LEXXIE
“Hard-headed woman,” dinig kong sabi ni Ian nang kunin niya ang baso na inilapag ko.
Mahina lang iyon pero narinig ko.
“May sinasabi ka?” napalakas na tanong ko na ikinatingin ng ibang kaibigan namin.
“Wala. Ang sabi ko, ang pangit mo.” Na ikinatawa naman ng mga naroon.
Sinamaan ko siya nang tingin at hinagis dito ang maliit na square na unan sa likuran ko. Nasalo naman niya kaya iningusan ko na lang.
Binigyan naman ako ni DK ng baso mayamaya na may lamang alak ulit.
Buti na lang dumating ang ibang babaeng kaibigan ko, naging abala ako sa pakikipag kuwentuhan sa kanila. Pero nawala ang pokus ko sa kanila nang dumating latest na girlfriend ni Ian. Lumabas ang mga ito kaya nakaramdam ako nang inis. Kaya naman, inabala ko na lang din ang sarili ko sa pakikinig ng music nang mga sumunod na oras.
Naramdaman ko na parang puputok ang pantog ko kaya nagpaalam ako sa kanila na magbabanyo lang. Pagkatapos umihihi ay sinipat ko pa ang sarili ko sa salamin. Namumula na ang aking pisngi kaya naghilamos ako.
Wala naman akong make-up kaya wala naman akong iniisip na mabubura. Hinayaan ko pang basa ang pisngi ko nang lumabas ng banyo. Hahayaan ko na lang na matuyo iyon.
Napatigil ako sa paglalakad nang hindi ko magustuhan ang tugtog na sumunod sa playlist ko. At akmang pipindutin ko ang next button ng aking telepono nang biglang bumukas ang pintuan sa gilid ko at basta na lang may humila sa akin papasok.
“S-sino ka?” nanginginig na tanong ko sa madilim na silid na iyon.
Hindi ko makita ang humila sa akin pero alam kong tao iyon. Malamang. Naramdaman ko nga ang kanyang balat.
Biglang naging alerto ang pandinig ko nang makaranig nang pagkasa ng baril.
“S-sino ka sabi?” tanong ko ulit at inihanda ang dalawang kamay.
“Turn around,” ani ng malalim na boses.
Hindi ako sumunod kaya muli siyang nagsalita.
“If you don't comply, I'll pull the trigger,” anito na ikinaharap ko na lang sa pintuang pinasukan ko.
“Anong kailangan mo?” malakas ang loob na tanong ko sa kanya.
“You should put an end to your investigation about us. This is just a heads-up, lady. You'll regret it if you don't comply. We have your family background.”
Sunod-sunod ang paglunok ko nang mapagtanto kung sino siya. Tauhan siya ng Sangue Intoccabile.
God! Alam niya kung nasaan ako! At… alam niya raw ang background ko?
Hindi kaya siya ang pumunta sa tinitirhan kong apartment kanina lang? Alam na alam niyang ini-imbestigahan ko ang grupo nila.
“O-okay,” ani ko.
“Good. Now, move your steps and turn sideward,” utos niya na ikinasunod ko hanggang sa makalayo na ako sa pintuan. “Don't bother following me,” may pagbabantang dugtong pa niya.
Kita ko sa gilid ng aking mga mata ang palapit niya sa pintuan. Hinihintay kong buksan niya para makita ko ang liwanag at makita rin ang mukha niya. Pero bigo ako. Nakasuot siya ng facemask at nakasumbrero pa. Tapos balot na balot ng makapal na jacket ang katawan niya. Mukhang iba ang suot niya sa ilalim niyon.
Mabilis siyang umalis at sinara ang pintuan. Narinig ko pa ang pag-lock.
Mabilis akong lumapit sa pintuan at pilit na binuksan iyon. Pero hindi ko magawang buksan. Kaya naman, tinawagan ko ang numero ni Ian at sinabing na-trap ako sa loob ng silid na iyon.
Ilang sandali lang ay dumating si Ian. Narinig ko pa ang boses niya na nag-aalala sa labas habang binubuksan ang sinasabi kong silid na kinaroroonan ko.
“What the hell are you thinking? Bakit ka kasi dito tumambay?” pagalit sa akin ni Ian.
Ang buong akala kasi niya tumambay ako dito. Tapos hindi sinasadyang may naglaro ng lock ng pintuan sa labas.
“Thank you for saving me. Pero pwedeng pakitikom ang bibig mo? Wala talaga ako sa mood makipag-usap kaya nandito ako para tumambay sana.”
Saglit na natigilan si Ian at tumitig sa akin.
“Uuwi na ako,” ani ko sa kanya.
“Ihahatid na kita,” aniya.
“No need. Magta-taxi na lang–” Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko nang higitin ni Ian ang kamay ko at walang sabi-sabing hinila ako palayo doon.
Pagbaba namin ay nakita kami ng babae niya kaya nilapitan niya kami. Pilit kong tinatanggal ang kamay sa pagkakahawak ni Ian pero hindi siya nagpatalo.
“Hey, sabi mo saglit ka lang. Aalis tayo, remember?” ani ng babae kay Ian. Sinamaan pa niya ako nang tingin na hindi nakatakas sa paningin ni Ian.
“Sa susunod na lang. Ihahatid ko lang si Ate Lexxie.” Halata ang iritasyon sa boses ng kaibigan.
“P-pero hindi ako pwede sa susunod, –”
“You heard me, right? Kung hindi mo narinig ang sinabi ko, uulitin ko. Break na tayo, Zab.”
Napaawang ako ng labi sa sinabi ni Ian sa girlfriend niya. Tama bang hiwalayan nito dahil nabingi lang?
“I-Ian, hindi ako si Zab,” ani naman ng girlfriend ni Ian. “I’m Lindsay.”
“Oh, I’m sorry. Akala ko si Zab ka. Since hindi ko maalala ang pangalan mo, aalis na kami. Bye!” Ngumiti pa si Ian bago niya ako hinila palabas ng ZL Lounge.
Hinampas ko ang likuran ni Ian pagkalabas na pagkalabas namin na ikinabitiw niya.
“Damn it, pangit! Ang bigat ng kamay mo!” reklamo niya sa akin. Sapo niya ang bahaging hinampas ko. Malapit iyon sa braso kaya abot niya.
Pinameywangan ko ang kaibigan ko.
“Grabe ka sa girlfriend mo!” ani ko sa kanya.
Natawa lang si Ian sa akin. “Ganyan kapag hindi nakikinig sa akin.” Mukhang may naalala siya kaya tiningnan niya ako. “Ex. Ex ko na siya, pangit. Narinig mo?”
Umiling ako nang ilang beses. “At tinawag mo pa siya sa ibang pangalan!”
“Well, ganyan ako kapag gusto ko na silang hiwalayan.”
“Now I know kung bakit walang tumatagal na babae sa ‘yo! Sobra ka kung mamahiya sa kanila!”
“Pwede bang ‘wag na natin silang pag-usapan?”
“Sure! Dahil nakakainis ka! Grabe ka sa mga kabaro– I mean sa mga babae!”
“Kung type mo si Lindsay, balikan mo,” ani ni Ian sa akin na ikinasingkit ng aking mata.
So, ang akala niya, type ko ang babae niya? Nagtaasan ang init sa aking ulo dahil sa isiping iyon.
“Ian!” inis na tawag ko sa pangalan niya at iniwan na lang siya nang basta-basta.
Hindi na ako magpapahatid sa kanya. Bahala siya sa buhay niya. Naiinis talaga ako sa ginawa niya. Iniisip ko na ako ‘yong babae, masakit ‘yon, malamang.
Muntik pa akong madapa kakamadaling iwan si Ian. Dahil sa nainom ko kaya muntik nang madapa. Buti na lang napahawak ako sa poste. Klaro pa naman ang aking pag-iisip. Matino din. Pero ang katawan ko, ayaw makisama.
Inilinga ko ang tingin ko magkabilaan para maghanap ng masasakyan pero wala man lang akong makita. Naunahan din ako ng babaeng bagong dating nang may huminto sa akin. Napabuga na lang ako nang hangin sa inis.
Akmang paparahin ko ang taxi nang bigla na lang may lumuhod sa akin. Hindi ko na napansin kung sino iyon.
At ilang sandali nga no’n, bumaliktad ang paningin ko. Kita ko na ang semento!
May pumangko sa akin!
Nang maamoy ang pamilyar na pabango ay napasigaw ako.
“Ian Madrid! Ibaba mo ako! Yari ka sa akin ‘pag ako nakababa dito!”
“Shut up, pangit!” sagot lang niya sa akin habang binubuksan niya ang pintuan ng sasakyan niya.
Mabilis din niya akong naisakay sa sasakyan niya.
Nang makahanap nang pagkakataon, sinampal ko siya. Nagulat din ako actually sa ginawa ko. Kaya bigla akong natigilan nang makita ang pagsingkit ng mga mata niya. Mabilis niyang sinapo ang batok ko at mariin niya akong hinalikan sa labi na ikinalaki ng aking mata.
Hindi tuloy ako makapaniwala. Hinalikan ako ni Ian! Oh my God! Hinalikan niya ako!
Pakiramdam ko, kinuha ni Ian ang aking lakas kaya wala akong nagawa nang mga oras na iyon. Hinayaan ko lang siyang halikan ako. Wala kasing lakas ang aking mga kamay para awatin siya.
Hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko mayamaya. Pumikit ako at napatugon na ako sa kanya, na ikinaungol naman ng kaibigan. Naramdaman ko tuloy ang pagkabig niya sa aking katawan na ikinadikit niyon lalo.
Para tuloy sinilaban ang katawan ko dahil sa ginawa niya.
Ang init ni Ian. Hindi ko alam kung dahil ba sa alak iyon na nainom niya o dahil sa resulta ng aming halikan.
Pero nang maalala kong kaibigan ko ang kahalikan ko at mas matanda ako sa kanya ay bigla ko siyang naitulak.
Hala, ngayon lang bumalik ang lakas ko? Bakit ngayon lang!
At sasampalin ko ulit sana ang kaibigan nang pigilan niya ang aking kamay. Wala tuloy lumanding sa kanya.
“Want another round?” Nakangising tanong niya na ikinalunok ko.
“B-bitawan mo nga ang kamay ko,” ani ko na lang.
“I will, my lady,” aniya at binitawan nga. Tumayo siya nang maayos at sinara ang pintuan ng sasakyan niya.
Parang gusto kong lumubog sa kinauupuan ko habang tinatanaw si Ian na papunta sa kabilang side, sa driver seat mismo.
Bakit ako tumugon? God, pinagkanulo mo ako sa kanya! Napatampal ako sa ulo ko nang mapagtanto kung sino ang sinasabihan ko. Hindi ba dapat ang sarili ko? Ang rupok!
Kita ko ang mga ngiti niya nang pumasok siya kaya umiwas ako nang tingin. Sa iba ko na lang binaling para hindi makita ang nakakaasar na ngiti niya.
Wala kaming imikan nang umandar na ang sasakyan. Mabilis ko ring sinuot ang seatbelt ko nang mapagtantong hindi ko suot. Nakadalawang tingin kasi siya sa akin kanina kaya ko nga napansin.
Inayos ko ang sarili ko sa pagkakaupo at tumingin sa labas.
Muli ko na namang naalala ang lalaking humila sa akin. Kailangan kong mag-lie low muna pala. Baka balikan niya ang pamilya ko. Napabuntong hininga pa ako na hindi nakaligtas sa paningin ni Ian kaya muli akong napaayos nang upo.
Dahil kita ko sa gilid ng mga mata ko si Ian ay bahagya akong tumagilid. Hanggang sa lugar na malapit sa apartment ko ay ganoon ang posisyon ko.
Pero dahil hindi pwedeng ihatid ako ni Ian hanggang sa tapat ng mismong apartment ko ay bumaba na ako.
“Sasamahan na kita.”
“‘Wag na,” ani ko.
“Isang kontra pa, pangit. Sa condo kita iuuwi,” banta niya na ikinatigil ko.
“O-okay,” ani ko na lang.
Sinabayan ako ni Ian hanggang makarating sa tapat ng apartment ko.
“Hindi ka pwedeng pumasok kaya makakaalis ka na.” Tumango naman ang kaibigan.
Nang mapansing hindi siya umalis sa kinatatayuan ay napaangat ako nang kilay.
“O, alis na. Nandito na ako, o.” Iminuwestra ko pa ang kamay ko.
“Aalis ako kapag nakapasok ka na.”
Mukhang hindi naman magpapatalo ang binata kaya tumalima na ako papasok sa gate. Ni-lock ko din iyon at matamang nakatingin lang si Ian.
Malapit na ako sa pintuan nang magsalita siya.
“Thank you sa pabaon,” aniya na ikinalingon ko kay Ian.
“Huh?” ani ko.
“Ang sabi ko, pumasok ka na.” Sabay talikod niya sa akin.
Tinanaw ko na lang si Ian na noo’y mabilis ang mga hakbang na papalayo. Paulit-ulit ding eme-echo sa akin ang sinabi niya tungkol sa pabaon.