LEXXIE
HINDI ko maiwasang ilinga ang mata ko nang matanggal ko na ang piring sa aking mata. Hinanap ko ang van na nag-iwan sa akin dito pero hindi ko na makita dahil mukhang mabilis din ang pagsibad nila. Mga nakaparadang sasakyan at mga trickle na lang ang aking nakikita.
Talagang ibinababa ako sa walang katao-taong lugar. Hindi ko alam kung nasaang lugar ako ngayon. Pero parang sa Maynila pa rin naman, nga lang, hindi ako pamilyar dito.
Kaagad kong tinanggal ang tape sa aking bibig na itinakip ng walang hiyang iyon. Narindi siguro kakasigaw ko. Kung sino man siya, hahanapin ko siya! Natakot ako nang sobra dahil sa pangingidnap na iyon. Akala ko nga, hindi na ako makakauwi ng buhay!
Nakahinga ako nang maluwag nang matanggal ko na ang tape sa aking bibig. Napangiwi ako nang makita ang bakas ng pinagtalian ng tape sa aking pulsuhan. Sunod kong tinanggal ang nasa pantalon ko.
Saglit akong naupo sa gutter para pakalmahin ang sarili. Hanggang ngayon, mabilis pa rin ang t***k ng puso ko. Hindi ko pa rin maiisip kung bakit ako kinidnap at sino ang gumawa nito sa akin. Kung may kinalaman ito sa trabaho ko, matutunton ko talaga siya.
Akmang tatayo ako nang may mapansing panyo malapit sa akin. Wala sa sariling kinuha ko iyon at binulatlat. Humangin nang medyo malakas kaya saglit akong natigilan.
Iyon ang amoy ng lalaking iyon!
Hindi ako maaring magkamali! Amoy iyon ng taong kumidnap sa akin.
Mabilis na inilagay ko sa bulsa ko at umalis sa lugar na iyon. Ilang kanto lang pala ang layo niyon sa station kung saan ako naka-duty.
Nakita ko ang ilang CCTV camera sa paligid. Babalikan ko na lang iyon sa susunod. Sa ngayon, kailangan kong umalis dahil baka balikan nila ako.
Nasa jeep ako noon at abala ang aking isip. Hindi ko pala muna pwedeng ipaalam sa kasamahan ko ang nangyari dahil baka makarating kay Tatay, Siguradong mag-aalala ang mga ‘yon lalo na si Nanay. Kailangan kong imbestigahan muna ang nangyari sa akin ng mag-isa. Kaya pagdating sa opisina ay kaagad kong hinarap iyon.
Una kong ginawa ang kunin ang fingerprint ng panyo na iyon. Kailangan kong malaman kung sino ang nagmamay-ari niyon. At habang maingat kong kinukuhaan ng fingerprint ay natigilan ako nang may makitang may nakaprint doon. Parang isang mapa pero kulay itim. Pero dahil may kalumaan ay nagmumukhang gray iyon. At maliban diyan may iba pang nakatatak sa loob ng mapa na kulay puti naman. Hindi niya alam kung logo ba iyon o sadyang design lang ng panyo. Pero parang…
Tinigil ko ang pagkuha ng fingerprint sa panyo. Buti na lang wala akong kasabayan habang nagkukuha ng fingerprint, paniguradong magtatanong ang mga iyon.
Tinungo ko sunod ang scanner na nasa gilid ng opisina ko. Pagka-scan ko ay lumapit ako sa computer na nasa tabi no’n at binuksan ang isang photo editing software pagkuwa’y binuksan ang kuha ng scanner mula sa panyo. Kinuha ko lang mula sa ini-scan ko ang pinaghihinalaan kong logo at tinanggal ang background nito saka trinace ito para maging klaro sa paningin ko ang image na iyon. Ginawa ko ring black at white naman sa disenyo na nasa loob niyon para buhay tingnan gaya ng sa panyo. Pagkatapos ay prinint ko iyon at pinag-aralan nang maigi. Nag-print din ako ng original at pinagkompara. Dinikit pa ko pa sa bakanteng clipboard ko at inilagay sa aking harapan.
Pero habang tumatagal ay may napapansin akong kakaiba. Kinuha ko ang panyo at binulatlat din at ginamitan ng magnifying glass. Tama nga ang nakikita ko. Letrang S iyon na nakapulupot sa dalawang dulo ng baril. Ang baril nakatutok sa taas. Mukhang pumutok na ito dahil nagmumukhang usok ang nasa taas niyon.
Kinuhaan ko iyon ng litrato kapagkuwan at sinend sa gamit kong computer. At nang makuha na ang litrato ay nagbukas ako ng browser.
Naitukod ko pa ang kaliwang kamay ko sa baba ko habang pinipindot ang image icon ng browser na iyon. Nagbabakasakali akong may mahanap sa internet na kaparehas ng image na nasa panyo.
Kinakabahan ako nang i-hit ko ang enter ng keyboard. Nakagat ko pa ang labi ko kapagkuwan.
Napaawang ako ng labi nang bumungad sa akin ang unang litrato na gaya ng sa panyo– ang kaibahan nila, buhay na buhay ang nasa internet. Naglalaro lang sa pula, puti, at itim ang disenyo na iyon. Pinagdikit ko pa ang nasa screen at panyo, parehas na parehas talaga. Saka ko lang napagtanto na para siyang dollar sign pala iyon– nga lang baril ang nasa gitna at may mga usok sa taas na kulay pula.
Pinindot ko ang image na iyon at saka zinoom. Napasinghap ako nang makita crest na nakapaloob sa malaking S. Kung hindi mo siya tititigan nang maayos, hindi mo makikita ang crest na iyon. Logo nga talaga iyon.
Pinindot ko ang link at pinakita naman ang article tungkol doon. Kumunot ang noo ko nang mabasa na isa pala iyong mafia logo na base sa Italya. Hindi gaanong detalyado pero sapat para masagot ang tanong sa aking isipan.
Anong ginagawa nila dito sa Pilipinas? ‘Wag nilang sabihing dito sila maghahasik ng lagim?
Natigilan ako nang maalalang wala kong naramdamang tunog ng baril nang dukutin ako. Tanging panyo lang ang gamit niya talaga. Buti hindi nila ako pinatay.
Pero ano kaya ang pakay nila sa akin? Bakit naman ako ang kinidnap?
Para hindi mahalata, isasabay ko na sa araw-araw na trabaho ko ang pangangalap ng impormasyon tungkol sa organisasyon na iyon. Sinubukan kong hanapin sa system na nasa opisina namin pero wala man lang akong nakalap dito sa database namin.
Natigilan ako saglit. Kung nasa mataas na rank siguro ako, kaya ko sigurong ma-access ang mga classified information? Baka makatulong si Tatay! Tama! Malaki naman ang tiwala niya sa akin.
Kaya naman, nagpasya akong dumalaw sa ama ko kinabukasan, sa mismong opisina ni Tatay. Nagulat pa siya nang makita ako.
Ilang araw na kasi akong nakatira sa apartment na kinuha ko dahil sa misyon namin.
“This is the first time na napadalaw ka, anak. At ang aga pa. Hmm…”
“Sorry, ‘Tay. Pero may iniimbestigahan kasi ako. Pwede po ba akong humingi nang pabor?” Tumingin ako sa computer niya kaya nahulaan niya.
“Sure, anak. Kaso aalis ako papuntang Mindanao. Hindi kita mahaharap.”
Bigla akong nalungkot sa naging sagot ng ama kaya naalarma ang ama sa nakita. Ngumiti siya kapagkuwan pero ako napababa nang tingin.
Ilang sandali pa akong gano’ng position nang magsalita si Tatay.
“Love, come here.” Nang marinig ko ang boses ng aking ama ay nag-angat ako nang tingin sa kanya. May papel na siyang hawak. Nakangiti siya kaya napangiti na rin ako.
Hindi niya talaga ako matiis. Kahit naman si Nanay, family first talaga.
Bigla kong niyakap si Tatay nang makita ang sinulat niyang passcode sa isang system na gusto kong ma-access. May gusto akong tingnan doon, baka sakaling makatulong sa pag-iimbestiga ko.
“Sa bahay mo na ‘yan asikasuhin. ‘Wag dito, okay? Alam mo namang maraming mata sa hanay natin.” Mayamaya ay may binulong din siya sa akin mayamaya. “Patulong ka kay Ian kung may ipapa-imbestiga ka, mas mabilis ‘yon magbigay ng impormasyon.” Kasunod niyon ang kakaibang ngiti kaya pinanlakihan ko siya ng mata.
“Tatay!”
Kinurot niya ang pisngi ko. “Nagba-blush ka na naman.”
Napahawak tuloy ako sa aking pisngi. Namumula nga. Mainit, e. Lakas kasi mang-asar si Tatay pagdating kay sa akin.
PALABAS na ako noon ng opisina ni Tatay nang makatanggap nang tawag mula kay Ian.
“Bakit?” bungad ko kay Ian.
“Pangit ka rin,” sagot nito kaya pinatayan ko ng linya.
Ang aga-aga niya mang-asar. Wala ako sa mood dahil sa nangyari sa akin.
Napailing na lang ako at nagpatuloy maglakad.
Hindi ko pinapansin si Ian kapag gano’n. Saka hindi naman marunong maasar iyon dahil siya nga itong malakas mang-asar.
Akmang kukunin ko ang helmet nang tumunog ulit ang telepono ko. Nang makita ang pangalan ni Ian at kaagad kong pinindot ang cancel at ini-off.
Pinaharurot ko ang motorsiklo ko kapagkuwan pabalik ng Maynila. Dapat makabalik ako kaagad sa station. Though nagpaalam ako sa superior ko, ayaw ko pa ring mawala nang matagal sa opisina.
Akala ko, okay na pinatay ko ang telepono ko dahil kay Ian. Hindi pala. Dahil pagdating ko mismo sa labas ng istasyon ay nakaabang ang binata sa akin.
“Hi, pangit!” Kumaway pa ito. Nakalimutan yata niyang pulis ako at nasa harap siya ng istasyon namin.
“Anong ginagawa mo dito?” Sumandal ako sa motorsiklo ko pagkasabit ng helmet.
Palapit naman siya sa akin kaya hindi na ako umalis.
“Pinatayan ako ng pangit– I mean pinatayan mo ako ng linya kaya pumunta na ako dito.”
“Ano nga ang sadya mo dito?” ani ko imbes na patulan siya. Baka kasi makalimutan kong nasa labas ako ng istasyon.
Tumingin ako sa bagong sasakyan niya. Mukhang may bagong babae na naman.
Saglit na hinagod niya ako nang tingin. Nakaitim ako na leather leggings na hapit na hapit iyon kaya kita ang kurba ng aking baba. Nakasuot din ako ng leather jacket na kakulay ng ibaba ko.
Galing pa kasi ako sa apartment at inagahan ko talaga ang pag-alis para makausap ko si Tatay. Abala kasi siya, lalo na kapag hapon. Magbibihis naman ako sa owner jeep ko na nakaparada bago papasok. May uniporme ako doon. Tapos tinted naman ang salamin no’n kaya doon ako magbibihis mamaya.
“Daanan kita mamaya,” aniya.
“Highway ba ako para daanan mo? Gusto mo yata akong mamatay? ‘Yong totoo, Ian? Sabihin mo ‘yan sa Tatay at Nanay ko, kung gusto nila, sige, daanan mo ako,” ani ko sa naiinis na himig.
“Literal talaga?” Akmang kukurutin niya ang pisngi ko nang tapikin ko. "Ayoko ngang mawalan ng pangit."
Ngumiti siya sa akin kapagkuwan.
"Hindi kumpleto ang isang linggo ko kapag wala akong pangit na iniinis o nang-iinis sa akin." Kahit anong iwas ko sa kanya noon, siya itong dumadalaw sa amin o ‘di kaya dito sa istasyon.
Napataas ako ng kilay. "Umuwi ka na nga. Baka sasakyan mo ang daanan ko. Saka busy ako mamaya, kahit itanong mo pa kay Nanay." Nasabi ko kasi kay Nanay na doon ako kakain at tutulungan ko siya kako sa pagluluto. Na-miss na raw niya kasi ako.
Kinapa niya ang telepono sa bulsa niyang rugged jeans. May dinayal siya doon. Nakatingin siya sa akin matapos niyang dalhin sa tainga ang telepono.
“Hi, Ninang! Pwede ko po bang isama mamaya si Lexxie? Hmm. Opo. Sige po.” Ngumiti si Ian sa akin mayamaya. Kinagat pa niya ang labi kaya nag-iwas ako nang tingin. “Thank you, Ninang!”
Nakangiting binaba ni Ian ang telepono. “So, see ya?”
“Saan na naman ba kasi?”
“As usual, ZL Lounge.”
Napailing ako sa narinig. “Wala ka bang trabaho at nagyayaya ka na naman?”
“Meron. Matagal kasi akong mawawala kaya gusto ko kayong makasama. Hindi mo ba ako mami-miss?”
Saglit akong natigilan. “B-bakit, saan ka ba pupunta?”
“Italy.”
“H-hanggang kailan ka doon?”
“Maybe a month? Depende.”
“O-okay. Ingat,” ani ko na lang sa mahinang himig.
Nakangiti si Ian kaya napataas ako ng kilay.
“O, bakit?”
“Hindi ako sanay sa boses mo, pangit. Parang mas gusto ko ‘yong nagagalit ka,” may pang-aasar na sabi niya.
“Ewan ko sa ‘yo, Ian. Umalis ka na nga sabi at late na ako sa trabaho!” Tinalikuran ko na lang siya at pumunta sa owner jeep ko para magbihis.
“Kita-kits na lang sa Mcdo!” sigaw niya kaya nilingon ko siya at sinamaan nang tingin.
BAGO dumaan si Ian sa opisina ay tinawagan niya ako. Nakauwi na ako sa apartment kaya sinabihan ko siya na magkita na lang kami sa ZL Lounge. Alam kong aagahan niya ang daan kaya sinadya kong umuwi na. Hindi pa nga ako kumakain minsan, punta na daw kami sa kung saan man ‘yan. Kaya nga inuwian ko na agad ngayon. Ayokong uminom ng alak na walang laman ang tiyan. Akala niya siguro habit ko ang pag-iinom ng alak. Nakikisama lang ako sa kanila kaya gano’n.
Naligo ako pagkatapos kong kumain.
Saktong pumipili ako ng pantalon nang may kumatok sa pintuan ko sa baba. Hindi ko maiwasang kabahan. Bago pa lang ako dito kaya imposibleng magkaroon ako agad ng bisita.
Naka-underwear at bra lang ako kaya hindi ako pwedeng bumaba para pagbuksan kung sino man iyon. Kinuha ko ang laptop at binuksan para tingnan kung sino ang kumatok. Hindi pa kasi ako nakabili ng isang computer para maging monitor ko sana.
Hindi na ulit kumatok pero titingnan ko pa rin.
Nakatayo ako na hawak ang laptop habang nakatalikod sa may bintana. Hinihintay ko pang magbukas ang laptop kaya pinakiramdaman ko muna ang paligid. Sarado naman ang pintuan ng balcony kaya safe naman. May ininstall akong camera sa lahat ng sulok kaya makikita ko kung sino ang kumatok.
Nang tingnan ko ang screen, napakunot ako ng noo. Wala kasi akong makitang tao sa labas.
Akmang ibababa ko ang laptop sa maliit na mesa ko sa silid nang may narinig na pagtalon mula sa maliit na balcony ng apartment ko na iyon. Mabilis kong kinuha ang roba at binalot sa aking sarili. Kinapa ko rin ang ilalim ng mesa at kinuha ang baril. 0.5 caliber lang ang nilagay ko sa ilalim ng mesa dahil maliit din kasi ang mesa ko na iyon. At iyon lang ang sakto doon. Kalat naman ang baril ko dito sa loob. Meron sa closet, sa ilalim ng kama. Meron din sa baba sa may sofa, mesa, sa kusina at maging sa banyo. Hindi naman basta-basta mapapasok ang bahay dahil safe ang mga lock. Saka may alarm system.
Pumuwesto ako sa gilid ng bintana at sinilip ang balcony. Saktong patay ang ilaw sa loob ng silid ko at tanging lampshade lang ang tumatanglaw dahil nagbibihis ako. Gawa kasi sa salamin ang bintana kaya pinatay ko ang ilaw. Baka makita ako sa kabilang bahay habang nagbibihis. Sobrang nipis pa naman ng kurtina. Hindi ko pa napapalitan dahil wala pa akong time na magpalit.
Wala akong makitang tao kaya binalikan ko ulit ang camera para mag-review ng mga kuha.
Napakunot ako ng noo nang walang makitang pumasok. Pero may narinig talaga ako na kumatok maging ang pagtalon mula sa balcony.
Baka naman pusa lang ang tumalon kaya hindi nahagip ng camera? Hindi kaya? Imposibleng hindi makuha ng camera ko, ang laki ng storage no’n.
Hindi rin tumunog ang alarm. Kaya baka wala namang tao talaga. Eh ‘di, sana, tumawag na sa akin ang isang tauhan ng AO na malapit sa akin. Malalaman kasi nito kung may nakapasok dito.
Binilisan ko ang pagbihis dahil tumatawag na naman si Ian. Malapit na raw ito sa lugar ko. Ang kulit niya rin talaga. Maglalakad na nga lang ako hanggang labasan. Alam naman ni Ian na hindi siya pwedeng pumunta basta-basta dito dahil nasa misyon pa rin naman kami. Ang manmanan ang nag-iisang tao sa lugar na ito na pinaghihinalaang miyembro ng Markesa.
Nang makita ko ang sasakyan ni Ian sa ‘di kalayuan ay kaagad kong nilapitan. Hindi na bumaba si Ian dahil baka may makakita sa kanya dito.
“Kumain ka na?” tanong nito nang habang nagsusuot ako ng seatbelt.
Tumingin ako sa kanya. “Tapos na.”
“Okay.” Sabay paandar niya ng sasakyan.
Pinakiramdaman ko si Ian. Tahimik kasi niya bigla. Wala nang kasunod na pag-uusap. Dati, ang dami na nitong sinasabi.
Sabagay, kailangan niyang mag-focus sa pagmamaneho.
Malalim na buntonghininga ang pinapakawalan ni Ian mayama kaya napatingin ako sa kanya. Sa daan pa rin ang tingin niya.
“May problema ba?”
“Huh?” aniya nang balingan ako.
“Ang tahimik mo kasi.” Nang maalala ang girlfriend niya ay napatanong ako. “May problema ba kayo ng girlfriend mo?”
“Wala, pangit. May iniisip lang ako tungkol sa trabaho.” Tumangu-tango na lang ako.
Saktong pagdating namin ni Ian sa ZL Lounge ang pagdating ni Ezi at Callen. May nauna na raw, at nasa loob na ang ibang kaibigan.
As usual, dating pwesto namin sa taas ang pinuntahan namin. Sila DK at Dariel pa lang ang nandoon kaya magkatabi kami ni Ian na naupo. Pero aalis din ako mamaya sa tabi niya kapag dumating sila Laura.
"O." Sabay lapag ni Ian ng ladies drink.
"Bakit 'yan?" nagtatakang tanong ko.
Pero hindi ko na hinintay ang sagot niya. Kinuha ko ang baso niyang may lamang whiskey at tinungga iyon. Nakasimangot siya nang ibalik ko sa kanya ang baso.