Prologue - Victims of Love

1027 Words
“Hi, Pogi!” sa rami ng dinaanan ni Ulysses na eskinita ay halos ganito ang bati sa kanya. At halos lahat ng mga ito ay mga bading o bakla kung tawagin ng iba. “Hi, Pretty!” malokong sagot naman niya sabay kindat dito habang patuloy na naglalakad para hanapin ang lugar ng address na nakasulat sa papel. Pakiwari niya ay malapit na siya sa lugar na hinahanap niya. “Ay winner! Pretty raw ako mga guysue. Hmm. Huwag na kayong kumontra mga chereret diyan. Panalo na ang bakla!” malanding sagot naman ng baklang ito na pangiti-ngiti pa sa binata. Nakatapis pa ito ng tuwalya habang nagdadampot ng sinampay niyang tila banderitas dahil sa iba’t ibang kulay nito. Muli pa siyang sumulyap dito sabay hawi nang kakauting bangs sa may bandang noo niya. Tila kinilig naman ang bading dahil sa ginawa niyang iyon. Nailing na lamang si Ulysses sa kulit ng bading na ito. Ilang hakbang pa ay narating na niya ang lugar na hinahap niya. Nang matapat siya rito ay huminto siya sandali. Pagkatapos ay sinipat niya ito mula itaas hanggang ibaba. Tatango-tango lamang siya sa hitsura nito. Mukhang kuntento na siya sa kanyang nakikita. Inilibot pa niya ang paningin sa paligid. Tumango-tango siya na tila nasiyahan sa nakitang kapaligiran. Muli niyang tiningala ang bahay. “Ayos! Puwede na.” bulong niya sa sarili na napalakas yata dahil biglang sumagot ang isang lalaking sa kanyang bandang likuran. “O, Boy! Ikaw ba iyong bagong lipat diyan kina Aling Susan?” tanong ng lalaki na agad naman niyang nilingon. Ito ay may kapayatan. Animo’y hindi nakaiinom ng tubig dahil mukhang dehydrated na. Tila isang hangin lang ay tiyak na matatangay na ito ng hangin. Napakunot ang noo ni Ulysses dahil sa sinabi ng lalaking ito ngunit ngumiti rin siya pagkatapos. “Oho eh. Sa totoo lang ho e lilipat pa lang ako ngayon.” napapakamot sa ulo na sagot niya rito. Naalala niya ang sinabi ng kasamahan niya sa hotel na ganoon daw talaga ang mga tao sa Kalye Onse. Talaga raw alam ng buong barangay kapag may bagong lipat o lilipat pa lamang sa barangay nila. Paano ay may kasabihan na ‘may tainga ang lupa, may pakpak ang balita.’ “Nako, Boy, pareho na rin iyon." agad na sabi nito. Napakamot naman muli ng ulo si Uly at napangiti nang pilit. "Teka nga at nang matawag si Susan. Ngayon pala ang dating mo e hindi man lang naghanda.” dagdag pa nito. Napaisip naman siya kung bakit maghahanda e uupa naman siya roon at hindi bisita. “Susan! Nandito na ang kaibigan ng anak mo! Aba’y nagbi-bingo ka na naman riyan!” sigaw nito sa babaeng lumabas ng pinto mga limang bahay mula sa kinatatayuan nila. Daig pa ng lalaki ang asawa ni Susan kung umasta. “At bakit ka ba sigaw ng sigaw riyan, Berto?” sigaw rin naman ni Aling Susan---ang babae na may-ari ng paupahan. May katabaan naman ang katawan nito. Kaya naman hirap na hirap itong lumabas sa pinto ng bahay ng kapitbahay nila. Kung tatantiyahin ay mukhang kuwarenta na ito sa edad niya at kung pagbabasehan ang mga linya sa mukha nito. Nang makita nito ang binata ay napatulala pa ito. “Aba’y ka-gwapo naman nire, Berto.” halos manlambot ang tuhod ni Aling Susan nang makita si Ulysses. Kulang na lang ay maglaway pa ito. Hindi naman alam ng binata kung paano magre-react kaya naman napakamot na lamang ng ulo ito. Tila parating mangangati ang ulo niya sa lugar na ito. Hindi dahil sa may kuto siya at kung hindi ay dahil sa kakaibang mga ugali ng mga taga rito. Bukod sa mahihilig sa magagandang lalaki ay mahilig din pumuri kahit hindi naman siya ganoon ka-gwapuhan sa tingin niya. “Nakow, Susan. Magtigil ka nga at nariyan na si Pareng Entong. Makakastigo ka na naman niyan eh.” sabi ni Berto na ang tinutukoy ay ang asawa nitong karpintero na ay lasingero pa na si Entong. Hindi naman ito nananakit talaga. Pagsasalitaan lamang siya nito. Linggo ngayon. At kapag ganitong araw ay abala ang mga tao. Hindi dahil may kani-kaniya silang trabaho. Kung hindi ay dahil sa mga extra-curricular activities nila. Hindi sa eskwelahan kung hindi ay sa mga kapitbahay at sa kalsada. At iyon ay ang mag-bingo, uminom ng alak at magtsismisan sa tindahan. Ang mga bata naman ay abala sa paglalaro sa labas ng bahay. Piko, tumbang preso at chinese garter. Napapangiti na lamang si Ulysses sa nakikita niya sa paligid ng squatter's area na iyon. Ayon sa mga napapanood niya ay marumi ito at maraming basurang nagkalat. Ngunit kaiba ito sa nakikita niya ngayon. Malilinis ang bata at may katabaan. Hindi naman lahat dahil mayroon ding mga marurungis. Dala siguro ng pagkain ng lollipop at ice candy. Punas dito at punas doon ng kanilang mga sipon. Kaya naman kapag natuyo ay nagiging tila uling sa pisngi nila. Natutuwa rin siya sa friendly environment nito. May pagtutulungan o bayanihan kumbaga. Katulad na lamang ng kapitbahay ni Aling Susan na nag-aayos ng kubo. Ayon sa narinig ni Ulysses pagdaan niya rito ay kubo ito ng buong barangay. Kahit sino ay maaaring tumambay rito. Pagkatapos ay sila-sila rin lang ang nag-ambagan. Paano ay may mga pangalan ito. Daig pa ang mga proyekto ng mga politiko na may mga pangalan. Minsan napapaisip ka na lang kung galing ba sa bulsa ng mga ito ang pinang-pagawa roon o galing sa kaban ng bayan. Kung titingnan mo ito ay may mga sari-sariling kontribusyon ang mga ito. Pa-pinto at bintana ni Berto at Osang. Pa-bubong ni Entong. Pa-sahig at pa-lupa ni Linda. Napaisip si Ulysses na malaki-laki sigurong sumahod ang nagngangalang Linda dahil dalawa ang pangalan niya sa kubo. O hindi kaya ay may asawa o kahati ito. Ngunit kung mayroon, sana ay naisama ang pangalan katulad ni Mang Berto. Hindi naman malabong hindi niya ito makilala dahil sa mga kapitbahay niyang tsismosa. Tiyak na makikilala niya rin ito sa mga darating pang mga araw. Bukod sa ilang pangalan ng mga ito ay may nakapaskil din na napakahabang listahan na laminated pa para sa mga pangalan na nag-ambag lamang ng pera.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD