Chapter 8
Luna's POV
"Luna, maiintindihan ka ng Mama mo. Uulitin ko, hindi mo alam ang daan papunta sa School ninyo. Paano na lang kung may nangyaring masama sa iyo sa daan? Mas malaking problema na naman."
"Nako, Nanay, diyan ka po nagkakamali. Alam ko ang daan papuntang school. Sa pang-araw-araw kong pagpasok sa school ay nakabisado ko na ito." Kinindatan ko siya nang bongga. "Iyon nga lang ang pinakaalam ko, eh!" pagmamayabang ko. "Nanay, sabi rin ng teacher kong kuripot sa grade ay maganda sa katawan ang paglalakad tuwing umaga dahil iyon ay nagsisilbing exercise natin. Dapat gawin ko 'yon para healthy ako palagi! Goodbye na po, Nanay!" Yumuko ako sabay takbo kaya nakalusot ako sa mga kamay niyang nakaharang.
"Luna!" tawag niya sa akin pero hindi na ako lumingon pa.
Tumakbo ako nang mabilis para mahabol ko si Ali. Ang totoo, hindi ko alam ang daan papunta ng school kaya siya na lang ang pag-asa ko. Napakamot ako sa ulo ko dahil hindi ko na siya makita. Paglabas ko ng kanto ay nakita ko siyang naglalakad. Napangiti ako nang malapad. Naka-jacket na siya ngayon at eyeglasses. Kailangan niya 'yon para hindi siya makilala at pagkaguluhan ng mga tao.
Lumapit pa ako lalo sa kaniya hanggang sa makarating ako rito sa likuran niya. Matagumpay akong natawa.
Hindi ko na iniinda ang sakit ng aking mga paa. Ang mahalaga ay makapasok ako sa school. Suot ko pa rin hanggang ngayon ang band-aid na ibinigay niya sa akin kagabi. Iniulit ko kasi naging espesyal ito sa akin. Bigay lang naman ito ni Ali sungit. Naalala ko na naman ang ngiti niya kagabi. Pakiramdam ko, nakabakat na iyon sa utak ko. Ayaw kasing maalis.
Nakangiting-aso lang ako habang nakatitig ako sa daan. Mayamaya pa ay may naramdaman akong matigas na bagay ngunit mabango na nakadikit sa mukha ko. May nabangga akong masarap na putahe. Ano kaya ito? Nako, tao yata ito? Nanlalaki ang mga mata ko nang mapagtanto ko kung sino ito. Si Ali! Nabunggo ako sa malapad niyang likod.
"Turn left. After that, you'll see a gasoline station. Just walk that highway without turning." Napanganga ako nang humarap siya sa akin sabay alis ng shades niya. Ang guwapo! "I already told you the direction, from here to school. Now, keep distance," madiin niyang utos. Napakurap ako sabay lunok. Akala ko pagkain, si Ali lang pala.
Muli niya akong tinalikuran pero nanatili pa rin akong nakasunod sa kaniya. "Hmmm," masayang awit ko. Mahilig kasi akong kumanta nang walang lyrics.
"I said stay away!" pikon niyang sinabi. Nagulat pa ako nang bigla na lang siyang lumingon.
"Hindi naman kita nanakawan kaya 'wag kang matakot sa akin, Ali. Akala mo siguro snatcher ako, 'no? Shunga ka talaga! Ako ito, si Luna." Nag-pout ako para maawa siya sa akin.
"Stop pouting. Mukha kang pato," malamig niyang sabi.
Napatakip naman ako sa bibig ko. "May tatlong bibe akong nakita-" Naputol ang kanta ko nang titigan niya ako nang masama.
"Pato is different from bibe," pagtatama niya.
"Ganoon ba? Magkamag-anak pa rin naman sila, ah!" napapaisip kong wika. "Magkamukha kaya sila at saka parehas sila ng lakad! Parang naka-diaper!" Tawa ako nang tawa pero nakatiim lang ang mukha niya. Nakatatawa kaya 'yon!
"Funny," patuya niyang ani. Napatigil tuloy ako sa katatawa.
"Oo! Funny talaga," mangiyak-ngiyak kong sang-ayon. Medyo lumapit ako sa kaniya. "Ali, parehas talaga sila ng lakad," halos pabulong kong sabi. "At ang lalaki ng mga puwet nila. Try mo kayang panoorin sila," Natatawa kong patuloy. "Iyong puwet nila nakatatawa.
"At least they have big butts unlike you." Nawala ang ngiti ko sa sinabi niya.
Wala sa loob akong napahawak sa mga butts ko. Mayroon naman, ah! "Ali, mayroon naman, eh."
"Wala," tipid niyang balik.
Wala sa sariling pinisil-pisil ko ulit ang mga ito. "May laman kaya." Panay pa rin ang pagpisil ko.
"Stop hoping," aniya sabay talikod.
"Magkakaroon din ako!" inis kong hiyaw sa kaniya. Sinabi ko na nga lang na mayroon. Ayaw niya'ng maniwala. Alangan ipahawak ko pa sa kaniya para maniwala siya? No way! "Magdadalaga pa ako sabi ni Mommy noon. Magkakaroon din ako nang mas malaki pa rito," nakanguso kong sambit.
"Dreaming again, Luna," nang-uuyam niya turan habang abala sa paglalakad.
"Mayroon kaya," bulong ko pa rin sa sarili ko. "May tatlong bibe akong nakita. Mataba, mapayat na mga bibe ngunit ang may papak sa likod ay iisa. Siya ang lider na nagsabi ng kwak!kwak! Kwak! Kwak! Kwak!" masayang kanta ko. Hindi ko na alam kung tama pa ang mga lyics ko. Basta makanta ko lang, ayos na.
Mayamaya pa ay bigla na lang dumagsa ang napakaraming tao. Nakita ko si Ali na pinagkakaguluhan nila. Maraming nagpapa-picture sa kaniya at ninanakawan pa siya ng kiss sa pisngi. Nanlaki tuloy ang mga mata ko. Nakalimutan kasi niyang isuot muli ang shades niya kanina. Nakilala tuloy siya ng mga ito.
"Ali, pa-picture naman at pa-sign ng autograph, please!"
"Yiee! Papa Ali!"
"Fan na fan mo ako talaga! Pa-hug naman!"
"Ali, sino 'yong kasama mong girl? Girlfriend mo ba?"
"May secret girlfriend ka na?"
Sari-saring sigawan ang mga tao rito. Karamihan sa kanila ay mga babae. Nakita ko si Ali na medyo nahihirapan na sa paglalakad dahil sa mga taong nakaharang sa kaniya. Kawawa naman siya. Dapat may gawin ako. Male-late na rin kasi kami sa klase.
Tumakbo ako palapit sa kaniya. "May klase pa po siya. Padaanin ninyo po siya. Please lang," pagsusumamo ko pero hindi nila ako pinansin. Nagulat ako nang may tumulak sa akin dahilan para maipasubsob ako sa semento. "Aray!" impit kong sambit. Tumayo ako agad. Pakiramdam ko, nag-anyong toro na ako sa galit. Masakit kaya 'yon! "Mga letsugas kayong nilalang!" bulyaw ko sa kanilang lahat.
Para naman silang nakakita ng diwata dahil natigagal silang lahat. Ngayon lang ako natauhan. Malakas din pala ang pagkakasabi ko. Hinawi ko silang lahat palayo kay Ali pero nagsilapitan din sila agad dito. Gusto ko na ring maiyak kasi ang kukulit nila!
Natigilan kami nang may magarang sasakyan ang tumigil. Bumukas ito at bumungad sa amin ang maamong mukha ni Kylie. "Ali!" tawag niya rito. "Get in here in my car," isinigaw nito.
"Si Kylie Florentez!"
"Sabi ko na nga ba, sila na!"
"Kylie, pa-picture!"
"Ang sweet nilang dalawa!"
"Kinikilig ako! Pati ba naman dito sa labas, sweet sila sa isa't isa?"
"Nakaiinggit!"
Ang sari-saring bulungan at hiyawan ng mga tao sa paligid.
Natigilan naman ang ibang mga tao saglit at mas lalo pa silang nagkagulo kalaunan. Dalawang sikat lang naman ang nandito na ngayon. Napatingin si Ali kay Kylie. Nakaramdam ako ng inis dahil nagmamadaling umalis si Ali sa kumpulan ng mga tao para makalapit sa sasakyan ni Kylie. Nang makalapit nang tuluyan ay agad-agad siyang pumasok sa loob. Nakita ko ang matamis na pagngiti ni Kylie sa ginawa niya.
Para akong nanghina nang umandar na ang sasakyan. Nakatitig lang ako kay Ali habang nakatingin naman siya kay Kylie. Napabuntong-hininga na lang ako nang malalim habang palayo sila nang palayo. Bakit parang may tumutusok-tusok sa puso ko na libu-libong karayom? Ipinagtanggol ko siya sa mga tao pagkatapos iiwan niya ako rito nang mag-isa?
"Ikaw ang dahilan kaya hindi ako nakapagpa-picture kay Ali!" inis na sisi sa akin ng babaeng kaharap ko ngayon. Wala akong ganang makipagtalo ngayon kaya nilagpasan ko siya. "Hey! Kinakausap pa kita! Stalker ni Ali!" malakas niyang bulyaw sa akin. Pinagtitinginan na tuloy kami rito.
"Idol ko rin kasi siya. Syempre sarili ko muna bago ang iba," pagsisinungaling ko. Naningkit naman ang mga mata niya sa galit.
Tumakbo na lang ako nang mabilis para matakasan siya. At ang isiping late na ako ay mas lalong nagpakuripas sa aking takbo.
Sumasakit na naman ang mga paa ko pero pinilit ko pa ring tumakbo nang mabilis. Natataranta ako sa tuwing napapatitig ako sa relo. Nalaglag ang panga ko nang makarating ako rito sa gate ng school namin. Nakasarado na ito. Malungkot akong naglakad patungo sa guardhouse.
"Good morning po, Sir." Pilit na ngiti ang ginawa ko.
"Oh, hija... Bakit ngayon ka lang? Late ka na. Nag-umpisa na ang flag ceremony," aniya.
"Oo nga po, Sir. Naglakad lang po kasi ako papunta rito."
"Ganoon ba? Dumiretso ka na lang sa guidance counsellor mamaya para sa admission slip para mai-excuse ka nila sa pagiging late mo." Inabot niya sa akin ang log book para makapag-sign. Sobrang higpit ng school namin. Ang dami kasi nilang alam!
"Opo, Sir. Salamat po." Pagkatapos kong isulat ang pangalan ko, naglakad na ako patungo sa loob.
Umupo muna ako malapit sa library habang hinihintay kong matapos ang flag ceremony. Ibinaba ko ang pack bag ko at niyakap ito. Naaalala ko na naman ang nangyari kanina. Ganoon ba talaga kawalang-paki sa akin si Ali? Wala ba talagang halaga ang pagiging asawa ko sa kaniya? Naapektuhan ako sa ikinilos niya kanina at hindi ko rin mawari kung bakit.
"Luna, masanay ka na lang, okay? Ganoon talaga," bulong ko sa sarili, pilit ipinapaintinding doon kami unang nag-umpisa at doon din matatapos.
"Masama 'yong kinakausap mo ang sarili mo." Natulala ako sa harapan ko. Walang tao roon. "Baka pagkamalan ka pang baliw riyan."
Lumingon ako para malaman kung sino siya. "Drake," mahinang bigkas ko sa pangalan niya.
"You know my name?" nakangiting tanong niya. Naglakad siya patungo sa akin at umupo sa tabi ko. Umusog naman ako nang kaunti para hindi kami masyadong magkalapit.
Narinig ko lang ang pangalan niya dahil sa mga classmates ko. Madami rin kasing nagkakagusto sa kaniya sa classroom namin. Basta pagdating sa grupo nila, marami talagang nagkakainteres na mga babae. Mas madami nga lang fans si Ali sa kanila dahil bukod sa artista at talent ay matalino pa. Sumunod si Drake rito dahil artistahin at matalino rin.
"Naririnig ko lang ang pangalan mo," nahihiyang sagot ko. Napatitig ako sa mukha niya nang matagal. Grabe, guwapo nga siya! Pasimple ko siyang inamoy. Ang bango rin!
"Really? At least you know that it's me," tuwang-tuwang balik niya.
"Lahat naman kilala ka, eh." Napakamot na lang ako sa hiya.
Tumawa siya at nginitian ako pagkatapos. "Ang cute mo." Natahimik naman ako sa komento niya. Nagkatitigan kami nang matagal at hindi ko alam kung ano ang nag-udyok sa akin para makipagsagupaan sa mga mata niya. "Ano'ng pangalan mo?"
Nahimasmasan ako sa tanong niya. "Ah, Luna! Luna ang pangalan ko," pakilala sa kaniya.
Napangiti siya nang matamis. Inilahad nito ang kaliwang kamay patungo sa akin. "Nice to meet you, Luna. I'm Drake..."
Ngumiti muna ako bago malugod na tinanggap ang palad niya. "Nice to meet you too..."
Bahagyan akong yumuko para suriin ang mga paa ko. Napangiwi ako nang makaramdam ako ng hapdi. Dahan-dahan kong ibinaba ang medyas ko. Lumantad ang sugat kong namumula na ngayon. Napakagat ako sa ibabang-labi ako habang tinatanggal ko ang band-aid na linagay ni Ali kagabi. Napangiti ako nang mapait habang nakatitig ako sa drawing nitong penguin. Naalala ko na naman kasi ang taong nagbigay nito sa akin. Huminga ako nang malalim saka ko ulit ito itinapal sa sugat ko.
"May sugat ka." Napasulyap ako kay Drake na ngayon ay taimtim na nakatitig din sa sugat ko.
Nag-aalangan akong ngumiti. "Oo nga, eh... Nakuha ko kahapon ito. Mayroon pa nga sa isang paa ko." Ibinalik kong muli ang pagkakasuot ng medyas ko sa paa ko.
Napakurap ako nang tumayo siya at naglakad papunta sa harapan ko. Natigilan ko nang lumuhod siya sa harapan ko.
"Mabuti na lang marami akong band-aids dito sa bag." Binuksan niya ang pack bag at inilabas ang isang blue na box na naglalaman ng maraming band-aids.
"Huwag na, Drake," saway ko sa kaniya pero nahawakan na niya ako sa kaliwang paa.
"Ano'ng 'wag na? Lalaki ang mga sugat mo kapag hindi mo tinapalan ng band-aid. Dapat nagpapalit ka rin lagi ng band-aid para hindi lumala. Just stay there and don't move," seryosong utos niya sa akin.
Dahil sa sinabi niya, napilitan akong sumunod sa kaniya. "Ang dami mo namang band-aids," ani ko habang pinanonood siyang nagtatapal ng band-aid sa kaliwang paa ko.
"Yeah," nakangiting saad naman niya. "Kailangan ko ang mga 'yan dahil lagi akong naglalaro ng basketball. Madalas din akong makatanggap ng galos kaya 'yon." Nag-angat siya ng mukha at hindi sinasadyang nagkatitigan kami saglit. Nag-iwas din ako agad nang mapunang parang wala na siyang balak humiwalay sa mga mata ko.
"Ganoon ba?" Napatunayan kong tama nga ang mga classmates ko, guwapo nga siya lalong-lalo na sa malapitan.
"Oo. 'Ayan, tapos ko na itong isang paa mo. Ako na ang bahalang magtatapon nito mamaya." Tukoy niya sa band-aid na ibigay ni Ali.
"Nako, 'wag na!" pigil ko sa kaniya. Kinuha ko ito mula sa kamay niya saka ko dahan-dahang idinikit sa I.D ko. "May silbi pa naman ito," nakangiting sambit ko.
"Bawal maglagay ng kahit na ano sa I.D." pagpapaalala naman niya sa akin.
"Alam ko," nakangiting sabi ko. "Aalisin ko rin naman. Dito muna ito para hindi ko mawala."
"Okay," nakangiting pagsuko niya. "Bago ka lang dito sa school, 'di ba?"
"Paano mo nalaman?" kunot-noong tanong ko. Ngumisi lang siya sa akin bilang tugon. "Two months na ako rito. Bago pa rin ba 'yon?" tanong ko sa komportableng tinig.
Ngayon 'yong kanang-paa ko naman ang sinusuri niya. "May Boyfriend ka na?" Napataas ng kilay ako sa tanong niya.
"Wala," wala sa sariling sagot ko. Asawa lang. Iyon sana ang gusto kong sabihin pero hindi naman na niya kailangang malaman iyon. "Bata pa ako. Hindi ko 'yan iniisip ngayon."
"Talaga?" nakangiting saad nito. Ano ba'ng mayroon sa sagot ko at tila nasisiyahan siya?
"Drake!" Napatingin kaming sabay sa taong tumawag sa kaniya.
"Aira," narinig kong sambit naman niya.
Mabilis niyang itinapal ang band-aid sa sugat sa paa ko saka niya maingat na isinuot muli ang medyas ko. Naaasiwa ako dahil nakahawak pa rin siya sa paa ko.
Nanlalaki ang mga mata ko nang makita ko ang mga ilang estudyanteng nakatingin sa amin. Hindi ko namalayang tapos na pala ang flag ceremony. Halos mga seniors pa naman ang mga naririto dahil dito talaga nakapuwesto ang mga rooms nila. Nakita kong nagbulungan ang ilan sa kanila. Siguradong kami ang pinag-uusapan nila. Agad kong binawi ang paa ko mula sa mga kamay ni Drake. Isinuot ko na rin ang sapatos ko.
Bigla akong nakaramdam ng hiya. Sikat si Drake rito sa campus at balita ko, may girlfriend na rin siya. Nadagdagan na naman ang pagkabahala ko nang makita ko si Ali at Kylie kasama ang nagngangalang Aira. Magka-classmates sila. Nakatitig lang sa akin si Ali nang blangko habang naniningkit naman ang mga mata ni Kylie. Para sa akin ba 'yon?
"What are doing with that girl?" inis na tanong ni Aira kay Drake.
Nagsipasukan na ang mga estudyante kaya kaming lima na lang ang natira dito sa labas. "Easy, baby... She's a friend," nakangiting sagot lang ni Drake.
"Ah... Papasok na ako sa klase ko," paalam ko sa kanila. "Sorry sa abala..."
"Wait, girl. You committed a crime and you have to pay first," nang-uuyam na pigil ni Aira sa akin.
"Crime?" Napaisip ako. 'Yon ba 'yong mga eksena sa SOCO? "Wala naman akong pinatay, ah," malungkot kong rason.
"Bobo." Narinig kong sambit ni Kylie. "Tama na iyan, Aira. 'Wag kang papatol sa mga students na galing sa lower section dahil hindi lang kayo magkakaintindihan," nakangising patuloy pa nito.
"Yeah! She's flirting my boyfriend! Hindi ko yata ito mapapalagpas," matalim nitong balik.
"Aira, stop! She's not flirting me, okay? I told you, she's a friend," mahinahong paliwanag ni Drake.
Napatingin ako kay Ali na wala pa ring ekspresyon ang mukha. "I saw her with Ali a while back. Mukhang ibang klase rin ang mga target niya." Napakunot ng noo ako sa sinabi ni Kylie. Hindi ko akalaing may ugali rin pala siya. May pagkamaldita siya ayon na rin sa mga ipinapakita niya.
"Wala akong alam sa sinasabi ninyo," tipid kong sagot. Isinuot kong muli ang bag ko at nag-umpisang maglakad palayo sa kanila.
"Baby, we'll talk later, okay? For now, I need to get an admission slip," ang nirinig kong paalam ni Drake sa kasintahan nito.
"We're not done yet, Drake!" mas matalim pa sa kutsilyong sagot naman ni Aira.
"I know, baby!" natatawang sabi lang nito.
Narinig kong tumakbo siya palapit sa akin. Nagulat ako nang makitang nasa tabi ko na siya. Nakangiti siya sa akin habang hinihingal siya.
"Lumayo ka nga sa akin. Nakita mo namang kung paano magalit iyong girlfriend mo, 'di ba?"
Napayuko ako. Medyo lumalayo rin ako sa kaniya kasi alam kong nakatingin pa rin sila sa amin. Sa lahat ng mga sinabi ko, ngiting-matamis lang ang iginanti niya. Nananadya ba siya?
End of Luna's POV
Kylie's POV
"That girl?" inis na sambit ni Aira. Nanlilisik ang mga matang nitong nakatingin pa rin kay Drake at sa babaeng kasama nito. "Humanda siya sa akin!"
"Aira, calm down. Hindi naman ganoong babae ang type ni Drake. Just relax and talk to him later," payo ko sa kaniya.
"No, Kylie. She will pay for this," madiin niyang saad saka siya padabog na pumasok sa classroom.
Talagang humanda ang babaeng iyon dahil hindi siya titigilan ni Aira. Oras na may lumapit na babae kay Drake, gera ang katapat nito. Aira is a war freak just like me. Mas malala nga lang siya dahil wala naman siyang iniingatang career, hindi kagaya ko.
End of Kylie's POV