Pagmulat ni Violet ng kanyang mga mata ay napatingin siya sa kabuuan ng kanyang kwarto at napansin niya na wala na ang binata. Sinubukan niyang hanapin ito sa loob ng kanyang apartment pero wala na ito kaya naman medyo nadismaya siya. Habang inaayos niya ang kanyang kama ay napansin niya ang isang papel na nakasingit sa kanyang cellphone sa ibabaw ng study table.
Nang binasa niya ito ay bigla siyang napangiti dahil nakasulat doon ang numero nito at sinabing babalik siya. Napailing na lang siya saka ibinulsa ang maliit na papel na iyon at tinapos na inayos ang kanyang higaan. Mamayang gabi pa naman ang kanyang trabaho kaya naisipan niyang mag-jogging na muna sa labas upang makapag-ehersisyo rin siya.
Nang nasa labas na siya ng kanyang apartment ay bigla niyang napansin ang sasakyan na kamukang-kamukha ng sasakyan ni Vaughn kagabi. Linapitan niya ito at nakita niya na ito nga ang sasakyan ng binata. Nagtaka naman siya kung bakit iniwan ni Vaughn ang sasakyan niya rito gayong umalis na ito sa kanya at nagpaalam.
Napailing na lamang siya at nagsimula siyang tumakbo habang hindi maalis sa isip niya kung saan ito pumunta para iwan niya ang sasakyan niya rito. Habang tumatakbo siya ay bigla na lamang siyang nakatanggap ng message sa kanyang cellphone at pagtingin niya ay isa itong numero. Pero nakapagtataka dahil ang numero na iyon ay galing pa sa ibang bansa dahil na rin sa area code na gamit nito.
Binasa niya ang nasabing text at gano’n na lamang ang gulat niya nang magpakilala ito bilang si Vaughn. Sinabi nito sa kanya na habang wala siya ay pwede niya raw gamitin ang sasakyan nito at nasa kanyang drawer daw ang susi. Napanganga na lang siya dahil paanong kayang ipagkatiwala ni Vaughn sa kanya ang kotse niya?
Ibinulsa niya ang kanyang cellphone at hindi rineplyan ang kanyang text dahil wala siyang extra. Hindi pa lang siya nakalalayo ay bigla nanamang nag-ring ang kanyang cellphone at nakita niya na si Vaughn ang tumatawag. Sinagot niya ito gamit ang kanyang bluetooth earphones.
“Hello?”
“Hello, Violet. Did you receive my text?” tanong nito sa swabeng boses na nagbigay ng kakaibang kiliti sa tenga niya.
“Uhm, oo. P-Pero bakit mo naman ipagkakatiwala sa akin ang sasakyan mo? Paano kung isangla ko iyon dahil wala akong pera?” Nanahimik ito sa kabilang linya saglit.
“Ayos lang. I can buy a new one.” Napanganga siya sa sagot ng lalaki at napailing dahil hindi niya alam kung maniniwala ba siya rito. “Anyway, ikaw na ang bahala sa sasakyan ko at kung gusto mong isangla ay ayos lang din. I have to go. I’ll be seeing you soon, Violet.”
Nang mawala ito sa kabilang linya ay hindi niya alam kung pinaglululoko lang siya ng binata o totoo ba ang sinasabi nito. Pakiramdam niya ay nahihilo siya sa mga pangyayari dahil sobrang bilis ng nangyayari sa kanilang dalawa ni Vaughn. Pangalawang araw pa lang simula nang magkakilala sila ay pinagkakatiwalaan na siya nito sa sarili niyang sasakyan.
Nang matapos siyang mag-ehersisyo ay bumalik na siya sa kanyang apartment at binuksan ang kanyang televisyon sabay kumuha siya ng kanyang mga damit at naligo. Matapos niyang maligo ay agad siyang dumiretso ng kusina upang uminom ng isang baso ng malamig na tubig. Pagkatapos ay nakita niya sa loob ng kanyang ref ang isang piraso ng cake na kanyang nakita at kinuha ito sabay umupo sa harapan ng tv.
Nang matapos siyang kumain ay nakaramdam siya ng pagkabagot kaya naman naisipan niyang patayin na lang muna ang telebisyon. Tinuyo niya lang ng kunti ang kanyang buhok hanggang sa makaramdam siya ng antok. Itinulog niya na muna ito at unti-unti siyang nakatulog ng mahimbing hanggang sa managinip siya.
Makalipas ang ilang oras ay maganda ang kanyang tulog at ngumingiti pa siya nang bigla na lang siyang magising sa sunud-sunod na pagtunog ng kanyang cellphone. Naiinis siyang gumising sabay kinuha ang kanyang cellphone at agad na sinagot ang isturbong tumatawag sa kanya. Saktong pagsagot niya ay napabalikwas siya sa kanyang higaan at napatingin sa kanyang relo.
“s**t!” mura niya sabay dali-dali siyang tumayo at nagpalit ng kanyang damit.
Sa sobrang sarap ng tulog niya sabay ang ganda pa ng panaginip niya ay hindi niya namalayan na kanina pa pala siya natutulog. Nakalimutan niya rin ang mag-set ng alarm dahil akala niya ay magigising siya bago ang kanyang shift. Pero nagkamali siya at ngayon ay isang oras na siyang late at nakita niya pa na mukhang kanina pa tumatawag ang kanyang mga katrabaho sa kanya.
Makalipas ang ilang minuto ay nakapalit na siya ng kanyang damit at lumabas na siya ng kanyang apartment. Habang tumitingin siya sa kanyang relo ay muli siyang napamura ng mahina dahil rush-hour pa man din ngayon dahil tapos na ang mga trabaho ng mga tao. Naisip niya na mahihirapan na siyang sumakay ng sasakyan at siguradong mananagot siya sa papalitan niya.
Habang nag-iisip siya ng maganda niyang gagawin ay bigla siyang napatingin sa sasakyan ni Vaughn na nakaparada sa parking lot. Ayaw man niyang gamitin ang sasakyan nito ay wala na siyang choice. Kaya naman hinugot niya sa kanyang bag ang susi nito na ipinagpasalamat niyang nandoon lang at mabilis na sumakay sa sasakyan ni Vaughn.
Mabuti na lamang at natuto siyang magmaneho noong nasa Pilipinas pa siya kaya naman mabilis niyang pinaandar ang sasakyan papunta sa kanyang trabaho. Habang nasa daan ay sumakto nga ang nasa isip niya dahil sobrang dami na ng tao at kung sakaling wala iyong sasakyan na gamit niya ay malamang hindi na siya nakapasok sa trabaho. Pagkarating niya sa trabaho ay mabilis siyang nag-log in at humingi siya ng tawad sa mga empleyadong naghihintay sa kanya.
Halos humihikaos pa siya habang inaayos niya ang kanyang buhok at nag-aapply ng kunting make up sa kanyang mukha. Habang ginagawa niya ito ay biglang pumasok si Laura at malawak ang ngiti nito habang nakatingin sa kanya.
“I saw you going out of that car? Is that new?” tanong nito sa kanya at nagkibit balikat lang siya.
“Uhm, yeah. Kinda,” sagot niya sabay linagpasan niya si Laura dahil ayaw niyang may mabanggit pa siyang iba rito.
“Okay. Pero in all fairness friend ang ganda ng sasakyan mo. Iyan pa man din iyong latest model ng BMW ngayon.” Napangiti na lang siya kay Laura pero sa loob-loob niya ay iniisip nga niya na hiram lang ang sasakyan na iyan.
Nang araw na iyon ay mabilis na dumaan ang araw hanggang sa natapos ang kanyang trabaho. Pinagpasalamat naman niya na hindi na muling inusisa ni Laura ang tungkol sa sasakyan niya na ginamit niya pa ng isa pang linggo. Sa isang linggo na iyon ay nasanay na siyang gumamit ng sasakyan kung saan ay kahit papaano ay gumaan ang kanyang pagpasok sa trabaho.
Mabilis na dumaan ang ilang linggo hanggang sa lumipas ang isang buwan. Nakasanayan na ni Violet ang mag-drive papunta at pauwi sa kanyang trabaho. Araw ng Lunes ay pinaparada ni Violet ang kanyang sasakyan sa mismong nakalaan na parking lot sa kanya. Pagkasara niya ng sasakyan ay dumako ang kanyang mga mata sa mismong sideview mirror ng sasakyan.
Napansin niya na may nakasulat dito na maliit na mga letra at sa isang buwan niyang ginagamit ang sasakyan ay ngayon lang niya ito napansin. Tinitigan niya ito at napansin niya na may nakalagay ditong mga letra na VANS.
“V…V…Vans?” basa niya rito. “Sino si Vans?” tanong niya sa kanyang sarili.
“That would be me.” Halos mapatalon siya sa gulat nang may marinig siyang nagsalita sa kanyang likuran.
Halos mapahawak siya sa kanyang dibdib habang nakasandal sa sasakyan nang makita niya kung sino ang nasa kanyang harapan.
“Vaughn?” tanong niya rito. “Hays. Ginulat mo naman ako. Pwede ba huwag mo nga akong bigyan ng sakit sa puso.”
“So? Ibig sabihin ba niyan ayaw mo nang magpakamatay dahil lang sa ex mo?” Inikotan niya ito ng kanyang mga mata at nagsimulang maglakad patungo sa kanyang trabaho.
“Nagkamali lang ako noong araw na iyon at nagkataon na may pinagdadaanan ako. Huwag kang masyadong feeling close dahil lang sa ginawa mo.” Ingos niya rito at natawa lang ng mahina ang lalaki.
“Bakit naman hindi? Ginagamit mo na nga iyong kotse ko ng isang buwan. Dapat lang naman siguro na kahit papaano ay makatanggap ako ng pasasalamat.” Hinarap niya ito at napatigil siya nang makita niya na parang gumwapo ito sa lumipas na isang buwan.
Pero kahit gano’n ay naisip niya rin na iyong mga mukhang katulad ni Vaughn ay siguradong habulin ng mga babae.
“At ano’ng klaseng pasasalamat naman ang gusto mong gawin ko?” mataray niya tanong niya sa binata.
Lumapit ang lalaki sa kanya na kanyang ikinabigla kaya pati siya ay napapaatras na lang hanggang sa maramdaman niyang lumapat na ang kanyang likuran sa isang matigas na bagay. Napalunok siya nang makita niya kung paano siya titigan ni Vaughn sa kanyang mga mata na para bang alam na alam nito ang buo niyang pagkatao. Kitang-kita niyang kung gaano ka-ganda ang mga berde nitong mga mata.
“Hmmm. Paano kung ibang pasasalamat ang gusto kong mangyari? Ibibigay mo ba sa akin?” tanong ni Vaughn sa kanya na nagpayanig bigla sa kanyang kalamnan.
“H-Ha? A-Ano bang gusto mo?” s**t! Bakit niya tinatanong ang bagay na iyon? Paano kung s*x ang gusto ng taong ito? Pagkausap niya sa kanyang sarili.
Pagkatapos ay biglang umangat ang kamay ni Vaughn at tinuro nito ang kanyang dibdib na kanyang ikinagulat. Masama siyang napatingin sa lalaki at bago pa man din niya sisitahin ito ay inunahan na siya ng lalaki.
“I want your heart, Violet. Will you give it to me?” Maang siyang napatingin sa binata at nakita niyang muli ang makalaglag panty na ngiti nito.
Nakatulala lang siya sa binata nang mahugot siya sa kanyang pag-iisip nang makarinig siya ng boses na tumatawag sa kanyang pangalan. Nang tignan niya kung sino ito ay napansin niya na si Jack ito at nakatayo ito sa may sidewalk habang nakatingin sa kanilang dalawa.
“J-Jack.” Napatingin siya kay Vaughn bago muling dumako ang kanyang mga mata kay Jack. Lumapit ito sa kanila at agad na nagharap ang dalawang binata na para bang nagsusukatan ang mga ito ng tingin. “Uhm, J-Jack si Vaughn, Vaughn si Jack.”
“Nice meeting you, bro,” sabi ni Jack sabay lahad ng kanyang kamay kay Vaughn na hindi tinanggap ng huli.
“Who are you?” mataray na tanong ni Vaughn na kanyang ipinagtaka.
“Oh, well, I am Violet’s soon to be boyfriend.” Napamulagat siya sa sinabi ni Jack lalo na nang tumabi ito sa kanya at pinulupot nito ang kanyang braso sa balikat niya.
Napatingin siya kay Jack na malapad ang ngiti na nakatingin kay Vaughn. Gusto niyang magsalita at sabihin na hindi iyon totoo pero sa sobrang gulat niya ay hindi niya iyon magawa. Napatingin na lamang siya kay Vaughn at gano’n na lang ang naramdaman niyang takot nang makita niya kung gaano kasama ang tingin nito kay Jack. Maya-maya ay napalitan ng kakaibang ngiti ang ekspresyon ni Vaughn at agad na pinasok nito ang kanyang kamay sa kanyang bulsa.
“Is that so?” Mayabang namang napangiti si Jack kay Vaughn na para bang panalo na siya. Napatingin si Vaughn kay Violet at ang sumunod na sinabi niya ay siyang nagpatahimik kay Jack. “Sorry, Violet my love, but I need to borrow the key to my car. I’ll fetch you after your work.”
Kinuha ni Vaughn sa kamay ni Violet ang susi ng kanyang kotse at bago ito umalis ay binigyan niya ng halik sa pisngi si Violet. Napatingin na lamang si Violet kay Jack na dahan-dahang inalis ang kanyang braso sa balikat ni Violet.
“Before you say something, make sure you know what you are talking about. Jack,” sabi ni Vaughn na may diin sa pangalan ni Jack bago niya ito linagpasan at tuluyan na siyang umalis.
Nang mawala na si Vaughn sa kanyang paningin ay doon lang siya natauhan at galit siyang napatingin kay Jack. Galit din naman siya sa ginawa ni Vaughn dahil sa ginawa nitong paghalik sa kanyang pisngi. Pero ang hindi niya gusto ay pinangunahan na ni Jack ang kanyang desisyon na siguradong-sigurado na siya na magiging sila. Mabilis na pumasok si Violet sa loob ng restaurant at iniwan si Jack na tinatawag ang kanyang pangalan.