Chapter 1

1046 Words
“Ano na naman ang naririnig ko riyan? Aba’y may bago ka na namang kinikerengkengan diyan, Susan?” susuray-suray na sabi ni Entong sa asawa. Kagagaling lang nito sa mga barkada nito sa kanto para makipag-inuman. “Nakow pare, mabuti at dumating ka. Baka mapaano itong bisita niyo sa asawa mo.” sulsol naman nitong si Berto sa kumpare niyang hilaw. Kumbaga ay kumpare lang sa sabi, dahil magkapit-bahay sila. Ganiyan lang naman silang lagi na mga taga Kalye Onse. Magbibiruan. Mag-aasaran. Kahit matatanda na ay nagkukulitan pa rin ang magkakapit bahay na ito. “Ikaw talagang Berto ka! Tsismoso ka talaga ng bayan. Umuwi ka na nga at naghihintay na ang asawa mong si Osang.” iritableng saad ni Susan. Kahit kailan talaga ay pakilamero ang Berto na ito. Parang ang asawa niyang si Osang na tsismosa rin ng bayan. Tatawa-tawa lang naman si Ulysses sa mga ito. Tila naaaliw sa mga bagong kakilala. Mukhang magtatagal siya sa lugar na iyon. “Teka nga at sino ba kasi itong mistisong ito?" inikutan siya ni Entong at tiningnan mula ulo hanggang paa. "Boy, anong pangalan mo?” tanong ni Entong kay Ulysses. Mukha lang namang bata si Ulysses pero nasa trenta y singko na ito. Muling napakamot ng ulo si Ulysses. Palibhasa ay baby face siya kaya napagkakamalan pa siyang bata at ganoon din naman kasi ang height niya na hindi katangkaran. “Ulysses ho. Ulysses De Vera.” sagot nito na may malapad na ngiti pa sa labi. Nanlaki naman ang mga malalaki nang mata ni Entong. Parang kaunti na lamang ay luluwa na ang mata nito. “Ano ‘ka mo? Ulysses? De Vera? Aba’y ikaw ba ang may-ari ng hotel riyan sa Terasa Ave? Aba’y kayaman naman nareng kaibigan ng anak natin. Bakit dito nito napiling tumira?” baling nito sa asawa at kay Berto na hindi pa rin naalis. Hindi ito aalis hangga’t may impormasyon pang makakalap. Iba talaga kapag tsismoso. “Nako, Mang Entong, hindi ho.” iiling-iling na sabi ni Ulysses. “Hotel Valet lang ho ako. Part-timer.” dagdag pa ni Ulysses. Napapaisip pa rin si Entong at inikutan pang muli nito si Ulysses. “Sigurado ka ba?” tanong ni Entong sa binata. “O-oho.” muli na naman siyang napakamot sa ulo. “Naku, Entong, Babe. Huwag ka nga riyan managinip. Nakita mo na ngang ka-trabaho iyan ng anak natin at bakit naman uupa iyan dito kung mayaman na siya. Nakow hindi niyan matitiis ang ingay ng mga tao rito.” awat naman ni Susan na may paglalambing dito. At alam na ang mangyayari mamaya kapag babe na ang tawag ni Susan sa asawa. “Dumale ka na naman diyan, Susan. Pang-labing isa na iyan ‘pag nagkataon.” sabat naman ni Berto. “Over ka naman, Berto. Pang apat pa lang. Aba'y tatlo pa laang ang anak ko e. Ay siya, umuwi ka na, Berto. Aasikasuhin ko na ang bisita namin." saad nito kay Berto at saka bumaling sa binata. "Halika, Ulysses. Akyat na tayo sa itaas nang makakain ka ng merienda.” sabi ni Susan saka iginiya nito si Ulysses paakyat sa matutuluyan nitong kwarto. “Susie! Parine ka nga anak at kumuha ka ng pancit canton sa tindahan. May bisita ang Kuya Billy mo.” sigaw nito sa anak niyang nagbabantay ng tindahan nila. “Uly na lang ho, Aling Susan.” sabi naman ni Ulysses habang naglalakad paakyat nang hindi kataasang hagdan. “Ay siya sige. Uly na kung Uly.” sabi nito sa binata. Pagkatapos ay iginiya na ito sa kwarto nito. Natuwa naman si Uly sa kwartong ipinakita ni Aling Susan. Ngunit sa tingin niya ay kuwarto ito ng kaibigan niyang si Billy. Ayos lang naman dahil alam niyang sa iba na ito nakatira dahil nag-asawa na ito. "Ano? Ayos na ba sa iyo ang kuwartong iyan?" tanong ni Aling Susan sa binata. Tatango-tango naman si Uly. "Ayos na ayos ho, Aling Susan. Maraming salamat ho." sabi pa ng binata. Pagkatpos ay inilibot ang paningin sa apat na sulok ng kuwarto. Hindi ito kalakihan ngunit hindi naman niya kailangan ng malaking espasyo dahil hindi naman siya mag-stay nang madalas sa loob ng kuwarto. Wala siyang balak magmukmok sa kuwarto. Ganoon pang mukhang maganda ang paligid at marami siyang ma-e-explore. "Siya, Boy. Ayusin mo na muna ang gamit mo at lumabas ka sa sala para kumain." sabi pa ni Aling Susan pagkatapos ay iniwan na ito ni Aling Susan. Agad namang pumasok ang binata sa kuwarto at pagkatapos ay isinara iyon. May kataasan ang bahay sa ikalawang palapag. May nag-iisang binata at may kabinet din. Tipikal na kuwartong nakikita niya sa mga paupahan sa telebisyon sa ganoong lugar. Saglit niyang binitiwan ang maleta niya pagkatapos ay sumilip sa bintana ng kuwarto niya. Tanaw mula roon ang kubo ng bayan at ang ibaba ng tindahan ng anak ni Aling Susan. Pati ang mga batang naglalaro sa lugar na iyon. Nagmasid siya sa paligid at mukha ngang maingay rito. Ngunit ayos lang sa kanya. Iyon nga ang mas maganda. No dull moments. Mas mabuti ang ganoon. Hindi siya makapagmumukmok. Mukhang bagong laba rin ang kurtina. Single bed lang ang naroon at kaunting espasyo para sa side table. Dilaw na bumbilya ang naroon. Naisip niya na ayos lang kahit mukhang lilimlimang sisiw siya kapag nakabukas iyon. Bihira rin naman niya iyong bubuksan. Iniayos na niya ang mga damit niya sa kabinet na maliit. May lagayan din ito ng naka-hanger na damit. Tila pinaghandaan ang pagdating niya. Natutuwa siya kay Billy dahil sariling kuwarto nito ang ibinigay sa kanya. Matagal na niya itong nakilala sa hotel. Kahit hindi sila ganoon ka-close ay ito ang kausap niya minsan. Nang matapos niyang ayusin ang mga gamit niya ay saglit siyang nagpahinga at nahiga sa kama. At nang makapagpahinga ay inihanda niya ang bayad sa upa. One-month advance at one-month deposit lang ang hiningi ni Aling Susan. Libre na ang kuryente at tubig. Hindi naman mayaman sina Aling Susan at Mang Entong ngunit nakararaos naman sila sa lugar na iyon. Tulungan ang mga tao at hindi mo mararamdaman na ibang tao ka. Lumabas na si Uly ng kuwarto at pagkatapos ay nagtungo na sa sala upang makilala ang iba pang mga tao roon. Ang mga anak ni Aling Susan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD