Chapter 4
Agad akong tumakbo sa ospital pagkasabi sa akin ng balita na nadala si mama sa ospital. Dinala siya roon ng isa sa mga taga-barangay namin at nagmagandang loob. Namamalengke raw kasi si mama nang mahimatay ito at mawalan ng malay kaya naman kaagad na dinala sa ospital.
Nagpapasalamat ako sa mga nagmagandang loob na dalhin ang mama ko roon. Kahit paano pala ay dapat pa rin ako maniwala na may mga natitirang tao pa rin na may malasakit at pakialam sa kapwa. Akala ko kasi wala na.
Pawisan akong nakarating sa ospital. Maraming tao roon at hindi ko alam kung saan ko hahanapin si mama. Mabuti na lang ay nilapitan ako ng nurse at tinanong kung anong kailangan ko.
"Nurse, dito raw po nakaconfine iyong pasyente na Delgado ang apelyido?" wika ko.
"Saglit lang po Maam ha? Tignan ko lang po sa record po namin." Tumango ako sa nurse at naghintay pero hindi ako mapakali. Hangga't hindi ko nalalaman kung bakit nahimatay ang mama ko ay hindi mawawala ang kabang nararamdaman ko ngayon. Matanda na si mama pero hindi pa ako handa na iwanan niya ako. At siguro nga ay hindi ako magiging handa kahit kailan.
"Nasa room 201 po siya."
Pagkasabi na pagkasabi ng nurse ay kaagad kong tinakbo ang kuwartong iyon. Sa isang publikong ospital dinala si mama dahil mahal kung pribado kaya naman may kasama siya na ibang pasyente sa kuwartong iyon. Halos maiyak na lang ako nang makita ko kung gaano kadaming aparato ang nakalagay sa kanya. Lalo tuloy nakita ang kapayatan ni mama.
Tulog siya nang dumating ako at mukhang nanghihina pa. Sabi ng nakausap kong nurse na nagtsitsek ng mga pasyente sa ward na iyon ay kagigising lang ni mama isang oras bago ako dumating pero natulog ulit.
Tumabi ako kay mama at tahimik siyang tinignan. Hinawakan ko ang kamay niya nang mahigpit habang pinipigilan ang sarili na umiyak. Ayaw ni mama na umiiyak ako kaya hindi ako nagpakita ng kahit na anong kahinaan sa kanya simula noong bata ako. Huling iyak ko pa noong nagpaalam sa akin ang lalaking iyon na aalis siya at babalik siya kaagad. Na hindi niya kami iiwanan ni mama pero nakarating na ako sa edad na bente-singko pero hindi pa rin niya kami binabalikan.
Tuluyang tumulo ang mga luha ko. Si Mama lang kasi ang pinagkukunan ko ng lakas. Ano na ang mangyayari sa akin kung mawawala si mama? Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang bukas na mag-isa ako. Siguro, araw-araw ko pa rin hahanapin ang kalinga niya dahil siya lang naman ang kasama ko simula noong bata ako. Hindi lang naging ina si mama sa akin kundi siya rin ang naging tatay ko kaya mahal na mahal ko siya.
"Bakit ka umiiyak?"
Napatigil ako sap ag-iyak at dali-daling pinunasan ang luha ko. "Hindi pa ako mamamatay, anak..." nakangiting wika ni mama pero alam kong hirap na hirap na siya sa ginawa niyang iyon.
"Aba, dapat lang! Wala ka pang karapatan na iwan ako, Mama." Inabot ni mama ang mukha ko at pinunasan ang luha. "Bakit ka ba kasi lumabas Mama? Pwede mo naman ipasuyo sa iba iyong pamamalengke mo. Ayan tuloy... nasugod ka pa sa ospital..."
"Kaya ko pa naman..."
"Anong kaya? Tignan mo nga ang itsura mo, Mama? Hindi mo baa lam kung gaano ako nag-alala sa'yo nang mabalitaan ko na naospital ka! Kung hindi pa tumawag sa akin si Kapitan ay hindi ko mababalitaan na nandito ka," sunod-sunod kong wika sa kanya.
"Dala lang naman ito ng pagod, Wyn. Pero maniwala ka, kaya ko pa." Ngumiti si mama sa akin. Palagi niyang ginagawa iyon para mapaniwala ako na okay siya kahit hindi naman talaga. Noong bata ako, napapaniwala niya ako pero habang lumalaki ako, lalo kong nakikita na peke ang mga ngiting iyon. Na sinasabi niya lang iyon para maging okay din ako.
Minsan ko nang nakita si mama na umiyak matapos kong itanong sa kanya kung ayos lang ba siya. Hindi sinasadyang umabot ang balita sa amin na may iba nang pamilya ang lalaking 'yon. Limang taon na rin ang nakalipas nang mabalitaan naming ang balitang 'yon. Akala ko okay lang kay mama kasi hindi rin naman siya palasalita tungkol sa lalaking 'yon. Kahit ako ay hindi dahil wala naman akong matandaan na nagpakaama siya sa akin.
Pero matapos kong itanong kay mama na okay lang siya, ilang oras pagkatapos no'n ay naririnig ko siyang humihikbi sa salas habang tinitignan ang letrato nila ng lalaking 'yon na nakatago sa kahon. Doon ko naisip na mahal talaga siguro ni mama ang tatay ko kahit gago 'yon at hindi kami binalikan dahil nakuha pa rin niya masaktan matapos ang lahat.
Nang dahil doon lalo akong nagalit sa tatay ko dahil kahit magkalayo na sila ay nagagawa pa rin niyang saktan si mama na alam kong hindi niya deserve.
"Mama," tawag ko sa kanya. Hinawakan ko muli ang kamay niya at pilit na humiga sa tabi niya. "Mahal na mahal kita, Mama ko."
Tulog na ulit si Mama. Binantayan ko siya at hindi ko siya iniwan. Tinawagan ko si Lianne at sinabing hindi muna ako makakapasok at makakapunta sa mga ibang raket ko dahil nasa ospital si mama at walang magbabantay. Naintindihan naman niya iyon at sinabing sana gumaling na si mama.
Habang pinapanood ko si mama na mahimbing na natutulog ay biglang dumating ang doktor na nagtingin daw kay mama.
"Kaano-ano po kayo ng pasyente?"
"Anak niya po."
"Pwede ko po ba kayo makausap ng pribado?" Tumango ako at agad na lumabas ng kuwarto kasama ang doktor at nurse niya.
"Ano po ba 'yon dok?"
"Hindi na po ako magpapaligoy-ligoy at tatapatin ko na po kayo. May stomach cancer po ang pasyente at nasa stage 2 na po ito. Kinakailangan po maoperahan ng Mama niyo sa madaling panahon."
Halos tumigil ang mundo ko sa sinabi ng doktor. Parang pati paghinga ko ay literal na napatigil dahil sa aking narinig. Para rin akong nabingi dahil hindi pumasok sa utak ko ang sinabi niya.
Ano? May cancer daw ang mama ko?
Huminga ako ng malalim at hinihiling na isang panaginip lamang ito. Pero nakailang kurot na ako sa balat ko ay hindi pa rin ako nagigising sa malaking bangungot na ito.
"K-Kapag po hindi naoperahan si Mama, ano pong mangyayari sa kanya?"
"Maaari siyang mamatay."
"At kapag po naoperahan, madudugtungan po ba ang buhay ng Mama ko?" Halos pabulong na ang pagkakasabi ko dahil parang tuluyan na akong nawalan nang lakas habang naririnig ang mga sinasabi ng doktor. Kakasabi ko lang na hindi ko pa kaya mawala ang nanay ko tapos ganitong klase ng balita ang maririnig ko?
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Ang sikip sa dibdib. Gusto ko umiyak at humagulgol. Gusto ko yakapin si mama at magmakaawa na huwag niya muna ako iwan. Pero anong magagawa ng pag-iyak ko? Hindi naman madudugtungan ng pag-iyak ko ang buhay ni mama.
"Dalawang taon."
Tumingin ako sa doktor. "Iyon lang ang maipapangako namin na panahon na makakasama mo ang Mama mo pagkatapos ng operasyon, Ms. Delgado. Dahil pwede pa rin bumalik ang cancer at mas malubha ito sa pangalawang balik kumpara sa noong una."
Tuluyan nang tumulo ang mga luha ko.
"M-Magkano po ang kakailanganin ko para maoperahan si Mama?"
"Kailangan mo ng isa't kalahating milyon."
Halos manlumo ako sa narinig ko. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng ganoon kalaking pera pero ayoko naman na hayaan na mamatay si mama na wala akong ginagawa.
Huminga ako ng malalim at sinubukan tatagan ang sarili. "Sige po. Ipapaopera ko po ang nanay ko sa madaling panahon. Bigyan niyo lang po ako ng oras para makahanap ng ganoon po na kalaking pera."
Iyon ang mga huling salita na binitawan ko sa doktor. Hindi ko sinabi kay mama ang tungkol sa operasyon pero sinabi nan ang doktor ang totoong kalagayan niya. Syempre, sinabi ko kay mama na tatagan niya ang loob niya dahil gagawin ko ang lahat para gumaling siya.
Sa totoo nga lang, hindi ko maiwasan na sumama ang loob ko sa ikinatataas. Hindi ko alam kung anong kasalanan ang ginawa namin nang pamilya ko para danasin naming ang lahat nang ito lalo na ang mama ko. She didn't do anything wrong but to be a good wife and a mother. Yet, this is still happening to her.
Masama nga siguro talaga akong tao dahil mas hihilingin ko na maghirap ang sarili kong ama kesa sa aming dalawa ni mama. Maraming isinakripisyo ang mama ko para sa akin at sa kanya. Pero ang lalaking iyon ay walang ginawa na kahit ano. Wala siyang isinakripisyo at hanggang sa huli ay tanging sarili lang niya ang iniisip niya.
Kitang-kita ko sa mga mat ani mama ang labis na takot at kalungkutan dahil sa sinabi ng doktor tungkol sa sakit niya. She was sad and afraid to die. And yet, she accepted it thoroughly like she was not sick at all. Kung may dapat man akong idolohin sa mama ko ay iyon ang pagiging matapang niya na harapin ang pagsubok sa buhay. Hindi naman siguro siya makakaabot sag anito kung puro kaduwagan ang pinairal niya. She was brave enough to bear me even though she was still young.
Isang magaling na aktres ang mama ko noon pero dahil nabuntis siya ay nawalan siya ng career. Minsan nga hindi ko maiwasan na sisihin ang sarili ko dahil ako pala ang dahilan kung bakit nawala ang mga pangarap niya. Pero hindi kailanman nagkulang si mama sa pagpapaalala sa akin na kahit isinuko niya ang pangarap niya ay hindi siya magsisisi na pinili niya at buhayin ako.
"Kamusta si Tita, Wyn?" tanong ni Lianne sa akin.
Sa ospital na nanatili si mama dahil sa sakit niya. Pinagbawalan siya pauwiin ng doktor kaya minabuti ko na sundin ang sinasabi nito kahit hindi ko alam kung paano at kung saan kukuha ng malaking pera para sa gastusin sa ospital. Kailangan na kasi siya isalang sa chemotherapy bago ang operasyon. Syempre mahal ang pagki-chemo pero kakayanin para kay mama.
"Okay naman."
Isang linggo na ang nakakaraan nang malaman ko ang kondisyon ni mama. Simula sa linggong 'yon ay doble-dobleng raket na ang kinukuha ko at madalas overtime sa coffee shop. Alam kong kailangan ko magpahinga dahil subsob na ako sa trabaho at baka ako naman ang bumigay pero mas gugustuhin ko na 'yon kesa iwan ako ni mama.
Sinabi ko kay Lianne ang kondisyon ni mama. Naiyak siya nang sabihin ko sa kanya ang lahat kaya naiyak ulit ako. Kay Lianne lang naman ako nakakaiyak ng todo dahil ayaw ko nga ipakita kay mama na mahina ang anak niya. She raised a brave woman. At ayokong pagpapakaduwag at pagiging iyakin ang huling makita niya sa akin.
"Hindi pa ba sumusuko ang katawan mo? Ako ang nag-aalala sa'yo eh. Baka mamaya niyan, ikaw ang sunod na maospital."
I tried to smile at her while wiping the table. "Kaya ko pa naman. Hindi pwedeng hindi ako kumayod dahil kailangan ni Mama ng pera para sa treatment niya sa chemo."
"H—"Napatigil si Lianne magsalita nang tumunog na naman ang telepono ko. Wala akong sinayang na kahit anong oras at sinagot agad iyon dahil baka sa ospital iyon at may nangyari kay mama.
"Hello?"
"Hello? Is this Wynter Avalon Delgado?"
"Yes. Ako nga."
Tumingin ako kay Lianne at tinatanong kung sino ang kausap ko. Nagkibit balikat ako dahil hindi taga-ospital ang tumatawag.
"This is Ms. Ramirez from Flower Agency. I would like to congratulate you because you were chosen for the White Flower Commercial."