Chapter 3
Three years ago...
"Ma, punta na ho ako!" sigaw ko kay Mama.
"Oh sige, anak. Mag-iingat ka ha."
Ngumiti ako kay mama at tinitigan siya saglit bago umalis ng bahay. Sobrang payat ni mama. Kitang-kita iyon kahit mahaba ang buhok niya at madalas natatakpan ang balikat niya. Ang mga braso niyang may laman noon ay kaonti na lang ngayon na parang kapag humangin ng malakas ay liliparin na ito ng hangin dahil sa sobrang payat. Ang dating mapulang labi ay ngayon ay maputla na. Paos na rin ang boses ni mama kakaubo subalit parang wala lang iyon sa kanya.
Alam kong ang ubo niya nitong mga nakaraang araw ay hindi na isang normal at simpleng ubo lang. Kinukumbinsi ko naman siya na magpatingin pero ayaw niya. Palagi niyang sinasabi na mahal at masasayang lang ang pera ko sa pagbili ko ng gamot niya at sa doktor. Pero para sa akin ay hindi naman sayang 'yon. Basta ang mahalaga ay maayos siya.
Si Mama na lang ang mayroon ako kaya naman ganoon na lang ang kagustuhan kong makasama pa siya ng matagal. Nag-iisa lang din akong anak. Ang tatay ko? Wala. Iniwan niya kami ni mama noong maliit pa ako para lang sa ibang babae. Sabi nga ni mama, hanapin ko raw si papa pero para sa akin, para saan pa? Nang-iwan niya kami, iyon na din ang araw na tumigil siya sa pagiging tatay ko at sa pagiging asawa ni mama.
Si Mama ang tumayong ina at ama ko kaya hindi ko alam kung bakit kailangan ko pa hanapin ang lalaking iyon kahit na sapat naman na si mama sa akin.
Sumakay ako ng dyip papuntang bayan. Ang sab isa akin ng kaibigan kong si Lianne ay may naghahanap daw ng babaeng marunong umarte. At dahil mahilig na ako umarte simula noong bata pa lang ako ay eto ako at kinagat ang sinabing raket sa akin ng kaibigan ko.
May regular naman akong trabaho at iyon ay ang pagiging waitress ko sa isang coffee bar na pagmamay-ari ng auntie ni Lianne. Pero syempre ay hindi pa rin maiaalis sa akin ang pangarap ko na maging artista dahil naniniwala ako na iyon lang ang paraan para maiahon ko ang sarili ko sa hirap at mabigyan ng Magandang buhay si mama.
Pagdating ko sa venue kung saan ay magaganap ang paghahanap ng babaeng magaling umarte ay tinulungan agada ko ni Lianne na magbihis at make-up-an ang sarili. Siya kasi ang kasama ko parati dahil bukod sa naniniwala siyang magaling akong umarte ay magkasama na kami simula bata pa lang.
"Handa ka na ba? Memorize mo na mga linya mo? Dapat makuha ka ha!" cheer niya sa akin habang kinukulot ang mahaba at tuwid kong buhok gamit ang plantsa na kung minsan ay gumagana, madalas ay hindi. Mabuti na nga lang at gumagana siya ngayon eh.
Suot ko ang binili naming bestida na bulaklak ang disenyo. Hanggang tuhod ang haba no'n at hapit na hapit ang bewang ko. Kitang-kita tuloy ang kurba ng katawan ko na madalas kinaiinggitan nitong si Lianne. Hindi ko nga alam kung bakit niya kinaiinggitan eh hindi naman ganoon kaganda ang pangangatawan ko.
May ribbon ang bestida sa likod. Ang bestida ay pinartneran naming ng doll shoes na nabili ko lang sa ukay-ukay. Hindi naman halatang galing doon dahil mukha siyang mahal at may tatak dahil sa disenyo nito.
"Alam mo, hindi ko alam kung saan mo nakuha iyong paniniwala mo na 'yan na makukuha ako. Eh sa tagal ko na sumasali sa mga iba't ibang audition eh dalawang beses pa lang naman ako napili."
Totoo iyon. Dalawang beses pa lang ako napili sa singkwentang sinalihan ko na audition. Iyong una ay ligwak agad after first interview about sa role. Pinagsumikapan ko naman na kumuha ng trainings at workshop tungko sa acting pero sadyang mahal ang mga iyon at hindi kaya kahit magtrabaho ako araw-araw sa coffee shop. Maliit lang din naman kasi ang pinapasahod sa akin.
"Mapipili ka naman talaga. Pangit lang iyong taste ng mga judge's kaya di ka pa rin napipili hanggang ngayon no." Tinignan ko siya mula sa salamin at napailing. "Ah? Basta, galingan mo mamaya ha! Ililibre mo pa ako ng milktea kapag napili ka."
Tinapos niya ang pagmake-up sa akin. Pinanood ko ang sarili ko sa mahaba at parisukat na salamin na nakadikit sa pader. Ibang-iba ang itsura ko ngayon. Malayong-malayo sa regular na Wynter na nakikita nang lahat. Nagdasal ako saglit sa isipan at hiniling na sana ay matanggap na ako sa audition kong ito.
Pagkaraan ng isa hanggang dalawang oras ay tinawag na ang pangalan ko para pumasok sa kasunod na kuwarto kung nasaan ang mga judges. Kabado ako habang naglalakad sa harap ng mga judges. Simple lang naman ang audition. Kailangan ko lang ipakita na ako ang best candidate para gumanap na Cinderella sa isang play. Malaki raw ang kita kaya sinabi sa akin ni Lianne at ngayon ay hinihiling ko talaga na mapili ako.
Dalawang babae at dalawang lalaki ang judge. Lahat sila ay seryoso at posturing-postura. Iyong iba ay namukhaan ko na minsan nang gumanap sa mga pinapanood ko sa telebisyon. Hindi ko akalain na makikita ko sila rito kaya medyo nastar-struck pa ako.
Huminga ako ng malalim at ngumiti sa mga judges bago simulant ang talento ko sa pag-acting sa harap nilang apat.
"Kumusta ang audition? Nakuha ka naman ba?" tanong sa akin ng mahaderang pinsan ni Lianne na si Cheska. Tinitigan ko siya saglit bago punasan nang tuluyan ang lamesa. Nakataas ang isa niyang kilay sa akin habang nakamewang. Nakasuot ito ng sexy strap na top at maikling shorts na kulang na lang ay kita na ang singit. Muli akong napailing sa isipan. Talaga bang dapat ay halos labas na ang kaluluwa para lang matawag na sexy at maganda?
Pairap akong napalihim. Ang laki siguro talaga ng insecurities nitong si Cheska sa akin. Simula nang malaman niyang nag-audition ako maging artista ay gumaya siya sa akin at wala na rin tigil sa pag-a-audition. Buti sana kung nakukuha siya, eh hindi rin naman. Tanging pagtataray lang at ganitong klase na pakikitungo ang nagagawa niya sa akin.
Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko alam. Wala pang sinasabing result."
"Ha! Sabi ko na eh! Kahit hindi ako mag-audition, hindi ka pa rin matatanggap! Paano pa kaya kung mag-audition ako? Eh di lalo na!" wika niya sa akin na may kasama pang palakpak. Ang tingin niya ay puno ng pang-aalipusta. Siguro ay akala niya makukuha niya ako sa ganoon pero hindi. Sanay na sanay na ako sa mga ganyang tingin dahil bata pa lang ako, nakikita ko na ang mga ganyang tingin sa akin lalo na sa nanay ko na wala namang ginagawang masama.
Hindi ako nagsalita. Wala rin naman mangyayaring maganda kung papatulan ko ang bawat salita na ibinabato ni Cheska sa akin. Nagpatuloy lang ako sa paglilinis at hindi siya pinansin. Lalo tuloy siyang nainis sa akin. Nagpapadyak siyang umalis sa harap ko at umupo sa isang sulok habang nakatingin sa akin at pinapanood ang bawat galaw ko. Daig pa niya ang CCTV camera sa pagbantay sa bawat galaw ko.
"Alam mo kung ako sa'yo, Wynter. Titigilan ko na ang pangarap ko maging artista dahil isang kalokohan 'yan. Hindi ka naman maganda," wika niya pa sa akin na hindi ko ulit pinansin. "Ang hanap doon ay iyong totoong maganda. Iyong katulad ko," pagmamayabang niya pa.
"Kung maganda ka, bakit hindi ka pa natatanggap?" inosenteng tanong ko pero may kasama talagang panlalait iyon. Narinig iyon ni Lianne na kasalukuyang nasa cashier at nag-aayos ng pera panukli sa mga customers habang kaonti pa lang ang tao sa loob ng shop. Pinigilan niyang matawa dahil alam niyang hindi iyon magugustuhan ni Cheska at paniguradong magsusumbong din sa mahadera niyang nanay.
Nawala ang ngiti sa labi ni Cheska. Imbes na magsalita ay literal siyang umalis sa harap ko. Siguro ay nagsumbong sa mama niya na nasa kusina lang nitong coffee shop. Bukod kasi sa kape ay may pastries din na ginagawa at expert doon ang auntie ni Lianne na sad-to-say ay mama ni Cheska.
Abala pa rin ako sa paglilinis at pagsiserve sa mga dumarating na customers dito sa shop habang si Lianne naman ay abala roon sa cashier. Si Cheska? Hindi ko alam kung anong ambag niya rito at palagi siyang nandito. Ayon siguro ang pagiging perks ng anak ng may-ari. Paupo-upo lang sa tabi kahit wala naman ambag. May ambag naman daw siya at iyon daw ang kagandahan niya pero siya lang naman ang naniniwala na may ambag siya no'n.
Natigil lang ako sa paglilinis nang biglang may tumawag sa telepono ko. Kanina pa ako nakakatanggap ng text ngunit hindi ko pinapansin iyon dahil abala nga ako sa trabaho. Sinagot ko lang iyon nang mapansin na nakakalimang tawag na ang isang unregistered number sa telepono ko.
"Hello..."
"Hello? Is this Wynter Avalon Delgado?"
"Yes? Ano po 'yon?" Matagal bago sumagot ang kausap ko sa telepono. Lalo pa akong kinabahan dahil parang maingay ang background at mukhang nasa ospital. Tuluyan nang tumulo ang mga luha ko nang marinig ko ang salitang nagpakaba sa puso ko.
"Ang Mama niyo po..."