Kabanata 12

1309 Words
Boris’ POV Pagdating ko sa malaking gate ng bahay ni Tanya, inisip ko na ito na ang simula ng bago kong trabaho bilang personal bodyguard niya. Wala akong ideya kung gaano kalaki ang bahay nila, pero nakikita ko pa lang ang pader, parang mansion na talaga. Hindi ko pa rin makalimutan ang mga pangyayari noong nakaraang araw—’yung pagkikita namin ulit ni Tanya matapos ko siyang tulungan sa mga holdapper. At ngayon, heto ako, papasok na ako sa bahay nila, bitbit ang ideya na magsisimula na ako sa trabaho ko. Pero pagdating ko sa loob, nagulat ako sa nakita ko. Limang lalaki na pareho ng itsura—matitipuno, seryoso, at mukhang handa sa mga laban—ang nakatayo sa hardin. Ang una kong naisip ay… Hindi naman siguro ganito kahigpit magbantay ng isang tao? Pero nagbago ang ihip ng hangin nang magsalita ang isang lalaking nakabarong na mukhang boss dito. “Boris,” tawag niya sa akin, “Handa ka na bang sumabak?” Napatingin ako kay Tanya na tahimik na nakatayo sa gilid ng kaniyang ama ata. May kaunting ngiti sa kanyang labi pero alam kong seryoso ito. “Sumabak? Akala ko ba mag-start na ako bilang bodyguard?” tanong ko na parang medyo nalilito. Sumingit si Tanya. “Boris, hindi pa ito trabaho. Hindi ka pa opisyal na bodyguard. Bago ka mapili, kailangan mo munang mag-training. At hindi lang basta training. Dadaan ka sa seryosong proseso.” “Training?” tanong ko ulit habang tinitignan ang mga lalaki sa paligid. Lahat sila parang mga eksperto na sa larangan na ‘to. “Oo,” sagot ng ama ni Tanya, “At hindi lang ikaw ang nag-a-apply. Lima kayo. Kailangan mong patunayan na ikaw ang pinakamahusay.” Para akong binuhusan ng malamig na hangin. Hindi ko inaasahan na magiging ganito pala. Akala ko lang, dahil sa ginawa kong pagtulong kay Tanya, diretso na sa trabaho. Pero hindi pala gano’n kadali. “Kung gusto mo talagang maging bodyguard ni Tanya, kailangan mong dumaan sa serye ng pagsasanay. Hindi lang ito basta proteksyon, kailangan mong matutunan ang lahat—mula sa paggamit ng baril hanggang sa pakikipaglaban gamit ang kamay. Kailangan mong magtagumpay, Boris, kung hindi… iba ang pipiliin namin.” Napalunok ako. Seryoso sila. Hindi ko puwedeng isablay ito. “Tara na,” sabi ng isa sa mga lalaki, na halatang isa sa mga nagte-train. “Wala nang oras para magduda. Simulan na natin.” ANG UNANG ARAW ng training ay mas matindi kaysa sa inaasahan ko. Hindi pa man kami nakakarating sa training ground, naramdaman ko na ang bigat ng hinihingi sa akin. Limang oras ng pagtuturo sa tamang posisyon ng katawan, tamang paghawak ng baril, at iba’t ibang estilo ng pakikipaglaban. May pagkakataon na gusto ko nang sumuko. Pambihira, hindi ko alam na ganito pala kahirap ang maging bodyguard. Hindi sapat ang lakas ng katawan; kailangan ng disiplina at tamang teknik. Pero kapag naiisip ko si Tanya at kung ano ang naitaya ko para lang makuha ang trabaho, nawawala ang pagod ko. Naiisip ko rin na malaki ang magiging sahod ko dito. “Boris,” tawag ni Tito Rod, ang trainer namin sa baril. “Ito ang unang aral: Huwag mong iisipin na baril lang ang sandata mo. Ang katawan mo ang pinaka-importante mong armas.” Sumandal ako at hinanda ang sarili ko sa susunod na pagsasanay. “Subukan mo nga ‘to,” sabi niya habang iniabot sa akin ang isang maliit na baril. Hindi pa ako sanay sa mga ganito, pero dahil na rin sa pressure ng pagiging isa sa limang aplikante, ginawa ko ang makakaya ko. *Bang!* Tumama ang bala ko sa gilid ng target. Malayo sa gitna. “Huwag kang mag-alala, marami pang oras para mag-practice,” sabi ni Tito Rod pero alam kong kailangan kong magtagumpay. Nasa gilid ko lang ang iba pang mga aplikante at lahat sila ay mas magaling kaysa sa akin. Pagkatapos ng pagsasanay sa baril, dumiretso kami sa martial arts training. Si Kuya Ed naman ang nagtuturo. Grabe ‘tong tao na ‘to, parang pader kapag binangga mo. “Boris, hindi mo kailangan ng brute force. Gamitin mo ang balance ng katawan mo,” sabi niya habang pinakita niya kung paano tama ang tamang posisyon sa karate. Sumunod ako, pero siyempre, hindi ko agad nakuha. Puro tama ang nagawa ko noong una, at habang nararamdaman ko ang sakit sa katawan ko, naisip ko kung sulit ba talaga ‘to. Pero nang makita ko si Tanya na sumisilip mula sa bintana, biglang bumalik ang focus ko. Kailangan ko ‘tong tapusin para sa kanya. Para sa pagkakataong maging bodyguard niya. At para sa malaking pera na sasahurin ko. “Isa pa, Boris!” sigaw ni Kuya Ed. “Ulitin mo hanggang sa magawa mo nang tama.” Hindi ko na mabilang kung ilang beses ako nadapa, pero sa huli, natutunan ko rin ang ilang basic na galaw sa pakikipaglaban. At least, unti-unti na akong nag-i-improve. SA IKATLONG LINGO ng training, unti-unti ko nang nakukuha ang lahat. Natuto na ako ng tamang paghawak ng baril, tamang diskarte sa hand-to-hand combat, at natutunan ko na rin kung paano mag-control ng adrenaline sa gitna ng laban. Pero alam ko, hindi pa sapat. Lima kami dito at bawat isa sa kanila ay malayo na ang narating. Si Marco, isa sa mga kasama ko, halos parang militar na kung kumilos. Si Jace, naman, matapang at laging nasa unahan ng bawat sparring session. Isang gabi, lumapit si Tanya sa akin matapos ang training. “Kumusta ka?” tanong niya habang may halong ngiti sa labi. “Okay naman,” sagot ko habang medyo kinakabahan dahil alam kong may ibang binabalak ang mga magulang niya. “Pero, Tanya… sa totoo lang, nag-aalala ako. Paano kung hindi ako mapili?” Tinignan niya ako nang matagal bago sumagot. “Boris, alam kong hindi ka susuko. Kung sino ka ngayon, hindi lang dahil sa training. Alam kong malakas ka. Kaya ko nga ibinigay sa ‘yo ‘yung pagkakataong ito, ‘di ba? Hindi lang dahil sa tulong mo nung hinabol ako ng mga holdapper. Dahil nakita ko ‘yung kakayahan mo.” “Pero iba na ‘to, Tanya. Hindi lang basta laban sa mga holdapper.” Tumango siya. “Oo, pero naniniwala ako na kakayanin mo ‘to. Kaya dapat ikaw rin, maniwala ka rin sa sarili mo.” Ewan ko ba kung bakit nawala na ‘yung pagiging bulok ng bibig niya. Hindi na siya maldita. Hindi na rin iirap-irap. Dahil ba ‘to sa pagiging pogi ko na ulit? Oh, dahil mahilig siya sa mga lalaking malaki ang katawan? Hindi na ako nakasagot. Nakita ko ang tiwala sa mga mata niya, at ‘yon ang nagpahinga ng isip ko. Kailangan ko talagang galingan. Hindi lang para sa trabaho, kundi para kay Tanya. Hanggang sa dumating ang huling araw ng pagsasanay. Halos dalawang buwan ng walang tigil na pagod, pawis, at sakit sa katawan. Pero ngayon, nararamdaman ko na handa na ako. “Boris, handa ka na ba?” tanong ni Tito Rod habang tinuturo sa akin ang final drill. “Handa na, Tito,” sagot ko kahit na ramdam ko pa rin ang kaba sa dibdib ko. Ito na. Ito na ang oras para patunayan ko na kaya ko. At sa isang iglap, nagsimula na ang drill. Bawat galaw ko ay binantayan ng mga magulang ni Tanya at alam kong kailangan kong magpakitang-gilas. “Focus, Boris,” bulong ko sa sarili ko. Hinanda ko ang sarili ko at sa bawat pagputok ng baril at bawat suntok sa sparring, alam kong binigay ko ang lahat. Pagkatapos ng drill, tumingin ako sa paligid. Nakita kong nakangiti si Tanya. Alam kong kahit anong mangyari, ginawa ko na ang lahat. Ngumiti ako. Alam kong kahit hindi pa sigurado ang resulta, ipinakita ko na kaya kong maging bodyguard.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD