Chapter 3
Naglakad-lakad na lang muna si Matilda sa labas. Nakatulala siya habang tila nakatingin pa sa kawalan. May nadaanan siyang mataas na gusali. Tiningala niya iyon at kaagad na nasilaw siya dahil mistulang kasing-taas ng araw ang gusali na 'yon. Nagkaroon siya bigla ng ideya. Kaya naman sumabay siya sa ibang empleyado roon at pumasok sa building. Nakalusot siya sa mga gwardiya. At nang may babaeng nag-tap ng I.D nito sa gilid ay sumabay na rin siyang pumasok noon. Sumakay siya sa elevator at kaagad namang pinindot ang pinakamataas na palapag. 'Yon ang pakay niya, magtungo sa pinakataas.
Nang makalabas siya sa elevator ay kaagad naman niyang natanaw ang rooftop. Walang ibang tao ang naroon, tamang-tama para sa plano niya. Malakas pa ang hampas ng hangin sa mukha at katawan niya habang naglalakad papunta sa dulo. At nang makarating siya ay kaagad niyang sinilip ang ibaba.
"Hayop!” sigaw niya bigla. “Bakit nakakalula naman masyado?!" reklamo pa ni Matilda.
Kaagad na nanginig at nanghina ang mga tuhod niya. Napaupo pa nga siya at napakapit nang mahigpit sa bakal na harang. Bigla kasing bumahag ang buntot niya. Saka lamang niya naalala na takot nga pala siya sa matataas na lugar. Isa rin ito sa mga kahinaan niya.
Sinubukan pa niyang sumilip muli sa ibaba at mas lalo lamang siyang natakot at nanglamig nang makumpirmang sobrang taas nga noon.
"Matilda, ano ba?” tanong niya sa sarili. “Akala ko ba gusto mo nang mamatay? Bakit iisipin mo pa ang takot mo?" sermon pa rin niya sa sarili niya.
Pero kahit ano pang sermon ang sabihin niya, nanginginig pa rin ang buong katawan niya. Gustuhin man niyang sumampa sa harang at tumalon pababa, hindi niya magawa. Hindi siya sinusunod ng katawan niya. Wala siyang lakas para humakbang at umakyat dahil ang naiisip niya ay kung gaano kataas ang babagsakan niya. Lulang-lula siya.
Nagpahinga muna siya saglit sa gilid habang nakaupo. Gusto na niyang sabunutan ang sarili niya. Bakit ba sobrang dami niyang kahinaan? Maglaslas, hindi niya magawa. Tumalon sa building, hindi pa rin. Masyadong mahina ang loob niya. Siguro dahil hindi naman sumagi sa isip niya noon ang kahit na anong sitwasyon na magdadala sa kanya sa ganito.
Nang makaipon siya ng lakas ay muli siyang bumaba sa gusali na 'yon. Mabuti na lamang at hindi siya nahuli. Baka imbes na mamatay, ay sa kulungan naman siya mapadpad kung nagkataon.
Patuloy siyang naglakad-lakad habang nagmamasid sa paligid. Ngunit habang tila lumilipad ang isip niya, bigla na lamang siyang nakarinig ng isang malakas na putok ng tila baril o kung anuman. Kasunod no'n ay may biglang bumulagta na lalaki sa harapan niya. Binaril ito sa ulo! Napaupo siya sa sobrang pagkabigla dahil do’n.
"Waaa!!” sigaw kaagad ni Matilda. “Mommy! Daddy!" impit na tili niya.
Kitang-kita ni Matilda na ang lalaking kanina lamang ay buhay at may kausap habang nakikipagpalitan ng attache case sa isa pa ay isa na ngayong malamig na bangkay.
Hindi siya makagalaw mula sa pagkakaupo niya sa malamig na sahig. Naramdaman na lamang niya na biglang may humila sa kanya at tila tinulungan siyang tumayo.
"Miss, kailangan mong lumayo rito,” tawag nito sa kanya. “Baka nandiyan pa 'yong gunman. Tara na rito," dugtong pa ng lalaki sa kanya.
Wala sa sarili naman siyang tumayo at sumama rito. Pinatago siya nito sa gilid ng mga malalaking paso at halaman. Umalis muli ang lalaki at tila tumulong sa ibang mga tao na naroon. Nakita rin ni Matilda na tila may hawak itong cellphone at may kinakausap. Nilapitan pa nito ang bangkay ng lalaking nakahandusay na sa sahig. Tumitingin pa nga ang lalaki sa paligid at tumitingala sa taas na tila may hinahanap.
Nang pakiramdam ni Matilda na wala naman na sigurong magbabaril muli, lumabas na siya ulit mula sa pinagtataguan niyang likod ng paso. Nagpatuloy na siya sa paglalakad na akala mo ay walang nangyari kanina lang. Umiwas siya sa mga usisero na nakapalibot sa katawan ng lalaking pinatay kanina. Ngunit nagulat siya nang lapitan siyang muli ng lalaking tumulong at nagtago sa kanya kanina lang.
"Miss, pasensya ka na,” tawag sa atensyon niya bigla. “Pero magtatanong lang sana ako kung may nakita o napansin ka bang kakaiba kanina bago mabaril ang lalaki? Sabi kasi ng iba, ikaw raw mismo ang nasa harap nang mangyari ang pagbaril. Doon din kita naabutan kanina, sa mismong harapan ng biktima," sunud-sunod na tanong pa ng lalaki.
Kaagad namang napakunot ang noo ni Matilda.
"Wala akong napansin,” mabilis na tugon niya rito. “Naglalakad lang ako nang bigla na lang siyang bumulagta sa sahig. Bakit mo ba ako tinatanong? Pulis ka ba?!" tanong din naman ni Matilda.
"Yes, I'm Police Superindentent Alfonso Mendez,” pakilalal rin naman nito. “Nasa paligid lang ako nang marinig kong may nagsigawan. Sige, Miss. Maraming salamat. Hindi na kita tatanungin o guguluhin pa," paalam na nito sa kanya.
Natahimik tuloy si Matilda nang makumpirma niyang pulis nga ang lalaki. Hindi naman kasi ito nakasuot ng uniporme o kung ano pa man. Masyado rin itong mukhang bata kaya akala niya ay usisero lang din ito. Nagmadali na lamang tuloy siya ng lakad para makaalis na sa pinangyarihan ng krimen na 'yon.
Napadaan siya sa isang coffee shop. How she misses drinking coffee and frappe. Ang pagtambay sa loob ng shop at walang ibang iniisip na problema kundi ang paghahanap ng kung saan niya gagastusin ang pera niya. Napabuntung-hininga na lamang si Matilda. Ibang-iba na ang sitwasyon niya ngayon. Kahit 3-in-1 na kape ay halos hindi na niya kayang bilhin sa sari-sari store. Gano'n na siya kahirap.
Habang naglalakad nang nakatulala ay nagulat na lamang siya nang may biglang bumusina nang ubod nang lakas mula sa kaliwa niya. Kasunod no'n ay tila may biglang malakas na pwersa ang tumama sa katawan niya. Napabulagta siya bigla sa sahig.
"f**k!” rinig niyang singhal ng isang lalaki. “Where do you think you are?! Bakit ka tumatawid bigla sa kalsada?!" galit na wika ng lalaki.
Hindi naman makasagot si Matilda dahil hilung-hilo na siya. Hindi siya makapagsalita. Pinipilit niyang bumangon pero hindi niya naman magawa. Naramdaman na lamang niya tila umangat ang katawan niya mula sa malamig na semento. Nakita niyang buhat-buhat siya ng lalaking hindi naman niya kakilala.
"Make way!” sigaw ng lalaki. “I'm sending her to the hospital," deklara pa ng lalaking may buhat sa kanya ngayon.
Hilo si Matilda pero alam niya ang mga nangyayari sa paligid niya. Nakita niyang isinakay siya ng lalaki sa likuran ng kotse. Sumakay rin ang lalaki sa may driver's seat at pinaharurot na ang sasakyan nito.
Namalayan na lamang ni Matilda na nakarating na sila sa ospital. Nasa stretcher na siya at may Doktor nang tumitingin sa kanya.
"We need to stitch her wounds on the forehead," deklara pa ng Doktor.
-
Naalimpungatan si Matilda mula sa pagkakatulog. Napabangon siya bigla, ngunit napangiwi rin naman kaagad dahil sa sakit na naramdaman niya. Nasa isang hindi pamilyar na kwarto siya ngayon. May dextrose rin sa kamay niya. Nakapa rin niya na may benda sa ulo niya. May mga galos din siya sa binti at siko niya.
"Mabuti naman ang gising ka na,” sabi ng isang matipunong tinig. “Akala ko ay paghihintayin mo pa ako ng kinabukasan," dugtong pa ng lalaking nagdala sa kanya sa ospital.
Hindi naman kaagad naka-imik si Matilda. Tinitigan lamang niya ang lalaki habang nagtataka kung bakit nakasuot ito ng mask. Mata lamang tuloy nito ang nakikita niya. Napaka-creepy.
"Bakit nasa private room pa ako?” nagtatakang tanong na lamang niya. “Wala akong pangbayad sa magiging bills ko rito," pag-amin din naman kaagad ni Matilda.
Na-realize niya kasi na maaring maging mahal ang abutin na bills kung magtagal pa siya sa ospital.
"I'm giving you money, so you won't sue me,” lahad ng lalaki. “Dinala kita sa ospital kaagad dahil ayaw ko ng gulo o eskandalo kanina. Kung tinakbuhan kita, alam kong may posibleng humabol sa akin o kuyugin ako roon ng mga nakasaksi. Siguro naman ayos ka na ngayon?" kwento pa nito.
Tumango lang naman si Matilda pero kumirot kaagad ang sugat niya sa noo kaya napahawak siya sa benda no'n.
"Good,” he said. “Use this. I'll go now. I already paid all your bills. Wala ka nang dapat na problemahin pa. Mauna na ako," paalam na nito.
Inabot naman ng lalaki ang isang brown na envelope kay Matilda, tinanggap naman niya 'yon. Saka niya 'yon binuksan nang maiwan na lamang siyang mag-isa sa loob. Napanganga pa si Matilda nang makitang isang makapal na bugkus ng pera 'yon.
Kinurot pa niya ang pisngi. Hindi siya nananaginip! Totoo nga na binigyan siya ng pera ng lalaking 'yon! At hindi basta-basta pera, malaking halaga talaga ito.