na niya ng ibang problema dahil punong- puno na ang kanyang buhay saka sawang- sawa na siya. Pagkatapos pumirma si Diamante ay mabilis na itong tumalilis paalis ng hospital at dumiretso na ito nang uwi.
Bahay.
Tahimik na umuwi si Diamante sa kanilang bahay, pero pinilit pa din niyang kumilos ng normal para hindi makalahata ang kanyang mga kasambahay na may nangyari iba sa kanya kanina. Pagkatapos nitong kumain na pilit dahil naiiisip niya ang lalaking nasa hospital. Humiga na siya para sana matulog kaya lang ay ayaw siyang dalawin ng antok. Naalala na naman niya ang lalaki, maputi ito medyo kulot at may mga alahas sa katawan. Unang tingin pa lamang niya ay alam niyang laki sa rangya ang lalaki. Subalit sino ba ang lalaking iyon at bakit ito hinahabol ng ilang kalalakihan? Papaano ba sila napadpad sa kanilang lugar gayong malayo naman sa kabihasnan ang kanilang nayon?
Kinabukasan.
"Bakit ganyan ang hitsura mo? Halatang puyat ka?" pansin ni Aira
"Wala, puyat lang natugma mo," matamlay na sagot ni Diamante.
"At bakit ka napuyat?"
Napahinto si Diamante sa ginagawa nito, pinag-iisipan niya kung sasabihin ba niya kay Aira ang nangyari kagabi.
"Hoy! Ano at natulala ka na diyan? Aba, ako ay nagtataka ang ingay mo kaya pagkatapos ngayon kay tahimik. Talagang may nangyayari sa'yong babae ka!" untag ni Aira sa kaibigan.
"Kasi ano...kagabi Aira may nangyari eh! Mamaya ko na sasabihin lahat- lahat kapag break time natin. Ipangako mo sa atin lang ito ah!" sagot ni Diamante.
"Ha? Oo sige!" pagpayag naman ni Aira kahit na naguguluhan ito sa sinabi ni Diamante.
"Salamat," turan ni Diamante at pinagpatuloy na nila ang kanilang ginagawa.
Break Time.
"Anooo!" sigaw ni Aira pagkatapos marinig ang kwento ni Diamante.
"Sshhh! Ano ba?" saway naman agad ni Diamante sa kaibigan.
"Sorry!" Hinging paumanhin ni Aira sabay hagikhik.
Tinampal naman ito ni Diamante sa braso. "Luka- luka ka talaga!".
"Pero, wala ka ng balak balikan iyong lalaki? Ano, gwapo ba siya?" Muling sabi ni Aira.
"Gaga ka talaga, tinatanong mo talaga kung guwapo ba siya? Oo, guwapo ewan hindi ko sigurado,"
"Ano ba 'yan ang gulo ng sagot mo!" Maktol naman ni Aira.
Natawa naman si Diamante.
"Parang guwapo kasi nga hindi ako sigurado nakapikit kasi. Pero ang sigurado ko, maputi siya makinis alam mong galing sa may kayang pamilya."
Natutop naman ni Aira ang sariling bibig sabay luwa ng mata nito.
"What if, isa pala siyang matinee idol? O kaya, isa siyang Oppa?" anas nito sabay kilig.
Inirapan naman agad ito ni Diamante.
"Anong akala mo kagabi, nag-shooting ako ng K- drama ganoon?"
"Ikaw naman, binibiro lang kita!" natatawang sagot ni Aira saka nag- seryoso.
Sasagot pa sana si Diamante subalit biglang tumunog ang selpon nito. Bantulot nitong kinuha mula sa loob ng kanyang bag at sinagot iyon.
"Ano po!" napalakas ang boses ni Diamante sa pagsagot nito sa tumawag.
Curious na curious naman si Aira na nakatitig sa kaibigan bagaman hindi nito naririnig ang usapan nina Diamante at ang tumawag.
"Sino 'yong tumawag?" agad na tanong ni Aira nang maibaba na ni Diamante ang selpon nito.
"Iyong nurse sa hospital, gising na daw 'yong lalaking dinala ko doon." Sagot ni Diamante.
"Ano pang hinihintay mo, puntahan na natin!" excited na yaya ni Aira.
"Lukaret ka ba? Hindi ko iyon kaano- ano bakit ko siya pupuntahan? Bahala na siya sa buhay niya ano? Marami nang problema ang buhay ko ayoko ng dagdagan pa pakiusap." Saad ni Diamante.
"Pero, kawawa naman! Malay mo, pinapatay siya ng may inggit sa kanya para masolo ang kayamanan no'ng lalaki. O, kaya gustong papirmahin para maisalin sa nagpapatay sa kanya iyong nga ari- arian niya. Sige ka, hindi ka ba makokonsensiya kapag ganoon? Ayaw mo siyang tulungan? Papaano kung siya na ang taong tutulong sa'yo in the end?" paliwanag ni Aira.
Napailing-iling naman si Diamante na natatawa kay Aira.
"Ang taba talaga ng utak mo dahil sa mga napapanood mo ano?".
"Ipagpalagay mo ng ang OA ko. Pero sabi mo mukhang mayaman ang lalaki, paano kung tama ako?" Giit ni Aira.
Napaisip naman si Diamante. Paano nga kung tama si Aira? Paano kung totoo ngang isang rich ang lalaki at hinahabol ang mga kayamanan nito? Tutulungan niya nga ba o talagang tatalikuran na niya ang lalaking hindi naman niya kaano- ano?