Kabanata 13

1356 Words
Boris’ POV  Pagkatapos ng final drill, ramdam ko ang pagod na bumalot sa buong katawan ko. Nakatayo ako sa gitna ng training ground, pawisan at hinihingal habang tinitignan ko ang ibang mga aplikante. Lahat kami, lima ay nagbigay ng buong lakas para mapansin. Hindi ko alam kung sapat na ang ginawa ko, pero ang tiwala ko sa sarili ko ay mas malakas na kaysa noong nagsimula ako. Lumapit si Tito Rod sa amin, hawak ang isang clipboard. Nakasuot pa rin siya ng itim na polo shirt, mukhang seryoso gaya ng dati. Pero sa pagkakataong ito, alam kong ito na ang huling desisyon. Ito na ang oras kung sino ang mapipili bilang personal bodyguard ni Tanya. “Good job, boys,” simula niya habang iniisa-isa kami ng tingin. “Lahat kayo ay nagpakita ng galing at lakas sa iba’t ibang aspeto ng pagsasanay. Hindi ito madali, pero lahat kayo ay nagtagumpay.” Tumingin ako sa mga kasama ko—sina Marco, Jace, Vince, at Andrei. Alam ko na lahat kami ay may kanya-kanyang lakas. Si Marco, expert sa martial arts. Si Jace, mahusay sa paggamit ng baril. Sina Vince at Andrei, halos parehong bihasa sa tactical defense. Ako? Hindi ko alam kung saan ako pinakamahusay, pero ginawa ko ang lahat para maging balanse ang performance ko. “Pero gaya ng sinabi ko sa inyo mula sa simula,” patuloy ni Tito Rod, “isa lang ang pipiliin para maging personal bodyguard ni Tanya.” Napalunok ako. ‘Di ko maiwasang kabahan. ‘Di ko rin mapigilan ang pagtibok ng puso ko nang sobrang bilis habang hinihintay ko ang hatol. Tumigil si Tito Rod sa harapan namin at ibinaba ang clipboard niya. Nilingon niya ang mga magulang ni Tanya na nakaupo sa isang bench malapit sa swimming pool ng kanilang malaking hardin. Nakatingin sila sa amin nang seryoso. Nasa likod nila si Tanya na naka-pormal na damit, tahimik lang habang nakatingin sa akin. Hindi ko maipaliwanag pero sa tingin niya pa lang, parang gumaan ang kaba ko nang bahagya. “Ang napiling personal bodyguard ni Tanya ay si…” Napa-pausing pa si Tito Rod, parang gustong patagalin pa lalo ang tensyon. Tumingin siya ng diretso sa akin. “Boris.” Halos mapatigil ang paghinga ko. Tama ba ang narinig ko? Ako? “Congratulations, Boris. Ikaw ang napili ng pamilya ni Tanya.” Narinig ko ang mga palakpak mula kina Marco, Jace, Vince, at Andrei. ‘Di ko alam kung paano ako magre-react. Gusto kong tumalon sa saya, pero napako ako sa kinatatayuan ko. Para bang natupad na lahat ng paghihirap ko sa sandaling iyon. Lumapit si Tanya sa akin. “Congrats, Boris,” sabi niya na may ngiti sa labi. “Alam kong kaya mo ‘yan.” Ngumiti ako pabalik habang hindi pa rin makapaniwala. “Salamat, Tanya. Akala ko nga… akala ko ‘di ko kakayanin.” “Sa simula pa lang, nakatutok na rin ang mga magulang ko sa ‘yo. At magaling ka nga raw ayon sa kanila,” sabi pa ni Tanya. Napabuntong-hininga ako ng malalim, pakiramdam ko ay natanggal ang bigat na nakapatong sa mga balikat ko. Pero bago pa ako makapagsalita ulit, nagsalita si Tito Rod para sa iba. “Sa mga hindi napili, gusto kong ipaalam na hindi rin naman nasayang ang oras niyo. Kayo pa rin ang magiging bahagi ng security team ng pamilya ni Tanya. Hindi man kayo ang personal bodyguard ni Tanya, pero magiging bodyguard kayo ng mga magulang niya. Hindi rin maliit na responsibilidad ito.” Tumango sina Marco, Jace, Vince, at Andrei. Kahit papaano, masaya ako na hindi rin sila mawawalan ng trabaho. Hindi rin biro ang maging bodyguard ng mga magulang ni Tanya. Alam kong kaya rin nilang magtagumpay sa trabahong iyon. Pero masaya pa rin ako na ako ang napili ni Tanya. KINABUKASAN, nag-umpisa na ako sa mga responsibilidad ko bilang personal bodyguard ni Tanya. Unang araw pa lang, nakaka-pressure na. Habang nakatayo ako sa labas ng malaking gate nila, kasama ang iba pang security personnel, hindi ko maiwasang mapansin ang kakaibang damdamin na bumabalot sa akin. Hindi na ako ang dating Boris na nag-aapply lang ng trabaho. Pahinga na muna rin sa pagiging tattoo artist. Ngayon, ako na ang taong pinagkakatiwalaan ng buong buhay ni Tanya. “Ready ka na ba?” tanong ni Marco na ngayon ay nasa likod ng isa sa mga magulang ni Tanya. Tumango ako. “Siyempre. Ikaw?” “Okay lang. Medyo tahimik naman dito sa magulang ni Tanya,” sagot niya sabay ngiti. “Pero alam ko na mas demanding ‘yung trabaho mo. Si Tanya ‘yan eh.” Tama siya. Si Tanya nga. Isang pagkakamali ko lang at delikado na. Nag-umpisa ang araw na normal—binabantayan ko siya mula sa kotse habang papunta kami sa school niya. Hindi ko man lang nararamdaman ang oras, dahil kailangan kong tutukan ang lahat ng kilos niya. Bawat paglingon niya, bawat hakbang. Alam kong responsibilidad ko na siyang protektahan at hindi ko puwedeng sumablay. Minsan, naiisip ko kung bakit ba ako nandito. Mula sa isang simpleng tattoo artist na nasunugan ng shop, hanggang sa pagiging bodyguard ng isang tulad ni Tanya. Hindi ko inakala na dadating ang buhay ko sa ganitong sitwasyon. Pero wala nang atrasan, kailangan kong gawin ang lahat para patunayan na kaya ko ang trabahong ito. Isang gabi, habang pauwi kami mula sa isang event sa school nila, napansin ko na tahimik si Tanya. Hindi siya nagsasalita at tinitignan lang niya ang labas ng bintana ng kotse. “Okay ka lang ba?” tanong ko habang tinitignan siya sa rearview mirror. Nagulat siya nang marinig ang tanong ko. “Ha? Oo, okay lang ako. Medyo pagod lang.” “Pagod? Hindi ka naman mukhang pagod ah,” biro ko pero seryoso pa rin ang mukha niya. Tumango lang siya. “Boris, minsan naiisip ko... mabigat ba para sa’yo ‘tong trabaho mo?” Nagulat ako sa tanong niya. “Hindi naman,” sagot ko kahit pa minsan nararamdaman ko ang bigat ng responsibilidad. “Bakit mo naman naitanong ‘yan?” “Ewan ko,” sabi niya habang humihinga ng malalim. “Minsan lang, naiisip ko kung tama bang kinuha kita. Alam kong nahirapan ka sa training. Minsan naiisip ko kung dapat bang ginawa ko ‘yun.” Tumigil ako sa pagmamaneho nang sandali at humarap sa kanya. “Tanya, hindi mo kailangan mag-alala. Ginusto ko ‘tong trabaho. Alam kong mahirap, pero kaya ko. Kung hindi ako nag-training ng ganun, baka hindi ko rin makuha ang trabaho na ‘to. Salamat sa’yo at binigyan mo ako ng pagkakataon.” Nakangiti siya nang tumingin sa akin. “Basta, salamat din. Hindi ko lang talaga alam kung anong mangyayari kung wala ka.” Alam ko na kung bakit ganito siya. Dahil kahapon, muntik na kasi akong masaksak ng isa sa mga holdapper, mabuti na lang at daplis lang sa baywang ko. Iyak siya nang iyak nun kasi akala niya nasaksak na ako. Mabuti na lang at nasipa ko sa mukha ang holdpper, natumba siya at nabagok ang ulo. Sa huli, tinakbo siya sa ospital. Pero ang balita ko, nakulong na ‘to matapos magamot. Nagpatuloy ang biyahe namin pauwi, tahimik na pero mas magaan ang pakiramdam ko. Sa puntong ‘yun, na-realize ko na hindi lang basta trabaho ang pagiging bodyguard ni Tanya. Kasama doon ang tiwala at respeto sa isa’t isa. Pagdating ng bahay, agad akong bumaba at binuksan ang pinto para kay Tanya. Lumabas siya ng kotse at bago siya pumasok sa loob ng bahay, tumigil siya at tiningnan ako. “Bukas ulit, Boris?” Tumango ako. “Bukas ulit.” Minsan ay masungit, minsan suplada, minsan tahimik pero may araw na sobrang pure nung pagiging mabait niya. Tulad ngayon ang bait-bait niya, pero sa susunod, inaasahan na ko na magiging maldita na naman ‘to. Bumait lang ulit dahil sa nangyari sa akin kahapon. Ay, naku, masasanay din ako. Pero kahit pa paano, masaya ako kasi ang laki ng sahod ko. Katumbas ng sahod ko ang mga sinasahod ng mga OFW. Pero, delikado pa rin kaya deserve ko ang ganitong kalaking sahod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD