Chapter 3- Engagement Party°

1119 Words
San Manuel Stadium Nagadadalawang isip na lumapit si Cassie sa puwesto ng kanyang mga magulang. Bantay sarado siya ng mga bodyguard ng kanyang ama kaya wala siyang magawa kung hindi ang pumunta sa kanyang engagement party. "Miss Cassandra, kanina ka pa ipinatatawag ng Papa mo," ani Salve sa kanyang alaga. Hindi makapagsimula ang programa dahil hindi naman lumalabas sa sasakyan si Cassie. Kung pwede nga lang paharurutin niya ito palayo sa lugar na iyon ay kanina pa niya ginawa kaya lang ang body guard na si Bernardo ang siyang nasa driver seat, kahit anong pakiusap niya rito ay ayaw nitong paandarin ang sasakyan, masyado itong loyal sa kanyang ama. Sa totoo lang ay wala siyang kakampi sa lugar na ito, lahat sila ay sumusunod lang sa kung ano'ng ipag-uutos ni Governor Montero. Sigurado si Cassie na pagkatapos ng engagement party na ito ay magiging usap-usapan siya sa lahat ng social media. "Ate Salve, maraming bang tao sa loob?" tanong niya rito. "Marami, pati mga reporter ay nagkalat sa paligid," sagot naman nito. Napatutop si Cassie sa sariling noo sa labis na pagkadismaya. "Ang ganda-ganda mo, Miss Cassie kaya lang sayang ang gandang iyan dahil si Mr. Cristobal lang ang mapapangasawa mo. Hindi naman sa namimintas ako pero, para sa akin ay may taong higit na karapat dapat sa 'yo. Ni hindi mo pa nga naranasan na magkaroon ng boyfriend sa edad mong 'yan. Parang ang unfair lang kasi, kung may magagawa lang talaga ako para tulungan ka ang kaso maraming umaasa sa akin. Kapag nawalan ako ng trabaho paano na ang pamilya ko?" ani Salve, bakas sa mukha nito ang matinding panghihinayang para sa alaga. Sampung taon na siya sa mga Montero, simula nang mamatay ang yaya ni Cassie ay siya na ang pumalit na tagapagbantay nito. Trese anyos palang noon si Cassie at ngayon ay bente tres na ito. Nanghihinayang siya para sa kanyang alaga. Mabait na anak ito at masunurin, kahit kailan ay hindi ito naging sakit sa ulo ng kanyang mga magulang. Tinapik ni Cassie sa balikat si Salve. "I understand your situation, Ate Salve. Don't feel sorry for me. Ito siguro talaga ang kapalaran ko kaya kailangan ko na lang tanggapin," malungkot na sabi niya. Nakaramdam si Cassie nang kawalan ng pag asa kaya naman nakapag desisyon na siya na isuko na lang ang kanyang kapalaran sa kung ano ang magaganap ngayong gabi. Bumaba na siya ng sasakyan at sinimulan nang maglakad. Agad namang naglapitan sa kanya ang apat na body guard ng kanyang ama, naninigurado ang mga ito na hindi siya tatakas. Lumapit siya sa puwesto ng mga magulang. Nakita niya si Armando na katabi ng kanyang ama ngunit agad niyang inilihis ang mga mata rito. Wala siyang balak na batiin ito o ngitian man lang. Sa gilid ng kanyang mga mata ay nakikita niya kung paano siya hagurin ng tingin nito. Sa totoo lang ay natatakot siya kay Armando, noon pa man ay kinatatakutan na niya ang mga tingin nito sa kanya na halata mong may pagnanasa. Minsan iniisip niya na baka binayaran nito ang kanyang mga magulang nang malaking halaga para mapapayag ang mga ito na ipakasal siya rito. Kung totoo nga ang kanyang sapantaha ay hindi niya mapapatawad ang mga ito dahil lumalabas na mas mahal pa nila ang pera kaysa sa sarili nilang anak. "Cassandra, where is your engagement ring?" bungad tanong ni Emilia sa anak. Nang maupo ito sa tabi niya ay ang mga kamay agad ng anak ang napansin nito. "Ma'am, ito po ang singsing ni Miss Cassie, naiwan niya po sa kuwarto niya kanina habang nagbibihis." Si Salve na ang sumagot para sa kanyang alaga. Ang totoo niyan ay sadyang hindi iyon isinuot ni Cassie ngunit nakita ni Salve at inakala nitong nakalimutan lang suutin ng kanyang alaga kaya siya na ang nagdala para ipasuot dito. Nakalimutan niyang ibigay ng sunduin niya ito sa sasakyan at ngayong nalang niya naalala nang banggitin ni Emilia ang tungkol doon. Agad inabot ni Salve kay Cassie ang mamahaling diamond ring na galing sa mapapangasawa nitong si Armando. "Oh my gosh, Cassandra Marie! Hindi mo ba alam kung gaano kamahal ang singsing na 'yan? You can buy a house and lot with that ring tapos kung saan-saan mo lang iniiwan!" mahina ngunit may diin ang bawat salitang sermon ni Emilia sa anak. Maraming mga reporter sa paligid at bawat kilos nila ay naka-monitor sa mga ito kaya naman hindi nagpahalata ang ina ni Cassie na pinagagalitan siya nito dahil kahit na sinisermonan siya ay nakangiti parin ang ginang. Napasimangot si Cassie. Sanay na sanay na siya sa kanyang ina, kung may tatanghaling reyna ng kaplastikan ay si Emilia Montero na ang nangunguna sa pila. Natapos ang performance ng inimbitahang singer. Tumayo si Governor Montero at pumunta sa stage. Binigyan ito ng microphone ng isa sa staff ng technical team. Agad tinanggap ng gobernador ang mikropono at sinimulan na nitong magsalita sa gitna ng entablado. "Good evening to everyone that is here tonight, to my family, friends, and my constituents. I invited all of you to give an update on what's happening in our family right now. As the governor of this town, I also consider all of you as part of my family that's why I want to let you know that my precious daughter, Cassandra Marie is now engaged to be married to my good friend Armando Cristobal. They are set to be married one month from now. Everybody, please welcome Armando and Cassandra Marie on stage to give us insight into their upcoming wedding." Pigil ang paghinga ni Cassie. Hindi niya mapaniwalaan na kailangan niyang gawin ang mga bagay na ito. Hiniling niya na isa lang itong masamang panaginip ngunit ng lapitan siya ni Armando at ilahad nito ang kamay sa kanya ay napatunayan niyang totoong nangyayari ang lahat. Huminga muna siya ng malalim bago inabot ang kamay niya rito. Inalalayan siya nito hanggang sa makarating sila ng stage. Nagpalakpakan ang mga tao, wala siyang balak umimik at hinayaan na lamang niya na si Armando ang magsalita dahil wala naman siyang gustong sabihin. Kung mayroon man ay siguradong hindi ito magugustuhan ng kanyang mga magulang. "Gusto ko lang ipaalam sa inyong lahat na mahal na mahal ko po si Cassandra Marie at ipinapangako ko po na aalagaan ko at pakamamahalin ang prinsesa ng San Manuel." Gusto niyang masuka sa pinagsasabi ng kanyang katabi. Nagtaasan ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Lalo lang siyang kinikilabutan dahil sa ginawa nitong pagyakap sa kanyang baywang ngunit hindi siya pwedeng magpakita ng pagkadisgusto sa ginagawa nito dahil maraming tao ang nakatingin sa kanya lalo na ang kanyang ama kaya naman napilitan na lang siyang ngumiti at tumango sa bawat sabihin ni Armando.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD