THE LADY SOLDIER ACTOR

2738 Words
CHAPTER 4  May tatlong katok sa pintuan ng aking kuwarto. Ang mga katok na iyon ang siyang nagdala sa akin sa kasakuyan. Iyon ang hudyat na ang lahat ng iyon ay isa na lang alaala. Masakit na alaala ng nakaraan. Muling naulit ang katok sa pintuan. Mabilis kong pinunasan ang aking luha. Kinuha ko ang mga na-print kong pictures ni Brad at inipit ko iyon sa aking libro. Bumukas ang pinto. "Kumain ka na anak?" si Mama Sheine. "Hindi pa po." Sagot ko. "E, anong ginagawa mo diyan. Bumaba na at sabayan mo na kaming kumain ng papa mo." "Opo. Salamat po." Maikli kong sagot. Isasara na sana niya ang pintuan ngunit parang biglang may napansin siya sa mga mata ko. Pumasok siya. Umupo sa gilid ng kama. "Bakit namumula ang mga mata mo? Umiiyak ka na naman ba?" "Hindi ho. Kinamot ko lang ho kasi makati." Pagsisinungaling ko. "Ganun ba? May eyemo sa kuwarto. Bago lumala pa 'yan e dapat gamutin na. Baba ka na at kakain na tayo." “Opo Ma, bababa na po.” “Sige, hihintayin ka namin ha?” Bago ako sumunod kay Mama Sheine ay muli kong pinagmasdan ang picture ni Brad. Huminga ako ng malalim. Alam kong wala siyang kasalanan sa pagkabunggo ni Nanay noon. Hindi ko siya dapat sisihin sa lahat ng mga nangyari sa aking buhay. Kaya lang hindi ko makalimutan ang araw na iyon dahil iyon na rin ang huling araw na nagkita kami. Ni wala na akong naging balita pa sa kaniya mula noon. At ngayon, isa na pala siyang artista. Paano nangyari iyon? Paglatapos ng araw na iyon, anong nangyari sa kanyang buhay? Napakarami kong mga katanungan at alam kong tanging si Brad lamang ang makapagbibigay sa akin ng kasagutan. Ngunit paano? Paano ko siya aabutin ngayong isa na siyang sikat na artista. Pagbaba ko sa sala ay naabutan ko si Manang na nanonood ng teleserye. "Grabe, ang guwapo talaga ng batang 'to." Kinikilig niyang sambit. Nakabukaka pa na parang akala mo heredera at donya. "Anong pinapanood mo Manang?” tanong ko. Hindi ko na hinintay pang sumagot siya. Tumingin na rin ako sa TV. Sumabit sandali ang aking paghinga. Oh my God! Si Brad. Nasa teleserye na din pala siya. Huminto ako. Napangiti ako sa kaniyang pag-arte. Natural na natural. Kahit nakasando lang siya ng itim at nakapantalon ng maong ay nangingibabaw pa rin ang kaniyang kaguwapuhan. Hindi ko namalayang umupo na rin ako sa tabi ni Manang na kinikilig habang nanonood. Hindi ko na natanggal ang mga mata ko sa TV. "Shantel, ano ba? Kakain na." tawag ni Papa Zayn. "Pa, sandali lang panonoorin ko lang to, please?" hindi ko inaalis ang nakapako ko nang mga mata sa TV. Nakangiti ako. Hindi makapaniwala na naroon na nga ang aking kalaro at kaibigan. Parang kailan lang noong nagnanakaw siya ng pagkain naming dalawa, ngayon isa na siya sa mga rising star g paborito kong network. Hindi nabubura ang ngiti sa aking mukha hanggang hindi natatapos ang isang episode. Patalastas. "Manang kanina pa ba 'yan nagsimula?” tanong ko kay Manang na sumasabay ng puna sa pinapanood. Andami niyang mga sinasabi habang nanonood. Kulang na lang siya ang director sa teleserye. “Hindi, kasisimula pa lang.” “Kayo ba hindi muna kakain? Lalamig yung pagkain na inihanda ninyo sa hapag-kainan.” Si Mama Sheine sumilip mula sa kusina. “Mauna na kayo. Tapusin ko lang ito.” Sagot ni Manang na parang kapamilya na rin naman namin dahil matagal na siyang kasambahay nina Mama Sheine. “Anong title niyan Manang?" interesado kong tanong.   "The Lady Soldier ang pamagat niyan. Ngayon lang week na ‘to 'yan nagsimula. Maganda ano? Ang ganda rin kasi nong partner ni Zanjo diyan na bida." “Zanjo?” “Oo Zanjo, iyon kasi ang pangalan diyan nong lalaki na ‘yan.” “Ah si Brad. Zanjo ang pangalan niya sa teleserye. Tama ba ako?” “Yun nga.” “Tapos yung babae anong pangalan niya bilang artista?” pangungulit ko. “Maganda rin ano? Yan matagal na talagang sikat ‘yan na artista. Andami na niyang nagawa na pelikula at teleserye. Yung lalaki ang bago lang.” “Ano ngang pangalan nong babae, manang.” Andami pang pasakalye ni Manang. “Si Erin. Hindi mo alam? Dapat nga sa’yo ako nagtatanong ng mga pangalan ng mga ‘yan e.” “Hindi naman kasi ako mahilig manood. Manang, puwede hong kapag magsimula 'yan gabi-gabi ay tawagin niyo ako? Gusto kong subaybayan eh." "Sige nang may kasama akong nanonood sa bahay na ‘to. Patalastas palang naman. Kumain ka na kaya muna doon." "Mamaya na ho. Tapusin ko na lang muna ito," sagot ko. "Naku magagalit ang Papa at Mama mo niyan e. Baka mamaya niyan pati ako madamay ha?” “Hindi ho.” “Ano ba yang pinapanood ninyo at hindi na makaalis si Shantel dito, Manang?" si Mama Sheine. Nasa harap na namin. Nakapamaywang na. Alam kong kung ganoon ay kailangan ko nang sundin ang sinasabi niya. Tumayo ako ngunit hindi ko maialis ang aking mata sa TV lalo pa't nagsisimula na naman. "The Lady Soldier ang title niya. Bagong teleserye. Ngayon lang nagsimula." "Dude ko, halika ka dito ah," tawag ni Mama Sheine  kay Papa Zayn. "Akala ko ba kakain na?" bungad ni Papa Zayn nang nakalapit na sa amin. Nakatutok na kaming tatlo sa TV. "Yung pamagat nang teleserye, ay The Lady Soldier daw. May naalala lang ako. Saka yung mga scenes niya, parang nakakarelate ako, parang nangyari sa atin?" ani Mama Sheine. “Ibinigay moa ng kuwento ng buhay natin sa kanila, paanong hindi gagamitin.” “Siya ng aba? So ‘yan na ‘yon?” “Malamang, medyo nilagyan na lang siguro nila ng dagdag drama at action.” “Ma, ano? Hindi pa ba kakain?” tanong ni Kuya Cedrick na may hawak ng hita ng pritong manok. “E anong tawag diyan sa ginagawa mo? Sa tingin mo hindi pa ba kumakain ‘yan?” nakatawang sagot ni Papa Zayn. “Ano ba kasi ‘yan pinapanood ninyo?” umupo na rin si Kuya Cedrick sa isang upuan. Nakatutok na siya sa TV habang kumakagat ng hawak niyang pritong manok. Umupo si Mama Sheine sa tabi ko. Sumunod ding umupo si Papa Zayn. Nilingon ko sila. Nakatutok na ang kanilang mga mata sa TV. Hinawakan ni Papa Zayn ang kamay ni Mama. Sumandig si Mama sa dibdib ni Papa Zayn. Tahimik silang nanonood na din ngunit ramdam ko ang pagmamahalan nila sa isa't isa. Tinignan ko ang TV. Eksaktong lumabas na din si Brad sa scene. Napalunok ako. Nilingon ko ang mga umampon sa akin. Tumingin muli ako sa TV. Sana darating ang araw magiging ganyan din kami ni Brad. Ngunit paano? Hindi ko na siya maabot. Nakalayo na siya. Sikat na siya. Maalala pa kaya niya ako? "Guwapong bata yung bida ano?" si Manang. "Anak sino siya? Parang bagong mukha." si Mama Sheine. "Si Brad po." Wala sa sariling sagot ko. "Brad? Parang hindi pangalan ng artista.” Natawa si Papa Zayn. "Parang brad, tol, pare, parang gano’n ang dating. Kung anu-ano na lang ang mga pangalan ng artista ngayon." " Bradly Santiago po ang buo niyang pangalan Pa." may diin ang sinabi ko. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng pagkairita nang tinawanan ni Papa Zayn ang pangalan ni Brad. Pero naisip ko. Tama nga naman si Papa. Naririnig ko rin kasi na yung brad ay tawagan lang ng mga magto-tropa. "Hayun naman pala hindi naman pala Brad lang . Bradly daw naman pala ang pangalan. Updated ang anak namin ah!" si Mama Shiene. Ginulo niya ang buhok ko. Kinikiliti-kiliti ang tainga ko. "Ehhhh Mama, nanonood ako eh!" "Sungit!" Hindi ko na lang pinansin. Napapangiti ako sa pinapanood ko. Tumaas ang paghanga ko kay Brad. Gumagaan ang pakiramdam ko sa tuwing naka-focus sa kaniyang mukha ang camera. Parang may kung anong kabog sa dibdib ko kapag nakikita ko siyang nakangiti. Kapag may mga parteng nakahubad siya at nakatutok ang kaniyang maamong mukha at gumagandang hubog ng katawan ay napapalunok ako. Mula noon ay wala na akong pinapalampas na araw na hindi ko mapanood si Brad. Lahat ng bago niyang picture sa internet ay meron ako. Updated ako lagi sa mga balita tungkol sa kaniya. Bago ako matulog ay ang fanpage niya sa f*******: ang una kong binubuksan at bago matulog ay mukha din niya ang aking pinagmamasdan. Kasama ko sina Mama Sheine at Papa Zayn sa panonood gabi-gabi mula noon. Sa sala na kami kumakain kung nataon na teleserye na niya ang ipapalabas na nagkataong buhay pala nila. Lalo ako nagkainteres na panoorin dahil noon ko pa gustung-gusto pakinggan ang kwento ng matindi nilang pinagdaanan. Iba pa rin pala kapag naisateleserye na. Mas ramdam, mas malalim ang dating. Alam kong hindi naman talaga mahilig sina Papa manood pero dahil gusto ko at kuwento nila ang pinapanood ko kaya nila ako sinasamahan. Minsan nga doon pa sila mismo nagkukuwentuhan sa sala habang nanonood kami. “Hayan, tanda mo ba yung scene na ‘yan dude.” “Oo nga, no tama, yan yung nalunod ka kunyari.” “Di ba? Hindi naman tayo ganyan katandan na noon. Dapat mas bata yung kinuha di ba?” “Siguro kasi…” "Papa kasi, ang ingay e. Di ko naririnig." pamumutol ko sa pagsasabay ng kwento nila sa pinapanood ko. Nayayamot kong reklamo kapag napapasarap sila ng kuwentuhan kasama si Kuya Cedrick at nakakalimutan nilang may nanonood. Napapa-thumbs-up din ang kakampi kong si Manang kapag ganoong sinusuway ko ang mga magulang kong naglalampungan kahit kumakain kami at nanonood. "Hayan, nagalit na si Ate. Huwag ka kasing magulo dude at lalabas 'yan sa exam niya bukas. Tayo pa ang sisihin kung hindi niya makuha ang tamang sagot." Kasunod iyon ng kanilang pigil na hagikgikan. “Sure ako Ma, perfect niya ‘yan bukas.” Pang-aasar din ni Kuya Cedrick. "Eh, ang kulit naman!" muli kong protesta. “Hindi na namin naiintindihan ang pinapanood namin ni Manang.” Hindi sila sasagot pero magbubulungan sila na parang nang-aasar kaya kadalasan nawawala ang concentration kong panoorin si idol. Hindi naman kasi gaanong mahalaga sa akin ang buong kuwento ng pinapanood ko, basta ang importante sa akin ay masilayan ko si idol gabi-gabi. Kaya kadalasan nauuwi sa asaran ang sana ay seryoso naming panonood. Nadadala nila ako. Nagtatawanan na lang kami hanggang sa kuwento na lang nila ako nakikinig. Mas diretso at totoong nangyari sa buhay nila. Saka na lang ako nakaka-concentrate manood kung may date silang dalawa lalo na kapag monthsary nila o anniversary. Lalo na kung bibisita sina Tito Rave at Tita Dame, wala na talaga, pista na sa bahay sa sobrang asaran at ingay nia. Daig pa nila ang mga bata kung mag-asaran. Dumaan pa ang panahon. Nagtapos ako ng Elementary. Ipinasok ako nina Papa sa isang mamahalin at exclusive high school ako. Nagkaroon kami ni Kuya Cedrick ng kapatid, si Elijah. Mommy ang kinalakhan na tawag ni Elijah sa mga umampon sa amin samantalang sa amin ni Kuya Cedrick Mama at Papa ang tawag namin. Kahit nang nagkaroon sila ng sarili nilang panganay, walang nagbago sa pakikitungo nila sa amin ni Kuya Cedrick. Never namin naramdaman na hindi nila kami anak. Si Kuya Cedrick college na rin. Katulad ko, wala na siyang mahihiling pa sa aming mga magulang. Lahat ng kailangan namin at kahit mga luxury na lang kung tutuusin ay ibinibigay sa amin. Napakaswerte namin sa kanila. Dahil sa kanilang kabaitan, lalo silang pinagpapala ng Diyos. Lalo pa’t alam namin ni Kuya Cedrick na lahat ng hindi naranasan noon ni Papa Zayn sa kabataan niya ay gusto niyang iparanas sa amin. Mula First year hanggang Second year ay aktibo kami ni Miley sa pag-maintain sa fan page ni idol Brad. Para sa amin, si Brad Santiago ang superstar at pinaka-gwapo sa lahat ng mga matinee idol. Dumami ng dumami ang nagla-like sa ginawa naming fanpage. Maraming nagmemessage at ipinapaabot kung gaano nila kagustong makita si Brad. Nakakalungkot lang na kami nga ni Miley ay hindi pa naming nakakaharap si Brad o kahit naka-chat man lang. Madalas namin nababasa n asana mapagbibigyan kami ni Brad ng kahit isang pagkakataon lang na magkaroon ng Fan Party kasama si idol. Sa akin imposible yata 'yun pero kay Miley, naniniwala siyang sila ni Brad ang itinadhana.   Unang nakita ko si Brad nang malayuan noong may mall tour siya. Nakipagsiksikan kami ni Miley para lang makita siya ngunit sa dami ng naunang tao ay hanggang sa pinakadulo lang kami. Kahit gaano siya kalayo sa akin noon ay langit na din iyong maituturing. Kinikilig ako lalo na nang kumanta siya. "Kumusta kayo sa likod." Singit niya noon sa kinakanta niya. "We love you, Brad!" sabay naming sigaw ni Miley. Gusto namin na kahit malayo kami ay marinig niya ang buong lakas naming isinigaw. Naglingunan ang mga nasa harap at tagiliran namin. Kumaway si idol sa amin. "I love you too!" sagot niya. Kinilig kaming dalawa. "Ohh ano! Ha! Inggit lang ang peg ninyo? E-eksena din kaya kayo at hindi ganyang nakasimangot kayo sa amin. Hellow! Maganda kami! May karapatan kami! E, kayo?" si Miley na kahit kailan ay isang maldita at palaban kahit saan kami makarating. "Uyy ano ka ba? Huwag kang mang-away sa mga katulad nating fans. Baka mamaya isa sa kanila ang mga nag-like sa fan page natin para kay Brad. Behave ka nga. Baka mamaya masira pa si Brad sa kamalditan mo e. Tandaan mo, makakaapekto ng malaki sa madling people ang ugali ng supporters ni idol. Baka tayo pa ang dahilan ng pagbagsak niya." "Ayy ang haba naman ng kuda sis. Halatang-halata ang pagka-protective. Kaloka ka. O siya samahan kita sa pagiging Maria Clara mo with a touch of Virgin Mary!" "Sandali nga. Uyy! Kita mo? Parang nakatingin si Brad sa atin.” “Totoo?” “Tignan mo kasi ah. Oh My God! Nakilala niya kaya ako? Alam niya kayang ako ito?" kilig kong bulong kay Miley. "Ilusyonada! Andiyan ka pa rin sa pangarap mong kababata mo siya at hindi ka na nakaka-move on. Tama na yung President ako at Vice-President ka ng hindi official na fans club niya. 25k na din ang nag-like sa page natin ano. Sana mapansin iyon ng Manager niya at tawagan niya tayo para makilala natin siya ano?" "Two years na nga yung fan page natin na iyon, pero wala naman nangyayari. Sa totoo lang, nawawalan na ako ng pag-asa na dahil diyan sa f*******: na 'yan ay mapapansin din tayo. Ilang taon pa ba ang kailangan nating hintayin. Ilang likes ba ang kailangan nating ipunin. Lagi naman tayong present sa lahat ng mall tour, nanonood sa premier nights ng mga movies niya pero sa kasawiampalad na hindi man lang natin siya malapitan. Kahit nga sa mga pelikulang extra lang siya o kaya napadaan lang, hindi din natin pinapalagpas puntahan pero anyare?" "Nganga!" nakatawang sagot ni Miley. "Ano ka ba, huwag kang mawalan ng pag-asa. Hinihila mo ako sa pagiging nega mo. Malalapitan din natin siya! Makikilala din niya tayo. Malay mo maging bestfriends pa niya tayo.” “Talaga? Umaasa ka pa rin?” “Oo no. Positive ako diyan. Huwag ka ngang nega Shantel! Nakakainis ka na.” “Okey e, di positive lang.” At tulad ng mga nakaraang gabi. Uuwi kami ni Miley. Mangangarap na sana next time makikilala na niya kami. Makaka-handshake din namin siya. Kahit iyon lang siguro masaya na ako. Kahit makadaupang palad ko lang si idol. Kahit hindi na niya ako maaalala pa. Masaya na ako kahit malapitan ko lang at makamayan ang superstar ng buhay ko. Hihiga na sana ako nang tumunog ang cellphone ko. "Hello. Gabing-gabi na at pagod na pagod. Hindi ba pwedeng bukas na lang ‘yan. Sige na!” “Gagang ‘to! Sinagot mo pa kung ikaw lang rin naman pala ang magsasalita ta’s bye na agad! Bruha ka taaga e ‘no. Kung nakakabili lang ng tumpukan na best friends sa divisoria, bili akong sandosenang tumpok at ikaw ang una kong ililgwak! Nyeta ka.” “Naku andami mo pang sinasabi, o ano na. Bakit ka napatawag bespren!" "OMG! Makinig ka! Hindi ka maniniwala pero this is it!" kinikilig na bungad ni Miley. At mukhang magkakatotoo na nga ang aking pangarap. Makikilala na kaya ako ni Brad kung magkaharap na kami ng malapitan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD