Boris’ POV
Ang araw na ito ay tulad lang din ng ibang ganap bilang personal na bodyguard na ako ni Tanya. Sanay na ako sa misyong bantayan si Tanya. Iyon lang at walang ibang dapat alalahanin. Pero habang papalapit kami sa isang malaki at mala-manisyong bahay para sa isang birthday party, dama ko na hindi magiging ordinaryo ang gabing ‘to. Lagi akong tahimik sa tabi niya, pero ngayon, may bigat na bumalot sa hangin na parang may mangyayaring hindi maganda. Ang mga ganitong kutob ko pa naman ay palaging tama.
“Boris, tandaan mo, huwag na huwag mong iiwan si Tanya, kahit anong mangyari,” bilin sa akin ng kanyang mga magulang bago pa kami umalis. Suking-suki na kasi si Tanya ng mga kidnapper at holdapper. Alam ko naman ang trabaho ko. Walang dahilan para magkamali pa ako, para saan pa’t nag-training ako ng sobrang tagal.
Nang makita ko ang isang mesa na puno ng alak, doon palang ay iba na ang kutob ko. Alam kong may mangyayaring hindi maganda, lalo na’t siraulo pa ang mga mayayamang ‘to kapag nalalasing.
Sa loob, halata ang kasayahan ng lahat. Nagniningning ang ilaw, tumutugtog ang malakas na music at ang mga bisitang naka-pormal ay halatang mayayaman. Sinundan ko si Tanya hanggang sa makakuha siya ng isang inumin sa kamay niya at nakipag-usap sa mga kaibigan. Kakarating lang, alak agad. Ako naman, nanatiling nakatayo malapit sa kanya na tahimik na nagmamasid.
“Boris, you can relax. You don’t have to stand like a statue,” biro ni Tanya na parang nahihiya na nakabuntot ako palagi sa kaniya. Pero ako, kahit gaano kasimple ang pagkakasabi niya, alam kong hindi ito ang tamang oras para maging kampante.
Nang magtagal, ilang mga lalaking kaibigan ni Tanya ang lumapit. Malalaki ang mga katawan at halatang lasing na. Nakangiti sila pero may kakaibang ngiti iyon na parang hindi ako gusto.
“Siya ba ang bodyguard mo, Tanya?” tanong ng isa sabay tingin sa akin mula ulo hanggang paa. Hindi ako nagpahalata pero ramdam kong hindi magiging maganda ang usapan nila.
“Oo, siya nga. Si Boris,” sagot ni Tanya nang walang malisya pero ako, alam kong iba ang mga titig nila sa akin. Tumabi ako ng kaunti para hindi ako masyadong pansinin pero tila lalo silang naintriga.
“Bodyguard ka pala, ‘no?” singhal ng isa sabay tapik sa balikat ko. Hindi ito isang kaibigan na basta lang nakikipagbiruan, ramdam ko ang bigat ng suntok na gustong niyang iparamdam sa akin. “Alam mo, dito sa party, wala namang mangyayari kay Tanya. Bakit hindi ka muna mag-relax, ha?”
Hindi ako sumagot. Wala akong karapatang sumagot at mas lalo akong hindi puwedeng mag-react. Sa isip ko, trabaho lang, walang personalan. Pero mahirap pigilan ang sarili, lalo na’t bawat tapik nila ay may bigat, bawat biro ay may patama.
“Alam mo, Boris,” sabi ng isa habang nilalapit ang mukha sa akin, “hindi mo ba napapansin? Para kang aso na palaging nasa tabi ni Tanya. Ano ka ba, walang sariling buhay?”
Napangiti ako nang kaunti, pilit na pinapanatili ang kontrol sa sarili ko. Pero sa loob ko, kumukulo na talaga ako. Gusto kong ilayo ang sarili ko sa kanila, pero hindi ko puwedeng iwan si Tanya, lalo na’t iniutos na huwag ko siyang lalayasan. Kaya nanatili ako rito kahit ano pang mangyari.
Biglang naging mas agresibo ang mga kilos nila. Isa sa kanila, siguro dahil sa kalasingan, tinulak ako nang malakas sa dibdib. “Ano, bodyguard? Puro ka lang ba tingin? Subukan mo ngang lumaban!” Sigaw ng isa sabay tawa naman ng mga kasama niya.
Lumingon ako kay Tanya, na tila abala pa rin sa pakikipagkuwentuhan sa iba. Hindi niya napansin ang mga nangyayari sa akin. Sa bawat hakbang ko paatras, tinutulak ako paharap. Hanggang sa hindi ko na kinaya, napikon na rin talaga ako.
“Tumigil na kayo,” sabi ko na may halong tensyon sa boses ko. Hindi na ako puwedeng manahimik, pero hindi rin ako puwedeng mag-eskandalo. Hindi ko dapat hayaan na lampasan nila ang limitasyon ng respeto, pero mas lalo kong hindi dapat guluhin ang gabing ito.
Pero hindi sila nakinig. Isa pang malakas na tulak ang naramdaman ko at halos matumba na ako. Hindi ko na mapigilan. Sinuntok ako ng isa, diretso sa panga ko. Napatingin ako kay Tanya, umaasang mapansin niya, pero masyado siyang abala sa mga kaibigan niya, hindi niya alam na nabubugbog na ako.
Sinipa ako ng isa sa tagiliran at doon na ako bumagsak sa lupa. Pero bago pa sila makapagtuloy, bumangon ako at lumaban. Isang suntok ang binitiwan ko at tinamaan ang isa sa kanila. Bumagsak siya, pero lalo lang silang nagalit. Apat silang sumusugod at kahit gaano ko subukang ipagtanggol ang sarili ko, damang-dama ko ang bawat suntok na ibinabato nila.
Sa gitna ng gulo, bigla kong narinig ang boses ni Tanya. “Boris! Ano bang ginagawa mo?!” sigaw niya.
Napahinto ang mga kaibigan niya at ako, hingal na hingal, basa ng pawis at dugo habang nakatingin sa kanya.
“Tanya, sila ang nauna,” sabi ko habang pilit na ipinapaliwanag ang nangyari. Alam kong tama ako. Sila ang nag-umpisa, sila ang nang-bully. Pero sa mga mata ni Tanya, iba ang nakita niya.
“Kaibigan ko sila, Boris! Bakit mo sila sinaktan?!” galit niyang tanong na halos hindi makapaniwala sa nakita.
Nanlumo na lang ako. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag na kahit kaibigan niya ang mga ito, mali ang ginawa nila. Pero sa ngayon, tila ako ang kontrabida. Nakakahiya, masakit at nakakabigo. Alam kong hindi ko sila dapat nilabanan, pero ano ba ang magagawa ko? Hindi puwedeng basta ko na lang hayaan ang sarili kong apihin.
“Boris, hindi kita sinama rito para makipag-away. Trabaho mo ang bantayan ako, hindi ang guluhin ang mga kaibigan ko!” dagdag pa niya.
“Pero, Tanya, sila ang nauna. Tinulak nila ako, sinuntok pa nga—” Pilit kong ipinapaliwanag ang nangyari pero hindi niya na ako pinakinggan. Lumakad siya palayo at naiwan akong nakatayo roon na tila binabalewala na ang lahat ng nangyari.
Tahimik akong sumunod kay Tanya palabas ng venue, bitbit ang mga gamit niya. Ang mga kaibigan niyang lasing ay nakatingin lang, nagtatawanan pa rin na tila nagtagumpay sa pangbu-bully nila sa akin. Hindi ko alam kung paano pa ako babangon mula sa gabing ito. Hindi ko alam kung anong susunod na mangyayari sa trabaho ko bilang bodyguard niya.
Pero sa ngayon, iisa lang ang malinaw sa akin… minsan, kahit gaano ka kagaling magbantay, mas madalas hindi mo kayang protektahan ang sarili mo sa sakit na hindi dulot ng suntok o sigawan—kundi dulot ng tiwalang nawala.