TUMULOY si Ginny sa susunod niyang klase na nasa 3rd-floor ng parehong building. Parang wala siya sa sarili habang naglalakad. Iniisip niya ang mga naganap sa kanya sa loob ng wala pang beinte-kuwatrong oras.
Nakasalubong niya sa hallway ang lalaking pinagkaisahan ng grupo ni Cloud ng nagdaang araw.
Oh, my gosh! Kakatakas ko lang kanina sa isa, eto na naman?
Parang gusto niya nang maiyak sa nagaganap. Para ba kasing pinaglalaruan siya ng tadhana na makita ang mga taong ito at pinarurusahan siya sa pagiging pakialamera niya.
Nilapitan siya nito. "Hi! I`m Marky"
Tinaasan niya ito ng kilay. Ibinaba ang paningin sa palad nito na nakalahad. Hindi niya alam kung tatanggapin niya ang pakikipagkamay nito. Tiningnan lang niya iyon at hindi tinanggap. Ikinamot na lang nito sa ulo ang sariling kamay dahil halata na napahiya ito sa inakto niya.
"Gusto ko nga palang mag-thank you sa `yo sa tulong mo sa `kin kahapon," sabi nito.
"No problem. Kung okay lang sana tutuloy na `ko sa susunod na klase," aniya at nagsimulang humakbang palayo sa binata.
Sa hindi niya malaman na dahilan, nakaramdam siya ng inis dito kay Marky. Una, siguro dahil pinabayaan siya nito doon sa devil na si Cloud Han ng nagdaang araw. Pangalawa, dahil siguro sa nabasa niya sa forum. Kung hindi niya ito tinulungan, ang sarap sana ng buhay niya ngayon dahil nananatili ang kapayapaan niya sa eskuwelahan. Kung bakit naman kasi nakialam siya rito. Iniwasan niya na ito at nagpatuloy sa paglakad.
"Wait! You`re Ginny, right?" Bigla itong humarang sa dadaanan niya.
"Yes," simpleng tugon niya.
"I saw the forum. Is it true?" Nakangisi pa ito nang nakakaloko.
Hindi na napiliglan ni Ginny ang pagkadismaya rito. Nakakapalan siya sa balat nitong si Marky. Hindi ba nito alam na ito ang rason kung bakit mayroong fake news tungkol sa kanya? Hindi niya pinansin ang sinabi nito at binilisan ang paglakad upang maiwasan ang lalaki.
"Wait!" Hinabol pa rin siya nito.
Hinarap itong muli ni Ginny. "Look here, Mr. Marky. First of all, I am just sixteen. Six. Teen. Never pa akong nagka-boyfriend. Lalong-lalo nang hindi ako papatol sa isang dirty-old-fat-man na tulad ng sinasabi ro`n. Pangalawa, niligawan ako nang husto ng school n`yo. So, I have all the right para magmaganda at para hindi pansinin ang kung ano man ang sabihin ng mga estudyante sa `kin."
Tumango-tango ito. "If that`s the case, pwede ba kitang ligawan?"
Speed!
Makapal talaga ang balat, ha?!
"Marky!" Narinig nilang tawag mula sa isang direksiyon.
Parehas nilang nilingon ang isang babaeng papalapit sa kanila. Halatang galit ito. Maliit lang ang babae na sa tingin niya ay nasa limang talampakan at dalawang pulgada. Nakabestida ito ng light green na bagay sa kulay nito. Mestiza, brown ang mahaba nitong buhok, makinis, manipis ang labi at matangos ang ilong. Masasabi niya na isa ang babae sa mga magandang estudyante na nakita niya sa school. Para itong anak ng prinsesa.
Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanilang dalawa. "What is the meaning of this?"
Parang binuhusan ng mainit na tubig si Marky dahil namutla ito. Ayaw na niyang makisali pa sa kung ano man ang problema na mayroon ang mga ito. Hindi pa nga niya masulusyunan ang sarili niyang problema, dadagdag pa ba siya? Tinalikuran na niya ang dalawa nang naiiling.
"Hey! Hindi pa kita pinapaalis!" Hinawakan siya ng babae sa balikat.
Dahil sa bigla, nabitawan niya ang bitbit niyang mga libro at kumalat iyon sa sahig.
Gosh, ano bang klase ang mga studyante dito? May manyak, may basagulero, ngayon naman may mataray. Gusto niya nang ma-turnoff at bumalik sa dati niyang eskuwelahan. Sinimulan niyang pulutin ang mga kumalat na mga libro niya. Halatang nabigla rin ang babae. Hindi niya mapigilang sumimangot.
"B-babe, let`s go back na." Mukhang umiiwas si Marky sa gulo.
Babe? Tumaas ang kilay ni Ginny sa narinig. So, may girlfriend na pala ang lalaki at ang lakas pa nitong magtanong kung pwede na ligawan siya? Lalo siyang naasar dito kay Marky.
Umiyak ang nobya nito. "I should have listened to Cloud. Dapat naniwala ako sa kanya na nililigawan mo ang freshman sa business course at `yong isa mong classmate na girlfriend mo na rin pala!"
Hindi maiwasan ni Ginny na tingnan ang mga ito. Lalo siyang nadismaya kay Marky. Lahat ng amor niya ay narito sa babaeng... mukhang prinsesa!
"Listen, guys... Male-late na ako sa klase ko, and I don`t have more time to listen to your quarrels."
Lumakad na siya papalayo sa mga ito matapos sinupin ang lahat ng nahulog niyag gamit. Nag-iinit ang mata ni Ginny sa pagkadismaya.
Hmp! What a jerk?! May girlfriend na, naghahanap pa ng iba!
Nanghinayang si Ginny sa ginawa niyang pagtulong sa binata ng nagdaang araw. May karapatan pala ang grupo ni Cloud na bugbugin ito kung saka-sakali. She felt betrayed. Kung hindi niya ito tinulungan, wala sana siyang problema ngayon.
Pagkatapos ng klase niya, inisip niyang humingi ng tulong sa dean para mabura ang kung ano man na tungkol sa kanya sa forum.
NAGKATAONG tapos na ang klase niya para sa araw na iyon. Pero nakaramdam siya ng gutom kaya naisipan niyang magpunta na lang muna sa canteen para kumain. Nakapila na siya para um-order nang may lumapit sa kanyang limang kababaihan.
Tiningnan siya mula ulo hanggang paa ng isa.
"Do you have money to buy food here?" Halata ang disgusto at panghahamak sa mata nito habang nakatingin kay Ginny.
Tumawa ang mga kasama nito.
"Ang mga katulad mong mistress, hindi dapat nandito at kasama naming kumakain," anang isa bago ngumisi.
"Yeah, baka mahawaan mo pa kami ng virus mo," gatong ng isa pa.
Hindi niya pinansin ang mga ito. Ewan ba niya, simula kasi nang namatay ang daddy niya ay nabuhay na siya sa tsismis ng iba. Kaya siguro natutunan niya na rin habang tumatagal ang mang-deadma.
Ang ipinagtataka lang ni Ginny, bakit parang alam ng lahat na siya ang nasa forum na may pangalan na Ginny Lopez.
"Wow! At ngayon naman ay ang lakas ng loob mo na huwag kaming pansinin, ha?" Kinuha nito ang juice na nasa ibabaw ng lalaking napadaan at ibinuhos sa kanyang ulo.
Dahil sa bigla, hindi agad nakakilos si Ginny dahilan para mabasa ang buhok at damit niya. Naglandas ang dilaw na likido mula sa kanyang ulo pababa sa kanyang kasuotan. Isa-isang lumayo sa kanya ang mga nasa tabi dahil sa takot na mabasa rin ng inumin.
"Oh... my juice…" usal ng lalaking mayhawak ng tray kung saan iyon galing.
"Ganyan ang dapat sa `yo! Parang virus na dapat layuan," sabi ng nagtapon ng juice. May kahabaan ang buhok nito, balingkinitan ang katawan at higit sa lahat, primadonna! Umismid ito at lumabas ng canteen. Naglakad ito papalayo na parang walang nangyari at walang ginawa sa kanya.
Classmate niya ang lumapit sa kanya, classmate niya sa Economics.
"Hey! Are you okay?" nag-aalalang tanong nito.
Huwag kang iiyak, Ginny. Kaya mo `to.
Pinigilan niya ang luha na gustong kumawala sa mga mata niya. First time niyang mapahiya nang ganoon sa buong buhay niya. Naisip niyang gumanti doon sa babaeng nambuhos sa kanya ng juice pero mas nanaig sa kanya ang tamang gagawin. Nasa school siya ng mayayaman at ayaw niyang maka-offend ng kahit na sino.
Sa inakto nito, siguradong anak ito ng isang business tycoon, celebrity o kung sino pang mayaman sa bansa, tulad ng mga normal na mag-aaral sa LIU.
Kapag ginantihan niya ito, baka ipatawag pa ang kanyang ina. Nakakahiya kapag nagkataon dahil hindi pa ito nagkaroon ng problema sa kanya sa nakalipas. Nakaramdam ng lagkit ng katawan si Ginny. Inaya siya ng kaklase niya na pumunta muna ng dorm para maligo at magpalit ng damit. Hiyang-hiya siya habang pabalik ng dorm dahil kita sa damit niya ang kulay orange ng juice. Para siyang basang sisiw na naligaw lang sa loob ng campus.
Kailangan niyang kausapin ang dean para humingi ng tulong. Kailangan na tapusin niya ngayong araw ang problema. Cloud, humanda ka!
NAGPASALAMAT si Ginny sa classmate niya na ang pangalan ay Shey. Matagal na daw siyang napapansin nito pero hindi lang sila nagkakausap dahil parehas silang busy sa pag-aaral. Arts and design ang course ng babae dahil gusto daw nito na mag-artista kahit ayaw ng magulang nito.
Matangkad na babae si Shey. Nasa limang pulgada at siyam na talampakan. Halos balikat nga lang siya nito kung magkatabi silang dalawa. Maganda at balingkinitan ang katawan. Ume-extra na daw ito sa mga fashion shows para i-model ang damit, bag at kung ano pa. Ninteen ang edad nito at nagulat pa ito ng malaman na sixteen lang siya.
Nang naihatid siya nito sa tapat ng kanyang silid, noon lang din niya nalaman na sa parehas na ladies` dormitory building sila tumutuloy at sa parehas din na palapag. Sa ilang linggo niya kasi sa school, ngayon niya lang nakita ang babae doon. Ang sagot nito sa kanya ay bihira itong umuwi sa ladies` dorm dahil madalas itong umuwi sa pamilya nito. At busy rin sa trabaho.
"Don`t worry! Now that I found a friend baka mas madalas na `kong mag-stay dito sa dorm," sabi nito sa kanya.
Magaan ang loob niya kay Shey. Nagpaalam na siya rito na papasok na sa kuwarto niya para ayusin ang sarili. Nilinis ni Ginny ang sarili sa loob ng shower. Gutom na gutom na rin siya dahil wala pang laman ang tiyan niya simula pa nitong umaga.
Naisip niyang gantihan si Cloud sa parehas na paraan — kahit pa natatakot siya rito. Nagtulak lang sa kanya ang lakas ng loob dahil sa dami ng gustong mam-bully sa kanya. Siguro naman ay sapat lang na gantihan niya ang kung ano ang ginawa nito. Tinawagan ni Ginny ang kuya Brent niya at baka may magawa ito para sa kanya. IT specialist si Brent at alam niyang magaling ito pagdating sa internet at computers. Sa unang tawag, hindi niya nakausap ang lalaki kaya nag-message na lang siya rito na mayroon siya ritong kailangan. Ilang saglit lang, nag-ring ang telepono niya.
"Sorry, I`m busy kaya hindi ko nasagot kanina. Kamusta ka naman d`yan?" bungad nito.
"Plano ko na umuwi next week sa bahay. Nami-miss ko na kayo ng mommy." Bigla siyang nakaramdam ng kalungkutan ngayon na narinig niya ang boses nito.
"Sige, magde-dayoff din ako para makakain tayo sa labas. How`s your studies?"
"Uhm..." Nahipo niya ang kanyang baba habang nag-iisip. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang kuwento sa mga naganap sa kanya roon. Ayaw rin naman kasi niya na mag-alala ito.
Naramdaman ni Brent ang tensiyon niya. "Tell me, what is it?"
Hindi niya maiwasan na bumuntonghininga. "Okay, we have this bully in our school."
Hindi naiwasan ni Brent na tumigil sa ginagawa nito sa kabilang linya. "Sinaktan ka?"
"No! That`s not it," tanggi niya.
"Hindi nga ba?”
“Fine! C-can you find our school forum online?" tanong niya rito.
Nagsimulang magtrabaho ang kamay ni Brent. Pinaglalaruan naman ni Ginny ang unan sa tabi habang naghihintay. May tatlong minuto rin bago nito nakita ang school forum ng LIU.
Kung tutuusin, hindi mo magagamit o makikita ang blog o ang school forum ng LIU dahil sobrang private ng site nila kaya alam niyang matatagalan talaga ang kuya niya. Kailangan na nasa loob ka ng school library or school premises bago ka maka-access doon. Alam niya lang na magaling si Brent kaya makakagawa ito ng paraan para mahanap iyon.
Ilang segundo pa, nabigla siya nang napamura ito.
Lagot na! Napakagat-labi si Ginny.
"I will delete this blog right away. Sinong may gawa nito?!" Halata sa boses nito na hindi ito natutuwa.
"To be honest, `di ko siya talaga kilala. Once ko lang din siyang na-meet dito sa school namin," pagdadahilan niya.
Ikinuwento niya ang mga naganap sa kanila ni Cloud. Ikinuwento rin niya rito ang mga narinig niya mula sa guard at sa iba pa. Ang hindi niya lang ikinuwento kay Brent ay ang ginawang pangbu-bully sa kanya ng babae kanina. Natatakot kasi siya na baka pauwiin na siya nito sa bahay nila at ayaw niyang mangyari ang bagay na iyon.
Sa loob ng isang buwan, nag-enjoy na siya sa school ng LIU. Aminado siya na magagaling ang professors doon at maganda ang buong school. Kung sakaling dito siya sa LIU maka-graduate, siguradong hindi siya mahihirapan sa trabaho at sa future niya. Kaya naman kahit pa may hindi magandang nangyari sa kanya sa loob ng maghapon, alam niya sa puso niya na gusto niyang mag-stay at maka-graduate doon sa LIU.
"Mukhang naghahanap ng sakit ng katawan `tong Cloud na sinasabi mo," sabi nito sa kabilang linya.
"Kuya, I don`t want to spend some energy on him. Hangga`t maari nga ay ayaw ko siyang makita rito sa school."
"Cloud Han?" paninigurado nito sa pangalan.
Nagtataka si Ginny. Hindi niya naintindihan ang sinasabi ng kuya niya. "Ano?"
"Cloud Han ba ang pangalan ng bully na sinasabi mo?"
"I-I don`t know." Nagkibit-balikat siya. Wala siyang pakialam sa buong pangalan nito.
"Well, I have good news for you. Luckily, siya lang ang may pangalan na Cloud sa buong school records n`yo."
Nanlaki ang mata ni Ginny sa nadinig. Napatayo siyang bigla sa kinauupuan. "What?! Pinasok mo ang system namin?"
Bilib siya sa bilis nitong makakuha ng impormasyon. Pero mas bilib siya na napasok nito ang system ng LIU.
"It`s an easy task, my dear sister. Hmmm... Four years na palang estudyante sa school n`yo itong si Cloud Han. At base dito sa records, ilan sa mga subjects mo ay magkaklase kayo."
Sa loob ng isang buwan niya rito sa school, hindi niya nakita ang kahit katiting na anino ng lalaki sa kahit isa sa mga subjects niya. Ibig sabihin, wala itong planong pumasok o mag-aral.
No wonder, a trouble maker indeed.
"Okay, I will visit this site again. Sabihan mo rin ako kung sakali man na bumalik itong fake news sa `yo."
Napangiti si Ginny. Hindi siya nagkamali na tawagan ang kuya niya. Mukhang hindi na niya kailangan pang kausapin ang Dean. Gayunpaman, nabigla siya sa mga sumunod na sinabi nito.
"Unfortunately, for this Cloud Han, ikaw ang naisipan niyang bully-hin. Ha!"
"W-what do you mean?"
"Secret... That is my gift for you my little sister. `O, pa`no na, my dearest sister? I am busy. I have to go, bye!" sabi nito bago pinutol ang tawag.
Nakanguso siya na inilapat ang likuran sa kama. She spread her arms on the bed then stared at the ceiling. Pumasok sa isip niya kung ano nga kaya ang ginawa ni Brent para kay Cloud Han.
DAHIL gutom na gutom na talaga si Ginny, naisip niya na maghanap na lang ng pagkain sa labas matapos mag-ayos ng sarili. Pinapayagan naman na lumabas ng eskuwelahan ang mga estudyante ng LIU. Ang mahalaga lang ay makabalik sila bago mag-alas nuwebe ng gabi na oras ng curfew.
Paglabas niya ng pintuan, nagulat siya nang makita si Kyle na kumakatok sa tapat ng kuwarto ni Shey. Kumunot ang noo niya habang nakatingin dito.
Unang dahilan, alam niya na bawal ang lalaki sa loob ng ladies` dormitory at ganoon din naman ang mga babae sa dorm ng mga lalaki. Pangalawa, hindi niya alam na magkakilala pala ito saka si Shey. Halatang nabigla rin ito na makita siya roon. Halatang natatandaan siya nito.
Hindi na sana papansinin ni Ginny pa si Kyle kaya lang ay bumukas ang pinto ng kuwarto ni Shey.
"What are you doing here?!" angil nito kay Kyle bago siya nito napansin. "Ginny!" Para bang 180-degrees na nagbago bigla ang reaksyon nito nang makita siya.