Chapter 49

3001 Words
Gulat lang kaming nakatingin sa kaniya at hinihintay kung ano ang naging dahilan ng pagmamadali nito papunta sa amin. Hinahabol pa rin nito ang kaniyang hangin hanggang sa tuluyan na itong tumayo at tinignan kaming lahat na nandito. Bumaba na ito mula sa pinto patungo sa aming tatlo. "Ano 'yong narinig kong sigaw ng isang dragon?" Tanong ng aming Pinuno na si Yizun, "Impossibleng magkaroon ng dragon sa paaralang ito kung kaya ay sagutin niyo ang tanong ko." Maayos ang kaniyang pagtayo at maganda ang kaniyang pananamit pero hindi ko inaasahan na may ganitong katangian din pala ang aming pinuno. Siguro ay labis lang ang pag-aalala nito dahil sa nangyari kanina. Mukhang rinig na rinig nga ng buong paaralan ang pag-sigaw ni Fengari ah? Bakit ba kasi kailangan pa niyang sumigaw, hay naku. "Ipagpaumanhin niyo po, Pinunong Yizun," sambit ng tagapamahal sa lugar na ito, "Mayroon lamang po tayong isang espesyal na estudyante rito na mayroong Familiar na Dragon." "Familiar na Dragon?" Gulat na tanong nito, "Hindi ko pa naririnig na ang isang tao ay kayang paamuhin ang isang dragon." "Pwera na lang po sa pamilya na nagmumula sa Fengari,"tugon ni Elfrida at yumuko. Sa tuwing nababanggit talaga ang pamilyang iyon ay lagi na lang itong nalulungkot.  "Kung sabagay ay tama ka," sang-ayon ng Pinuno, "Ngunit, mula sa bayan ng Sola si Kori. Ang bayan na iyon ay tanging mga normal na tao lamang ang naninirahan doon." "Hindi po namin alam,"dugtong ng lalaki, "Ang importante ngayon ay tapos na po nilang kunin ang kanilang pasulit sa akin. Pasado ang dalawa kung kaya ay nararapat lamang silang pumunta na sa susunod na silid. Doon ay malalaman natin kung ano ba talaga ang kapangyarihang taglay ng dalawang ito." Natahimik naman ang pinuno at tinignan ako sa dalawang mata. Tila ba sinusuri nito ang pagkatao ko at gusto niyang malaman kung anong mayro'n sa akin at nakuha ko ang ganoong klaseng nilalang. Kung iisipin ay hindi naman talaga madali na amuhin si Fengari, masiyado itong malakas at nakakatakot. Hindi ko nga rin inaasahan na bigla na lang itong yuyuko sa akin at tratuhin ako ng parang isang prinsesa. Iyon ang labis kong hindi maintindihan sa lahat. Huminga lang ako ng malalim at tinignan pabalik ang pinuno, ayaw kong matalo dahil baka kung ano ang isipin nito, baka sabihin niya na may tinatago ako kung kaya ganoon na lang ang inaasta ko sa harap niya. "Kung gayon ay maari ka na kayong umalis," sambit ng Pinuno, "Ngunit asahan niyong maari ko kayong ipatawag dalawa. Mayroon lamang akong mga katanungan na gusto ko sanang masagot niyo, lalong-lalo na sa iyo, Kori. Isa ka pa lang baguhan dito at wala akong masiyadong impormasyon tungkol sa iyo, maari ba kitang maka-usap pagdating ng panahon?" Tumango lang ako sa kaniya at yumuko, "Tawagin niyo lang po ako at makaka-asa kayo na pupunta at pupunta ako agad sa inyong silid." Tugon ko rito. "Mabuti naman kung ganoon," saad nito, "Maari na kayong umalis at magpatuloy sa inyong pagsusulit." "Salamat po, Pinunong Yizun,"sabay-sabay na sabi namin ni Elfrida at naglakad na patungo sa hagdan. Tahimik lang kaming umakyat mula rito atsaka tuluyan ng lumabas. "Grabe talaga kapag si Pinunong Yizun na ang kaharap natin," sambit ni Elfrida at bumuga ng hangin. Natawa naman ako sa reaksiyon nito dahil nitong mga nagdaang araw na kung saan pinupuntahan namin si Pinunong Yizun ay wala lang sa kaniya. "Hindi natin maipagkakaila na sobrang makapangyarihan nito. Ano ba ang inaasahan mo sa isang pinuno? Mahina?" Natatawang tanong ko rito. "Hindi naman sa ganoon pero sobrang nakaka-ipit talaga ang enerhiya mula sa kaniya,"saad ni Elfrida at yinakap ang kaniyang sarili. Napapa-iling na lang ako sa ginagawa niya dahil parang sobra naman ang pinapakita nito. Tahimik lang kaming naglalakad sa mahabang pasilyo na ito na kung saan katulad na katulad sa unang pasilyo na dinaanan namin, ang pinagkaiba nga lang ay malinis ito at nasa ayos ang mga gamit. May daan pala rito, bakit hindi na lang kami dumaan sa lugar na ito? Pinahirapan pa namin ang sarili namin sa lugar na iyon eh. Hindi rin masiyadong madilim sa pasilyo dahil marami namang lampara sa bawat gilid nito. "Ano kaya ang laman ng ating Plate?" Tanong ni Elfrida, "Gusto ko sanang tignan pero mas mainam na mag-isa lang tayo." "Bakit?" Nagtatakang tanong ko. "May sabi-sabi na kapag ito pa ang unang beses mong makikita ang plate mo ay mas mabuti ng ikaw lang mag-isa, kapag daw kasi dalawa o mahigit pa kayo, maaring magbago ang anyo nito." Paliwanag niya. Naka-taas pa ang kaniyang daliri na parang sigurado sa kaniyang sinasabi. "Pwede ba 'yon?" Tanong ko. "Iyon ay, sabi-sabi lang,"natatawang sambit nito. Kinuha ko lang ang isang kahoy na nakita ko sa gilid at tinapon sa kaniya, agad naman siyang naka-iwas at sinenyasan akong hindi ko raw siya matatamaan. Baliw talaga. Kahit sabi-sabi ang bagay na iyon ay maaring totoo. Wala namang kakalat na ganoon kung walang naka-diskubri, hindi ba? Siguro ay sa ngayon, kailangan ko munang itago itong plate ko. Ayaw ko munang ipakita kay Elfrida 'yon, ako na lang muna. "Oo nga pala, Kori,"tawag ng aking kasama. "Bakit?" Nagtatakang tanong ko rito. "Sa susunod pala na pagsusulit ay magkaiba tayo. Marami kasing silid na gaganapin ang pagsusulit na 'yan, hindi katulad sa mga nagdaang pasulit na sa isang silid lamang. Tanging ang kukuha ng pagsusulit at magbabantay sa iyo lamang ang nasa loob." Paliwanag niya, "Huwag kang mag-alala, hindi naman ganoon kahirap ang pagsusulit ngayon. May ibibigay naman silang papel sa iyo kung ano ang nararapat mong gawin at ano 'yong hindi dapat. Kaya! Laban lang!" Natawa lang ako sa ginawang pagtaas nito sa kaniyang kamay at pag-kindat. Ang saya talaga kasama ng taong 'to, kapag nalulungkot ka na o kinakabahan ay nandiyan lang siya para maging maayos ang iyong pakiramdam. Ngayon ko lang din na pansin, hindi na masiyadong mabilis ang t***k ng puso ko. Hindi na ako masiyadong kinakabahan, pasalamat talaga ako sa babaeng 'to. "Pagkatapos ng pagsusulit na 'to ay magdi-diriwang tayo!" Sigaw niya. "Diriwang?" "Aba syempre naman,"saad niya. "Pero hindi pa nga sigurado kung pasado tayo sa susunod na pagsusulit,"sabi ko at tinignan ang paligid. Malapit na pala kami sa labasan ng pasilyong 'to, hindi ko tuloy maisip ang layo na tinakbo ng Pinuno dahil lang sa nangyari. "Sigurado na iyon,"ani nito, "Iyong dalawang pagsusulit lang naman talaga ang importante, itong huling pagsusulit ay titignan lang naman kung anong klaseng kapangyarihan ang mayroon ka at hanggang saan mo lang kaya itong pataasin." "Ganoon ba,"sambit ko. Tumango lamang si Elfrida atsaka nagpatuloy na sa paglalakad. Ilang sandali pa ay nakarating na rin kami sa pinakadulong bahagi ng pasilyong ito na kung saan doon ko lang na pansin na magkaharap lang pala 'to sa cafeteria. "Hali ka na,"aya ni Elfrida, "Panigurado ay tapos na rin ang ibang mga kasama natin. Kailangan na natin magmadali at baka maunahan pa." Bakit naman namin kailangan pa magmadali? Hindi ba at sinabi niya sa akin na iba-iba ang mga silid naming lahat? Minsan talaga ay ang gulo ka-usap nitong si Elfrida. Umiiling na sumunod na lang ako sa kaniya na ngayon ay lumagpas na sa pinto ng Cafeteria. "Ilang araw na rin akong hindi kumakain dito,"sambit nito at napangiti, "Kung hindi dahil sa iyo ay marahil na ubos na naman siguro ang pera ko ngayon." "Marami ka pa bang pera?" Nagtatakang tanong ko rito at sumabay na rin sa kaniya. Ngumiti naman si Elfrida at hinawakan ang aking kamay. "Salamat sa iyo at buo pa rin ang pera na ibinigay ng pinuno sa atin. Hindi ko nga alam na makakaya ko pala na hindi gastusin ang pera ko ng ganito katagal,"paliwanag niya. Madali lang naman talaga ang mag-ipon, iyon lang ay kung desidido ka talaga. Kailangan mo lang na isipin ng mabuti kung saan patungo ang iyong pera o kailangan ba talagang gastusan iyon. Hindi ko naman sinasabing hindi mo na lang bibilhan ang iyong sarili ng masasarap na pagkain. Kailangan din naman iyon ng iyong katawan pero dapat din ay may limitasyon ang lahat. Hindi basta-basta napupulot ang pera sa tabi, pinaghihirapan 'yan. "Mabuti naman kung gano'n,"sabi ko at inikot ang aking paningin. Doon ko lang na pansin ang ilang mga estudyanteng naka-tayo sa tabi ng daan. Naka-yuko ang mga ito na para bang pinagbagsakan ng langit. Malungkot ang kanilang mga mata at mayroong iba rin na umiiyak. Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari kung kaya ay tinignan ko si Elfrida upang tanungin sana ito. Labis ang aking pagtataka na parang wala siya. Kung titignan ay para bang isang normal na pangyayari lamang ang nasa paligid namin ngayon. Hindi ko tuloy mapigilan ang sarili ko na magtaka at higpitan ang pagkakahawak ko sa kamay nito upang maagaw ang kaniyang pansin. "Ayos ka lang ba?" Nagtatakang tanong niya. "Anong nangyayari sa kanila?" Tanong ko rito habang naka-turo sa mga estudyante. "Sila ba?" Tanong nito pabalik sa akin, "Sila lang naman ang mga estudyanteng hindi pinalad ngayong araw. Kung baga, sila 'yong mga estudyanteng bumagsak sa pagsusulit na kung saan kailangan mag-ensayo muli sa simula." "Ganoon ba?" Tanong ko. "Oo,"tugon nito, "Hindi madali para sa mga ito na bumagsak dahil ginugol lang naman nila ang ilang taon nila sa paaralan na ito upang mag-aral, at maipasa ang pasulit ngayon. Ngunit, dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay ayan ang nangyari." Hindi ko maiwasan ang hindi malungkot para sa kanila. Ramdam ko ang bigat sa kanilang mga puso, ilang taon na ba sila nag-aaral dito? Tapos ito lang pala ang mapapala nila, ang bumagsak. Ngunit, kung ako siguro ang nasa posisyon nila ay ganoon din ang mararamdaman ko pero syempre gagawin ko ang lahat sa susunod.  Hindi ibig sabihin na bumagsak na ako ngayon ay iyon na ang huli. Kung may pagsusulit pa na darating ay gagawin at gagawin ko ang lahat upang pumasa sa susunod. Hindi ako titigil hangga't hindi ko nakakamit ang aking pangarap. Katulad na lang ng ginagawa ko nitong mga nagdaang buwan, hindi ko naman makakamit ang pangarap ko kung hindi rin ako naghintay ng ilang taon upang maging handa. Maraming pagsubok din akong pinagdaanan bago ko makuha itong antas na ito. Iyon lang ay dahil hindi ako sumuko, ilang beses akong bumagsak pero ilang beses din akong tumayo at lumaban. Hangga't ginigising ka ng panginoon araw-araw ay ibig sabihin nito hindi pa siya tapos sa plano niya sa iyo. Maiintindihan din ng mga estudyanteng 'to ang sinasabi ko. Nagpatuloy na lang kami sa paglalakad hanggang sa makalabas na kami sa paaralan. Bumungad naman sa akin ang isang malaking gusali na mayroong maraming pinto. Nandito ba ito nitong mga nagdaang araw? Bakit hindi ko man lang na pansin na may ibang gusali pa pala ang aming paaralan? Akala ko noong una ay tanging ito lamang ang mayroon kami. Mukhang may mga bagay pa nga rito na hindi ko pa alam at kailangan ko pang alamin. "Tara na,"aya ni Elfrida. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad hanggang sa bigla na lang tumigil si Elfrida habang nakatingin sa isang pinto. "Bakit?" Tanong ko. "Dito na ang silid na para sa akin,"paliwanag niya. "Paano mo nalaman?" Tanong ko rito. Nanatili pa rin siyang nakatingin dito hanggang sa tuluyan na talaga itong naglakad papalapit sa pinto. "Magpatuloy ka lang sa paglalakad, Kori,"sambit niya, "Sa oras na marinig mo ang iyong pangalan na tinawag ng pinto ay iyon na ang silid na para sa iyo. Magkita na lang tayo sa bahay." Agad na nitong hinawakan ang siradora ng pinto at unti-unting pinihit, hanggang sa tuluyan na itong makapasok sa kaniyang silid at na wala na. Nagtataka man ay nagpatuloy na lang ako sa paglalakad at hinanap ang silid na para sa akin. Patuloy lamang ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa harap ng hagdan, umakyat na ako at nagpatuloy na muli. Hinahanap kung saan ang silid na para sa akin. May ilang estudyante pa akong nakaka-salamuha na labis ang pagtataka. Siguro ay dahil halos silang lahat ay may kaniya-kaniya ng pintong hinaharap samantalang ako ay naglalakad pa rin at hinahanap ang para sa akin. Ilang sandali pa ay nakarating na naman uli ako sa isang hagdan. Hindi ko alam kung hanggang saan pa ako dadalhin nito bago makarating sa silid na para sa akin. Paakyat pa lang ako nang marinig ko ang aking pangalan sa itaas. Agad akong napangiti, dahil sa wakas ay nahanap ko na rin ang silid na para sa akin. Nagmamadali akong umakyat hanggang sa makarating ako sa isang silid dito sa ikatlong palapag. Tanging ito lamang ang silid na mayroon ang palapag na ito na labis kong ipinagtataka. Huminga muna ako ng malalim bago ako lumapit. "Kori,"tawag ulit nito sa aking pangalan. Kailangan ko na matapos ang pagsusulit na ito upang makapag-pahinga. Unti-unti akong lumapit sa pinto at binuksan. Bumungad naman sa aking ang napaka-liwanag na silid at walang kahit ni isang kagamitan. Kahit nagtataka ay tuluyan na akong pumasok at naglakad patungo sa gitna. Napakalawak ng silid na ito. Wala itong pwedeng ihalintulad sa lawak nito. Umikot ako at hinanap ang taong namamahala sa pagsusulit ngunit wala. Ayon kay Elfrida, may susundan lang naman daw kami at ibibigay iyon sa magbabantay pero bakit ako lang yata ang mag-isa rito? Binibiro ba ako nang taong iyon? Malalagot ka talaga sa akin, Elfrida. Nagsimula na akong maglakad habang inilibot ang aking paningin. Hinahanap ang taong nagbabantay rito ngunit tanging puting dingding lang ang nasa paligid ko. Siguro nga ay walang ibang tao rito, wala naman siyang pagtataguan kasi wala namang mga gamit dito. Tumigil na lang ako at umupo sa sahig. Hihintayin ko na lang siguro ang taong magbabantay sa akin, wala naman akong ibang pwedeng gawin kasi hindi ko naman alam kung ano ang paraan ng pagsusulit na 'to. Unti-unti kong ipinikit ang aking mga mata hanggang sa tuluyan ng bumigay ang aking katawan. Humiga na ako sa sahig at magpahinga. Kung wala pa ang magbabantay ay mas mainam na siguro kung matutulog na lang muna ako. Gigisingin naman siguro ako ng nagbabantay na iyon, hindi ba? Kung hindi, ayos lang, mas mabuti. Gusto ko lang talaga matulog dahil masiyado akong maaga nagising kanina. Bahala siya diyan. Kamusta kaya si Elfrida? Siguro ay malapit na iyong matapos, samantalang ako ay heto, naka-higa. Hindi alam kung ano ang gagawin. Isa pa hindi rin naman ako makakalabas kasi sa pagpasok ko ay bigla na lang nawala ng pinto. Hindi ko nga alam kung saan iyon nagtungo eh.  Nanatili lamang akong nakapikit habang pinakiramdaman ko ang paligid ng parang may mali. Masiyadong malakas ang enerhiya na binibigay ng silid na ito sa akin, maari nga ito ang maging dahilan ng pag-angat ko ng stage. Ayos lang kaya kung mag-meditate ako sa lugar na ito? Baka mahigop ko ang buong enerhiya, pero wala naman sigurong masama doon hindi ba? Sasabihin ko lang na habang nag-hihintay ako sa nagbabantay dito ay nag-eensayo ako. Wala naman sigurong masama kung ganoon. Isa pa, isa rin naman akong estudyante sa paaralang Xero. Agad akong bumangon at ipinikit ang aking mga mata upang magsimula na. ㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤ
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD