Tanya’s POV
Pag-uwi namin ni Boris sa mansyon, hindi ko siya kinakausap. Tahimik kaming nakasakay sa kotse. Nakapako ang tingin ko sa labas ng bintana habang pilit kong iniwasan ang kahit anong tingin sa kanya. Pilit kong pinipigilan ang mga emosyon ko—galit, inis, at pagka-asar. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan niyang makipag-away sa mga kaibigan ko. Pinahiya niya ako sa harap nila. Buwisit na buwisit ako. Gusto ko siyang sampalin. Gusto ko siyang suntukin din.
Pagdating namin sa bahay, agad akong bumaba ng kotse at dumiretso sa loob. Hindi ko man lang siya sinulyapan kahit segundo lang. Ramdam kong sumusunod siya sa akin, pero hindi ako lumingon. Sa isip ko, kung hindi siya nakipagsuntukan, hindi sana nauwi sa ganito ang gabi. Kakarating lang, napauwi tuloy agad ako.
Nang makarating ako sa kuwarto ko, naghubad ako ng sapatos at dumiretso sa kama. Kinuha ko ang cellphone ko at nag-scroll sa social media, pero kahit anong pilit ko, hindi ko magawang mawala sa isip ko ang nangyari kanina. Napabuntong-hininga ako at ibinaba ang telepono.
Habang nakahiga ako, hindi ko napigilang isipin kung ano ang nangyari talaga. Totoo nga bang sina Jake at ang iba pa ang nag-umpisa? Pero kaibigan ko sila. Kilala ko sila. Hindi sila ganoon. O baka naman lasing lang talaga sila at na-misinterpret ni Boris ang mga kilos nila?
Nang hindi ko na matiis ang katahimikan, bumangon ako at sumilip sa labas ng bintana. Nandoon si Boris sa gilid ng mansyon, tahimik na nakaupo sa isang bench malapit sa garahe. Hindi siya gumagalaw, nakayuko lang ang ulo at kitang-kita sa suot niyang uniform ang gulo ng kanyang itsura. Doon ko lang napansin—duguan pala ang mukha niya. Ang mga braso niya ay may mga gasgas, at ang kanyang uniform ay lukot-lukot, parang napunit.
May kirot akong naramdaman sa dibdib. Napaisip ako. Paano kung nagsasabi nga siya ng totoo? Paano kung talagang binully siya ng mga kaibigan ko? Bakit ba hindi ko siya pinakinggan kanina?
Mabigat ang loob kong bumalik sa kama. Kinuha ko ang cellphone ko at mabilis na nag-dial ng number. Kailangan kong malaman ang totoo. Tinawagan ko si Rina, ang may-ari ng bahay kung saan ginanap ang party. Saglit lang at sinagot niya ang tawag.
:Rina, puwede ko bang ipa-review ang CCTV footage ng party kanina?” tanong ko nang diretso at walang paligoy-ligoy pa.
Nagulat siya sa tanong ko pero hindi na ako nag-abala pang magpaliwanag. Sinabi niya na ipapa-check niya agad at tatawagan ako ulit.
Habang hinihintay ko ang sagot, nakatulala lang ako sa kisame, hindi pa rin mapakali. Hindi ko in-expect na magagawa ko ‘to, pero kailangan kong malaman ang totoo. Hindi ko kayang basta na lang tapusin ang gabi na ganito—na may tanong sa isip ko kung sino ba talaga ang mali.
Makalipas ang ilang minuto, nag-ring ang cellphone ko. Tumatawag na si Rina.
“Tanya, nakita na namin ang footage,” sabi niya at sa tono ng boses niya, alam ko na agad na hindi maganda ang sasabihin niya. “Boris... Boris was telling the truth. Nakita namin na una ngang tinulak siya ni Jake, tapos sumunod na yung iba. Sinubukan lang ni Boris na depensahan ang sarili niya.”
Tumahimik ako. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Bigla kong naramdaman ang bigat sa dibdib ko—hindi dahil sa galit, kundi dahil sa hiya at guilt. Paano kung si Boris nga talaga ang naging biktima ng mga kaibigan ko? Paano ko nagawang husgahan siya agad nang hindi man lang siya pinapakinggan?
“Salamat, Rina,” mahinang sabi ko sabay baba ng tawag.
Tumayo ako mula sa kama at lumabas ng kuwarto. Kailangan kong harapin si Boris. Kailangan kong malaman kung okay lang siya. At higit sa lahat, kailangan kong humingi ng tawad.
Pagdating ko sa garahe, nandoon pa rin si Boris, nakaupo pa rin sa bench na parang walang lakas na bumangon. Ang mukha niya, namamaga ang kaliwang pisngi at may dugo pa sa gilid ng kaniyang bibig. Ang suot niyang uniform ay marumi, puno ng alikabok at mantsa ng dugo.
Tumigil ako ilang hakbang mula sa kanya, pinipilit ang sarili na magsalita, pero parang naipit ang mga salita sa lalamunan ko.
“Boris…” mahinang tawag ko sa kaniya. Nilingon niya ako at sa unang pagkakataon simula nang mangyari ang gulo ay nakita ko ang lungkot at pagod sa mga mata niya.
“Anong kailangan mo, Tanya?” tanong niya habang malumanay ang boses, pero ramdam ko ang kirot sa bawat salita niya. Hindi na siya katulad ng dati—iyong maingat at tahimik na bodyguard na laging nakangiti kahit walang rason. Iba ngayon. May distansya sa pagitan namin na hindi ko maintindihan.
“H-humingi ako ng review sa CCTV kanina,” sabi ko na halos hindi ko makayang tingnan siya sa mata. “Nalaman ko na… na tama ka. Sila nga ang nanguna. Binully ka nila.”
Tahimik lang si Boris na nakatitig sa akin. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya, pero ramdam kong nasaktan ko siya ng sobra.
“Pasensya na, Boris,” dagdag ko, hindi ko na napigilan ang sarili kong humingi ng tawad. “Hindi kita pinakinggan. Inisip ko agad na mali ka. Hindi ko alam na… na ikaw pala ang naaagrabyado.”
Napayuko ako habang nahihiya sa sarili ko. Ngayon lang pumasok sa isip ko kung gaano kahirap ang naging sitwasyon para sa kanya. Ang trabaho niya ay protektahan ako, pero paano kung siya naman ang walang proteksyon? Paano kung siya ang napasama dahil lang sa mga maling akala ko?
“Okay lang, Tanya,” mahinang sagot ni Boris pero halata sa boses niya na hindi talaga okay ang lahat. “Trabaho ko ‘to, di ba?”
Pero alam kong hindi iyon lang. Hindi lang ito tungkol sa trabaho. Nasaktan ko siya hindi lang sa katawan, kundi pati na rin sa damdamin. At ang masakit, alam kong hindi ko na mababalik ang tiwala na nawala.
Nakakahiya talaga. Paano ko nagawang husgahan ang taong nagtatrabaho para sa akin, na hindi man lang binigyan ng pagkakataong magpaliwanag? Ang taong nakikipagsuntukan hindi para sa sarili niya, kundi para sa akin, para sa trabaho niya bilang tagapagbantay ko.
Huminga ako nang malalim at tumingin sa kanya. “Alam kong mahirap paniwalaan, pero talagang pinagsisisihan ko, Boris. Hindi kita dapat hinusgahan. At hindi mo dapat nararanasan ito.”
Tumayo si Boris mula sa bench, bumuntong-hininga siya bago tumingin sa akin. Hindi na siya nagsalita pa, pero ramdam ko ang bigat ng sitwasyon. Ramdam ko ang distansya na binuo ng maling akala ko at alam kong hindi ito basta-basta mawawala.
“Salamat,” tanging sagot niya bago siya tumalikod at dahan-dahang pumasok sa loob ng mansyon.
Naiwan akong nakatayo roon, tahimik at puno ng pag-iisip. Bakit ko ba nararamdaman ito? Bakit masyado akong affected sa nangyari sa kaniya? Bakit grabe naman ‘yung awa ko sa kaniya? Bakit ganito, ang weird?